Home / Romance / Magda / Simula

Share

Magda
Magda
Author: leightsht8

Simula

Madilim ang gabi. Ang sariwang ihip ng hangin ay taimtim na yumayakap sa bawat taong nasa kalsada pa din kahit na hatinggabi na’t nag-aanyaya ang buwan ng pagtulog. Ngunit hindi ito ang oras ng paghimbing para sa mga taong nagnanais malamnan ang kani-kanilang tiyan at dumiskarte sa kawalan ng liwanag. 

Tahimik ang bawat eskinita at kalsada sa dulong bahagi ng bayan ng San Felipe kung saan naroroon madalas ang mga subdivision, magagarang tahanan, imprastrakturang nagtataasan, at balwarte ng mayayaman. Ngunit sa kabilang parte ay ang kabaliktaran. Maingay ang bawat oras – umaga man o gabi. Dito’y nakalagak ang iba’t-ibang hitsura ng tahanan. Mayroong kumpleto ang mga bahagi ng bahay at mayroong mukhang hindi tahanan ang hitsura dahil sa pinagtagping mga trapal bilang tabing at sirang mga yero bilang bubong. Kung swertehin ay may kahoy na pinto, kung wala ay tamang kurtina o kumot na lamang ang gamit bilang pinto. Kung matatawag ba itong tahanan, iyan ang tanong. 

Ang gabi ay malaking oportunidad para sa kaliwang bahagi ng bayan ng San Felipe. Maraming tindahan ang nananatiling bukas. Tindahan ng sigarilyo, tindahan ng pagkain, grocery store, karinderya, at higit sa lahat ay ang mahabang hanay ng mga bahay-aliwan. 

Maraming mga bata ang nagtatakbuhan at hindi alintana kung gabi na o maraming mga sasakyan ang dumadaan sa malawak na kalasada. “Ang gabi’y oportunidad upang kumita.” Iyan ang nasa isip ng halos lahat ng nakatira sa lugar na ito. Gabi, madilim, madaling dumiskarte. Magtatago ka lamang sa anino at tatakbo sa eskinitang hindi mo mabilang kung ilan ang maaaring likuan sa makipot nitong daan. Madaling iligaw ang sinuman na nais mo, lalo pa’t kung hindi taga roon. 

Iisang bayan, ngunit tila mayroong dalawang bahagi na naghahati sa bawat estado ng kani-kanilang buhay. Tila dalawang mundo. Langit at lupa. Kanan at kaliwa. Ang isa’y para sa mundo ng makapangyarihan at ang sa kabila naman ay mundo ng mga taong nakatakdang maging sunod-sunuran lamang. Mga sangkap at instrumento para ang mayayaman ay lalong yumaman at ang mahihirap ay lalong lumagpak sa kahirapan. 

Tahimik na s******p ni Aleyna ang sigarilyo saka ito ibinuga na siyang lumikha ng hugis bilog na usok. Maingay ang buong paligid sa lakas ng mga naglalaban na speakers, nagsasayawan na iba’t-ibang kulay kasabay ng mga katawan na umiindayog sa iba’t-ibang ritmo ng musika. “Ano. H-huwag mo ‘kong hawakan.” Kaagad inalis ni Aleyna ang kamay na lumalakbay sa kaniyang mga hita saka siya tumayo. Ang usapan nila’y inuman lamang at walang magaganap na kung anuman na lalagpas dito ngunit gahaman ang matandang kasama niya sa mesa at tila asong ulol na naglalaway sa gandang taglay ng dalaga. Magrereklamo sana ang matanda ngunit pumagitna ang manager ng bahay-aliwan saka inilahad ang palad, “take home mo na tonight, one hundred nga lang.” Umismid si Aleyna, hindi niya gusto ang ganitong negosasyon ngunit unti-unti na siyang nasasanay. Sa isip niya’y wala din namang papatos sa ganoong alok dahil masyadong mahal, at iyon nga ang naging reklamo ng matanda.

“Babaan mo naman, parang hindi ako regular dito ah!” Hindi natinag ang manager ni Aleyna, “dahil diyan sa sinabi mo, sige one hundred fifty na. Aba si Magda ang bituing nagniningning sa mundong ito. Tapos ganoong presyo lang ang gusto mo?” Napailing ang matanda, ang sampung libo niya’y naubos na sa loob lamang ng labinlimang minutong pagsama sa kaniya sa lamesa ni Aleyna.

Hindi matagumpay ang negosasyon. Sa mukha ng matanda, para itong aatungol anumang oras at saka magsasarili sa tahanan sapagkat hindi napagbigyan ang kagustuhan ngayong gabi.

“Akala niya ata papayag ako! Tatlong araw ka pa lang dito, pero ‘yung binibigay mong swerte sa’kin umaapaw! Huwag kang mag-alala ako ang bahala.” Ika ng manager ni Aleyna, nagbibigay ng kasiguraduhan at pag-aalo na dahil isa siyang birhen at bago lamang sa trabaho ay aalagaan siya ng mabuti hanggang sa masanay siya sa kalakaran dito. At kung mayroong dadating na customer na tatanggap sa alok na mataas na halaga ng pera, paniguradong papayag ang manager niya dahil mukhang pera ito. Hindi naman siya tatanggi kung magkataon, wala siyang magagawa. Kailangan niya ang mabilis na pera para sa tahanan nilang pilit pinapabayaran ng kapatid ng kaniyang ama bilang kabayaran sa pagpapaubaya nito sa pamanang bahay na tinitirahan nila sa kasalukuyan. Wala itong awa. Binigyan lamang sila ng isang buwan na palugit kung hindi ay pilit silang paaalisin doon. Kilala ni Aleyna ang tiyo niya at hindi ito ang tipo ng tao na naniniwalang mas matimbang ang dugo kaysa tubig. Pera. Pera ang pinakamatimbang sa paningin nito. 

“Sino ba namang hindi?” Tanong niya sa sarili, lahat sila sa kaliwang bahagi ng San Felipe ay kumakayod at talaga namang nagpapakahirap para kumita ng pera. Kung mairaraos ang isang araw na makakakain ng tatlong beses sa isang araw ay swerte na. 

Dagdag pa sa kalbaryo ni Aleyna ang may sakit na kapatid, bungangerang ina, ulirang ama na mahina na ang katawan dahil na-stroke ito. Hindi niya ginusto na pumasok kailanman sa trabahong gaya nito, pero dala ng pagkakataon ay sumugal siya. 

Maliit ang kita sa pagiging sales lady sa isang mall at natanggal din siya sa trabaho na iyon, kaya’t nang mangyari ang pagbibigay ng palugit ng Tiyo Leandro niya, at nagkataon na may nag-alok sa kanya ng trabahong may mabilis na kita ay pinag-isipan niya talagang mabuti, sa una'y ayaw niya ngunit di naglaon ay umoo din siya.

Maingay ang buong paligid ngunit hindi ito alintana ni Aleyna, tatlong araw pa lamang siya sa ganitong trabaho, hindi pa siya sanay, ngunit malakas ang kanyang loob. “Para kay Ali.” Ika niya, “para sa bahay,” motibasyon sa sariling pilit binabanggit sa kanyang isip na siyang dahilan kung bakit siya nagpapatuloy. 

Tinawag si Aleyna ng manager niya, mayroong naghahanap sa kanya, sa pagtingin niya sa relong suot ay alam na agad niya kung sino ang mga dumating at ang dahilan ng pagpapatawag sa kanya.

Tuwing alas-diyes ay may naghahanap sa kaniya, isasama siya sa ikot ng mesa, ngunit kahit kailanman ay hindi siya ginalaw, hinawakan, o kinausap ng matagal. Ikatlong araw na ngayon at nagtataka pa din siya kung ano ba ang nais ng mga ito sa kanya o kung sino ba sa mga lalaki na iyon ang siyang nagpapatawag sa kanya. Wala naman siyang reklamo, maganda nga kung ganoon lamang ang intensyon, uupo lang siya, iinom, tapos ay kikita na siya agad ng pera. Siguro ito na din ang dahilan ng manager niya kaya’t tinawag siyang swerte. 

Madami ang grupo ng mga lalaki. Lahat ng ito’y pormal ang suot at pare-pareho – long sleeves na itim at slacks. Mukhang mga businessmen na kalalabas lamang sa opisina. Mukhang mayayaman at galing sa kanang bahagi ng San Felipe. 

Hindi nagreklamo si Aleyna nang paupuin siya ng manager niya sa lamesa ng grupo. Gaya nang nagdaang dalawang araw ay hindi siya ginalaw ng mga ito. Nag-uusap sila tungkol sa trabaho habang umiinom habang siyang nag-iisang babae na tinatawag ng mga ito palagi ay nakaupo lamang ng maayos habang umiinom ng alak. 

Madami ang tanong sa kanyang isipan ngunit mas pinili niyang manahimik, ayaw niyang makialam sa kung anuman ang negosasyong nagaganap sa mga kalalakihan na iyon. Ayaw niyang madamay o malaman manlang ang kwento nila dahil naniniwala siya na galing sila sa kanang bahagi ng San Felipe. At ang lahat ng galing sa parte ng bayan ng iyon ay kinamumuhian niya. Malalim ang pinanggagalingan ng galit na iyon at iyon ang sinisisi niya kung bakit naghihirap ang parte ng lugar nila. 

Akala niya’y pangkaraniwan lang ang gabi na iyon. Pagdapo ng alas-dose ay umaalis na ang mga kalalakihan – ayon sa dalawang araw niyang obserbasyon – ngunit ngayong araw ay lagpas alas-dose na ngunit hindi pa umaalis ang mga ito. Ang kakaiba pa ay kinausap siya ng isa sa kanila na kung maari ay maghintay saglit, ipinasara din ng mga ito ang bahay-aliwan at pinauwi ang lahat ng tao maliban sa kanya at sa manager niyang si Madam Heidi. 

“Anong nangyayare?” Tanong niya sa manager na nakaupo sa kanyang tabi. Hindi ito sumagot sa halip ay ngumiti lamang at hinawakan ang kanyang kamay – waring kinakalma siya. 

Maya-maya pa ay dumating ang isang lalaki, hindi gaya ng suot ng mga kalalakihan na nakasama niya ng dalawang araw – pangatlo sa araw na iyon – ay nakausot ito ng kayumanggi na hoodie, puting t-shirt, shorts, at sapatos. Kaswal itong pumasok, tumingin sa buong paligid, tingnan ang gintong relo na suot saka nagpatuloy ng lakad papunta sa mesang kinauupuan nina Aleyna.

Agad na tumayo ang grupo ng mga kalalakihan saka iniyuko ang mga ulo, ganoon din ang ginawa ni Madam Heidi kaya naman takang-taka si Aleyna. 

Ang presensya ng lalaki ay sumisigaw ng karangyaan, simple ang suot nito ngunit nahihinuha ni Aleyna na lahat ng mga ito ay nagkakahalaga ng higit sa sampung libo, at totoo ang gintong relo na suot nito. 

Nang makita ng lalaki si Aleyna ay nanatili dito nang ilang segundo ang mata niya. Tinignan niya si Aleyna ng taimtim saka ipinilig ang ulo. “Ah sir, magandang gabi – ay umaga na pala. Pasensya na po, magandang umaga pala. Nalilito na ako, pasensya na sir.” Idinako ni Aleyna ang tingin sa lalaki na mariin pa din ang tingin sa kanya. Parang tumatagos ang titig nito at tinitignan ang buong pagkatao niya, ang buong kaluluwa niya. “Mukhang arogante.” Sambit niya, ngunit sa isip lamang. Alam niyang kung sasabihin niya ito ng malakas ay baka hindi maganda ang mangyari. 

Pumaikot ang mga kalalakihan sa kinauupuan nila. Umupo sa harap nina Aleyna at Madam Heidi ang misteryosong lalaki para kay Aleyna. 

Sa wakas ay nawaglit ang tingin nito sa kanya, dumikwatro ito nang upo saka hinarap si Madam Heidi. “She looks more like a peasant in person. So, she’s the girl that I would marry?”

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Rubz Rotia
wla pang next chapter ganda din ng story nato
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status