Share

Chapter 5

Seraphina's POV

"Sino po 'yong matandang babae kahapon?" tanong ko kay Sister Teresa, habang dahan-dahan kaming naglalakad sa mahabang pasilyo ng simbahan. Ang mga hakbang namin ay umaalingawngaw sa katahimikan ng lugar.

Suot namin ang aming mga uniporme bilang madre, simpleng puting damit na may tabing sa ulo. Kahit na unang araw ko pa lang, ramdam ko ang bigat ng responsibilidad ng pagiging madre. Pero sa kabila ng kaba, may halong excitement pa rin akong nararamdaman .

Matagal ko rin kasi itong pinangarap, ang makapagsilbi sa Panginoon sa ganitong paraan, kaya't hindi ko mapigilang makaramdam ng saya.

"Sino?" tanong ni Sister Teresa, tila nag-iisip habang patuloy kaming naglalakad.

"Yung tinawag po akong Calista," sagot ko, habang pilit na inaalala ang mga nangyari kahapon.

Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ako, bahagyang kumunot ang kanyang noo sa pag-aalala. "Ahh, si Sister Luisa, 'yong nasa wheelchair kahapon?"

"Opo," pagtango ko. "Sino po ba 'yong Calista?" muling tanong ko. Hanggang ngayon kasi hindi pa rin matanggal sa isip ko kung sino siya at kung bakit kami magkamukha. Baka kasi magkamag-anak kaming dalawa o pinsan kaya magkahawig ang mga mukha namin.

Napatigil muli si Sister Teresa, tumingin siya sa akin ng diretso.

"Calista..." mahina niyang sambit, na para bang sinasariwa sa alaala ang pangalan. "Matagal nang wala si Sister Calista. Siya yung pinakabatang naging madre noong unang panahon. Kung iisipin magka-edad kayo nang magsimula siya sa paglilingkod sa diyos."

"Matagal na po?" tanong ko dulot ng pagka-intriga sa mga sinabi ni Sister Teresa.

"Oo," sagot ni Sister Teresa, "Ilang taon na ba? 1977 pa raw 'yon nangyari eh,"

1977? Ang tagal na pala tapos naaalala pa ng matandang iyon nag mukha ni Calista. Hindi kaya, nagkamali lang siya?

"Ano po bang nangyari? tsaka paano nakilala ni Sister Luisa si Calista noong panahon na 'yon? Sa tingin ko po ay hindi pa Madre si Sister Luisa noong panahong iyon,"

"Hindi ko rin alam kung totoo ito, simula kasi raw ng gabing 'yon parang nabaliw si Sister Luisa kaya hindi kami sigurado kung totoo ba ang usap-usapang ito. Pero ang usap-usapan nila simula noon ay sinapian raw ng higit sa isang demonyo itong si Sister Calista at pinatay ang mga madre at ang pari na nagsasagawa ng eksorsismo sakaniya," paliwanag ni Sister Teresa.

Hindi ko alam kung bakit, pero parang may malamig na hangin na dumaan sa akin habang naririnig ko ang mga salitang iyon. Kung ganoon, imposibleng magkamag-anak kami. Pero bakit niya ako tinawag na Calista? Tsaka ano kaya ang totoong nangyari sa gabing isinagawa ang eksorsismo kay Sister Calista?

"Dito, dito isinagawa ang eksorsismo," tugon sa'kin ni Sister Teresa pagkatapos niyang huminto sa isang pintuan sa likod ng malaking altar ng simbahan. Binuksan niya ito at bumungad sa amin ang madilim na silid.

"May cellphone ka ba?" tanong niya bago siya pumasok.

"Opo,"

"Turn on mo, flashlight ng cellphone mo. Wala na kasing ilaw dito," tugon niya sa akin.

Kinuha ko ang cellphone mula sa aking bulsa at, gaya ng sinabi ni Sister Teresa, ginamit ang flashlight nito. Nang magbigay ng liwanag ang cellphone, unti-unti naming naaninag ang hagdanang pababa na natatago sa loob ng silid.

"Dahan-dahan sa pagbaba, matagal nang abandonado ang silid na ito. Marupok na ang hagdanang ito," paliwanag niya.

Naunang pumasok si Sister Teresa sa loob ng silid na mukhang papunta sa isang underground basement. Sa unang hakbang niya pa lang pababa sa hagdan, umuugong na ang lumang kahoy, na parang ano mang saglit ay puwede itong mag-collapse.

"Mag-ingat ka, Sister Seraphina," paalala niya.

Habang sinundan ko siya, naramdaman ko ang pagkabahala at nagdalawang isip ako kung susundan ko pa ba siya. Ang liwanag mula sa cellphone ko ay nagbibigay lamang ng kaunting sikat sa madilim na pasilyo, kaya't bawat hakbang namin ay parang isang pagsubok sa tibay ng hagdanang gawa sa kahoy .

"Sigurado po ba kayong ayos lang pumasok dito?" tanong ko.

"Oo, h'wag kang mag-alala," sagot niya.

Matapos ang ilang minuto ng maingat na pagbaba, nakarating kami sa ibabang bahagi ng hagdanan. Ang lugar ay mukhang matagal nang hindi pinapansin, ang hangin ay malamig, mausok, at maalikabok. Ang mga dingding ay may mga lumang simbolo at alikabok.

"Dito isinagawa ang eksorsismo ni Calista," wika ni Sister Teresa. Lumingon ako sa kanya at itinutok ang sinag ng flashlight ko sa harap ni Sister Teresa, kung saan makikita ang mga alikabok ng sunog na kahoy at malalaking kadena.

Hindi ko alam kung bakit, pero bigla na lang tumulo ang luha ko. Parang ramdam ko ang sakit ng mga pangyayari dito.

"Sister Teresa," rinig naming tawag ng isang babae kay Sister Teresa.

"Saglit lang," sagot ni Sister Teresa.

"Babalikan kita, dyan ka lang ha" dagdag niya bago siya umalis.

Napabuntong hininga ako nang umakyat si Sister Teresa sa hagdan at lumabas. Hindi na maganda ang pakiramdam ko dito, kaya buti na lang at may tumawag sa kaniya.

Nang sumunod ako kay Sister Teresa, biglang sumagi sa akin ang matinding kaba nang magiba ang tinatapakan kong hagdan.

"Muntik na, sabi ko na nga ba eh. Mali talaga na pumasok kami dito. Sa tunog pa lang ng hagdan ay alam ko nang bulok na ito."

Muntik akong mahulog nang biglang naputol ang isang bahagi ng baytang sa ilalim ng paa ko. Naramdaman ko ang matulis na kahoy na dumaan sa aking binti, dulot ng nabaling bahagi ng hagdan.

"Ahh," daing ko.

Dahil sa gulat at pagkawala ng balanse kanina, nabitiwan at nalaglag ang cellphone ko sa ilalim ng hagdan, at mukhang nasira ito dahil sa pagbagsak. Nawalan ng ilaw mula sa flashlight, kaya't hindi ko na masilayan ang paligid ko. Nasa kalahati pa ako ng mahabang hagdanan, kaya nababahala ako na baka tuloy-tuloy na masira ang hagdang ito.

Ipinilit kong panatilihin ang aking balanse habang ang mga kamay ko ay sinubukang hawakan ang anumang mahawakan sa paligid upang hindi tuluyang madulas. Ang bawat tunog ng umaalog na kahoy at ang malakas na alingawngaw ng mga nabasag na bahagi ay nagpatindi sa aking kaba.

"Ahh!" sigaw ko nang hilahin ako ng grabidad patungo sa sahig pagkatapos tuloyang mag-collapse ang buong hagdan. Kasama ng tunog ng pagbitak ng mga kahoy ay sumunod naman ang malakas na tunog ng pagbagsak ko sa sahig.

"Aray!"

Sobrang bigat ng aking paghinga at ito lang ang tanging naririnig ko dito sa madilim na silid.

"Sister Teresa!" sigaw ko.

"Layratus... ghurakde... vudra.."

Nagsalubong ang mga kilay ko habang paulit-ulit kong naririnig ang mga hindi maintindihang salita, na tila umaalingawngaw sa aking mga tenga. Ako lang naman ang nadirito, bakit parang maraming bumubulong sa akin?

"Sister Teresa!" sigaw ko, naguguluhan.

"May tao ba diyan?" tanong ng isang babae mula sa labas.

"Tulong! Tulungan mo ako, please!" pagmamakaawa ko.

Isang malakas na sinag ng ilaw mula sa flashlight ang tumama sa aking mukha, dahilan upang mapapikit ako sa sakit.

"Diyos ko! Anong nangyari? Bakit ka nandiyan?" tanong ng babae na lumapit.

"Tulong po!" sigaw ko ulit.

"Teka lang, Ija, hihingi ako ng tulong," sagot niya.

Umalis siya at maya-maya, bumalik na may kasama nang mga lalaki na may dalang hagdanan na gawa sa kahoy. Kahit na masakit ang katawan ko, agad akong umakyat sa hagdan. Nang makalabas ako, nakita ko ang matandang madre na nag-interview sa akin noong nakaraang araw.

"Maraming salamat po!" wika ko.

"Anong nangyari? Bakit ka pumasok doon? Eh matagal nang walang pumapasok sa silid na yon," wika niya na may halong pag-aalala sa boses.

"Sinamahan po akong maglibot ni Sister Teresa, siya po ang nagdala sa'kin doon," paliwanag ko na ikinatigil ng madreng kausap ko.

"Sinong Teresa?" tanong niya na ikinalito ko.

"Yung madre po dito," sagot ko.

"Ija, matagal na kong madre dito. Pero wala akong kilalang madre na nagngangalang Teresa."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status