Share

Chapter 4: Bente Pesos

Chapter 4

Bente Pesos

Ano ba ang nangyayari sa mundo? Kailan ba titigil ang ganitong mga gawain? Kidnapper, magnanakaw, ano pa?! Sa mga oras na ito, iyan lang talaga ang naiisip ko na isa siyang magnanakaw. Akala niya siguro marami akong pera pero nagkakamali siya. Hindi ako anak ng isang mayaman. Huwag kang magpapadala sa itsura Mia. Hindi porket ang guwapo niya, mabuting tao na siya.

"Magna-" biglang napatigil ako sa pagsigaw nang tinakpan nito ang bibig ko gamit ang isang kamay niya.

"Miss, mali ang iniisip mo. Hindi ako masamang tao. Kailangan ko lang talaga ng pera ngayon."

Hindi raw siya masamang tao pero tinatanong niya kung may pera ako? Edi, magnanakaw nga siya! At hawak niya pa rin ang braso ko ng sobrang higpit. Alam niya talagang tatakasan ko siya!

"May Bente pesos ka ba sa wallet mo? Kulang kasi ang dala kong pera ngayon." Napatingin pa nga siya sa kamay ko kung saan hawak ko ang aking pitaka. Parang nagmamadali pa siya base sa itsura niya.

Napatigil lang ako sa pag-iisip at napakunot-noo pa nga ako. Kanina lang ay galit na galit ang mukha ko pero ngayon naguguluhan na ako sa inaasta niya.

A-Ano raw? B-Bente pesos?

"Pasensiya na Miss wala na akong oras."

Nabigla nalang ako nang hinablot nito ang pitaka mula sa kamay ko. Binuksan niya pa nga ito nang walang pag-aalinlangan. At mabilisan kinuha ang Bente pesos doon. Agad naman nataranta ako nang makuha niya ang Bente pesos ko.

A-Anong ginagawa niya? Kuwarenta pesos na nga lang ang natira sa wallet ko tapos nanakawin pa niya ang Bente pesos ko?!

Tang ina, naman!

Nang Ibinalik niya sa akin ang wallet ko ay napanganga nalang talaga ako sa ginawa niya.

"Don't worry, Miss. Babayaran naman kita. By the way, I'm CD." Kumindat pa siya.

Aba't naman! May gana pa talaga siyang magpakilala! Ano raw? CD? Ano siya? DVD? At may pa kindat pa talaga siyang nalalaman! Bigyan kaya kita ng malakas na suntok sa mata tingnan natin kung maka-kindat ka pa!

Ngunit bago ko pa magawa iyon ay nakapara na nga siya ng taxi at agad nakasakay. Nawala nalang siya bigla sa paningin ko na parang bula habang ako heto parang tanga nakatayo pa rin sa daan at hindi pa rin maproseso sa isip ang nangyari.

Nakatulala ako kung saan siya sumakay ng taxi kanina. Ang walang hiyang iyon! Kapag makita ko ulit ang pagmumukha niya humanda siya sa akin! Ang kapal ng mukha niyang kunin ang Bente pesos ko!

“Ah!” napasigaw na lamang ako at napasabunot pa ng buhok sa sobrang inis.

Akala niya siguro ang dali-dali lang makahanap ng pera ngayon. Pinaghirapan iyon ng mga magulang ko! Dugo’t-pawis silang nagpapakahirap para lang mataguyod kaming magkakapatid tapos ang gagong iyon nanakawin-

"Miss! Nakita mo ba kung saan pumunta iyong lalaking halos kulay itim lahat ang suot?"

Nabigla ako nang may kumalabit sa likod ko kaya napaharap pa ako rito. Pagharap ko nga ay isang babaeng hingal na hingal ang bumungad sa akin. Sumunod pa ang dalawang babae sa kaniya na kagagaling din sa pagtakbo. Tinutukoy siguro nito ang lalaking walang hiyang kumuha ng Bente pesos ko.

"Nakaalis na sumakay ng taxi," mapait kong sinabi.

Hinahabol ba nila iyong lalaki? Bakit?

"Sayang hindi na natin siya nahabol. Paano iyan wala na akong pera para sundan pa siya."

"Pumunta pa naman ako rito dahil sabi ng isang kaibigan ko ay nandito raw siya. Malayo pa kaya ang bahay ko."

"Wala na nga akong pera pamasahe pauwi tapos hindi ko pa siya makikita. Ano ba 'yan!"

Palipat-lipat ang tingin ko sa kanilang tatlo. Iisa lang ang naiisip kong dahilan kung bakit hinahabol ng tatlong babaeng ito ang walang hiyang kumuha ng Bente pesos ko. Baon siguro sa utang ang lalaking iyon sa kanila kaya tinatakasan niya ang mga ito dahil wala siyang pambayad. At dinamay pa talaga niya ang Bente pesos ko sa pagtakas niya. Buwisit!

Nakaramdam tuloy ako ng awa sa kanila. Alam ko kasi iyong pakiramdam na may u-utang sa iyo pero sa kahuli-hulihan ay hindi ka rin pala babayaran. Sila iyong mga klaseng taong paasa na mas malala pa kaysa paasahin ka sa pag-ibig. Mag-su-suggest sana ako na humingi nalang sila ng tulong sa mga pulis para mapadali ang paghahanap nila sa lalaki pero agad na pala silang nakaalis sa harapan ko.

Napatingin na lamang ako sa aking wallet na Bente pesos nalang ang natira. Hindi ito kasya para sa pamasahe ko pauwi kasi dalawang sakay ito bago makarating sa amin. No choice ako kundi maglakad ng isang oras pauwi sa amin.

Ang suwerte mo talaga, Mia! Ang suwerte-suwerte mo talaga!

Napailing na lamang ako. Ibibili ko nalang ng chuckie ang natitirang Bente pesos para kay Sky at uuwi na ako dahil mahaba-haba pa ang lalakbayin ko. Kumukulo talaga ang dugo ko sa lalaking iyon! Buwisit! Nakakainis! Ang sarap ipakain sa buwaya!

NANG dumating nga ako sa bahay ay agad sinalubungan ako ng aking kapatid. Tuwang-tuwa pa nga siya nang ibinigay ko sa kaniya ang binili kong chuckie. Parang nabawasan bigla ang pagka-bad mood ko nang makitang masaya ang kapatid ko.

"MM, alagaan mo ng mabuti ang Mama mo at ang kapatid mo."

Kumakain kami ngayon para sa hapunan nang biglang nagsalita si papa.

"Opo, Pa," sagot ko.

"Alam mo naman anak na palaging nasa piligro ang buhay ng Papa mo dahil sa trabaho. Gusto ko lang sabihin iyon sa iyo dahil baka may masamang mangyari sa akin."

"Alfredo!" pigil ni mama sa kaniya.

Isang pulis ang Papa ko kaya naiintindihan ko siya kung bakit ganito na lamang siya magsalita. Pero ang magsalita siya na parang may masamang mangyayari sa kaniya ay iyon ang hindi ko matatanggap.

"Alfredo, huwag ka naman magsalita ng ganyan sa anak mo na parang may masamang mangyayari sa iyo. Hindi iyan nakakatuwa," madiin na sinabi ni Mama pero sa mahinahong boses lang.

"MM, dalhin mo na si Sky sa kuwarto niya," baling ni Papa sa akin.

Tiningnan ko si Sky at kakatapos nga lang niya kumain. Apat na taon palang siya pero ang linis na niyang kumain. "Sky, gusto mo story telling tayo sa kuwarto mo?" Ngumiti pa ako sa kaniya.

Na-excite nga siyang bumaling sa akin bago nagsalita. "Yes, Ate MM! I love story telling!"

"Okay. Let's go to your room, baby," sabi ko at sabay binaba siya mula sa kaniyang kinauupuan.

Nang nasa hagdanan na kami ni Sky para pumunta sa kuwarto niya ay narinig ko pa ang pag-uusap ulit ni Mama’t Papa. Nagtatalo pa nga sila. Upang hindi marinig ni Sky ang pagtatalo nila ay tinakpan ko pa ang magkabilang tainga niya. Nang nasa loob na kami ng kuwarto niya ay pinalitan ko muna siya ng damit pantulog.

"Anong gusto mong basahin ni Ate?"

Nakahiga na nga siya ngayon sa kama nang nakakumot hanggang dibdib. Nakasandal naman ang aking likod sa headboard ng kama habang magkatabi kami.

"T-The Lion King po Ate MM."

"Alright, baby.” Ngumiti ako habang hinahaplos pa ang buhok niya.

Nagsimula na nga rin akong basahin ang kuwento. Nakikinig naman siya at paminsan-minsan kinukusot nito ang kabilang mata kaya napapahinto rin ako sa pagbabasa. Napapanguso nalang talaga ako dahil ang cute niyang tingnan. Pagkatapos kong basahin ang kuwento ay hindi ko namalayang nakatulog na pala siya. Inayos ko muna ang kumot niya bago pinatay ang ilaw. Pagkatapos ay lumabas na ako at tuluyang pumunta sa aking kuwarto.

DUMATING ang kaarawan ni Sky at limang taon na rin ang kapatid ko. Kaninang umaga lang kami naghanda para sa mga pagkain at mabuting natapos agad kami bandang alas-dos ng hapon. Si Mama ang nagluto ng ibang mga pagkain pero iyong iba ay inorder lang. Si Papa naman ang taga-bili kapag may kinakailangan. At ako naman ang nag-decorate rito sa bahay.

"Happy Birthday, Sky!" bati ni Bianca sa kapatid ko nang dumating siya.

"Here's my gift for you, baby!"

"T-Thank you po, Ate Bianca!" masiglang tugon ng kapatid ko sa kaniya. Masayang tinanggap din ni Sky ang regalo at agad pa nga siyang pumunta kina Mama para ipakita na may regalo na naman siyang natanggap.

Nandito rin ang mga kaibigan niya. At kasalukuyang nasa labas na sila ngayon naglalaro ng mga iba't -bang klaseng palarong pambata matapos kaming magsalo-salo lahat. Kung kaya’t ngayon ay nasa kusina kami ni Bianca at tinutulungan nga niya akong magligpit. Naghuhugas ako ng mga pinagkainan habang siya'y nagwawalis sa sahig.

"May sasabahin pala ako sa ‘yo, Mia."

"Ano?" tanong ko nang lumingon ako sa kaniya. At napansin ko pa nga ang bagsak balikat niya.

May problema ba siya?

"Hindi matutuloy ang concert niya," matamlay niyang pagkakasabi.

Napatigil ako sa paghugas. H-Hindi matutuloy? Mauudlot na naman ba ang pagkakataon para makita ko siya? Napabuntong-hininga na lamang ako.

“Sabihan nalang kita Mia kapag nagkaroon siya ng fan meeting!” bawi niya.

Bahagyang nabuhayan ako sa sinabi niya kaya itinuloy ko ang paghuhugas.

"Ate MM! Ate MM!"

Napalingon ako sa likod nang marinig ang boses ni Sky. Mukhang excited pa nga siya nang lumapit sa akin.

"Tapos na ba kayo sa paglalaro?" tanong ko nang makalapit siya sa akin. Nakita ko pang hawak-hawak niya ang laruang robot.

"Nasa labas po si Kuya Gab!"

Agad nanlaki ang mga mata ko sa narinig. N-Nadito si Gabriel?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status