Share

Chapter 1

Mariin na pinikit ni Shaun ang mga mata at sinandal ang ulo sa sofa. Kakababa niya lang ng tawag mula sa Pilipinas. Kagaya nang nakaraang linggo ay pinapauwi na siya ng kan’yang lolo.

Dalawang taon na ang nakalipas nang makapagtapos siya ng business course. Dapat ay uuwi na siya ngunit nagsinungaling siya sa ama at lolo, at sinabing kailangan n’ya pa’ng hasain ang kaalaman sa paghawak ng negosyo sa pamamagitan nang pamamasukan sa mga kilalang kompanya sa bansa kung nasaan s’ya.

Iyon ay isang kasinungalingan, dahil ang totoo ay nabigyan siya ng pagkakataon na aralin ang kursong culinary na siyang tunay niyang ninanais.

Dumilat siya nang marinig ang pagtunog ng oven, hudyat na luto na ang lasagna na ginawa n’ya. Lumapit siya dito at kinuha ang putaheng pinag-eksperimentuhan n’yang lagyan ng ibang sangkap.

Bata pa lang nais n’ya nang maging sikat na chef. Paano ba naman kasi ay lumaki siyang tumutulong sa ina sa pagluluto ng ulam na ibinibenta nila sa kanilang lugar. Iyon ang tumustos sa kanilang pang-araw-araw.

Inayos niya ang plating at naghanda na din ng inumin.

Mabilis niyang tinungo ang pintuan upang pagbuksan ang matalik na kaibigan na kanina n’ya pa hinihintay.

Subalit hindi inaasahang bisita ang tumambad sa kan’yang harapan.

“Matt?” Sa kabila nang pagkabigla ay niyakap n’ya ito nang mahigpit.

Halos anim na taon na silang hindi nagkikita ng kapatid. Natatawa na nga lang siya sa tuwing sinasabi ng kan’yang mga kaibigan na tumingin lang siya sa salamin ay parang nakita niya na din sa personal ang kakambal.

Identical twins sila ni Matt. Kung unang beses silang masisilayan, mahihirapan na makita ang pagkakaiba nila. Kapwa matangos ang ilong, makapal ang kilay,pareho ang tangkad at laki ng katawan pati ang kompleksyon ng balat. Kahit pa sabihin na naiwan sa Pilipinas ang kapatid niya samantalang siya ay nasa America, hindi naapektuhan ng klima ang kulay nila, kulay pinoy pa din. Matikas at matipunong tingnan.

Ang pagkakaiba nila ay ang kulay at ayos ng buhok. Nakahagod palikod at natural na kulay itim ang kay Shaun, samantalang kay Matt naman ay wavy mullet ang istilo na kinulayan ng ash brown. Bukod doon, may nunal si Shaun sa leeg habang si Matt naman ay wala.

Pinapasok n’ya ang kapatid at pinaupo sa sala. Inalok n’ya ito ng makakain at maiinom ngunit tumanggi ito.

“Ano’ng nangyari?” nag-aalalang tanong ni Shaun. Nararamdaman n’yang may kakaiba sa kapatid. Alam niyang hindi iyon pumunta doon para lamang surpresahin s’ya.

Tila nagdadalawang isip pa itong sabihin ang pakay, ngunit inudyok n’ya ito.

“Pwede ba ako’ng humiram sa’yo ng limang milyon?”

Kung nagulat siya sa biglaang pagbisita nito, mas nagulat siya sa laki ng halagang hinihiram nito.

“Wala ako’ng ganon kalaking pera,” sagot n’ya. Saan naman siya kukuha ng ganoon kalaking halaga?

“Hindi ba’t paborito ka naman ni lolo at ni dad, sigurado ako’ng kapag humiram ka sa kanila ay magbibigay sila.”

Nabatid niya ang pagiging desperado nito base sa tono ng pananalita. Pinakatitigan n’ya ang kapatid. Umiwas ito at ibinaling sa center table ang tingin.

Naalala niya kung paano nila ipinangakong kailanman ay hindi hihingi ng kahit ano man na halaga sa ama, subalit nabali iyon nang magkasakit ng cancer ang kanilang ina. Malaking halaga ang kailangan nila para sa chemotheraphy, kaya labag man sa loob ay pinuntahan nila sa munisipyo ang ama na noon ay councilor ng Lungsod ng La Trinidad.

Kinilala sila nito at buong pusong tinanggap. Nang tumuntong sila ng highschool ay lumala ang kondisyon ng ina. Sa puntong iyon ay pilit silang kinuha ni Don Felipe, ang kanilang lolo. Hindi sila sumama ngunit malupit si Don Felipe, pinatigil lahat ng sustentong ibinibigay ng kanilang ama, at ang tulong pinansyal sa gamutan ng kanilang ina.

Dahil sa panggigipit ng sariling lolo, napagpasyahan ng magkapatid na ang isa sa kanila ay kailangang magsakripisyo na manirahan sa poder ng ama, at si Shaun iyon. Samantalang si Matt ang nanatili sa poder ng ina upang alagaan ito.

Hindi naglaon, binawian ng buhay ang kanilang ina. Pilit n’yang hinikayat si Matt na sumama sa kan’ya ngunit sadyang nais nitong panindigan ang hindi pagkilala sa sariling ama at lolo. Kumpara kasi sa kan’ya na mabait, si Matt ay matigas ang puso.

Iyon ang dahilan kung bakit mas malapit si Shaun sa ama at lolo.

“Bakit mo kailangan nang ganoon kalaking halaga?” usisa n’ya.

Ang alam niya ay hindi naman natigil ang ama sa pagbigay ng sustento sa kapatid hanggang sa makapagtapos ito ng kolehiyo. Maganda din ang trabaho nito sa isang clinic bilang dentista.

“Gusto ko kasi’ng magtayo ng sarili ko’ng clinic,” anito.

“Alam mo naman kung gaano kahigpit si lolo sa pera, ‘di ba? Hindi iyon basta-basta maglalabas ng pera, lalo pa ngayon na nagmamatigas pa ako’ng umuwi.” Nararamdaman niya na isang araw ay bigla na lang susulpot ang isa sa mga tauhan ni Don Felipe upang kaladkarin s’ya pauwi.

Naiiling na pinagmasdan siya ni Matt. “Kung sana ako na lang ang pinili nilang maging future CEO ng kompanya, isang tawag lang nila uuwi na ako. Nando’n ang pera, Shaun.”

Sa totoo lang ay hindi niya gustong pinag-uusapan ang tungkol sa kompanya kapag kapatid ang kausap. Bukod kasi sa nakikita n’yang hindi patas na wala man lang magiging papel ang kakambal sa kompanya ng kanilang lolo ay hindi n’ya ito makitaan ng interes. Subalit ngayon ay tila biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Ganito ba ito kadesperado na makapagtayo ng sariling klinika?

“Paano kung ikaw na lang kaya ang magtrabaho sa kompanya?” Bigla ay tanong niya dito.

Nangunot ang noo nito, at maya-maya’y sumilay ang ngiti sa labi na para ba’ng isang ideya ang pumasok sa isipan. “Magpapanggap ako’ng ikaw?”

Saka lang napagtanto ni Shaun ang sinabi. Malayo ang loob ni Don Felipe kay Matt kaya malabong tanggapin nito sa kompanya ang kakambal n’ya, maliban na lamang kung magpapalit sila ng katauhan.

Ilang taon na din siyang hindi nakita ng ama at lolo. Ganoon din si Matt na kahit nasa Pilipinas lang ay hindi kailanman nagpakita dito, at tanging buwanang sustento lang ang nagsilbing koneksyon dito.

“Pwede, kaya mo ba?” Hindi sigurado si Shaun kung tama ba siya sa nais ipagawa sa kapatid. Subalit alang-alang sa kan’ya-kan’ya nilang pangarap ay lalakasan n’ya ang loob.

“Deal,” walang pag-aalinlangan na sagot nito.

“Pero, pagkauwi kailangan ko daw magpakasal sa anak ni Congressman Bentiz.” Iyon ang isa pa’ng dahilan kung bakit ayaw n’yang umuwi.

Nagkamot ng ulo si Matt, tila kagaya niya ay ayaw din nitong matali sa anak ng pulitiko dahil alam nilang wala nang kawala dito magkamatayan na.

“Magpapanggap ako na may nobya, nang sa ganun wala nang kasal na maganap,” suhestyon ng kakambal n’ya.

“Saan tayo maghahanap ng papayag na magpanggap na nobya ko or mo bilang ako?” Naisip niya nang malabong makahanap ng babae na kakagat sa plano nila nang hindi hihingi ng kapalit na malaking halaga ng pera.

“May kakilala ako sa Pilipinas.”

Umiling siya sa sagot nito.

“Hindi pwede. Kilala ko si lolo baka paimbestigahan n’ya ang babae. Dapat ay ‘yong galing dito sa America.”

Kailangan nilang pagplanuhan nang maigi ang binabalak. Hindi sila maaaring mahanapan ng kahit maliit na butas.

“Why not me? Handa ako’ng maging nobya mo Matt na magpapanggap na si Shaun,” pagsabat ng isang babae sa kanilang usapan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status