Share

2 - Plano Para Mag-move On

Pag dating sa desk niya ay kumuha siya agad ng puting papel para isulat ang lahat ng gusto niyang sabihin kung bakit siya magre-resign, pagkatapos ay pumasok siya sa opisina ni Franz at nilagay iyon sa ibabaw ng table nito. Handa na sana siyang umalis nang biglang bumukas ang pinto ng opisina at bumungad sa kanya ay si Franz na hingal na hingal. Sigurado siyang nag-drive ito ng mabilis para lang maabutan siya rito.

"E-Elle, Hindi pa tayo tapos mag-usap. Bawal kang lumabas ng opisina ko!"

Lumakad si Elle para lumabas, pero hinawakan ni Franz ang braso niya kaya siya napahinto.

"Tapos na tayo, Franz. Nandiyan na rin ang resignation letter ko, pirmahan mo na lang para maka-alis na ako dito sa kumpanya mo."

Hawak na ngayon ni Franz ang dalawang braso ni Elle habang nakaharap ito sa kanya.

"H-Hindi ako papayag!" May bahid na galit na pagkakasaad ni Franz.

"Sino ang may sabi na kailangan ko ang pahintulot mo? Kahit hindi ka pumayag aalis pa rin ako rito! Kung ayaw mong pirmahan, kasuhan mo na lang ako, mas okay pa iyon. Sa korte na lang tayo magkita!"

Biglang lumambot ang ekspresyon ng mukha ni Franz. Niyakap niya si Elle ng mahigpit habang tahimik na pumapatak ang luha nito.

"Hon. Pakinggan mo muna ako, mag-usap tayo, pero yung mahinahon na tayong dalawa. Mas lalong hindi tayo magkakaunawaan kung init ng ulo ang paiiralin natin."

Napapikit si Elle dahil sa boses na iyon ni Franz, pero nakapagdesisyon na siya at hindi na magbabago iyon kahit mahal na mahal niya pa si Franz. Tinulak niya ito para makalayo, nagtagumpay naman siya, pero napakagat siya sa likod ng labi niya nang makitang kumalat na sa mukha ni Franz ang luha nito.

"O-One more chance, Elle. Bigyan mo lang ako ng isa pang chance, hindi na ako makikipagkita kay Blair, kaya please, huwag mo akong iiwan!"

May biglang pumasok sa opisina ni Franz, kaya napatingin ang dalawa sa pinto. Ang dumating ay ang magulang ni Franz na ang turing na rin kay Elle ay tunay na anak.

"A-Anong nangyayari sa inyong dalawa? Bakit parehas kayong umiiyak?" tanong ng ina ni Franz.

Umiwas ng tingin si Elle at lumayo ng bahagya kay Franz.

"Wala sa inyong magpapaliwanag kung bakit kayo luhaan?" Tumingin ang ina ni Franz kay Elle. "Elle, anong nangyari?"

Matapang na humarap si Elle sa ina ni Franz. "Maraming salamat tita sa pag-aruga sa akin simula ng mawala ang magulang ko. Naging magkasintahan kami ng anak mo dahil na rin gusto mo akong maging tunay na anak, pero kailangan ko na pong umalis at hindi na po ako babalik."

Naguguluhan na tumingin ang ina ni Franz kay Elle, maging ang ama ni Franz na tahimik lang na nasa isang gilid.

"Anong ibig mong sabihin, Elle?"

"Wala na po kami ng anak mo, tita. Winakasan ko na po ang pagiging magkasintahan naming dalawa. Maraming-maraming salamat po sa lahat ng tulong na nakuha ko mula sa inyong dalawa ni tito. Ito na rin po ang araw na nag-resign na ako sa trabaho."

Biglang nag-panic ang mukha ng ina ni Franz. Sinubukan nitong lumapit kay Elle pero agad na lumayo ito at pumunta ng pinto. Tiningnan isa-isa ni Elle ang mga ito bago malungkot na ngumiti bago tuluyang naglakad palayo. Nakarinig pa siya ng ilang beses na pagtawag sa pangalan niya pero hindi na siya lumingon kahit boses iyon ng ina ni Franz na may tonong nagwawala dahil gusto nitong habulin si Elle.

Mabilis na nakababa ng building si Elle at sumakay ng kotse na hindi na lumingon pa, pero habang paliko siya paakyat ng kalsada ay nakita niya sa salamin na hinahabol ni Franz ang kotse niya, malungkot siyang ngumiti, bago binilisan ang pagpapatakbo ng kotse hanggang sa makalayo siya sa lugar na iyon at mapadpad sa bahay ng kanyang kaibigan na si Gabrielle.

Kumatok siya sa pinto ng bahay nito ng ilang beses bago buksan ni Gabrielle ang pinto na halatang bagong gising lang, pero napamulagat ang mata nito ng malaki nang makita siya

"Anong nangyari sa mata mo?"

Ngumiti si Elle at pumasok sa loob ng bahay. Umupo siya sa couch at pumikit.

"Hoy Elle! Ano bang nangyari diyan? Hindi naman siguro kinagat ng ipis 'yan."

"Wala na kami."

Salubong ang kilay ni Gabrielle habang dahan-dahan itong napaupo sa couch habang nakatitig sa mukha ni Elle.

"Ni Franz?"

"Yes."

Napakunot ang noo ni Elle nang may marinig na ingay na nagmumula sa sahig. Pagdilat ng mata niya ay si Gabrielle pala ang salarin sa pagtalon nito habang may malaking ngiti sa labi.

"Finally! Finally!" Umupo ito sa tabi ni Elle. "Sa wakas natauhan ka na rin, pero umabot ng isang taon bago nauntog 'yang ulo mo bago mo hiwalayan si Franz!" Umirap ito saka umupo ng maayos at sumandal sa couch.

Napataas ang dalawang kilay ni Elle. "Parang ikaw pa ang nakipag-break sa ating dalawa kung makatalon ka sa saya."

"Malamang! Sa tigas ng ulo mo noon at hindi nakikinig sa akin talagang magsasaya ako ngayon dahil finally nakalaya ka na sa lalaki na 'yon na ginagawa ka na lang tanga!"

Sumandal muli si Elle sa couch at napatitig sa kisame ng bahay. "May hangganan din naman ang pasensya at puso ko, Gab. Kahit mahal na mahal ko si Franz kung paulit-ulit lang din niya akong bibiguin, mas mabuting maghiwalay na lang kami."

"Tama! Pero sa ugali ng ex mo hindi malabong kulitin ka niya ulit para bumalik sa kanya."

Dumilat si Elle at tumingin kay Gabrielle. "Kaya kailangan ko ng tulong mo. Aalis ako at pupunta sa isang lugar, baka may lugar kang alam na malayo at hindi masyadong kilala para makapamuhay ako ng tahimik doon, at baka doon ko na rin igugol ang pansin ko sa pagmo-move-on."

Nag-isip si Gabrielle habang nakahawak sa baba nito, pero hindi naman nagtagal ay napangiti ito at tumingin kay Elle. "Meron! May isang lola ako sa lugar na 'yon na may rental house. Luma na iyon at dalawang kwarto lang pero don't worry hindi naman mukhang hunted house iyon, luma lang dahil mga old structure pa ang gamit. Parang maliit na siyudad na nalalapit sa probinsya nga pala iyon, baka hindi ka masanay."

"Tsk. Kahit bundok pa iyon, Gab, makalayo lang ako kay Franz ay okay lang sa akin. Kahit unggoy pa ang kapitbahay ko."

"Baliw, pero sige tatawagan ko siya mamaya para sabihin na pupunta ka doon at mag-stay ng—" Tumingin ito kay Elle. "Ilang months?"

"Hanggang sa makalimutan ko na si Franz, malay mo doon na rin ako makahanap ng panibagong trabaho."

Napangisi si Gabirelle. "Sabagay. Kailan naman ang araw na gusto mong pumunta do'n?"

"Bukas."

Nanlaki naman ang mata ni Gabrielle na tumingin kay Elle. "Sigurado ka ba? Wala ka ngang dalang damit. Ang damit mo nasa bahay ng magulang ni Franz, babalik ka do'n?"

"Hindi. Bibili lang ako ng konti at diretso na ako do'n sa lugar na sinasabi mo."

"Grabeng pagmo-move-on 'yan, pero sige sasabihin ko sa lola ko na darating ka bukas. Madali lang naman makarating doon at malaman kung saang address dahil may cellphone ka naman."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status