Nagmamadaling umuwi si Aleisha dala-dala pa rin ang tanong kung sino ang nakasama niya kagabi. Malayo pa lang ay nakikita na niya kung sino-sino ang nasa loob ng kanilang bahay.
Isang mataba at panot na matanda ang nakaupo sa sala habang galit na nakatingin kay Sophia— anak ni Amanda. "Anak ka talaga ng nanay mo! Nangako ka na magpapakasal sa akin pero pinaghintay mo lang ako buong gabi!"
Napayuko na lamang si Sophia dahil sa kahihiyan. Ganito talaga si Mr. Sandoval. Kapag may natitipuhan itong babae ay aalukin niya ng kasal. Paglalaruan niya lang ang mga babae. At sino namang tanga ang gugustuhing makasal sa isang tulad niya?
Malas niya lang at siya ang nakita ng matandang panot. Hindi na sila nito tinantanan.
Pero dahil mahal siya ng mga magulang nila ay hinayaan nilang si Aleisha ang makasal dito. Ipapakilala na sana nila ito kay Mr. Sandoval pero buong gabi itong wala at hindi sumipot sa usapan nila.
"Nakahanap ng tyempo ang gaga para tumakas," nanggagalaiting saad ni Sophia sa sarili.
Umupo naman sa tabi ni Mr. Sandoval si Amanda. "Ito naman si Mr. Sandoval. Masyado pa kasing bata ang anak ko at wala pa sa isip niya ang pag-aasawa."
"Oo nga, Mr. Sandoval," dugtong naman ni Arnold— ang ama ni Aleisha. "Kalmahan muna natin."
"Kalma!" asik ni Mr. Sandoval. Halos hindi na makahinga nang maayos ang matanda dahil sa katabaan nito. "At dahil ayaw ninyong pumayag sa kundisyon ko ay hahayaan kong malugi ang negosyo ninyo!"
Kaagad na tumayo si Mr. Sandoval at muntik pang matumba. Hindi na siya nagsalita pa at galit na tinungo ang pinto palabas ng bahay. Nagkataong papasok si Aleisha kaya nakatinginan sila.
Namangha naman si Mr. Sandoval sa gandang taglay ni Aleisha. Napanganga pa ito na halatang sabik na sabik. Ang kanyang galit ay napalitan ng pagnanasa.
Sino ba namang hindi magagandahan kay Aleisha? Bukod sa natural ang ganda nito at walang make-up ay kutis-porselana pa ang dalaga. Kahit matandang natutulog na ang alaga ay talagang mapapatayo.
"Sino ka, hija?" nakangiting tanong ni Mr. Sandoval kay Aleisha habang tinitingnan ito mula ulo hanggang paa.
Samantalang napaisip naman si Aleisha na ito nga si Mr. Sandoval.
Napunta lamang pala sa wala ang pagsasakripisyo niya para sa kapatid. Gayong alam niya naman na may kakaiba sa lalakeng nakasama kagabi ay pinagpatuloy niya pa rin. Wala na siyang magagawa pa kung hindi sisihin ang sarili.
Bago pa man makapagsalita si Aleisha ay nakalapit na si Amanda. Kulang na lang ay lumuwa ang mga mata nito dahil sa ang sama ng pagkakatingin kay Aleisha. Pero kaagad ding ngumiti at hinarap si Mr. Sandoval. "Ito nga pala si Aleisha, anak namin. Maganda siya, hindi ba? Walang makakapantay sa ganda niya sa buong syudad!"
Maganda naman si Sophia. Pero kung ikukumpara sa ganda ni Aleisha ay wala siyang maibubuga.
Kaya kahit alam nilang patay na patay si Mr. Sandoval kay Sophia, alam din nilang hindi ito tatanggi kapag si Aleisha na ang ipapalit kay Sophia para pakasalan ito.
"Hindi na masama!" masayang nasabi ni Mr. Sandoval.
"Wala pang boyfriend iyan, Mr. Sandoval. Kaya ayos lang na maging Mrs. Sandoval siya," pandidikta pa ni Amanda.
"Paano kung ganito na lang..." tiningnan muli ni Mr. Sandoval si Aleisha na may pagnanasa. "Isang buwan makalipas ngayon, personal ko siyang kukunin dito. Sa pagkakataong iyon ay ayaw ko nang magkamali kayo."
"Huwag kang mag-aalala, Mr. Sandoval, ako mismo ang magbabantay sa kanya para hindi na siya mawala sa paningin ko!" natatawang wika naman ni Amanda na animo ay nanalo sa lotto.
Nang makaalis na ang matanda ay kaagad na nilapitan ni Aleisha si Arnold. "Hahayaan mo lang ba ang lahat ng ito, Papa? Ibebenta na naman ninyo ako?"
Magsasalita na sana si Arnold nang pigilan siya ni Amanda. "Anong ibebenta? Pinalaki kita at anong masama kung bumawi ka naman sa amin? Pasalamat ka at naaregluhan din kaagad si Mr. Sandoval kung hindi lagot ka talaga sa akin dahil sa ginawa mong pagtakas!"
Napaiyak na lamang si Aleisha. Nadungisan na ang kanyang dignidad at madudungisan na naman ulit.
"Ikulong mo ang babaeng iyan, Sophia!" utos ni Amanda sa anak. "Huwag na huwag iyang palalabasin!"
"Masusuno po, Mama!" natutuwa namang sagot ni Sophia.
"Papa! Magsalita ka naman!" hagulhol na sigaw ni Aleisha sa ama.
Madrasta niya lang si Amanda at ama niya pa rin si Arnold. Inisip ni Aleisha na kahit papaano ay may malasakit pa rin sa kanya ang kanyang ama. Alam niyang unti-unti nang nawawalan ito ng puso pero siya na lang ang nag-iisa niyang anak na babae— laman sa laman at dugo sa dugo.
Pero dinurog ang puso ni Aleisha nang talikuran lamang siya ni Arnold.
"Huwag mo nang pahirapan pa si Papa! Gusto mo bang mawala sa kanya ang negosyo na matagal niyang pinaghirapan at makulong?" nang-uuyam na tanong ni Sophia kay Aleisha. Marahas niyang hinila si Aleisha papunta sa kwarto nito para ikulong.
"Bitiwan mo ako!" nagpupumiglas na sigaw ni Aleisha. "Kaya kong maglakad!"
Hinayaan naman ni Sophia si Aleisha at sinundan ito. Tinulak niya pa ito papasok sa kwarto. "Ako sa iyo, manahimik ka na lang at sumunod. Hindi mo ba iniisip si Alexander? Hindi makakabuti na matigil ang pagpapagamot sa kanya nang matagal."
Isang ngisi ang pinakawalan ni Sophia bago isinara ang pinto at kinandado iyon mula sa labas.
Wala namang nagawa si Aleisha kung hindi ang maiyak sa galit. Wala siyang pagpipilian. Siya na lang ang mayroon si Alexander.
"Mama..." hagulhol ni Aleisha. "Anong gagawin ko?"
----
Makalipas ang ilang linggo ay nalalapit nang matapos ang isang buwang binigay sa kanila ni Mr. Sandoval.
Nasa loob lamang ng kwarto niya si Aleisha. Kung hindi ang lalake ang nasa isipan niya ay ang nanay niya naman ang lagi niyang naaalala.
Walong taon siya at isang taong gulang naman si Alexander nang mamatay ang nanay nila. Wala pang pitong araw ay pinakilala kaagad ng ama nila si Amanda at ang anak nitong si Sophia. Ang mas masakit pa roon ay muling magpapakasal ang ama nila.
Nalaman pa ni Aleisha na si Sophia pala ay totoong anak ng tatay nila. Pinanganak ito dalawang buwan bago siya isilang ng nanay nila. Matagal na pa lang nagtaksil ang ama nila sa kanilang ina.
Ng mga panahong iyon ay nawalan din siya ng ama.
"Mama..." bulong ni Aleisha sa kawalan. "Kung ikaw nasa sitwasyon ko, ano pong gagawin ninyo?"
Napatingala siya sa itaas ng kanyang cabinet at nakita ang nagpatong-patong na mga karton. Bigla siyang napatayo nang may naalala.
Kaagad niyang hinanap ang bagay na nagbigay sa kanya ng pag-asa. Nang makita ay kaagad na niyakap nito ang maliit na kahon. "Mama, wala na akong ibang naiisip pa na solusyon, ito na lang. Huwag po sana ninyo akong sisihin."
Binuksan ni Aleisha ang kahon at nakita ang pulseras na gawa sa jade. May kasama itong isang papel na may nakasulat na mga numero. Kaagad niya namang dinampot ang telepono. "Masyado nang matagal kaya hindi ko alam kung gumagana pa ang numerong ito."
Pero kahit ganoon ay sinubukan niya pa rin. Muntik pa siyang mapatalon sa tuwa dahil nagri-ring iyon. Habang naghihintay na may sumagot ay nagdadasal din siya na sana ay makilala nila siya. Matagal na panahon na rin kasi ang nakalipas.
"Hello? Sino ito?" tanong ng may katandaan ng boses ng lalake mula sa kabilang linya.
Huminga muna nang malalim si Aleisha bago sumagot. "Hello po, Mr. Raul Arizcon. Naaalala pa ba ninyo si Helen Ramirez? Anak niya po ako."
"Oo naman, hija! Kumusta ka na? Gusto sana kitang makita ngayon!" natutuwang saad ni Raul sa kabilang linya. Mararamdaman talaga ang kanyang kasiyahan.
Para namang nabunutan ng tinik si Aleisha dahil naalala pa siya nito. Matapos makapag-usap ay hinanda niya ang kanyang bagpack at nilagay roon ang pulseras pati na iba niya pang mga gamit.
Swerte niya lang at nasa ikalawang palapag lamang ang kanyang kwarto kaya hindi ganoon kataas. Mula sa mga pinagtagpi-tagping kumot ay ginamit niya iyon para makababa mula sa labas ng bintana.
Nagtagumpay naman siya kung kaya ay tumakbo na siya papalayo sa bahay nila at tinungo ang address na binigay ni Raul.
-----
Naagaw ang atensyon ni Raphael nang bumukas ang pinto ng kanyang opisina. Mukha ni Joaquin kaagad ang bumungad sa kanya.
"Pinapatanong ni Don Raul kung uuwi ka raw ba mamaya?" kaagad na tanong ni Joaquin.
"Oo," maikling sagot ni Raphael.
May sarili naman siyang condo. Kaso nga lang ay laging nagkakasakit ang kanyang lolo kaya sa mansyon siya umuuwi sa nakalipas na mga araw.
"Kumusta ang imbestigasyon?" tanong ni Raphael.
"Inaalam pa kung sino ang naglakas-loob na drogahin kayo," sagot naman ni Joaquin. "At tungkol naman dun sa babae ay nahanap na namin siya. Isa siyang artist. Hindi nakuha sa CCTV ang mukha niya pero may record ang hotel ng bawat taong pumapasok. Nagkamali siya ng pasok at dapat sa kwarto ni Sandoval ng Sandoval Constructions papasok kaya wala siyang kinalaman sa pagdodroga sa iyo."
Napapatango na lang si Raphael. Base sa ikinilos ng babae ng mga oras na iyon ay inosente talaga ito at kung nagkataon pa, baka ano pang nangyari kung sa kwarto ni Sandoval ito nakapasok.
"Anong pangalan niya?" kuryosong tanong ni Raphael.
"Sophia Santos." Inabot naman kaaagad ni Joaquin ang litrato ni Sophia kay Raphael.
Epekto ng droga at madilim pa ng gabing iyon ay hindi namukhaan ni Raphael ang babae.
"Maganda siya..." sa isip-isip ni Raphael.
Hindi na maganda ang kalusugan ng kanyang lolo dahil na rin sa katandaan nito. Kaya lagi siya nitong kinukulit tungkol sa pag-aasawa.
Ang kanyan lolo na lang ang mayroon siya. Kaya gagawin niya ang lahat para lamang maging masaya ito.
Pero sinong pakakasalan niya?
Nagkaroon siya ng childhood fiancé noon pero wala na silang kontak sa isa't isa.
Ngayon ay biglang sumulpot sa buhay niya si Sophia. Galing lang siya sa ordinaryong pamilya, inosente, at higit sa lahat ang unang babaeng nagpatibok sa kanyang puso.
Napangiti si Raphael. Mukhang nahanap niya ang magiging granddaughter-in-law ng lolo niya.
"Joaquin, pumunta ka sa mga Santos at makikipag-usap tayo."
----
Nagkakagulo naman sa bahay nila Aleisha dahil nagwawala na si Mr. Sandoval. Pagkarating niya ay masamang balita kaagad ang bumungad sa kanya. Tumakas na naman si Aleisha.
Galit na galit ang matandang panot. "Pinagloloko ba ninyo ako!"
"Hindi, Mr. Sandoval!" mangiyak-ngiyak na sagot naman ni Amanda.
"Ayaw ko nang makarinig ng mga kasinungalingan galing sa inyo! Hindi ako aalis na walang dala!" Kaagad na tiningnan ni Mr. Sandoval si Sophia. "Hindi ka niya kasingganda, pero pwede ka na rin. Isasama kita ngayon!"
Hinila ni Mr. Sandoval si Sophia sa palapulsuhan nito at Marahas na kinaladkad palabas ng bahay.
"Mama! Papa!" umiiyak na sigaw ni Sophia habang nagpupumiglas mula sa pagkakahawak sa kanya.
Dahil sa rami ng tauhan ni Mr. Sandoval ay walang nagawa sina Amanda at Arnold kung hindi ang magmakaawa na lang.
"M-Masyado pang bata si Sophia, M-Mr. Sandoval..." umiiyak na saad ni Amanda. "Hanapin na lang natin si Aleisha..."
"Hanapin ninyo sa impyerno!"
Sinubukang hilain ni Amanda si Sophia pero sinipa lang siya ni Mr. Sandoval.
"Mama!"
Nang makalabas na ng bahay si Mr. Sandoval habang hila-hila ang umiiyak na si Sophia ay bigla silang natigilan nang may isang sasakyan ang huminto sa harapan nila.
Bumaba mula sa kotse si Raphael at masamang tiningnan si Mr. Sandoval. Isang tinging nakamamatay.