Sa loob ng Hermosa Hotel, bandang alas diyes ng gabi— nakatayo sa harap ng pintong may mga numerong 3027 si Aleisha.
"Wala nang atrasan ito!" saad ni Aleisha sa sarili habang pabilis nang pabilis ang tibok ng kanyang puso. Pakiramdam niya ay tatalon na ito mula sa kinalalagyan nito. Hindi niya nga alam kung nasa hwisyo pa ba siya o nananagip lang.
"Sana nga ay panaginip na lang ang lahat..." naibulong niya sa sarili.
Sa oras na pumasok siya sa loob ay masisira ang dignidad niya bilang babae. Naikuyom niya ang kanyang mga palad dahil sa magkahalong takot at galit. Nanunuyo na ang lalamunan niya at pinagpapawisan na rin nang malamig.
Naagaw ang atensyon niya dahil sa pagtunog ng kanyang telepono. Kaagad niya iyong tiningnan. Mas lalong binalot ng galit at takot ang kanyang puso nang makitang may mensahe galing sa kanyang madrasta.
"Kapag ginalingan mo ang pag-asikaso kay Mr. Sandoval, pinangako niyang siya ang magbabayad sa pagpapagamot kay Alexander."
Para kay Aleisha ay parang iba ang dating niyong mga naunang salita sa mensahe ng kanyang madrasta. Halata sa mukha niya ang pamumutla at para bang mawawalan na ng malay ano mang oras. Ngayon pa lang ay naninindig na ang kanyang mga balahibo sa kaisipang madudungisan ang kanyang pagkababae. Hindi niya lubos-maisip na hahantong siya sa ganitong sitwasyon.
Huminga siya nang malalim. Ilang beses niya pa iyong inulit. Pinatatag niya ang loob. Inisip na hindi para sa kanya ang gagawin niyang ito.
Ngayon pa ba siya susuko? Gayong namanhid na siya sa lahat ng sakit at paghihirap na natamasa mula pa man noon?
Magmula nang magpakasal muli ang kanyang ama, wala na sa kanila ng kapatid niya ang atensyon nito. Hindi nga alam ni Aleisha kung tinuturing pa ba silang anak ng ama nila. Dahil sa loob ng sampung taon ay hinayaan lang ng ama nila na alipustahin at saktan sila ng kanilang madrasta.
Naroong hindi sila pinapakain nang maayos. Hindi na rin matino ang mga damit nila ng kapatid niya. Sinasaktan din sila nito— hinahampas ng kung ano-anong mga bagay. Minsan pa ay pinapahiya pa sila sa maraming tao.
Nasanay na si Aleisha sa pagmamaltrato sa kanila. Ang hindi niya lang matanggap ay naging sukdulan na ang kademonyohan ng madrasta nila.
Dahil sa palugi na ang negosyo ng ama ni Aleisha at nalubog na sila sa utang, ginawa siyang kabayaran ng madrasta nito para masagip ang negosyo nila at pangbayad-utang. Sa madaling salita ay binenta siya ng madrasta niya— katawan at kaluluwa.
Noong una ay hindi pumayag si Aleisha. Dahil doon ay nahinto ang pagpapagamot ng kapatid niya. Si Alexander ay may lung cancer. Dahil kumalat na ito sa iba pang internal organs nito ay hindi lang basta surgery ang kailangan— long term treatment sa pamamagitan ng radiation therapy o hindi naman kaya ay chemotherapy. Ibig sabihin ay malaking halaga ang kailangan para maisalba ang buhay nito.
At dahil mas masahol pa sa hayop ang madrasta nilang si Amanda, ay nasikmura nitong halos mag-agaw buhay si Alexander.
Muling huminga nang malalim si Aleisha bago naglakas-loob na katukin ang pintuan ng isa sa mga presidential suite ng Hermosa Hotel. Bahagya siyang natigilan nang malamang bukas pala iyon.
Dahan-dahan niyang tinulak ang pinto at sumalubong sa kanya ang napakadilim na kwarto. May bintana sa unahan at pumapasok mula roon ang kakaunting sinag na nagmumula sa buwan— sapat na para makita ni Aleisha ang sahig at magpatuloy sa pagpasok.
"M-Mr. Sandoval... p-papasok na po ako," kinakabahang nasabi ni Aleisha.
Nang biglang may isang braso ang humila kay Aleisha. Hinawakan siya sa leeg at marahas na ipinako sa dingding. Base sa pigura nito ay alam niyang lalake ito kahit sobrang dilim sa loob. Naramdaman niya ang sakit mula sa kanyang likod. Pero kaagad niya ring naamoy ang mabangong hininga nito.
Lihim na minura ni Aleisha ang sarili. Naisip niya pa rin iyon kahit sa ganitong sitwasyon?
"Anong ginawa... mo sa a-akin?"
Kung ang hininga nito ay nakakaakit sa pang-amoy, ang boses naman nito ay nakakaakit sa pandinig. Para bang nahihirapan itong huminga at namamaos ang boses.
Iwinaglit ni Aleisha sa isipan ang kung ano-anong pumapasok sa kanyang utak. Pero ipinagtataka niya lang ay ang tanong sa kanya ng lalake. "Anong ibig niyang sabihin?"
At dahil nakahawak pa rin sa leeg niya ang lalake ay nahihirapan siyang magsalita. Kaya naman ay umiling-iling muna siya at buong pwersang nagsalita. "W-Wala akong... a-alam."
Naramdaman naman ni Aleisha na lumuwang ang pagkakahawak ng lalake sa leeg niya. Handa na sana siyang tumakbo papalayo pero kaagad namang hinawakan ng lalake ang beywang niya at niyakap siya nito.
Parang isa itong matayog na dingding para kay Aleisha na hinding-hindi niya matatakasan. Alam din ni Aleisha na nanghihina ang lalake pero bakit parang mas nanghihina siya?
Kahit hindi makita ni Aleisha ang lalake pero damang-damang naman niya ang init ng katawan nito. Nararamdaman niya rin ang init ng hininga nito na nasa bandang tainga niya.
"Bibigyan kita ng pagkakataong itulak ako. Kapag nangyari iyon ay lumabas ka sa kwartong ito."
Nagdadalawang-isip si Aleisha. Kaya nga siya narito ay para sa lalakeng ito, tapos ay palalabasin lang siya nito?
Hindi! Kapag umalis siya nang walang nangyayari ay hindi iyon magugustuhan ni Mr. Sandoval. Paano na ang pagpapagamot ng kapatid niya?
Para sa kapatid niya ay hindi siya maaaring lumabas!
Nilakasan ni Aleisha ang loob at wala nang hiya-hiyang nagsalita habang mariing nakapikit. "Hindi ako lalabas. P-Pagmamay-ari m-mo ako ngayong g-gabi."
Bahagya siyang kumalas sa pagkakayakap sa kanya ng lalake. Dahil matangkad ito ay tumingkayad siya at pinulupot ang mga braso sa leeg nito. Walang sabi-sabing ginawaran niya ng halik ang lalake.
Nakakahiya man ay itinuloy pa rin ni Aleisha ang paghalik dito.
Nagulat ang lalake dahil sa lambot ng mga labi ni Aleisha. Ang kaninang init na kanyang naramdaman, ngayon ay nagliliyab na. Hindi niya na kaya pang magtimpi.
"Malinis ba ito?" tanong ng lalake habang nanggigigil na.
Napakagat-labi si Aleisha nang maramdaman ang init ng haplos nito sa gitna ng kanyang mga hita. May suot pa siya pero tagos sa kanyang balat ang init mula sa palad nito. Hindi niya ininda pa ang hiya at tumango. "Malinis ako."
"Tingnan nga natin kung totoo!"
Kahit na nahihilo ay nagawa pa rin ng lalake na buhatin si Aleisha at ilapag sa kama.
"Kung totoo man ay magiging akin ka na pagkatapos ng gabing ito..."
Hindi na nakapagsalita pa si Aleisha nang sakupin na ng lalake ang kanyang mga labi. Hindi niya na alam kung paanong nahubad na rin ng lalake ang kanyang damit. Ang mga halik nito ay naging mapusok at mas lalong uminit.
Wala nang nagawa pa si Aleisha kung hindi ang pumikit at mapahawak sa matres nang maramdaman niyang sinakop na rin ng lalake ang kanyang pagkababae. Hindi niya na napigilan ang mga luhang kusang tumakas mula sa kanyang mga mata.
Hindi lang isang beses siyang inangkin ng lalake. Paulit-ulit. Buong gabi.
Nagising si Aleisha dahil sa sakit na nararamdaman. Sumasakit ang buo niyang katawan at mahapdi ang kanyang pagkababae. Madilim pa rin pero nararamdaman niyang nakahiga siya sa braso ng lalake. Nakaharap siya rito kaya naman ay amoy na amoy niya ang hininga nito.
Bago pa man siya mawala sa sarili ay minabuti niyang tumayo na. Pero kaagad siyang niyakap ng lalake sa beywang niya. "Gising ka na?"
Hindi na makagalaw si Aleisha. Magkahalong takot at kaba ang nararamdaman niya.
"Nagsasabi ka nga ng totoo," sabi pa ng lalake sa masayang tono habang hinahaplos ang pisngi ni Aleisha. "Kaya mo bang tumayo? Sabay na tayong maligo."
Lihim na nataranta si Aleisha. Gusto niya nang umalis. "M-Mauna ka nang m-maligo."
Naisip ng lalake na baka nahihiya lang si Aleisha kaya hindi niya na ito pinilit pa. "Sige. Hintayin mo ako rito."
Pinisil pa nito ang pisngi ni Aleisha bago bumaba ng kama.
"Hintayin? Siraulo ba siya?"
Ni ayaw niya ngang manatili kahit isang segundo rito.
Bukas na ang ilaw sa banyo at dahil salamin ang pinto niyon ay nagkaroon na ng liwanag sa buong kwarto. Kaagad na bumangon si Aleisha at napakagat-labi pa ng maramdaman ang sakit at hapdi.
Tiniis niya ang sakit at kaagad na nagbihis. Hindi na nagdalawang-isip pa na umalis sa kwartong iyon. Pagkalabas na pagkalabas niya ay kaagad na tumunog ang telepono niya. Mabuti na lang at hindi iyon nalaglag mula sa bulsa ng pantalon niya.
Nakita niyang si Amanda ang tumatawag kaya kaagad niya iyong sinagot. "Nagawa ko na ang gusto mo kaya ipagpatuloy na ninyo ang pagpapagamot kay Alexander."
"Nagpapatawa ka bang p*****a ka!" sigaw ni Amanda mula sa kabilang linya. "Buong gabi kang wala! Si Sophia ang kasama ni Mr. Sandoval buong gabi! Tapos ngayon ay ang kapal ng mukha mong sabihing ipagamot ang hayop mong kapatid!"
"Nasa shower si Mr. Sandoval nang umalis ako—"
"Kagagahan!" galit na galit na sigaw ni Amanda. "Umuwi ka rito! Ginalit mo si Mr. Sandoval!"
Gulat naman si Aleisha. Mukhang nagsasabi nga ng totoo si Amanda dahil sa mga pagsigaw nito at pagmumura.
Kung ganoon ay sino ang lalakeng nakasama niya buong gabi?
-----
Samantala...
Pumasok si Joaquin sa hotel room ni Raphael. Binuksan niya ang kurtina at kaagad na nagliwanag ang buong kwarto. Maliwanag na sa labas. Ang madilim na kalangitan ay napalitan ng kulay kahel at asul.
Napansin ni Joaquin ang pagtigil ng agos ng tubig mula sa banyo. Hindi nagtagal ay lumabas si Raphael mula roon habang nakatapis ng tuwalya ang kanyang pang-ibaba.
Matangkad si Raphael. Maganda ang hubog ng katawan— may malapad na mga balikat at maliit na balakang. Mapagkakamalang isang modelo at gwapo.
Tiningnan ni Raphael si Joaquin at pagkatapos ay nilibot ng tingin ang palibot. "Nasaan siya?"
Napataas naman ang kilay ni Joaquin at umiling. "Wala akong nakitang ibang tao nang pumasok ako."
Nakasimangot na tiningnan ni Raphael ang kutson na namantsahan ng pulang likido.
"Tumakas ba siya?" dismayadong tanong ni Raphael na napalitan naman ng galit.
Sa buong buhay niya ay maraming tao na ang nagtangka sa buhay niya. Mukhang ito pa lang ang unang beses na may nagtagumpay.
May kung sino ang nagpainom sa kanya ng droga at nagtagumpay naman iyon.
Pero...
Dala lang ba talaga ng droga o hindi naman kaya ay kakaiba talaga ang babaeng iyon?
"Joaquin, alamin mo ang nangyari kagabi at hanapin mo ang babaeng iyon."