Home / Romance / Magda / Kabanata III

Share

Kabanata III

Ang mga mata ng babae ay patuloy na naglakbay sa kabuuan ni Aleyna, “Madam Heidi,” wika nito sabay lahad ng kamay, nang tanggapin ni Aleyna ito ay hinigit siya ni Madam Heidi. Inihawak nito ang kamay niya saka hinaplos ang kanyang braso, “makinis, maputi.” Napangisi si Madam Heidi habang kaagad na hinila ni Aleyna ang kamay mula sa pagkakahawak ng babae.

“Pwede ka ng magsimula ngayong gabi, gusto mo ba?” Alam ni Aleyna ang patutunguhan ng usapan at ang trabahong iaalok nito. Mabilis ang kabog ng dibdib niya, ni hindi pa nga siya nagkaroon ng kasintahan o nakaranas ng anumang tawag ng laman kaya’t ganun na lamang ang kanyang kaba. “Halika na, habang maaga pa.” Hinigit siya ni Madam Heidi saka itinuro ang isa sa mga bahay-aliwan gamit ang mapula nitong nguso. “Ayos ba? Malaki ang kita dito, ako bahala sa’yo.” 

Bago pa man makarating sa itinurong lugar ni Madam Heidi ay kumawala si Aleyna sa mahigpit na pagkakahawak nito. Nanlalamig ang kamay niya, ilan sa mga babae ang nakatingin na sa kanila at nagtataka kung ano ang nangyayari. “Akala ko gusto mo ng trabaho?” Pinagkrus ni Madam Heidi ang mga braso niya saka tinaasan ng kilay si Aleyna. Gusto ng pera ni Aleyna pero ang trabaho na gaya nito ang ayaw niya, kahit pa gustong-gusto niya ang mabilis na kita para sa pamilya ay may kung anong pumipigil sa kanya para huwag tanggapin ang alok ni Madam Heidi. “G-gusto ko pero hindi ganyang klase ng trabaho. Babalik na lang ako kapag wala pa din akong nahahanap na ibang trabaho ngayong araw,” nauutal na sambit ni Aleyna. Tumaas ang gilid ng labi ni Madam Heidi, “naku! Wala ka ng mahahanap na ibang trabaho sa ngayon, lalo pa’t mukhang gusto mo ‘yung mabilisan. Sayang ang ganda mo, ang kinis mo pa at ang puti,” mapait na sabi nito sa kanya sabay lahad ng pala. “May telepono ka?” Tanong nito, tumango naman siya at inilabas mula sa bulsa ng pantalon ang isang lumang telepono. Kahit na mukhang sira ang hitsura at goma na lamang ang nagsisilbing dahilan kaya hindi nalalalglag ang baterya ng di-keypad na telepono ay gumagana pa ito. Kinuha ni Madam Heidi ang telepono a muntik pa itong bumagsak, inilagay niya ang kanyang numero saka ito muling ibinalik kay Aleyna. “Sigurado akong tatawagan mo ako at kakailanganin mo ng pera.” Tumango-tango si Aleyna, bago siya tuluyang makalayo ay sumigaw pa muli si Madam Heidi, “tawagan mo ‘ko. Madam Heidi, huwag mong kakalimutan!” Matinis ang boses nito na akala mo’y pumipiyok kaya’t medyo masakit sa tainga. 

Umuwi si Aleyna na nanlulumo, tama nga si Madam Heidi, wala siyang mapupuntahan na maaring pagtrabahuhan nang agad-agad ang sweldo. Ilang barangay na ang napuntahan niya at hatinggabi na nga siya nakauwi. 

Ilang araw ang lumipas, wala ng pera si Aleyna, ilang araw ng hindi pumapasok sa eskwela si Ali at lumalala pa ang kundisyon nito, ang ama naman niya’y walang magawa kung hindi ang maawa sa sitwasyon nila. Kahapon lamang ay naitawid nila ang maghapon dahil sa ibinigay na ulam ng kanilang kapit-bahay, pinagkasya nila ang adobong kangkong at isang kilong bigas sa buong maghapon. Tuwing titignan ni Aleyna ang sitwasyon nila at ang paghihirap na nararanasan ay unti-unting gumuguho ang desisyon niyang hindi papasok sa trabahong ayaw niya. Habang tumatagal ay lalo ding lumalalim ang galit na nararamdaman niya sa kanyang ina. “Kaya siguro niya kami iniwan dahil para makatakas siya sa ganitong klase ng hirap,” mapait siyang ngumiti saka pinunasan ang luha na tumakas sa kanyang mga mata. Hapon na, nakarating na siya sa kabilang bayan pero hanggang ngayon ay wala pa din siyang nahahanap na trabaho. 

Umuwing lugmok si Aleyna, kumakalam ang sikmura, at nakakaramdam na ng hilo. Malayo pa lamang siya sa kanila ay dinig na dinig na niya ang komosyon, hindi ito boses ng bungangera niyang madrasta, pero sigurado siyang sa tahanan nila nagmumula ang kaguluhan. 

“Gusto ko bayaran niyo na ako!” Kumunot ang ulo ni Aleyna at tila nalinawan nang makita niya ang tiyo Leandro niyang itinutulak ang ama niyang nahihirapang manatiling nakatayo. Agad siyang tumakbo at pumagitna, “tiyo tama na, may sakit si papa kita niyo naman diba?” Umismid si Leandro, “nakikita ko, hindi ako bulag.” Bumulong pa ito, “bastos na bata, walang kwenta.” Mag-isa lang ang tiyuhin niya, isa itong surpresa dahil hindi pumupunta doon ang tiyo niya upang bumisita, hindi nga ito pumupunta kung walang kailangan. “Kailan ba kayo magbabayad?”

Iniupo ni Aleyna ang kanyang ama saka inutusan si Ali na pumasok sa kanilang silid, “kailangang kailangan ko na ang pera, sabihin niyo kasi kung hindi kayo makakapagbayad para naman malaman ko ang gagawin ko. Kung may inaasahan ba ako na pera mula sa inyo o dapat ko ng tanggapin ang pera nung nag-aalok sa akin na bilhin ang bahay na ‘to!” Napatayo si Aleyna sa narinig. Kahit pa kapatid na tunay ito ng kanyang ama ay napakalayo ng ugali nila sa isa’t-isa. Makasarili ang tiyo Leandro niya, mukhang pera, at mataas ang tingin sa sarili. 

“Magbabayad naman kami tiyo. Alam niyo naman na mahirap ang sitwasyon namin, intindihin niyo naman.” Mangiyak-ngiyak na si Aleyna, sigurado siyang kung hindi sila makakabayad ay talagang papaalisin sila sa tahanan na iyon. Kung mamalasin ay wala na nga silang makain wala pa silang bahay na matutulugan. “Ang tagal na tagal na, ‘yung pitumpong libo na ‘yun gawin niyong otsenta mil!” Buo ang boses nito na nakakatakot, matangkad gaya sa kanyang ama at may katamtamang pangangatawan. Pero hindi gaya ng maamong mukha ng ama niya ay matapang ang mukha nito maging ang pagkatao. Pati kapatid ay hindi mabigyan ng awa. “Magbabayad kami tiyo, sadyang walang wala lang talaga ngayon.”

Nakiusap si Aleyna sa tiyuhin, kung maari pa nga at hihilingin nito sa kanya na lumuhod at magmakaawa ay gagawin niya para lamang hindi sila palayasin sa tahanan. “Ganito, isang buwan Aleyna. Isang buwan ha, Ruel. Kapag hindi niyo naibigay sa akin ang otsenta mil sa loob ng isang buwan ay pasensyahan na lang tayo.” Matalim ang tingin nitong umalis at iniwan ang bantang itatapon lahat ng gamit nila kung kinakailangan para lamang mapalayas sila, kung sakaling hindi sila makakapagbayad. 

Sa ganoong sitwasyon napagtanto ni Aleyna, hindi pwedeng pati bahay ay mawala sa kanila kaya naman ang sampung pisong barya niyang naitabi sa damitan ay kinuha niya at kaagad na ginamit para magpaload. 

Isang ring lang ang kinakailangan bago nasagot ni Madam Heidi ang tawag. Nanginginig na nagsalita si Aleyna, “Madam Heidi,” sa kabilang banda ng komunikasyon, buong-buo ang ngiti ni Madam Heidi na aabot sa kanyang tainga. “Sabi ko na nga ba at tatawag ka din,” wika nito. 

“Pwede na po ba akong magsimula ngayong gabi?” Matapos ang pag-uusap at instruksyon na ibinigay ni Madam Heidi ay nagpaalam si Aleyna sa ama at kapatid na aalis dahil may nahanap na siyang trabaho. Nang tanungin siya ng kanyang ama kung saan at anong trabaho ay ngumiti lamang siya saka sinabing, “sales lady po.” Ayaw na niyang malaman pa ito ng kanyang ama dahil paniguradong tututol ito at pipigilan siya. 

Bitbit ni Aleyna ang sarili patungo sa Barangay Gumamela. Suot niya ang isang lumang blusa at pantalon. Sinabi naman sa kanya ni Madam Heidi na siya ang bahala sa susuotin at sa lahat ng kinakailangan ni Aleyna, sasamahan niya din ito buong gabi at tuturuan sa dapat nitong gawin. “Ako ang bahala,” paninigurado ni Madam Heidi. 

Alas-otso nang makarating si Aleyna sa bahay-aliwan ni Madam Heidi – ang House of Magda. Tapatan ang mga bahay-aliwan, kaliwa’t kanan, maingay at amoy ng sigarilyo at alak ang naghahari sa lugar. Hindi naman nagreklamo si Aleyna dahil sanay na siya sa ganitong mga amoy, maging sa masangsang na amoy sa palengke, o ang mabahong amoy ng isang lugar dahil sa nagkalat na basura. 

Sinalubong siya ni Madam Heidi at kaagad na dinala sa isang silid. “Ito ang isuot mo,” inabot nito sa kanya ang isang hapit na hapit na damit, manipis lamang ito at bukas ang likod. Hindi siya nagreklamo, hinayaan siya ni Madam Heidi na magbihis. Sa harap ng salamin ay kitang kita niya ang kanyang mga kurba na bumagay sa damit, ang makinis at maputi niyang balat ay bumagay sa matingkad na kulay dilaw na damit, lalo siyang pumuti dahil sa kulay na iyon. Matapos magbihis ay nilagyan siya mismo ng kolorete sa mukha ni Madam Heidi, manipis lang ang inilagay nitong lipstick sa kanya saka inilugay ang kulot niyang buhok. “Oh diba, ang pretty mo. Naku! Ewan ko nalang kung mababa sa sampung libo ang kitain ko sa’yo ngayong gabi!” 

Paglabas nila ng silid ay nagbulungan ang ilang mga babae, saka tinignan ng matalim si Aleyna. Siguro’y alam nilang dagdag ito sa kumpetisyon, bawas sa perang kikitain, lalo pa’t bago lang si Aleyna at karamihan sa mga nagpupunta doon ay bago ang gusto, bago ang hinahanap. Bago sa paningin nila, lalo na kung ganun ka-ganda at ka-amo ang mukha. 

“Pwesto ka lang diyan sa loob, sigurado naman ako na ayaw mo maging dancer,” sabay turo sa mga babaeng halos hubad na at iginigiling ang bewang sa posteng nasa entablado. “Special ka kaya dito ka lang, kapag may parokyano ako na dumating ay iaalok kita.” Sa salita ni Madam Heidi ay akala mo isa siyang produktong itinitinda sa kalye at inaalok sa kung sino man ang nagnanais bumili. Iwinaksi ni Aleyna ang takot sa isipan, kinindatan siya ni Madam Heidi bago siya iniwan sa silid kasama ang mga babaeng patuloy ang bulungan. Ang silid na iyon ay maliit lamang, prenteng nakaupo ang mga kasama niyang babae habang nakaharap sa isang malaking salamin. Ang salamin na iyon ay two-way mirror, kita sila ng mga tao sa labas upang piliin kung sinong babae ang nais nilang sumama sa kanila. Sa loob naman ay hindi nila alam ang nangyayari, nakaupo lamang sila doon at naghihintay na tawagin ni Madam Heidi kung sino nga ba ang swerteng napili ng customer. 

Lumipas ang ilang minuto at isa sa mga katabi ni Aleyna ang tinawag ni Madam Heidi, kaagad iyong tumayo at lumabas habang siya naman ay nanatiling naka yuko. Maya-maya pa ay kinausap siya ng isang babae na nakaupo malapit din sa kanya. “Bago ka, virgin ka pa siguro ano?” Nagulat si Aleyna sa bulgar na wika nito pero tumango lang siya, “sabi na eh. Ayos talaga ‘yan si Madam Heidi. Nung una niya akong dalhin dito ay ganyan din ako sa’yo, masasanay ka din.” Tinapik siya nito sa balikat saka iniangat ang mukha niya, “maganda ka. Nakatungo ka siguro kanina kaya hindi ka nakikita ng mga customer eh. Ang labo naman na hindi ka piliin lalo na kung regular na dito at gusto naman ng bago.” Nginitian siya ng babae saka sinabihan na ideretso ang tingin sa salamin, “sigurado akong gusto mo ng malaking pera kaya sundin mo ang payo ko.” Madami pang sinabi ang babae at itinuro sa kanya, maging ang pag-ngiti, nagpakilala ito na si Princess, tumango lamang siya bilang tugon at ipinakilala niya ang sarili sa palayaw na ibinigay ni Madam Heidi, sigurado naman siya na hindi din Princess ang tunay na pangalan ng babae na kausap niya. Sa isip niya’y kapag nakaipon na siya ng sapat na halaga ay aalis siya sa bahay-aliwan na iyon. 

Bumukas ang pinto, “Magda,” tawag sa kanya ni Madam Heidi. Isa sa kalakaran doon ay pagkakaroon ng palayaw, si Madam Heidi mismo ang nagbigay ng palayaw na iyon kay Aleyna dahil sinabi nitong bagay sa kanya ang pangalan na iyon dahil siya ang pinakamaganda sa lahat ng babae na nadala niya sa House of Magda. “Bitbit mo ang pangalan ng House of Magda kaya ayusin mo ha. Sasamahan mo lang sila sa lamesa, inom, kwentuhan, hingi ka ng yosi kung gusto mo.” Habilin nito sa kanya bago siya tuluyang makalabas sa silid. 

“Doon ka,” turo ni Madam Heidi sa pwesto ng grupo ng mga kalalakihan. May kabang naglakad si Aleyna sa pwesto ng mga iyon habang nagdadadaldal si Madam Heidi sa tabi niya. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status