Home / Romance / Magda / Kabanata IV

Share

Kabanata IV

Isang grupo ng kalalakihan ang pumili kay Aleyna. Sa suot pa lamang ng mga ito at kanilang hitsura ay nagsusumigaw na sa estado nila sa buhay. Matapos siyang ihatid ni Madam Heidi sa mesa ay umalis din ito kaagad, "ayusin mo," habilin nito na paulit-ulit. 

Pinaupo siya ng mga lalaki, wala itong sinabi sa kanya liban sa samahan sila hanggang alas-dose, uminom kung gusto, umupo lamang sa tabi, at kumuha ng sigarilyo sa mesa kung gusto niya.

Nagtataka siya, hindi manlang siya binigyan ng malaswang tingin ng kalalakihan na aabot ata sa sampu. Nag-uusap lamang ang mga ito, nagbibiruan, at kung minsan ay titingnan siya para tanguan lamang. Hindi niya alam kung bakit, siya lamang ang nakakaranas ng ganoong trato. Ang ibang lamesa ay mayroong higit sa isang babae, ang mga ito'y naka lingkis sa mga customer na akala mo'y ahas, ang iba'y dikit na dikit sa isa't-isa – naghahalikan at konti na lamang ay doon na gagawa ng kung anumang himala. 

"Sigurado ka ba dito?" Dinig niyang tanong ng isa sa mga lalaki na kasama niya sa mesa, tumango ang isa pa saka binatukan ang nagtanong. "Umayos ka, yare tayo niyan kapag hindi nagustuhan ni boss." Ang mga porma ng mga lalaki ay marangya ngunit ang salita nila'y salitang kalye, astang mayaman o dating taga kaliwa tapos siguro nga'y nagkaroon na ng pera at lumipat na sa kanang bahagi ng San Felipe. Gayun pa man ay nagpapasalamat si Aleyna, hanggang alas-dose lamang siyang uupo doon at mananahimik na tila isang pusa. Pero mas mabuti na iyon kaysa naman mayroong gumalaw sa kanya sa unang gabi ng pinasok na trabaho.

Maging si Madam Heidi ay nagtaka, nang ituro siya ng isa sa mga lalaki ay nag-alok agad ito ng malaking halaga, kumbinsido na si Madam Heidi na pasamahin siya kahit saan man nila gusto pero ang sabi lang sa kanya ng isa sa mga lalaki ay doon lang sila at gusto lang nilang kasama sa mesa si Aleyna.

Sino ba naman ang tatanggi sa limampung libo kapalit ng dalawang oras na pag-upo lang sa mesa, may libreng alak at sigarilyo pa? Madalang ang ganitong halaga at ganito kabilis na transaksyon.

Hindi makapaniwala si Aleyna pero panay ang panalangin niya na sana ay magtuloy-tuloy na ganun lamang ang gagawin niya. Nang mag alas-dose na ay nagsiuwian na ang mga kalalakihan, nagpaalam ito sa kanya na ani mo’y kasamahan lang siya nila at hindi isang babae na bayaran. May respeto at pilit na tinatanggal ang malagkit na tingin sa kanya. Matapos nito’y inabutan siya ng limang libong piso, “pandagdag,” sabi ng isa sa mga lalaki na sa tingin niya ay lider ng mga ito. Namumukhaan niya ito pero hindi niya maalala kung saan nga ba sila nagkita. “Salamat,” wika niya sabay tanggap sa inabot na pera.

Alanganin na ang oras at unti-unti ng nagsisialisan ang mga tao. Madami pa sana ang nag-aalok na isama si Aleyna sa kanilang mesa o di kaya ay nakikipag-negosasyon na iuwi siya ngunit hindi pumayag si Madam Heidi, “hinabilinan kasi ako nina boss na nag table sa’yo kanina, huwag daw kitang pasamahin sa iba. Nagreklamo ako, aba syempre ako ang manager mo, ako ang masusunod, kaso binigyan ako ng malaking offer, sayang naman. Kaya pwede ka ng umuwi, eto ang parte mo,” nagtatakang kinuha ni Aleyna ang sampung libong piso. Ang kinikita niya isang buwan sa pagiging sales lady sa isang store ay kinita niya ng higit pa sa loob lamang ng isang araw. “Ang swerte ko naman agad sa’yo, naku, talagang aalagaan kita! Sige na umuwi ka na, bukas na lang ulit. Medyo agahan mo ng konti ha! Ako na lang ulit bahala sa damit at ayos mo.” Hindi na nakapagsalita pa si Aleyna, tinulak na siya palabas ng bahay-aliwan. Nagkatinginan ang ibang mga babae sa kanya, siguro’y nagtataka bakit siya pinauwi gayong ala-una lang ng madaling araw, at nakita nila siyang inabutan ng malaking halaga gayong ang ginawa lang niya sa loob ng ilang oras ay umupo, uminom ng alak, at manigarilyo. 

Sa labas ay sinalubong agad siya ng malamig na hangin. Suot niya muli ang damit at pantalon niya kanina at iniwan ang hapit na hapit na damit na ipinasuot sa kanya ni Madam Heidi. 

Dumaan siya sa isang botika at binili ang kaunting gamot na nireseta sa kanyang ama, maging ang ilang piraso ng tabletas para sa kanyang kapatid na mayroong tuberculosis. Ilang buwan na din na may sakit si Ali ngunit hindi nila mapagamot ng maayos sa ospital, matagal ang gamutan para sa tuberculosis at kinakailangang dire-diretso ang treatment ngunit wala silang pera pambayad para dito. Ang buong healthcare system sa lugar nila ay bulok at umiikot sa pera, kung wala kang pera literal na hindi ka makakakilos at makakagawa ng mga bagay bagay. Nagastos niya ang apat na libo, itinabi niya ang sampu, at ang isang libo ay pinabarya niya pang pamasahe at binabalak niyang iwan upang may panggastos ang kanyang ama at kapatid bukas.

Umuwi siyang masaya, bitbit ang mga gamot, bigas, at mga pang-ulam – hindi sardinas kundi karne, lechong manok, gulay, at isda. Nagising si Ali pagdating niya at abot tainga ang ngiti nang makita ang dala ng kapatid, “sorry kung anong oras na ako nakauwi, Ipalagay mo muna ‘to sa ref nina Aling Tessa, gisingin mo na lang sila tapos iabot mo ‘to.” Ibinigay niya ang singkwenta sa kapatid upang ipambayad sa pakikiusap na ilagay sa ref ang mga pagkain nila para hindi masira. 

Matapos makabalik ni Ali ay pinagsaluhan nila ang inuwi niyang lechon manok. “Ate, saan galing ‘to? May trabaho ka na ba ulit?” Sunod-sunod ang subo ng kapatid kaya’t nahirinan ito, kaagad naman niyang inabutan ng isang basong tubig at pinagsabihan na maghinay-hinay sa pagkain dahil wala naman silang kaagaw. “Oo, pang gabi nga lang ‘yung shift ko.” Tumango-tango si Ali, “pero ate akala ko sales lady ka sabi mo kay papa, may mall ba ng hanggang hatinggabi?” Natigilan sa pagsubo si Aleyna, “ah, oo nga. Parang ano kasi, sales lady ako pero sa ibang bansa tapos tinatawagan nila kami para bumili. Alam mo ‘yung call center?” Tumango si Ali, “ganun ako, basta parang ganun, kaya gabi.” Ayaw man niyang magsinungaling pero ayaw din niyang mag-alala ang kapatid at ama niya. Sa isip niya’y panandalian lang naman ang trabaho, kapag nakaipon siya ay aalis na din siya kaagad sa ganung klase ng trabaho.

Kinabukasan ay tanghali ng nagising si Aleyna, wala na ang kapatid niya dahil pumasok na ito sa eskwela at inasikaso ang sarili, wala ding problema sa baon nito dahil pag-uwi pa lang niya kanina ay inabutan niya na ito ng pera pambaon. 

Bago umalis si Ali papunta sa eskwela ay inasikaso na niya ang kanilang ama, pinakain at hinilamusan. Batid niyang pagod sa trabaho ang nakatatandang kapatid kaya naman kusa siyang kumikilos sa tahanan dahil ito lang ang naiisip niyang tulong niya sa pamilya.  Dahil matalino naman siya kaysa sa mga kaklase at ibang nakababatang kakilala ay dumidiskarte siya paminsan-minsan sa pangungumisyon sa paggawa ng kanilang mga asignatura. Sampung piso, lima, piso. Depende sa hirap ng gagawin. Gustuhin man niyang pumasok sa mga sideline para mas malaki ang kitain kahit na katorse lang siya, walang pumapayag na pagtrabahuhin siya dahil sa kanyang kundisyon na sakitin lalo pa ngayon na may tuberculosis siya. Binibida niyang kaya niyang pagsabayin ang eskwela at pagtratrabaho pero mahigpit din ang bilin ng ate niya na ayusin na lamang ang pag-aaral, palakasin ang sarili, at alagaan ang ama dahil siyang panganay ang magtatrabaho para sa kanila. Naawa siya sa kapatid pero bilang maunawaing bunso ay sumusunod siya at nakikinig sa payo ng nakatatanda sa kaniya, “kahit ganito ang sitwasyon natin huwag na huwag kang gagawa ng ilegal,” habilin sa kanya ng ama nila.

Matapos mag-almusal ay nagpaalam si Aleyna sa ama na lalabas lamang saglit. Dumiretso siya sa isang bakanteng lote malapit sa kanila kung saan unti-unti itong natatambakan ng basura. Kinuha niya sa isang tabi ang isang malaking kahoy saka ito itinayo, sinabit niya doon ang heavy bag na siya mismo ang gumawa. Sinigurado niyang hindi iyon matutumba at maayos ang pagkakalagay – gaya ng turo ng kanyang ina. 

Isang malaking katanungan sa isip niya bakit nga ba siya tinuruan ng ina na bumaril at depensahan ang sarili mula pitong taong gulang siya hanggang sa mag labing-apat, dahil iniwan na sila nito. Hindi niya din alam kung bakit marunong sa ganung mga bagay ang ina niya pero ang sinasabi nito sa kanya palagi ay magagamit niya lahat ng tinuro sa kanya upang maprotektahan niya ang kanilang pamilya. Buong lakas niyang sinuntok ang heavy bag, sinipa, at inisip lahat ng galit sa puso niya at ang pangungulila sa umalis na ina. Hindi na niya dinala pa ang baril na ginagamit nila sa ensayo, mula nang umalis ang ina niya ay itinabi ito ng kanyang ama at hindi na pinagamit pa sa kanya. “Magaling kang humawak ng baril, mas magaling ka pa sa’kin.” Sabi ng kanyang ina sabay bawi ng baril sa kanya at itinutok ito sa latang may sampung metro ang layo sa kanila. Sapul. 

Habang naalala ni Aleyna ang lahat ng ito ay patuloy ang pagsuntok niya sa ginawang heavy bag. Madaming bagay pa siyang hindi nauunawaan pero ang nasa isip niya lang ngayon ay paano maitawid ang araw-araw nilang buhay at ang makaipon ng pera para mapasakanila na ng tuluyan ang bahay na inuuwian. 

Gaya ng sabi ni Madam Heidi, dumating ng mas maaga sa alas-otso si Aleyna sa bahay-aliwan. Inayusin siya nito ng payak at ipinasuot ang maikling pulang halter dress. “Balita ko ang laki ng kinita mo kagabi,” wika ni Princess sa tabi niya. Kasalukuyan silang nakaupo sa loob ng silid kung saan pumipili ang mga customer mula sa malaking salamin. Tinanguan ni Aleyna si Princess, “ang swerte mo naman. Good luck nga pala ulit ngayong gabi.” Sinsero ang wika nito sa kanya, hindi gaya ng ibang babaeng halatang naiinggit sa nangyari sa kanyang unang gabi. 

Saktong alas-diyes ng gabi ay tinawag ni Madam Heidi si Aleyna, “Magda, bilis.” Lumabas siya sa silid, “nandiyan ulit sila. Katulad lang kahapon ang gusto. Ayusin mo ha, ang daming nag-aalok na kukuhanin ka pero hindi ako pumapayag dahil ang laki talaga ng offer sa’kin ng mga iyon.” Napangiti si Aleyna, sa ikalawang pagkakataon ay maswerte na naman siya ngayong gabi. Pinapanalangin niyang magtuloy-tuloy ang ganitong pangyayari dahil sa tantiya niya – kung may sampung libo siya gabi-gabi – sa loob lamang ng walong araw ay mababayaran na niya ang kanyang tiyuhin. 

Pinaupo siya ng mga kalalakihan, nag-uusap ang mga ito habang umiinom ng alak at naninigarilyo. Siya din ay ganun lamang ang ginagawa at nanatiling tahimik, hindi siya nagsasalita kung hindi nila kumustahin o tanungin ng mga simpleng bagay gaya ng, “kumusta ka na?” “Ayos ka lang ba?” “Bago ka lang dito ano?” 

Sanay siyang manigarilyo, sa pag-inom ng alak ay bihasa din siya. Hindi siya madaling malasing. Nagsimula siyang uminom ng alak nang iwan sila ng kanyang ina, hindi naman ito lingid sa kanyang ama dahil kung minsan pa nga ay nag one-on-one sila. Ginagawa lamang nila ito kung may okasyon at may libreng alak at kung mayroong pera na mailalaan para sa singkwenta pesos na gin. Sa paninigarilyo ay kailan lamang siya natuto, alam niyang masama sa kalusugan ang usok nito higit sa mga nakakalangahap kaya naman iniiwasan niyang manigarilyo sa kanilang tahanan. Hindi din siya naninigarilyo kung hindi libre o binigay lamang sa kanya. Wala siyang panggastos para sa bisyo na iyon kaya kontrolado lamang ang paggamit niya. Syempre mas uunahin niya ang ilalaman sa tiyan kaysa ipapausok sa bunganga. 

Saktong alas-dose ay umalis ang grupo ng mga kalalakihan, katulad nga kahapon ay pinauwi din siya ni Madam Heidi ng maaga at inabutan siya ng dalawapung libo. “Nagdadagdag sila kaya dadagdagan ko din ang ibibigay ko sa’yo.” Niyakap siya ni Madam Heidi, “napaka-swerte ko sa’yo, naku! Bukas ulit ha!” Tumango siya, nagbihis, saka binagtas ang daan pauwi sa kanila. 

Maingay pa din ang paligid at madami pa ding mga tao sa kalsada. Mas pinili ni Aleyna sa oras na iyon, binabalak niyang dumaan sa isang karinderya para bumili ng pansit na paborito ng kanyang ama. Medyo lalayo siya at hindi ito nadadaanan ng ruta ng sasakyan. Madilim ang tinatahak niyang daan, sa di kalayuan ay napansin niyang tila may sumusunod sa kanya. Tahimik itong nagmamatyag sa kilos niya at pinapanood ang bawat galaw niya. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status