Share

0002: Hindi ako susuko

Aika’s POV

Isang araw, habang nagmamadali akong mag-ayos ng mga papeles sa opisina, natigilan ako nang marinig ko ang hagikhikan ng ilang kasamahan ko sa likod.

“Si Aika, ang tagal-tagal na sa trabaho, pero runner pa rin,” narinig kong sabi ni Monica isa sa mga co-workers ko na hindi ko na matandaan kung kailan ako huling nginitian.

“Oo nga, hindi na yata aasenso ‘yan. Wala kasing dating,” sabi pa ni Gina na para bang ang sarap tumawa kapag ako ang pinagtatawanan.

Hindi ko na lang sila pinansin. Sanay na ako. Ganito na lang palagi. Kung hindi man ako ang target ng pang-aasar, siguradong bibigyan pa ako ng dagdag trabaho. Mahirap nang kumontra. Laging may kabuntot na paninira at intriga kapag sinubukan kong ipagtanggol ang sarili ko.

Habang naglalakad ako sa hall papunta sa printer, si Dolores na naman ang bumungad sa akin.

“Aika, ano bang ginagawa mo? Bakit parang ang tagal-tagal mong maghatid ng report? Akala mo naman wala ka ng ibang trabaho!” Ang mga salitang iyon na may kasama pang mapang-asar na tingin, palaging bumubuntot sa akin. Napakabigat sa pakiramdam. Gusto ko nang magreklamo pero hindi ko alam kung saan ako magsisimula.

SA BAHAY naman, wala ring pahinga. Pag-uwi ko mula sa trabaho, si Tita Teofila na agad ang sumasalubong sa akin, hindi para kamustahin kundi para utusan.

“Aika, anong oras ka na naman nakauwi? Wala na tayong ulam, bilisan mo’t bumili ka na sa palengke!” Wala akong reklamo. Tulad ng dati, isinusuot ko na lang ulit ang tsinelas at nagmamadaling pumunta sa palengke kahit pakiramdam ko ay wala nang lakas ang katawan ko. Sila, sa bahay lang, walang ginagawa kundi maghintay sa akin. Ako, nagtatrabaho buong araw, pero parang wala lang sa kanila.

Habang naglalakad ako pauwi may nakasalubong akong pamilyar na mukha. Si Aling Nida, isa sa mga kapitbahay namin. “Aika, anak, pagod ka na yata? Para kang nanghihina,” sabi niya habang nilalapag niya ang basket na dala ko.

Napangiti ako ng pilit. “Okay lang po ako, Aling Nida,” sabi ko kahit sa loob-loob ko ay gusto ko nang magpahinga.

“Mag-ingat ka sa sarili mo, ha? Alam kong mabigat ang buhay, pero dapat hindi ka nagpapakain sa hirap,” sabi niya na may malasakit. Mabuti pa siya. Mabuti pa ang ibang tao may malasakit.

Hindi ko maiwasan ang bigat sa dibdib habang tinutulungan akong buhatin ni Aling Nida ang mga pinamili ko. Sa totoo lang, minsan naiisip kong sumuko na. Pero hindi pwede. Kailangang kayanin ko lahat ng ito. Napapaiyak na lang ako kasi sa ibang tao ko pa nararamdaman ang ganito kalinga. Sa ibang tao ko pa nararanasang sabihan na alagaan ang sarili ko, mag-ingat ako. Na sa totoo lang, napakasarap pakinggan sa tenga. Kung ganoon lang sana sina Tita Teofila at Liya, siguro kapag uuwi ako sa bahay ay mapapawi ang pagod ko. Kaya lang hindi, kabaliktaran. Sila pa ‘yung magdadagdag ng pagod sa akin.

Pagdating sa bahay, as usual, si Liya nakahiga na naman sa sofa, at si Tita Teofila ay nagbabasa ng dyaryo. “Nasaan na ang pinamili mo?” tanong ni Tita habang nag-aayos ako ng mga gamit sa kusina. Hindi man lang ako binigyan ng pagkakataong magpahinga.

Si Liya, agad namang lalapit sa akin. Kinuha niya agad ‘yung tinapay na binili ko para sana may merienda ako. Alam niya kasi na palagi akong bumibili ng tinapay para sana kainin ko pag-uuwi ako galing sa trabaho. Imbis na ako ang kumain, ayon, siya pang walang silbi ang kakain. Na akala mo ay pagod na pagod sa buhay.

Sabay na pagod na ang katawan at isip ko, lalo na kapag iniisip ko na bukas, paulit-ulit na naman ang lahat. Ang mga tao sa opisina, ang trabaho ko, ang tita at pinsan ko—lahat sila, parang bangungot na hindi ko matakasan.

Hindi ko alam kung kailan, pero naniniwala akong may mas maganda pang buhay na nakalaan para sa akin. Hindi pwedeng ganito lang. Hindi ko kayang manatiling ganito habang buhay.

Gusto ko, isang araw, ako na ang magdedesisyon sa buhay ko. Ako na ang mag-uutos at hindi na kailangang laging sumunod. Gusto kong maging malaya sa lahat ng mga inaapakang kagaya ko. Pero habang hindi pa dumarating ang araw na iyon, kailangan ko munang magtiis.

Isang gabi, habang nakahiga ako sa kama at nakatingin sa kisame, napaisip ako. Ano kaya ang gagawin ko kung yumaman ako? Kung bigla akong magkaroon ng bilyon? Siguro, aalis ako dito, bibilhan ko ng bahay ang sarili ko, malayo sa lahat ng nang-aapi sa akin. Siguro, hindi na ako kailangang bumangon ng maaga para pumasok sa trabaho na hindi ko naman gusto.

Kaya nga, kahit parang imposible, pinipilit kong abutin ang pangarap ko. Hindi ako susuko. Balang araw, magiging malaya rin ako. Balang araw, hindi na ako magiging katulong ng iba.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status