Share

3

Chapter 3

Bumaba man ang lagnat ni Kristal ay hindi pa rin siya makakauwi. Sabi ng doktor ay nagkaroon daw siya ng bacterial infection na nag-c-cause ng inflammation sa  kaniyang katawan. Kailangan pa siyang obserbahan kaya mananatili pa muna siya ng dalawa pang araw sa hospital.

Gabi na nang dumating ang ate ni Kristal, si Maurice. Makikita mo rito ng labis na pag-aalala para sa kaniyang kapatid. Minsanan lang kasi magkasakit si Kristal kaya ganoon na lamang ang pag-aalala ni Maurice rito.

“Kumusta ka na?” Bungad na tanong ni Mau kay Kristal.

“Okay lang ako ate, don’t worry about me. Malakas ata ‘to,” sabi ni Kristal habang tumatawa para maibsan man lang ang pag-aalala sa mukha ng kaniyang kapatid.

“Anong nangyari at bakit nangyari ‘to? Hindi ka naman sakitin ah.” Grabe nalang mag-alala si Maurice sa kapatid dahil ito nalang ang natitira nitong kamag-anak dahil ulila na sila sa ama’t-ina.

“Nahanginan lang siguro kaya nagkasakit. Pero mas maayos na pakiramdam ko ngayon kaya smile ka na riyan.”

Tinignan ni Maurice si Kristal gamit ang kaniyang mapanuring mga mata. Hindi rin binaba ni Kristal ang kaniyang tingin kaya nagtagisan silang dalawa. Naunang umiwas si Maurice ng tingin. 

“Sino naman ‘to?” Tanong ni Maurice kay Kristal sabay nguso kay Frankie.

“Ah, si Frankie ate, kasama ko sa trabaho. Frankie, ang ate Maurice ko,” pagpapakilala ni Kristal sa dalawa. 

“Thank you ha sa pagdala sa kapatid ko rito. I-t-treat kita kapag nagkita ulit tayo,” sambit naman ng ate ko.

Napakagat na lamang si Kristal sa kaniyang labi nang sumagot si Frankie, “Ay hindi po. ‘Yung boss po naman ang nagdala sa kaniya rito. Sinamahan ko lang po siya ngayon.” 

“Ganoon ba? Salamat pa rin sa pag-aalaga sa kapatid ko, Frankie.”

“Wala lang po ‘yon. Since nandito na po kayo at may kasama na naman si Kristal ay mauuna na po ako. Babalik pa po ako sa campsite eh.” Sabi ni Frankie nang mapagtantong late na at hindi babalik si Lorenzo para sunduin siya.

Hinatid ni Maurice si Frankie sa labas. Pagkatapos nu’n ay bumalik din siya sa tabi ni Kristal.

“Okay naman pala ‘yung mga katrabaho mo no?”

“Okay lang, hindi naman talaga kami nag-uusap sa opisina eh.” Nakakabigla nga sa side ni Kristal na parang close silang dalawa ngayon. Kasi ang totoong malapit sa kaniya sa trabaho ay si Yuna lamang.

“Mabait nga siya kasi sinamahan ka ngayong araw.”

“Yeah,” pagsasang-ayon na lamang ni Kristal sa kaniyang ate.

Inaya ni Maurice ang kaniyang kapatid na sa bahay nalang magpagaling kasi na-s-suffocate ito sa loob ng hospital. Pinagbigyan ito ni Kristal kasi gusto niya ring makasama ulit ang kaniyang ate. Pagkatapos mag-ayos ng mga gamit ay lumabas na rin sila ng hospital. Ramdam na ramdam ni Kristal ang lamig na nanunuot sa kaniyang kalamnan. Gusto niya ring pukpukin ng martilyo ang sarili kung bakit puro maninipis na damit ang dala niya gayong lamigin siyang tao.

Sumakay na silang dalawa sa puting taxi na nakaparada lamang sa tabi. May sasabihin na sana si Kristal nang biglang tumunog ang phone ni Maurice. Tawag mula sa asawa nitong si kuya Carlos. Sinabi lang nito na hindi siya makakasabay kumain mamaya kasi gagabihin siya sa trabaho. Tunog nagmamadali pa nga ito eh. Kitang-kita ni Kristal ang kalungkutan sa mukha ng kaniyang ate kaya hinawakan niya ito sa kamay.

“Gusto kong kainin ‘yung specialty mong adobo.” Naglalambing na sabi ni Kristal sa kaniyang ate.

“Sige, ipagluluto kita para lumakas ka na. Gusto mo rin ba ng sabaw? Mag-tinola kaya tayo?” 

“Okay!” 

Nakangiti lang buong biyahe si Kristal kasi na-miss niya ang luto ng ate Maurice niya.

Nakarating na sila Kristal sa unit ng kaniyang ate. Pinadiresto naman siya nito agad sa kaniyang kwarto para makapagpahinga. Napangiti na lamang si Kristal kasi ganito rin ang kaniyang ate tuwing nagkakasakit siya.

“Magpahinga ka muna habang nagluluto ako. Kapag may kailangan ka, tawagin mo nalang ako. I love you.”

“Thank you, ate, I love you.”

Nagsimula namang magluto na si Maurice ng kanilang hapunan.

Pinakiramdaman muna ni Kristal ang kilos ng kaniyang ate bago tumayo at maglakad nang marahan papunta sa kwarto ni Maurice. Pumunta siya kaagad sa table ng nito para hanapin ang contraceptive pills. Nang mahanap ‘yon ay kumuha siya ng dalawa at ininom ‘yon kaagad, buti nalang nandito ang water bottle ni Maurice sa kwarto. 

Ilang minuto lamang ay tinawag na rin ni Maurice si Kristal para kumain. Masaya silang nag-k-kuwentuhan habang kumakain. Nanumbalik bigla ang lakas ni Kristal nang matikman niya ulit ang luto ng kaniyang ate. Pagkatapos kumain ay si Maurice na rin ang naghugas nang pinagkainan nila dahil nanghihina pa rin si Kristal. 

Dumiretso naman si Kristal sa kwarto para mag-half-bath at matulog. Bakas pa rin sa kaniyang katawan ang mga markang naiwan kagabi. Nagmadali na lamang siya para makapagpahinga na. 

Ilang beses nang nakailang palit ng posisyon si Kristal subalit hindi pa rin siya makatulog. At mas lalong hindi na nang marinig niyang nakauwi na pala ang asawa ng kaniyang ate. Lasing na naman. Tumayo siya para silipin ang mga nangyayari.

“Hindi ba’t sinabi kong huwag kang uminom nang marami? Sasakit ang ulo mo niyan bukas,” mahinahong sabi ni Maurice kay Carlos.

“Wala kang pakialam. Tingin mo ba gusto kong uminom? Ginagawa ko ‘to para sa’yo, para sa pamilyang ‘to, at para sa kapatid mong wala ng ibang alam kung hindi ang maging pabigat. Umiinom ako para hindi ko maramdaman ang pagod,” asik naman ni Carlos.

“P’wede bang huwag mong idamay ang kapatid ko rito?” Naiinis na sambit ng ni Maurice.

“At bakit? Kinakain niya ang pagkaing binibili ko, umiinom siya sa inumang ginagastusan ko, at nakatira siya sa apartment na binabayaran ko! Sabihin mo nga sa’kin kung bakit hindi natin siya p’wedeng isali?” Tumataas na ang boses Carlos, dulot na rin siguro ng alak. 

“Dahil nakahanap na siya ng trabaho! Siya na ang bumubuhay sa sarili simula nu’ng first year college siya!” Pagtatanggol naman ni Maurice sa kapatid.

“Sabi mo eh, edi palayasin mo ‘yan! May trabaho, ‘di ba? Kaya na niya, kaya paalisin mo ‘yan bukas din!” Dagdag pa ni Carlos.

“Kapatid ko siya, Carlos. Nag-aaral pa rin siya at kakahanap palang ng trabaho. Huwag naman nating ipagdamot ang konting tulong sa kaniya,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Maurice. Nasasaktan siya para sa kapatid.

“Bahay ko ‘to, Maurice. Ako nagbabayad ng renta kaya ako ang may karapatang magsabi kung sino ang p’wedeng tumira rito at hindi. Kung sinabi kong paalis mo siya, paalisin mo!” ‘Yan ang huling sinabi ni Carlos bago siya pumasok sa kanilang kwarto. Padabog din niyang sinara ang pinto.

“You…”

Hindi makapagsalita si Maurice sa sa mga nangyari. Napaiyak na rin si Kristal kasi nakita niyang umiiyak ang kaniyang ate. Pero imbis na lapitan si Maurice ay dahan-dahan na lamang isinara ni Kristal ang pinto para mahiga ulit. Ayaw ng ate niyang nakikitang siyang umiiyak kaya hindi rin siya umabas para i-comfort si Maurice. 

Dumating ang umaga na hindi na naman nakatulog si Kristal. Bumangon na lamang siya at naghanda ng almusal para sa kaniyang ate at sa asawa nito. Buo na ang kaniyang desisyon. Pinag-isipan niya ito nang mabuti mula kagabi hanggang kanina. Aalis na lamang siya para wala ng away. 

Nag-iwan rin si Kristal ng sulat para kay Maurice. Kung sa gayon ay alam nito ang kalagayan niya. Gustuhin mang manatili ni Kristal sa tabi ni Maurice ay hindi rin p’wede dahil mag-aaway ulit sila ng kaniyang asawa. Ayaw niyang sirain ang relasyon ni Maurice at Carlos.

Nagsisisi rin si Kristal kasi naiisip niyang isa ata siya sa mga dahilan kung bakit naging asawa ni Maurice si Carlos. Dati kasi kapag puro kayo babae ay inaapi na lamang kayo at tinatratong parang basura. Dahil nga wala na silang mga magulang ay napilitang huminto si Maurice ng pag-aaral at nagbenta na lamang sa bangketa. 

Naging dahilan para pumasok sa isipan ni Maurice na mag-asawa, para tulungan silang maiahon sa hirap ng buhay at malayo sa mga nag-aapi sa kanila. Ngunit nagkakamali siya roon kasi palagi na lamang umuuwi si Carlos na lasing at walang gabi na hindi sila nag-aaway dahil kay Kristal. 

Totoo pala na may mga taong sa una lang magaling kasi nu’ng una ay maayos naman ang trato ni Carlos kay Kristal pero kalauna’y hindi na. Dala na rin siguro ng kahirapan at kakulangan sa pera kaya nag-iba ‘yung ugali at pakikipatungo nito sa huli, 

Subalit sa lahat nang ‘yon ay nanatiling mahal pa rin ni Maurice Carlos. Martyr nga ata ito sa kaniyang asawa. Naisip nalang ni Kristal na kapag may pera na siya ay gagawin niya lahat para suklian ang kaniyang ate.

Dala-dala ang maliit niyang maleta ay lumabas si Kristal ng unit at naghintay na huminto ang elevator sa kung saan floor siya ngayon, 8th floor. Bahagyang napaawang na lamang ang kaniyang bibig ng kasabay nang pagbukas ng pinto ng elevator ay ang pagkikita nilang muli ng kaniyang ex-bestfriend at ex-boyfriend.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status