Share

Kabanata 4

Lutang na lutang ang angking kagandahan ni Daniela sa suot niyang off-shoulder wedding dress na sadyang ipinatahi pa ng mommy ni Drewner sa isang sikat na couturier para lamang sa kanya. Hindi kasi ito pumayag na hindi ito ang gumastos para sa kanyang wedding gown kaya pinagbigyan na lamang ng kanyang mga magulang ang nais nito.

Simpleng makeup lang naman ang ipinalagay ng kanyang mommy sa mukha niya para hindi raw siya magmukhang matured tingnan. Magaling ang beautician na kinuha nito para mag-makeup sa kanya dahil napalabas nito ang ka-inosentihan ngunit sopistikada niyang hitsura. Ang kanyang buhok ay ipinusod paitaas at ginamit ng panali na may disenyong bulaklak at pagkatapos ay hinayaang maglaglagan sa gilid ng kanyang mga pisngi ang ilang maninipis na hibla ng kanyang buhok.

Napangiti si Daniela habang walang sawang pinagmamasdan ang hitsura niya sa harap ng human-size na salamin na nasa loob ng kanyang kuwarto. Ang tingin niya sa sarili ay para siyang prinsesa na ikakasal sa kanyang prinsipe. Hanggang ngayon na ikakasal na sila ni Drewner ay hindi pa rin siya makapaniwala. Para siyang nananaginip ng isang napakagandang panaginip. Pero kahit sa panaginip ay talagang hindi niya iniisip na ikakasal siya sa binatang lihim na niyang minahal magmula pa noong labin-limang taong gulang pa lamang siya at ito naman ay dalawampu't limang taong gulang na. Ngayon ay nais niyang pasalamatan ang nangyaring insidente sa pagitan nilang dalawa kahit hindi iyon sinasadya. Kung hindi dahil sa nangyari sa kanila ay hindi mangyayari ang inaasam niyang mangyari. Ang makasal kay Drewner Ramsel at maging Mrs. Daniela Sebastian-Ramsel.

"Daniela, handa ka na ba? Aalis na tayo. Baka naroon na sa simbahan sina Drewner at ang pamilya niya. Nakakahiya naman kung matagal natin silang papaghintayin," boses ng mommy niya mula sa labas ng pintuan ng kanyang kuwarto.

"Lalabas na po ako, Mom," pagkatapos tapunan ng huling sulyap sa salamin ang kanyang sarili ay agad na rin siyang lumabas sa kanyang kuwarto.

"Wow. Ang ganda-ganda naman ng anak ko," puno ng pagmamalaki ang tono ng boses ng mommy niya nang makita nito ang kanyang hitsura paglabas niya ng kuwarto at pagkatapos ay niyakap ng mahigpit.

"Siyempre naman. Mana kaya ako sa'yo," nakangiting saad niya matapos kumawala sa pagkakayak dito.

"O siya, tama na nga iyang pagbobolahan ninyong mag-ina. Umalis na tayo at baka naiinip na ang mga tao sa simbahan," biglang singit ng kanyang daddy. May hawak na itong susi ng kotse nila sa isa nitong kamay.

Pagkatapos sabihan ang beautician na sumabay na lang sa kanila papuntang simbahan ay tinulungan na siya ng kanyang daddy na hawakan ang dulo ng laylayan ng suot niyang wedding gown hanggang sa makapasok siya sa loob ng kotse nila na maghahatid sa kanila papunta sa simbahan. Paalis na sila nang makita niya si Lucy na nakatayo mula sa labas ng gate ng bahay nila. Bahagya siyang napakunot ng noo nang mapansin na nakasuot ito ng itim na damit sa halip na puting gown na pang-maid of honor. At may nakapaskil na makahulugang ngiti sa mga labi nito.

"Dad, sandali lang," saglit niyang pinahinto ang kanyang ama sa pagmamaneho ng kotse. Pagkatapos ay muli niyang nilingon ang kinaroroonan ni Lucy ngunit wala na ito sa kinatatayuan nito kanina. Hindi niya tuloy alam kung namalik-mata lang ba siya kanina at hindi naman talaga ang pinsan niya ang kanyang nakita kundi ibang tao. May babaeng naglalakad kasi sa tabi ng gate nila na nasa gilid ng kalsada at nakaitim din ng suot na damit.

"Bakit? May nakalimutan ka ba sa bahay, Anak?" nagtatakang tanong ng daddy niya matapos huminto sa gilid ng kalsada.

"Wala po, Dad. Para kasing nakita ko si Lucy na nakatayo sa labas ng gate natin, eh."

"Naku, excited nang maging Mrs. Ramsel itong anak natin kaya namamalik-mata na," nakangiting panunudyo sa kanya ng kanyang daddy matapos muling patakbuhin ang kanilang sasakyan.

Pinamulahan siya ng magkabilang pisngi sa sinabi ng kanyang ama. Ibinaling na lamang niya sa labas ng bintana ang kanyang paningin para hindi na niya makita ang nanunudyong tingin sa kanya ng daddy niya. Pero tama naman ito sa sinabing excited siya na maging Mrs. Ramsel. Iyon kasi ang nararamdaman niya ngayon. Magkahalong kaba at excitement.

***

Kanina pa kinakabahan si Daniela. Ten minutes nang late si Drewner sa nakatakdang oras ng kasal nila at nagsisimula nang umugong ang bulong-bulungan sa loob ng simbahan.

Pagdating nila kanina sa simbahan ay inaasahan niyang madaratnan na niya sa loob ng simbahan ang binata at naghihintay na lamang sa kanyang pagdating ngunit siya pala ang nauna. Wala pa pala ito sa simbahan at tanging mga magulang lamang nito at si Jerson ang nadatnan nila. Hindi siya nag-alala nang makitang wala pa roon ang binata ngunit ngayon ay sampung minuto na itong late ay nakaramdam na siya ng tensyon. Paano kung na-realized ni Drewner na hindi pala nito kayang magpakasal sa kanya at biglang umurong sa kasal nila? Ano ang gagawin niya? Anong sasabihin niya sa mga taong dumalo sa seremonyas dapat ng kasal nila? Anong mukha ang ihaharap niya sa mga kaibigan, kamag-anak at mga kakilalang naroroon para saksihan ang kasal nilang dalawa ng binata?

"Darating pa ba ang anak mo, Alejandro?" nagpipigil ng galit na tanong ng kanyang daddy sa ama ni Drewner. Kanina pa madilim ang mukha nito.

"Hindi ko alam, Fred. Nagkausap kami kagabi pero wala siyang nababanggit na uurong siya sa kasal," hindi naman malaman ng daddy ng binata kung paano sasagutin ang tanong ng kanyang daddy. "Tawagan mo nga ang kaibigan mo, Jerson. Tanungin mo kung nasaan na siya," baling nito sa kaibigang matalik ng anak nito.

"Yes, Tito Alejandro," agad namang tumalima ang binata at tinawagan ang cellphone ng kaibigan. Nakailang subok itong tumawag sa cellphone number ni Drewner ngunit hindi nito makuntak ang groom niya. "Nakapatay po ang cellphone niya, Tito." Nasa mukha ni Jerson ang labis na pagtataka. Tila may alam ito na hindi nito masabi-sabi sa kanila.

"May alam ka ba kung bakit wala pa rito ang magaling mong kaibigan," galit na tanong ng kanyang ama kay Jerson. Halatado na sa mukha nito ang galit na kanina'y pilit na itinatago.

"Wala po, Tito Fred. Basta ang alam ko ay imposibleng hindi siya sumipot sa kasal nila ni Daniela dahil—"

"Kung sisipot siya ay bakit wala pa siya hanggang ngayon?" mataas na ang boses ng kanyang ama nang muli itong magsalita. Hindi na nito alintana kung makita man ng mga taong naroon kung paano ito magalit. Hindi naman nakapagsalita si Jerson. Nanahimik na lamang ito pagkat hindi nito alam kung paano ipagtatanggol ang kaibigan gayong wala ito roon.

"Baka pinilit lamang si Drewner na ipakasal kay Daniela at talagang hindi niya kayang magpakasal kaya bigla siyang umatras," mahinang bulong ng kamag-anak nila na nakaupo malapit sa kanila. Kahit bulong lang ang ginawa nito ay umabot pa rin sa kanyang pandinig ang sinabi nito. 

"Parang shotgun wedding pala ito?" sagot naman ng kausap nito.

Napapikit si Daniela para pigilan ang pagsungaw ng kanyang mga luha. Parang pinipiga ang kanyang puso at tila balaraw na sumusugat sa kanyang puso ang mga salitang naririnig niya sa bibig ng kanilang mga bisita. 

"Napaka-walang hiya ng anak mo, Alejandro. Tandaan mo magmula ngayon ay tinatapos ko na ang pagkakaibigan nating dalawa!" nanggagalaiting sigaw ng kanyang ama sa kaibigan nitong ama naman ni Drewner. Mayamaya ay biglang napahawak ito sa tapat ng d****b na tila ba nahihirapang huminga.

"Dad, 'wag kang magalit. Kalma ka lang. Okay lang ako," aniya na biglang napalapit sa kanyang ama. Pilit niyang pinapatatag ang kanyang boses para hindi pumiyok. Ayaw niyang ipakita sa kanyang ama na sobrang sakit ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon dahil ayaw niyang mag-alala ito at muling ma-stroke. Pilit niyang itinago ang sakit kahit na ang totoo ay gusto na niyang humagulhol ng iyak para kahit paano ay gumaan ang kanyang pakiramdam. 

"Ang anak ko. Bakit nangyari ito sa'yo?" umiiyak namang sambit ng kanyang ina. Magkahalong pag-aalala para sa kalagayan ng kanyang daddy at awa para sa kanya ang nakalarawan sa mukha nito.

Pakiramdam niya ay sasabog na ang kanyang d****b sa tindi ng sama ng loob. Kailangan niyang mailabas ang bigat na kanyang dinadala dahil baka bigla na lamang siyang mahimatay sa harapan ng mga magulang niya at ng mga bisita kapag hindi niya nailabas ang kanyang nararamdaman. Naglakad siya palabas ng simbahan ngunit biglang napatigil nang tawagin siya ng kanyang mommy.

"Saan ka pupunta, Daniela?" nag-aalalang tanong nito sa kanya. 

Lumunok muna siya para hindi gumaralgal ang boses niya bago sumagot. "Magpapahangin lamang ako sa labas, Mom. Kailangan kong mapag-isa."

Pagkatapos niyang sabihin iyon ay dere-deretso na siyang naglakad palabas ng simbahan. Hindi na niya pinansin ang malakas na pagtawag sa pangalan niya ng kanyang mga magulang. Pagkalabas na pagkalabas niya sa simbahan ay hindi na niya napigilan ang kanyang sarili at bigla na siyang napahagulgol. Parang sinasaksak ng paulit-ulit ang kanyang puso. Hindi niya matanggap na nagawa siyang hindi siputin ni Drewner sa araw ng kanilang kasal. Bakit pinaabot pa nito ang araw ng kanilang kasal bago ito umurong? Hindi naman niya ipipilit ang kanyang sarili rito kung ayaw nitong pakasalan siya.

Walang tigil ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga pisngi habang naglalakad siya sa gilid ng kalsada. Wala siyang pakialam kung pinagtitinginan man siya ng mga nagdaraang motorista at mga taong naglalakad sa tabi ng kalsada Kahit nang nagsimulang pumatak ang ulan ay hindi siya huminto para sumilong. Wala na siyang pakialam kahit naghahalo na ang luha at tubig-ulan sa kanyang mukha at humuhulas na ang kanyang makeup.

Sobrang lakas ng ulan at tila ba nakikisimpatya sa kanya ang panahon. Inaayunan ang lungkot na kanyang nararamdaman. Nang makaapak ng lubak ay bigla siyang nadapa at napaupo sa maruming kalsada. Sa halip na tumayo ay nanatili siyang nakaupo at patuloy na umiiyak habang nakapikit ang mga mata. Wala siyang pakialam kung madumihan man ang mamahalin at puting-puti niyang wedding dress. Wala nang silbi sa kanya ang damit na iyon kaya bakit pa niya pag-aaksayang alagaan?

Akala ni Daniela ay tumila na ang ulan dahil bigla na lamang niyang naramdaman na hindi na siya nauulanan. Nang dumilat siya ay nakita niyang nakatayo sa tabi niya si Lucy na may hawak na payong at nakalagay sa itaas ng kanyang ulo. 

"Sabi ko naman sa'yo, Daniela. Baka hindi matuloy ang kasal ninyo dahil baka may girlfriend si Drewner at ito ang kanyang pinili," wika ni Lucy. Pumantay ito ng upo sa kanya at pagkatapos ay binulungan siya. "Akala mo kasi makukuha mo mula sa akin si Drewner ngunit nagkamali ka."

"A-anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong niya. Hindi niya ini-expect na ganito ang ugaling ipapakita sa kanya ng pinsan niya matapos nitong makita ang nangyari. At napansin din niya na suot nito ang damit na nakita niya kanina bago sila nagpunta sa simbahan. So, ibig sabihin ay hindi lamang siya namalik-mata kanina kundi totoo talagang nakita niya itong nakatayo sa labas ng gate nila at may makahulugang ngiti sa mga labi. Dahil alam pala nito na ganito ang kalalabasan ng kasal nila ni Drewner.

"Hindi ko na kailangang magpaliwanag pa sa'yo, Daniela. Matalino ka naman kaya ikaw na ang bahalang mag-analize ng sitwasyon at kung ano ang nangyayari. At para makatulong para ma-analize mong mabuti kung ano ang nangyayari ay tingnan mo ito," mula sa bulsa ay kinuha nito ang cellphone at ipinakita sa kanya ang litrato nito at ni Drewner na parehong walang pang-itaas na saplot at magkatabing nakahiga sa kama. "Kagabi lang 'yan," nakangising dagdag pa nito.

Pakiramdam niya ay biglang gumuho ang kanyang mundo nang makita niya ang mga larawan nito at ni Drewner. Lalong nadagdagan ang sakit na kanyang nararamdaman nang mga sandaling iyon. Nahiling niya na sana ay bumuka ang lupa at lamunin siyang bigla para hindi na niya maramdaman ang sobrang pighati. Bakit? Bakit ang lupit ng tadhana sa kanya? Pinaglaruan at pinaasa siya ng dalawang taong malapit sa kanyang puso. Sa sobrang pagdadalamhati na kanyang nararamdaman ay biglang nagdilim ang kanyang paligid. Pagkatapos niyon ay wala na siyang namalayan pa na kahit ano sa kanyang paligid.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status