Share

5 - Supladong Lalaki

Bumaba si Elle sa kotse at iniwan muna ang mga gamit sa loob. Habang dala-dala ang susi ng kotse ay lumapit siya sa lalaking nakatalikod sa kanya.

"E-Excuse me. Puwede po bang magtanong?" Ngunit hindi lumingon ang lalaki,kaya nagsalita muli si Elle, "H-Hello. Kuya naririnig mo ba ako? Puwede po bang magtanong?!" may kalakasan na niyang saad para marinig na ng lalaki.

Umayos ng tayo si Elle dahil mukhang lilingunin na siya ng lalaki, pero gumalaw lang pala ito. Sa inis niya ay bahagya niyang hinila ang suot nitong damit na may baltik ng putik, maging sa suot nitong pants na madulas. Magsasaka siguro itong lalaki kaya ganon.

"Kuya naman magtatanong lang ako bakit ba ayaw mong humarap!" Nang muling tumaas ang tingin ni Elle ay nakalingon na pala sa kanya ang lalaki, bahagya siyang nag-hang dahil sa itsura nito. Makinis ang mukha, halatang maputi ang balat nito, pero bahagyang naging tan dahil siguro sa pagbibilad sa araw, matangos ang ilong, mapungay na mata na may mahabang pilik-mata, makapal na kilay, at may mapulang labi na mas maganda pa sa ibang babae na hindi pantay ang kulay dahil sa discoloration, at isa pa, mukha siyang hindi magsasaka, ang damit lang nitong suot dahil sa putik.

"Anong mapaglilingkod ko sayo?" nakakunot ang noo ng lalaki habang tinatanggal ang airpods nito sa kabilang tenga.

Napatikom ang bibig ni Elle nang makita ang hawak nitong airpods, kaya pala hindi siya marinig dahil may pasak ang tenga.

"Nandiyan ba si Lola Tyla?"

"Anong kailangan mo sa kanya?"

"Bago ko sabihin, kilala mo ba siya? Baka mamaya magnanakaw ka na umaaligid dito na nag-disguise sa pagsusuot ng ganyang damit na marumi."

Humarap ang lalaki kay Elle, may pagka-suplado ang awra ng mukha nito, gwapo nga, suplado naman.

"Hindi ba dapat ako ang nagtatanong niyan sayo, miss—" Hinagod ng tingin ng lalaki si Elle mula ulo hanggang paa. "I mean, bro."

Bahagyang nanlaki ang mata ni Elle at tiningnan ang kanyang sarili, napagkamalan ba siyang tomboy ng lalaki na 'to?

"Babae ako kaya miss ay okay na!"

Tumaas naman ang dalawang kilay ng lalaki at humalukipkip. "Huwag ka ng mahiya, alam ko naman na nag-eexist kayo sa mundo kaya huwag ka ng magpaliwanag."

Napakagat sa labi si Elle habang nanlalaki ang butas ng ilong sa inis para sa lalaki . "Ikaw! Sabihin mo na lang kung nandiyan si Lola Tyla. Kung ano-ano ang napapansin mo, hindi naman tayo close!"

"Sabihin mo muna kung bakit mo siya hinahanap, at sasabihin ko kung nasa loob ba siya ng bahay."

Hindi muna pinansin ni Elle ang lalaki dahil nakatingin siya sa bahay. Sinisipat niya sa bintana kung may tao bang gumagalaw doon sa loob. Ang itsura ng bahay ay yung mga kahoy ang gamit sa paggawa, kaya maging ang bintana ay kahoy rin na binababa at tinataas lang pag bubuksan o isasara.

"Dito ang tingin miss, sagutin mo na ang tanong ko."

Inirapan naman ito ni Elle saka sumagot, "Maninirahan ako rito, kaya ko siya hinahanap."

Nagsalubong ang makapal na kilay ng lalaki, tinitigan si Elle na napansin naman ng huli.

"Bakit?"

"Hindi paupahan ang bahay na ito kaya umuwi ka na lang sa inyo."

Sinubukang lumakad ng lalaki pero humarang si Elle. "Sinagot ko na ang tanong mo kaya sagutin mo na rin ang tanong ko. Nandiyan ba si Lola Tyla?"

"Wala."

Kumuyom ang kamao ni Elle, wala naman pala sa loob, ang dami pang alam ng lalaking 'to. Mukhang aakyat muna ang dugo niya sa ulo bago niya malaman kung nasa loob ba talaga o wala si Lola Tyla.

"Ang ayos mo ring kausap no."

"Umuwi ka na lang sa inyo miss, ako na ang nagsasabi na hindi ka puwedeng tumira sa bahay na 'to dahil ako ang nakatira rito, sa ibang bahay nakatira si Aling Tyla."

Makikita sa mukha ni Elle ang pagkalito, itong bahay na ito ang eksaktong address pati numero ng bahay na sinabi sa kanya ni Gabrielle. Paanong iba ang nakatira?

"Huwag mo akong biruin, mister. Lola ng kaibigan ko si Lola Tyla, at siya ang nagrekomenda ng bahay na 'to para sa akin. Paanong dito ka nakatira? Wala namang anak si Lola Tyla dahil hindi naman siya nag-asawa."

"Dahil ako ang nagungupahan sa bahay na 'to. Naiintindihan mo na ba? Kaya hindi ka puwedeng tumira dito, bumalik ka na lang kung saan ka man nagmula."

Nagsimula ulit lumakad ang lalaki, pero hinarangan ni Elle ang daraanan nito, sa pagkakataon na 'yon ay papunta na ng pinto ng bahay ang lalaki.

"Ituro mo muna sa akin kung nasaan ang bahay ni Lola Tyla bago ka pumasok sa bahay na 'to!"

Tinitigan ng lalaki si Elle ng ilang segundo bago nagsalita, "Sumunod ka sa akin."

Naglakad ang lalaki papunta ng likod ng bahay kaya sumunod naman si Elle. Pagtapak pa lang ng mga paa niya sa likod ng bahay ay nakita niya ang maliit na bahay na parang ang laki ay pang isang kwarto lang.

"Iyon ang bahay niya. Iiwan na kita, kausapin mo na lang siya tungkol sa sinasabi mo."

Tiningnan na lamang ni Elle ang lalaki habang palayo sa kanya, bago muli siyang tumingin sa maliit na bahay. Naglakad siya palapit doon at sinilip sa bintana kung may tao ba, pero wala siyang nakita. Lumapit siya sa pinto at kumatok. Ilang beses ding kumatok si Elle dahil wala talagang nagbubukas ng pinto. Habang naghihintay ay bahagyang napalundag si Elle dahil biglang bumukas ang pinto at lumabas ang matandang babae.

"A-Anong kailangan mo, iha?"

Ngumiti naman si Elle at nagmano rito. "Magandang umaga ho, lola. Ako po si Elle ang kaibigan ni Gabrielle." Habang nakangiti na hindi kita ang ngipin. Tinitigan naman siya ni Lola Tyla ng maigi.

"I-Ikaw pala ang sinasabi niya, pasensya na at kagigising ko lang ulit kaya hindi ko naalala na darating ka ngayong araw."

"Okay lang ho, pero dito po ako maninirahan sa bahay na ito, 'di ba?" Tinuro ni Elle ang bahay sa harap.

"Oo diyan ka maninirahan. Hindi tayo puwede dito sa aking munting tahanan dahil pang-isang tao lang ang kasya dito."

"Pero, hindi daw po ako puwedeng tumira sa bahay na 'yon, lola. May lalaki po kasi akong nakausap at ang sabi ay siya raw po ang nakatira at nagungupahan sa bahay."

Maliit naman na napangiti si Tyla. "Puwede iyon iha, dalawa naman ang kwarto sa bahay na 'yan."

"Sorry po, pero hindi po kasi sa akin nabanggit ni Gabrielle na meron po pala akong makakasama na lalaki, akala ko po ay ikaw ang makakasama ko."

"Pasensya na iha, dahil hindi ko napaliwanag kay Gabrielle ang tungkol kay Jack. Mabait naman ang binata na iyon iha."

Napangiwi naman si Elle. Parang hindi naman iyon ang pinakita sa kanya ng lalaki kanina.

"Halika, ipapakilala kita sa kanya at masabi na rin na meron siyang makakasama sa bahay."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status