Share

0001: May araw din kayong lahat sa akin!

Aika’s POV

Ako si Aika Esteban, isang office runner sa Herrera Soverign Defense. Simpleng empleyado lang, tagatakbo ng mga papeles at kung ano-anong utos sa office namin. Sa madaling salita, tagasunod o mas madaling intindihin kung sabihin na lang natin na utusan na lang. Ang trabaho ko ay madalas magpabalik-balik sa iba’t ibang departments para maghatid ng mga dokumento, utos doon at utos dito.

Sa trabaho, madalas akong gawing katatawanan at apihin, lalo na ni Dolores, ang Operations Manager namin. Wala siyang pinapalampas na araw na hindi ako sinisigawan o pinapagalitan kahit wala namang mali sa ginagawa ko. Kaya kapag pumapasok ako sa opisina, parang binabato ko na lang ang sarili ko sa apoy.

Pagod na ako, pero wala akong magawa. Kailangan kong kumita. Kung hindi, paano na kami sa bahay?

Simula nang mamatay sina Mama at Papa sa isang aksidente apat na taon na ang nakalipas, kinupkop ako ng tita kong si Teofila, pero sa totoo lang, hindi naman niya ako tinuturing na para akong pamilya. Si Tita Teofila, kapatid ni Mama, ang kasama ko sa bahay, kasama ang anak niyang si Liya. Akala ko noong una, magiging maayos ang pamumuhay namin, pero simula nang tumira ako sa kanila, unti-unti kong naramdaman ang bigat ng responsibilidad na ipinasa sa akin. Ako ang bumubuhay sa kanila ngayon. Si Tita Teofila, simula nang mawalan ng trabaho, halos wala nang ginawa kundi manood ng TV at magpahinga. Si Liya naman, na halos kasing-edad ko lang, walang trabaho, pero ubos-ubos biyaya sa lahat ng bagay. Kapag payday, halos sila pa ang unang nag-aabang ng suweldo ko. Nagbabayad ako ng lahat—internet, kuryente, tubig, pati na rin mga pagkain namin. At hindi lang ‘yan, ako rin ang nagluluto, naglilinis, at naglalaba sa bahay.

Parang katulong lang ako sa sarili kong tahanan.

“Hoy, Aika! Ano bang ginagawa mo diyan?!” narinig kong sigaw ni Tita Teofila mula sa sala. Kararating ko pa lang galing trabaho at pagod na pagod na, pero wala akong ibang choice kundi lumapit agad sa kanya. Dinala ko ang isang baso ng tubig na hinihingi niya. Ni hindi niya ako binigyan ng pasasalamat, bagkus ay pinansin pa ang dumi sa uniporme ko. “Ayan na naman ang suot mo, parang hindi ka nag-aayos! Puro alikabok!” Sabi niya habang pinapatuloy ang panonood ng telenovela.

Walang bago. Araw-araw ay ganito. Ako ang bumubuhat ng lahat ng trabaho sa bahay, pero wala man lang pasasalamat o respeto. Si Liya naman, palaging abala sa sarili niyang buhay. Nakatutok lang palagi sa cellphone niya, nakatutok sa mga social media habang ako ay nagpapakahirap sa trabaho at sa bahay.

LALO PANG sumasama ang pakiramdam ko tuwing naiisip ko ang nangyayari sa opisina. Sa Herrera Soverign Defense, kahit na office runner lang ako, pakiramdam ko ay alipin ako ng mga mas nakatataas. Si Dolores, na laging may nakatakip na makapal na foundation sa mukha, palaging puno ng galit kapag ako ang nasa paligid. Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil wala siyang ibang mapagdiskitahan. Ako lang ang palaging inaapi sa opisina—siguro dahil tahimik ako at hindi lumalaban.

“Aika Esteban! Nasaan na ‘yung pinapirmahan ko kanina?! Dalian mo, ayoko ng babagal-bagal dito!” sumisigaw na naman si Dolores mula sa office room niya. Alam ko namang wala pang limang minuto ang lumilipas mula nang utusan niya ako, pero wala siyang pakialam. Ang mahalaga lang sa kanya ay ang pagmamando, kahit na walang laman.

Ang sakit sa loob ko, pero lagi ko na lang iniisip na isang araw, magbabago rin ang buhay ko. Hindi ako pwedeng manatiling ganito habang-buhay—isang taong walang halaga, na walang respeto sa sarili. Gusto ko na ring kumawala sa mga tao sa paligid ko na parang lahat ay sinasamantala ako.

Isang bagay lang ang nagpapalakas ng loob ko sa araw-araw—ang pangarap kong yumaman. Hindi lang basta umangat, kundi maging bilyonaryo. Kaya kong tiisin ang lahat ng ito dahil alam ko, balang araw, magkakaroon ako ng pagkakataong gumanti sa lahat ng nang-aapi sa akin. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko natutupad ang pangarap kong maging mayaman. ‘Yun lang ang paraan para hindi na ako apakan ng mga kagaya ni Dolores, ni Tita Teofila, at ng mga kagaya nilang demonyo ang ugali.

Minsan, sa mga gabing tahimik at mag-isa ako sa kuwarto, iniisip ko kung ano kaya ang magiging buhay ko kung wala sila sa paligid ko. Kung ako na lang mag-isa, hindi ko ba mas masusulit ang buhay ko? Pero sa ngayon, wala pa akong choice. Kailangan kong kumapit sa konting lakas at pasensya para magpatuloy. Isang araw, magiging maginhawa rin ang buhay ko.

TAHIMIK akong huminga ng malalim habang naglalakad papunta sa kuwarto ko. Inisip ko ang mga susunod na araw. Uulit na naman ang lahat—papasok sa trabaho, magpapakababa sa mga amo, at pag-uwi, aalilain na naman ng tita at pinsan ko. Pero alam ko na kailangan kong tiisin ang lahat ng ito. Lahat ng hirap, pagod, at luha—lahat ‘to ay paghahanda lang para sa mas magandang kinabukasan.

Hindi magiging ganito ang buhay ko habang-buhay. Darating ang araw, ako ang magdidikta ng mga patakaran. Ako ang magpapasya kung ano ang gagawin ng ibang tao. Hindi na ako magiging alipin ng sinuman.

Yumaman—iyon lang ang nasa isip ko. At kapag nangyari ‘yun, hinding-hindi na nila ako maapakan kailanman.

Nagising ako sa malalim na iniisip ko nang biglang sumigaw ulit si Tita Teofila mula sa sala. “Aika! May tubig na naman sa sahig dito sa kusina! Ano ba yan, wala kang silbi!” Napatayo ako at mabilis na nagpunta sa kusina para punasan ang basang sahig.

Habang naglilinis, ang tanging nasa isip ko ay ang araw na makakawala na ako rito. Kung kailan hindi ko na kailangan magpunas ng mga patak ng tubig o magdala ng baso sa sala. Kung kailan hindi na nila ako aasahan para sa lahat ng bagay.

Sa ngayon, magpupunas na lang muna ako nang magpupunas ng mga luha ko. May araw din kayong lahat sa akin!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status