Share

Kabanata 5

Isang malakas na pag-iri ang ginawa ni Daniela bago narinig sa maliit na silid ang malakas na palahaw ng isang bagong silang na sanggol.

"Congratulations, Daniela. It's a healthy baby girl," masayang pagbabalita sa kanya ng babaeng  doktor na isang Amerikana. "Wait. The other baby is already coming out."

Isa pa uling iri ang ginawa ni Daniela at muling nakarinig ng malakas na pagpalahaw ng sanggol sa silid na iyon. Ngayon ay tila nagpapalakasan ang dalawang bata kung sino sa kanilang dalawa ang may pinakamalakas na boses sa pag-iyak.

"Congratulations, Ms. Alacosta. You have two healthy and beautiful babies," natutuwang wika naman ng isa pang doktor na kasamang nagpaanak sa kanya. Ms. Alacosta ang tawag nito sa kanya dahil nakita nito siguro sa finil-upan niyang documents na wala siyang asawa.

"Thank you. Thank you all for helping me to delivered my babies," naluluha niyang tugon sa mga doktor. Pagkatapos ay buong pagmamahal na tiningnan ang kanyang kambal habang nililisan ang mga ito ng mga doktor. Mayamaya lamang ay inilapit na sa kanyang tabi ang dalawa niyang baby.

"Look how  cute your babies," hindi napigilang komento ng doktor.

Hindi napigilang tumulo ng mga luha ni Daniela habang nakatingin sa mga inosenteng mukha ng dalawa niyang anghel.  Kung noong nalaman niya na buntis siya ay tila siya pinagsakluban ng langit at lupa, ngayon naman'y pakiramdam niya'y binigyan siya ng langit ng dalawang biyayang anghel.

***

"Gigi! Bilisan mo at baka ma-late tayo sa church," malakas na tawag ni Daniela sa kasama niya sa bahay. Hindi na ito umalis sa poder niya at naging yaya na ng kanyang kambal na sina Denise at Dhalia.

First birthday ngayon ng kanyang kambal. Magsisimba sila sa Catholic church doon tapos kakain lamang sila sa labas at ipapasyal niya ang mga bata. Wala naman siyang mga kaibigan o kakilala sa states na may mga anak na puwede niyang imbitahan. Saka na lamang siya maghahanda kapag nasa Pilipinas na sila.

Balak ni Daniela na umuwi sa Pilipinas pagkatapos ng birthday ng kambal niya. Doon na lamang niya ipagpapatuloy ulit ang kanyang pag-aaral. Mabuti sa Pilipinas ay may mag-aalaga sa kanyang kambal dahil naroon ang mga magulang niya. Speaking of her parents, na-shock ang mga ito nang nalaman na nagbunga ang nangyari sa kanila ni Drewner. Una ay nagalit ang daddy niya dahil itinago niya sa kanila ang pagbubuntis niya ngunit sa kalaunan ay nanaig pa rin ang pagmamahal sa kanya at napatawad siya sa ginawa niya.

Gusto sanang pumunta ng mga magulang niya sa states para magkakasama sila sa kaarawan nina Dhalia at Denise ngunit pinigilan niya. Ang sabi niya ay uuwi rin naman na sila sa Pilipinas pagkatapos ng birthday kaya hindi na kailangang pumunta ng mga ito sa states.

Paglabas ni Gigi sa kuwarto nito ay agad niyang binuhat si Denise at nauna nang lumabas ng apartment niya. Lumabas siya ng gate at sinilip kung parating na ba si Anton. Kaibigan at nag-iisang ninong ng kanyang kambal ang binata habang si Gigi naman ang tumayong ninang.

Naging malapit niyang kaibigan si Anton pagkatapos niyang manganak sa kambal niya. Sa ospital kasi sila nagkakilala. Kasabayan niya kasing nanganak ang kapatid nito at nakasama rin niya ng ilang araw sa iisang kuwarto. Doon nag-umpisa ang pagiging mabuti nilang magkaibigan.

"Isa pa iyang Ninong Anton mo. Usapan namin ay nine ng umaga pero magna-nine thirty na ay wala pa," kausap niya kay Denise na biglang ngumiti na akala mo'y naiintindihan talaga ang kanyang sinabi.

Napakunot ang kanyang noo nang makita ang isang itim na van na huminto sa tapat niya. May bisita ba siyang darating? Wala naman soyang inimbita dahil wala naman siyang mga kaibigan at kakilala rito maliban kay Anton. Lumabas ang dalawang lalaki na parehong matangkad at  maskulado ang pangangatawan.

"Ikaw ba si Daniela Alacosta?" matigas na tanong ng isa sa dalawang lalaking lumapit sa kanya.

Pilipino? Ano naman kaya ang kailangan nila sa akin?

"Oo ako nga. Bakit? Anong kai—" hindi na niya natapos ang kanyang sasabihin dahil bigla na lamang tinakpan ng lalaki ang kanyang bibig gamit ang isang panyo. Sapilitan namang kinuha ng isang lalaki ang karga-karga niyang si Denise na biglang pumalahaw ng iyak. Tila naramdaman ng anak niya na nalalagay sa panganib ang buhay nilang mag-ina.

Hindi na siya nakapag-pumiglas pa nang makita niyang nauna nang isinakay ng lalaki sa loob ng sasakyan si Denise.

"Sino kayo? Ano ang kailangan ninyo sa amin ng anak ko?" galit niyang tanong. Labis na pag-aalala para sa kaligtasan ng kanyang anak ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.

Ngumisi ang lalaki matapos siyang hagurin ng malisyong tingin. "Sayang, maganda ka pa naman. Kaso pinapadispatsa ka na agad sa amin ni Boss dahil ang anak mo lang ang kailangan niya."

Nanlaki ang kanyang mga mata sa narinig. Di yata't balak siyang patayin ng mga ito at kunin ang anak niya. Hindi niya mapapayagang mangyari iyon. Kailangan nilang makalabas ni Denise sa sasakyang iyon. Ngunit paano niya iyon magagawa gayong malaking tao itong katabi niya at ang anak niya ay naroon sa unahan katabi ang driver na malaking tao rin?

"Patahimikin mo nga ang batang iyan at nakukulili na ang tainga ko sa boses niya," galit na utos ng lalaking katabi niya sa lalaking nagmamaneho. Magmula kasi nang isinakay sila sa van na iyon ay walang tigil sa pag-iyak ang anak niya.

"Hoy! Tumigil ka!" sigaw ng driver sa anak niya na mas lalo lamang lumakas ang pag-iyak. Maliban sa natakot si Denise sa malakas na boses ng lalaki ay hindi rin nito kilala ang mukha ng kaharap kaya ito umiiyak. At siyempre, dahil hinahanap siya.

"Huwag mong sigawan ang anak ko!" galit niyang sita sa driver. Anong karapatan nito para sigawan ang anak niya? Siya nga kahit isang beses ay hindi pa niya nasigawan ang isa sa kambal niya tapos ang walang hiyang lalaking ito ay gano'n-gano'n lang kung sigawan ang anak niya.

"Tumahimik ka!" galit na bulyaw naman sa kanya ng lalaking katabi niya.

Nakaramdam siya ng takot ngunit hindi niya ipinahalata. Hindi iyon ang oras para magpadala siya sa takot na kanyang nararamdaman. Kailangan niyang iligtas ang anak niya. Kailangan niyang makaligtas lalo pa't siya pala ang puntirya ng dalawa. Kailangan niyang makaligtas para sa dalawa niyang anak.

"Ayaw mong tumigil, ha?" kinuha ng driver ang isang t-shirt na nakapatong sa dashboard at pilit na ipinasak sa maliit na bibig ng kanyang anak.

Nanlaki ang mga mata niya sa nakitang ginagawa ng lalaki sa anak niya. Bigla siyang dumukwang at pinagsasabunutan ang nabiglang driver.

"Hayop ka! Bitiwan mo ang anak ko!" kalmot at sabunot ang inabot sa kanya ng driver. Hindi nito inaasahan ang ginawa niyang pag-atake rito kaya nawalan ito ng control sa pagmamaneho. Muntik na silang mabangga sa papasalubong na sasakyan kung hindi lamang nito mabilis na natapakan ang preno para huminto.

Natigil siya sa pag-atake sa driver nang bigyan siya ng malakas na suntok sa sikmura ng lalaking katabi niya. Kinapos siya ng paghinga at namilipit sa upuan dahil sa sobrang sakit na kanyang naramdaman.

"Iyan ang napapala ng matapang na babaeng katulad mo," pagkasabi niyon ay binigyan siya ng isa pang suntok sa kanyang sikmura. Dahil do'n ay nagdilim ang kanyang paningin. Ngunit bago pa siya tuluyang nawalan ng malay ay nakita niya ang biglang pagbukas ng pintuan at ang pagpasok sa loob ng sasakyan ng isang babae na tila pamilyar sa kanya. Ngunit hindi na niya nakita pa ang mukha nito dahil tuluyan na siyang nawalan ng malay.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Bebits Piedad
kainis lahat nlang ng nababasa ko lagi nakalock ,, hindi ko matapus dahil kailangan ng coins,,,
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status