Share

Kabanata 005

“Ano? Hindi mo man lang siya napatay? Palpak ka na naman! Ano na lang ang sasabihin sa atin ni Boss?” tanong ng isang lalaki sa kabilang linya.

Kinakabahan siya dahil sa galit na boses na nagmumula sa telepono, alam niyang palpak na naman siya kaya mas lalo pang magagalit ang boss nila sa kan’ya mas worst ay baka masisante siya sa trabaho. Kinagat niya ang kan’yang labi hanggang sa nalasahan niya ang dugo. Tiningnan niya ang kan’yang kapatid na nahihirapang huminga, pinikit na lamang niya ang kan’yang mga mata para hindi makita iyon, nahihirapan siya sa tuwing nakikita ang kapatid niyang hirap huminga dahil sa malubhang sakit.

“P-Pasensya na, ginawa ko naman ang lahat eh, sadyang malakas ang babae at masamang damo kaya hindi ko siya natudas agad. Maipapadala mo ba ang pera sa akin ngayon? Kailangan na kailangan ko kasi iyon, kahit partial lang ang kunin ko alam mo naman ang sitwasyon ko ngayon, Pare , kailangan kong mapagamot ang aking kapatid sa lalong madaling panahon, baka lumubha na ang sakit nito’t hindi na makayanan pa…”

Ayaw niyang mawala ang kan’yang nag-iisang kapatid sa buhay niya kaya naman lahat ng trabaho ay pinasok niya kahit na pagpatay sa isang di kilalang tao ay ginagawa niya. Malaki ang offer sa kan’ya kaya hindi siya nagdalawang-isip na kunin ang trabahong iyon. Nagtagumpay siya sa unang tangka dahil nakuha niya ang anak nito, ngunit sa pangalawang pagkakataon ay pumalpak siya. Kinuyom niya ang kamao saka napailing. Kailangan niyang maipagamot ang batang nasa harapan niya sa lalong madaling panahon.

“Alam mo bang galit na galit si Boss sa akin? Hindi niya binigay sa akin ang pera mo at hangga’t buhay pa ang babaeng iyon , hindi natin makukuha ito.” Agad siyang napasabunot ng buhok dahil sa sinabi ng kan’yang kaibigan.

“Sayang naman ang effort ko pare, baka magawan mo ng paraan. Ginawa ko ang pinapagawa niya, swerte lang ng taong iyon dahil nabuhay pa. Pare, alam mong kailangan na kailangan ko iyon sa pagpapagamot ng kapatid ko,” naiiyak niyang sagot sa kabilang linya. Mahina lamang ang boses niya dahil ayaw niyang marinig ito ng kapatid niya. Tulog pa rin ito ngunit pa-minsan-minsan ay umuubo dahil sa sakit nito. May Tuberculosis ang kan’yang kapatid saka sakit na rin sa puso.

Unti-unti siyang nilalamon ng awa kapag nakikita ang kapatid na nahihirapan sa lagay nito, kung pwede nga lang ay sa kan’ya na lang mapunta ang sakit ng kapatid ay gagawin niya. Subalit hindi naman iyon pwede.

“S-Sige papahiramin na lamang kita ng pera, pare pero last na ito ah, alam mo namang may pinapakain din akong pamilya… Dalawampung-libo itong ipapadala ko, kunin mo at dalhin mo na sa hospital ang kapatid mo. Hindi nga kita maintindihan kung bakit labis ang pag-aalala mo sa batang iyan, eh hindi mo naman iyan kadugo.”

Napalingon siya sa batang nakahiga sa isang maliit na kama, mahimbing ang tulog nito’t sobrang nangangayat na ang katawan dahil sa sakit. Napaubo ito kaya agad siyang napangiwi.

Ang batang ito ang unang trabaho niya, gustong papatayin ng Boss nila ang batang ito no’ng sanggol pa lamang ngunit hindi niya magawa, may kapatid din siyang maliit pa kaya nahihirapan siyang patayin ito. Bagkus itinago niya na lamang ang sanggol at pinalabas sa boss nila na nagtagumpay siya sa pagpatay rito. Kaya nga lang siya napunta sa trabahong iyon dahil naghihingalo ang nakakababata niyang kapatid at balak niyang idala ito sa hospital. Nang maiuwi niya ang sanggol sa bahay niya, doon naman nawala ang kapatid niya.

“Halatang malubha na iyang kapatid mo, kailangan na niyang ma-confine sa hospital, pare.”

Mabait naman ang kaibigan niya, kung hindi nga lang sila nagigipit ay hindi nila gagawin ito. Mahirap sa kanila na gawin ang pinapagawa sa kanila, halos araw-araw ay inuusig sila ng konsesnya ngunit wala silang magawa. Mahirap lamang sila’t wala silang choice kung ‘di kumapit sa patalim.

Kung magtatrabaho siya ng marangal, ilang taon pa ang aabutin para makaipon siya ng malaking halaga baka nga sa panahong iyon patay na ang kapatid niya. Kaya nga pinapatos na niya ang kahit anong offer, easy money kumbaga. Wala siyang pakialam kung masunog man sa empyerno ang kaluluwa niya, ang mahalaga ay maipagamot at maging okay ang lagay ng kapatid niya.

“Maraming salamat, pare. Malaking bagay ang perang iyan para sa pagpapagamot ng kapatid ko. Tatanawin kong utang na loob ito. "

Tumawa lang ng mahina ang kan’yang kaibigan. “Magkaibigan tayo pare, what are friends are for? Handa akong tumulong para sa kapatid mo. Masama man tayong tao sa tingin ng iba subalit ginagawa lang naman natin iyon sa ating pamilya. Makaipon lang ako ng sapat na pera ay aalis na ako sa trabahong ito, sana ikaw rin.”

Hindi siya nakasagot sa sinabi nito, hindi niya alam kung kailan siya titigil, siguro kapag magaling na ang kapatid niya o kaya kapag patay na siya.

Agad na nagpaalam ang kan’yang kaibigan sa kan’ya. Mabilis namang pumasok sa banko niya ang perang pinahiram ng kan’yang kaibigan sa kan’ya kaya wala siyang sinayang na oras, agad niyang idinala ang kapatid niya sa hospital.

“N-Nasaan tayo, Kuya?” nahihirapang tanong ng kan’yang kapatid sa kan’ya. Napangiti siya nang makita ang mga mata nito, manang-mana talaga ito sa kan’yang ina. Hindi man niya kilala ang babaeng iyon ngunit memoryang-memorya pa niya ang mukha ng dalaga. Kulay berde ang isang mata ng bata at ang isa naman ay kulay asul na sa paniniwala niyang galing iyon sa ama.

Unang trabaho niya ito, sa panahon din iyon nawala rin ang kapatid niya. Siguro’y karma na iyon sa nagawa niya. Inilayo niya ang batang ito sa tunay niyang magulang at pinalabas na patay na. Gusto niyang ibalik na lamang ang bata sa tunay na pamilya nito ngunit baka malaman ng boss nila at pati siya ipapatay kasama na ang inosenteng batang ito. Ayaw niya namang mangyari iyon, hindi man niya kilala ang boss nila, alam niyang may kapangyarihan ito at maraming pera.

“K-Kuya?” Bumalik siya sa realidad nang marinig ang boses ng kapatid.

“Narito tayo sa hospital, Karina. Ipapagamot ka na ng kuya, may sapat na tayong pera para mapagamot ka. Magiging malakas ka na’t makakapaglaro sa labas kapag gumaling ka.”

Karina ang ipinangalan niya sa bata, pangalan din ng namayapa niyang kapatid. Gusto niyang isipin na hindi nawala ang kapatid niya noon at ang batang ito ay kapatid niya. Niloloko man niya ang sarili subalit iyon lang ang makakapagpasaya sa kan’ya. Miss na miss na niya ang kapatid at dahil sa batang ito ay naiibsan ang nararamdaman niya.

“T-talaga, kuya? Pangako, gagaling po ako. Susundin ko ang lahat ng sasabihin ng mga nars dito pati na ang doktor! Gagaling na ako, sa wakas! Salamat, Kuya ko…”

Niyakap siya ng mahigpit ng kapatid kaya napangiti siya. Nakaramdam siya ng kaginhawan sa mga panahong iyon. Gagawin niya talaga ang lahat para mapagaling ang kapatid, sa gano’ng paraan ay makabawi siya rito. Inilayo niya ito sa tunay niyang magulang kaya siya lang ang dapat na sisihin sa lahat.

Iniwan niyang nagpapahinga sa loob ng kwarto ang kapatid. Hindi niya namalayang nasa labas na pala ang doktor kaya agad siya nitong kinausap.

“Ikaw ba ang guardian ng bata sa loob?” tanong nito kaya napatango siya.

“A-Ako nga h-ho…”

“Sundan mo ako.”

Kaagad niya namang sinundan ang doktor sa opisina nito, hindi pa man siya nakakapasok sa loob ay may nahagip ang kan’yang mga mata sa ‘di kalayuan. Isang pigura ng babae, umiiyak ito kasama ng isa pang babae. Mas lumapit pa siya rito, alam niyang sobrang pamilyar ng babae sa kan’ya kaya agad niyang sinilip ang mukha nito.

Bigla siyang nagimbal nang makita ang mukha ng babae.

Ilang taon na ang nakalipas nang makita niya ito. Sanggol pa lamang si Karina noon at ngayon tatlong taong gulang na. Kung iisipin matagal ng panahon iyon ngunit hindi pa rin nagbabago ang itsura ng babae.

Hindi siya nagkakamali, ang babae ang tunay na ina ni Karina.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status