Share

Chapter 1

Petchay POV

ISANG hithit at buga ang ginawa ko sa hawak na sigarilyo. Nakatingin ako sa malayo habang ninanamnam ang lamig ng gabi. Buwan lang ang nagsisilbing liwanag sa paligid kasabay ng malalim kong iniisip.

"Ate, hindi ka pa ba papasok?"

Napalingon ako sa pinanggalingan ng tinig na iyon, saka ko nakita ang kakambal kong si Charmaine ngunit madalas ko siyang tawagin sa palayaw niyang chay chay.

Tinatawag niya akong ate dahil mas una akong nilabas mula sa kikiam ni nanay, pero ang totoo ay kambal talaga kami.

"Pumasok ka na sa loob, baka mahamugan ka pa," pagtataboy ko sa kanya.

Ngunit imbis na lumayo, mas lumapit pa siya sa 'kin. Hinawakan niya ang gulong ng bagay na kanyang kinauupuan, saka ito pinaikot patungo sa aking harapan.

Oo. Ang kakambal ko ay hindi nakakalakad at ako ang may kasalanan. Tanging wheelchair na lang ang nagsisilbing paa niya, kaya kung minsan, ayoko na lang siyang tingnan dahil naaalala ko lang ang masakit na araw na iyon

"Ano bang iniisip mo, ate?"

"Iniisip ko kung gaano kalaki 'yong hotdog ng susunod kong customer," pabiro kong saad.

Hindi naman natuwa si Charmaine sa aking sinabi, bagkus, napakuyom pa ito ng kamay dahil sa inis.

"Hindi ka pa rin ba umaalis sa club na iyon?" tanong niya.

Hindi ako nakasagot at umatras ang aking dila. Humithit na lang ako ng yosi upang mapakalma ang sarili, ngunit nang gawin ko iyon, agad na kinuha ni Charmaine ang yosi na nasa aking labi saka tinapon sa sahig.

"Ano ka ba, ate? Bakit ba pinababayaan mo ang sarili mo? pwede namang humanap ng ibang trabaho hindi ba?" sunod-sunod niyang sermon sa 'kin.

"Chay chay, 'wag mo kong simulan. Magulo pa ang utak ko ngayon," inis kong wika saka marahas na tumayo.

"Hindi mo naman kailangan gawin ito, ate. Please, umalis ka na sa club na iyon," pagpapakiusap niya sa 'kin.

Si Chay chay ang numero unong ayaw sa trabaho kong ito. Ngunit anong magagawa ko? Hindi nga ako nakatapos ng high-school. Hindi rin ako marunong magbasa. Anong gusto niyang pasukin kong trabaho? At isa pa, sa club na iyon ko nakuha ang perang pinangpagamot ko sa kanya, kaya para sa 'kin, ang trabaho na ito ang sumalba sa buhay naming dalawa.

"Alam mong hindi ko pwedeng gawin 'yan, Chay chay. Sino ang gusto mong magtrabaho para sa 'tin? Si nanay? Ikaw? Hindi ba wala naman?" sunod-sunod kong wika.

Tila umurong ang dila ni Charmaine dahil sa mga bagay na aking sinabi. Hindi na rin siya maaaring makapagtrabaho dahil sa kalagayan niya ngayon. Isa pa, sakitin siya at si nanay ay walang ibang nais kung hindi ang uminom ng alak, magsugal at iwan kaming magkapatid dito sa bahay.

'Wala! Wala talagang kwenta ang buhay na to.'

"Sorry, Ate. Kung hindi lang ako pilantod, natulungan na sana kita," basag ang tinig na saad ni Charmaine.

Matapos kong durugin sa sahig ang stick ng yosi gamit ang aking paa. Marahan akong tumayo at lumapit sa kinaroroonan ng kapatid ko, saka ako lumuhod sa kanyang harapan.

Pinahiran ko ang kanyang luha gamit ang aking daliri, saka ako nagbigay ng matamis na ngiti.

"Tahan na. Naiintindihan naman kita, eh. Sorry din dahil nataasan kita ng boses, pagod lang talaga si ate. 'Wag ka nang mag-alala, Chay chay. Makakalakad kang muli. Pinapangako ko 'yan."

Ang totoo, ayoko na ng drama. Sawang-sawa na ako sa iyakan na dala ng aking buhay. Ngunit pagdating sa kapatid kong ito? Wala, tiklop ako.

Si Chay chay ang nagligtas sa buhay ko noong panahong muntik na akong ma-kidnap. Kung tutuusin, ako pa nga ang sumira sa pangarap niya, kaya heto ako ngayon at bumabawi sa kanya. Kung tutuusin, ako dapat ang nasa kanyang posisyon.

Tinulak ko ang wheelchair ni Chay chay at tuluyang pumasok sa maliit naming bahay.

Nangungupahan kami sa isang apartment sa Tondo Maynila. Maliit lang ang apartment na ito, parang kwarto nga lang pero nakakapagtiis pa naman.

'Bakit? May choice ba?'

Dise-otso anyos palang ako, dito na kami nakatira. Simula nang mamatay ang aming ama, tila nawalan si nanay ng pag-asa. Wala kaming choice ni Chay chay kung hindi ang tumigil sa pag-aaral at maghanap ng mapapasukan. Taga hugas ng pinggan sa karinderya o 'di kaya nama'y tumutulong sa palengke magtinda. Sideline-sideline lang ngunit sapat lang ang kinikita namin dito para sa pang-araw-araw naming pagkain.

Si nanay naman ay tuluyang nagbago. Madalas na siyang uminom at magsugal. Kapag umuuwi siya ng bahay, matutulog na lang.

Ganito ang araw-araw naming buhay noon. Ngunit nagbago ang lahat nang makilala ko ang una kong nobyo na si Tristan.

Akala ko kapag nagkaroon ako ng lalaking mamahalin ay makatatakas na ako sa hirap ng buhay, ngunit nagkamali ako. Nagkamali ako ng taong mamahalin.

Marami na akong naririnig na masasamang sabi tungkol sa nobyo ko, pero hindi ko pinapakinggan. Syempre, hibang sa pag-ibig.

Hanggang isang beses na isama niya ako sa isang inuman. Hindi ko akalain na kasama pala ang kanyang tropa. Wala na akong nagawa, nandoon na, eh.

Dahil sa labis na tiwala ko sa kanya, pumayag akong magpakalunod sa alak. Not knowing na may binabalak siya ng kanyang tropa.

Noong gabing iyon, halos mapagsamantalahan ako ng mga tropa ng jowa ko. Hindi ko akalain na dadating si Chay chay at siya ang magliligtas sa 'kin.

Lasing na lasing ako noon, hindi ko na halos maalala kung paano at ano ang eksaktong nangyari. Ang huli ko lang na natatandaan ay ang dugo na kumalat sa kubo na aming kinaroroonan.

Sinalo pala ni Chay chay ang dospordos na dapat ay ihahampas sa akin, dahilan upang mapuruhan ang kanyang balakang at ma-dislocate ang kanyang buto.

Tuluyang nawala ang espirito ng alak sa aking sistema nang makita kong duguan ang aking kapatid. Wala na rin siyang malay at ang mga hayop na lalaking iyon ay nagsipagtakbuhan.

Hindi ko alam kung ilang butil ng luha na ang naiyak ko nang mga panahon na iyon. Lakas loob ko ring dinala sa ospital si Chay chay kahit alam kong wala kaming pambayad, basta ang mahalaga ay magamot siya.

Hindi ko akalain na ganito kahayop ang mga lalaking iyon pati na rin ang nobyo ko. Mabuti at nadakip sila agad at nakulong.

Ngunit ang ginawa nila sa kapatid ko ay hindi na maibabalik pa.

Nalapatan ng lunas ang aking kapatid, ngunit may ilang operasyon ang kailangan gawin sa kanya. Halos mabaliw kami ni nanay sa kahahanap ng pera. Namalimos na kami at nagpa-awa ngunit hindi pa rin sapat.

Hanggang sa irekomenda sa 'kin ng bading kong tropa ang isang club na puntahan ng mayayaman. Lalo na ang matatandang lalaki na wala pang asawa o hindi kuntento sa kanilang misis.

Noong una ay ayoko, ngunit sa tuwing naiisip ko na para ito sa kapatid ko, isusugal ko na maging ang katawan ko.

Hindi ako pangit. Maganda ang hubog ng katawan ko at may halong mexicana ang dating ng aking mukha na kinababaliwan ng kalalakihan, kaya yata ako takaw atensyon.

Dahil sa tulong ng club na iyon, napagamot ko ang kapatid ko. Ngunit kailangan ko pa mag-ipon nang malaki para sa kanyang therapy. Umaasa akong makalalakad pa siyang muli. Ngunit sa ngayon, gumagamit muna siya ng wheelchair na nabili ko rin gamit ang perang nakuha ko sa club na iyon.

Kaya hindi ko kayang bitiwan ang trabahong ito nang ganoon na lang. Oo, nakakababa ang maging isang p*kpok. Pero para sa aking pamilya, kahit hanggang impyerno pa ang abutin ng kababaan ko, isusugal ko hanggang dulo.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status