Home / Romance / Magda / Kabanata I

Share

Kabanata I

Mahirap ang buhay para sa kaliwang bahagi ng San Felipe. Akala mo’y hindi natutulog ang mga tao para lamang mayroong kitain sa araw-araw upang maitawid sa gutom ang kumakalam na sikmura. 

Tipikal na araw para sa kanila ang hindi mag-almusal, swerte kung mayroon, kung wala ay kinakailangan na maghanap para kahit sa pananghalian manlang ay makakain. 

“Ano ba Aleyna! Ang tagal naman ng sweldo mo, hindi ka ba makakadiskarte pa? Aba wala na tayong makain, ‘yung tatay mo na demonyo may sakit pa! Aba kailan pa iyan makakapagtrabaho ulit? Idamay mo pa ‘yang kapatid mo na palamunin at sakitin din. Ewan ko na kung ano ang gagawin ko! Tangin* naman ang buhay na ‘to oh!” Maaga pa lamang ay ganito ang eksena sa tahanan nina Aleyna. Walang habas ang bibig ng madrastang umaga pa lamang ay humihithit na ng sigarilyo at sumisigaw ng kung ano ano pero ang totoong intensyon lamang nito ay makahingi ng pera kay Aleyna. Makapanghingi ng pera, hindi dahil para bumili ng ilalaman sa tiyan kundi para makabili ng bisyo nitong sigarilyo at mag-sugal sa kapitbahay. “Maka-alis na nga. Mga walang kwenta!” Pupunta ito sa kung saan man, uuwi para magsalita ng kung ano ano, aalis muli, saka uuwi sa gabi upang magreklamo, magtanong kung may pagkain, at matulog. “Wala ka din namang naitutulong dito.” Pabulong na sambit ni Aleyna dahil kung malakas iyon ay siguradong mag-aaway sila ng madrasta niya. 

Halos lahat sila ay sa kanya umaasa lalo na ngayon, mas magaan sana ang sitwasyon kung walang sakit sa kasalukuyan ang kanyang ama, pero sadyang malas dahil mag-iisang buwan na mula nang ma-stroke ito. 

Mabunganga na ang madrasta ni Aleyna noon pa man, pero lumala ito nang magkasakit ang ama niya at hindi na mapagbigyan ang mga bisyo. Dagdag pa nito ay napipilitan itong alagaan ang ama ni Aleyna dahil sa hirap na itong kumilos. 

Pandesal at kape ang almusal sa araw na iyon. Bago pumasok sa trabaho ay inasikaso muna ni Aleyna ang ama, tinulungan niya itong bumangon sa matigas na kamang yari sa kawayan saka matiyagang pinakain at hinilamusan. Kita niya ang hirap at awa sa kanya ng ama pero nginitian niya lamang ito.

Nang mapansin niyang nag-aasikaso na si Ali para pumasok sa eskwela ay pinigilan niya ito, “huwag ka na muna pumasok kasi malala pa ‘yung ubo mo, bantayan mo na lang muna si papa.” Tumango-tango ito saka isinawsaw ang pandesal sa mainit na kapeng halos hindi niya na malasahan dahil sa matabang nitong timpla. 

Hinigop ni Aleyna ang kape na para sa kanya saka nagpaalam.  “Mag-uuwi ako ng gamot, promise!” Nagpaalam siya sa kanyang ama bago lumabas sa kanilang tahanan. 

Humabol ng tingin sa bintana ang kapatid niya, “ingat ka ate.”

Kung tutuusin ay ang bahay nila ang pinakamaayos at pinakamaganda sa Barangay Narra. Maayos ang bubong nitong yero, walang butas kaya’t hindi tumutulo sa loob gaya nang sa kapitbahay nila. May dalawa itong kwarto, maayos na salas, at kusina. Ang bahay na iyon ay pamana ng lolo’t lola niya sa kanilang ama. Ang kasunduan ay dapat nga lamang nilang bayaran ng isandaang libo ang bunso at nag-iisang kapatid ng kanyang ama na si Leandro. Nakapagbigay na sila ng tatlumpong libo nang nakaraang taon at sa kasalukuyan ay iniipon pa nila ang natitirang pitumpong libo.

Hindi gaya sa tahanan nila, ang bawat bahay na madaanan ni Aleyna papalabas sa kanilang eskinita ay pinagtagping barong-barong. Ang ilan ay mayroong konkretong pundasyon, ngunit karamihan ay wala. 

Mapalad na siya dahil kahit hindi siya nakatapos sa kolehiyo ay nagagawa niyang kumita ng pera, hindi gaya ng karamihan sa mga tao sa lugar nila na talagang umaasa sa gawaing ilegal. 

Saktong alas-nuwebe nang makarating siya sa isang maliit na mall malapit sa kanila. Dito siya nagtatrabaho, maliit man ang kita ay pwede na kaysa wala. “Magandang umaga!” Bati sa kanya ng sekyu sa mall, tinanguan niya ito saka dumiretso sa kanilang store.

Dumaan ang maghapon, gaya ng dati ay kakaunti ang mga tao kaya’t kakaunti lamang din ang benta. “Magtatanggal yata si boss,” wika ng kapwa niya sales lady na si Venice. Kumunot naman ang noo niya, sa pagkakatanda niya ay nagtanggal din ang boss niya ng sales lady nang nakaraang linggo. “Mahina daw kasi ang kita kaya ayon nagbabawas sa staff.” Pagpapaliwanag ng kasamahan niya. 

Napailing si Aleyna at taimtim na umusal sa Diyos at dumalangin na sana’y pakinggan siya at huwag siyang mapili sa mga sesesantihin. Hindi siya taos pusong naniniwala sa Diyos, maraming pagkakataon niyang kinuwestiyon ang paniniwala na iyon, nalito at nagulumihanan siya sa kung totoo nga bang may Diyos. Pero sa kabila ng lahat ng ito ay sa Kanya pa din siya kumakapit, sa lahat ng pagkakataon lalo na kung gipit na gipit at wala siyang mapagsabihan ng kinikimkim na problema at hinanakit na pilit niyang itinatago sa sarili. Kung mapapatanong siyang, “‘kung mayroong Diyos, bakit ba ako naghihirap ng ganito? Bakit ba kami naghihirap tapos ‘yung iba diyan nagpapasasa sa pera na hindi naman nila kailangan. Mga perang winawaldas sa walang kwentang mga bagay.” Matapos itong iusal ay pupunasan niya ang kanyang luha, patuloy na mamumuo ang poot sa mga mayayamang tao sa kanang bahagi ng San Felipe, at maniniwalang mayroon pa ding Diyos kahit papano at may kasagutan ang lahat ng tanong na ito sa tamang panahon.

Ipinaalala ng boss nila ang magaganap na meeting bago sila magsara. Tensyon at kaba ang bumalot sa loob ng silid, lahat ay iisa ang dalangin, lahat ay umaasa sa isang bagay – ang huwag matanggal sa trabaho. Halos lahat silang empleyado dito ay pare-pareho ang antas ng pamumuhay. Lahat naghihikahos at lahat ay umaasa sa buwanang kita ng tindahan. 

“Hindi ko gusto ang gagawin ko pero ayoko din naman na malugi ako. Alam niyong mahina ang kita ng tindahan, eh ano pa nga ba ang magagawa ko. Kaysa naman magdusa tayong lahat, hindi ba?” Tahimik na nakikinig ang lahat, alam na nila ang tinutungo ng usapan. 

Mahigpit ang hawak ni Aleyna sa kanyang inuupuan, pigil na pigil ang paghinga niya na animo’y kung magsasalita ay isa siya sa matatanggalan ng trabaho. “Siguro ay dalawang sales lady, isang cashier, at isang janitor na lang ang ititira ko. Pasensya na talaga kayo.”

Ang mga oras na ito na yata ang pinakamatagal na oras sa buhay ni Aleyna. Hindi niya alam ang gagawin, nanatili siyang tulala habang naglalakad palabas ng mall. Agad na nag-unahan na tumulo ang luha niya at kahit anong punas niya doon ay tila hindi ito nauubos. 

Wala na siyang trabaho.

Matapos ianunsyo ang mga pangalan ng mananatili sa tindahan, nakiusap si Aleyna na kung maari ay huwag siyang tanggalin ngunit ang pinagbasehan ng amo niya ay ang sales nila. At sa kanilang apat na natitirang sales lady, siya ang may pinakamababang benta nang nakaraang buwan. 

Marahil dahil sa pagod ay hindi niya na namalayan na nakauwi na siya. Bitbit niya ang sampung libo na huling sweldong ibinigay sa kanya. Wala sa wisyo niyang hinubad ang sapatos saka mahigpit na niyakap ang ama na nakaupo sa salas kasama ang kapatid niyang si Ali na nanonood ng telebisyon.

“A-anong n-nang-nangyari?” Nahihirapang bigkas ng kanyang ama. Umiling siya, ayaw niyang bigyan ito ng dagdag na problema dahil alam niyang kinakaawaan ng ama niya ang sarili nitong sitwasyon. “Ali, eto ang pera. Bumili ka ng gamot mo sa labas, pasensya ka na nakalimutan ko kasi.” Agad na tumayo ang kapatid niya saka kinuha ang inabot niyang buong isang libo, “mag-iingat ka ha. Bumili ka na din pala ng ulam.” 

Matapos kumalma at umiyak sa kanyang ama ay nagbihis si Aleyna. Hindi na nagtanong pa ang ama niya sa kanya at niyakap lamang siya. Dumating si Ali mula sa tindahan bitbit ang ilang pirasong gamot at isang sardinas, umuubo itong nagprisinta na siya na ang magluluto at magsasaing. Siguro ay ramdam nitong may problema ang kapatid kaya’t nginitian niya ito at biniro, “hindi ako kumupit ate ha!” Malambing itong ngumiti bago pumasok sa loob ng tahanan. 

Kumain ang tatlo nang hindi hinihintay si Belinda – ang madrasta nina Aleyna at Ali. Tinirahan lamang nila siya ng ulam. Dahil wala pa ang madrasta ay hindi makatulog si Aleyna, payapa na ang paghilik ng kanyang ama’t kapatid ngunit siya’y naghihintay na umuwi ang mabungangang babae dahil kung hindi niya ito agad mapagbubuksan ng pinto ay siguradong gagawa ito ng eksena at lahat ng kapitbahay ay magagambala. “Nakakahiya.” Wika niya. 

Malayo pa lamang ay dinig na niya kung sino ang paparating kaya’t agad siyang tumayo sa hinihigaang bangko at dumiretso sa pinto. 

“Oh, anong ulam?!” Bungad sa kanya saka padabog na isinarado ang pinto. Binuksan nito ang kaldero at doon tumambad ang dalawang piraso ng sardinas na tira nilang mag-aama at bahaw na kanin. “Tangin*, ano na naman ‘to? Eto na naman? ‘Yung hininga ko mula dito hanggang sa kabilang kalye amoy na amoy! Umaalingasaw na sardinas.” Gusto sana niyang sabihin na dahil sa hindi ito palagian nagtotoothbrush at dahil hindi matahimik ang bunganga ng madrasta niya kaya ganon, pero tumahimik na lang siya. Ngunit hindi nakatakas sa madrasta niya ang nagpipigil niyang tawa. 

“Oh, anong tinatawa-tawa mo diyan? Ikaw itong nagtatrabaho pero lagi na lang sardinas ang ulam natin. Aba, wala na bang iba?” Sa pagkakataon na iyon ay handa na siyang magsalita ngunit nauna ang mabilis na bunganga ng kaharap niya. “Ah oo nga pala, wala ka ng trabaho. Palibhasa hindi mo inaayos ang trabaho mo, natanggal ka tuloy. Aba eh tignan mo ang anak ni Mareng Vicky na si Venice, ‘di gaya mo may trabaho pa!” Sinampal ng katotohanan si Aleyna. Hindi siya nakasagot. Hindi niya naalala na malalaman agad ito ng madrasta niya dahil nasasagap nito lahat ng tsismis sa lugar nila, madaldal din si Venice at taga kabilang barangay lang ito. 

“Palpak ka talaga!” Dahil sa komosyon ay nagising ang ama ni Aleyna, nahihirapan man ay pinilit nitong makarating sa kusina upang tingnan kung ano ang nangyayari. 

“Ang tang* tang* mo! Alam mo ng naghihirap tayo ng sobra, ‘yung ama mo walang kwenta, ‘yung kapatid mo walang silbi, pati ba naman ikaw?” Nagpantig ang tainga ni Aleyna sa narinig. Tila hindi na niya kinakaya lahat ng sinasabi nito. Kung dati ay pinapasok lamang niya sa kanang tainga at inilalabas sa kaliwa ang lahat ng binubunganga nito, ngayon ay para siyang pinipiga sa katotohanan at ang mga salita nito’y tumatagos sa sistema niya. 

“T-tama na ‘yan Belinda, p-pa-pakiusap.” Utal na utal na bigkas ng ama niyang nanghihina, paralisado na ang kalahati ng katawan nito dahil sa stroke. “Isa ka pa, imbis na kumikita ka ng pera nang may makain tayo naging ganyan ka pa! Bakit nga ba ako sumama sa’yo? Bakit ko nga ba tinanggap ang mga batang iyan?! Tangin*ng buhay ‘to!”

Lahat sila ay nasa kusina na, maging si Ali ay nagising na at umiiyak na din habang tumutulo ang sipon at umuubo. “Ayoko na sa buhay na ‘to! Hindi naman ganito ang ipinangako mo sa’kin Ruel. Sawa na ‘ko, ayoko na.”

Nagalsabalutan ang madrasta niya, nanatiling nakatayo si Aleyna, patuloy ang pag-iyak ni Ali habang ang padre de pamilya ay nagpupumilit na kumilos upang pigilan ang pag-alis ng asawa. Hindi na bago ang eksena na ito para sa lahat, sa tuwing nahihirapan ang pamilya ay umaalis si Belinda tapos ay kapag nakikita niyang maayos ang mga ito ay bumabalik siya.

Masakit para kay Aleyna ang nangyayari. Ngayon pa lamang ay iniisip na niya kung saan siya maghahanap ng trabaho at saan kukuha ng pera pantustos sa gamot ng ama, sa pag-aaral ni Ali, at sa araw-araw nilang pamumuhay. 

“‘Yang anak mo na walang kwenta! Tutal hindi marunong dumiskarte, tang* pa, kahit sana ‘yung ganda na lang niya naisip niyang gamitin.” Hindi na niya naiintindihan ang isinisigaw ng madrasta, tila naubusan siya ng dugo sa katawan at nawalan ng pandinig nang makita ang ama na biglang bumagsak sa sahig habang sumusuka ng dugo. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status