"Raphael Arizcon..."
Natigilan si Mr. Sandoval habang nakatingin kay Raphael. Kapag isa kang negosyante ay imposibleng hindi mo kilala ang isang Raphael Arizcon.
"B-Bakit ka narito?"
Hindi man lang pinansin ni Raphael si Mr. Sandoval. Nasa kay Sophia ang buo niyang atensyon na ngayon ay hilam na sa luha ang mukha— ang babaeng umiyak sa sakit dahil siya ang nakauna rito habang nasa ilalim ng kanyang mga bisig.
Mabilis na dumapo ang palad ni Raphael sa mukha ni Mr. Sandoval. Malakas iyon na naging dahilan ng pagkatumba nito sa sahig.
Kaagad namang naibuga ni Mr. Sandoval ang isang ngipin nito at napaluwa na rin siya ng dugo.
Habang gulat naman sila Amanda at wala nang masabi pa sa mga biglaang pangyayari.
Ngumisi si Raphael. Iyong tipo ng ngisi na hindi mo alam kung may maganda ba o masamang gagawin. "Nangahas kang saktan ang pagmamay-ari ko?"
Nakasalampak pa rin si Mr. Sandoval sa malamig na semento habang binabalot ng kahihiyan. Sa nanginginig na mga kamay ay itinabon niya iyon sa kanyang nagdurugong bibig habang hindi magkamayaw sa pagsasalita. "Mr. A-Arizcon... hindi ko alam na pagmamay-ari mo na siya. H-Hindi ko siya g-ginalaw. Parang awa m-mo na, p-pakawalan mo kami..."
Hindi naniwala si Raphael kay Mr. Sandoval kaya naman ay ibinaling nito ang mga tingin kay Sophia. "Hindi ba?"
"H-Hindi... h-hindi!" natataranta namang sagot ni Sophia kahit pa nagtataka sa kung ano nga bang nangyayari.
Binalik naman ni Raphael ang nag-aalab niyang mga tingin kay Mr. Sandoval. "Lumayas kayong lahat sa harapan ko!"
"S-Salamat! Salamat, Mr. Arizcon!" Kaagad namang umikot si Mr. Sandoval mula sa pagkakasalampak at parang pagong na nahihirapang makatayo.
Nakatinginan naman sina Amanda at Arnold habang nagtataka kung sino ang lalakeng nasa pamamahay nila ngayon.
Habang tinulungan naman ni Raphael si Sophia na makatayo. Nang makatayo na ito ay kaagad niyang pinahid ang mga luha sa pisngi ni Sophia gamit lamang ang kanyang mga daliri.
"Bakit ka umiiyak? Huwag ka nang matakot. Habang nasa tabi mo ako ay walang mangangahas na saktan ka pa," sabi pa ni Raphael sa mababang tono at nakakaakit sa pandinig.
Pinamulahan naman ng mga pisngi si Sophia kahit pa wala pa rin siyang ideya sa mga nangyayari. "K-Kilala mo ako?"
"Noong isang gabi, isang buwan na yata ang nakalilipas..." Mas lalo pang hininaan ni Raphael ang boses. "Hotel room 3027, Hermosa Hotel, ikaw at ako... nakalimutan mo na?"
Nang marinig nila ang Hermosa Hotel at ang numero ng kwarto ay naintindihan nila iyon kaagad. Hindi nga talaga nagsinungaling si Aleisha ng araw na iyon. Ang ipinagtaka lamang nila ay bakit maling kwarto ang napasukan nito. Pansin din nila na parang hindi namukhaan ng lalake si Aleisha dahil napagkamalan niya itong si Sophia.
Kaagad namang nasapo ni Sophia ang kanyang dibdib. "Maaari ba naming malaman ang pangalan mo?"
"Ako si Raphael Arizcon."
Nang marinig ang buong pangalan ng lalake ay ganoon na lamang ang pagkagulat nila. Sinong hindi nakakakilala sa pinakamayamang businessman sa buong Catalina at maging sa buong bansa? Ganoon kasikat ang mga Arizcon.
Hindi lamang sila makapaniwala na bata pa pala ang kasalukuyang presidente at nagpapalakad ng Arizcon Corporation dahil ni minsan ay hindi nagpakita sa media itong si Raphael.
Habang napupuno naman ng kasiyahan ang puso ni Sophia. Para sa kanya ay pagkakataon niya ito. Dahil hindi naman nakilala ni Raphael ang babaeng nakasama ng buong gabi ay sasabayan niya lang ang paniniwala nitong siya ang babaeng iyon.
"N-Nagkamali ako ng p-pinasukang kwarto..." mahinhin na saad ni Sophia.
Mariin namang tinitigan ni Raphael ang dalaga habang sinasariwa ang mga nangyari nang gabing iyon. Kahit pa sabihing nagkamali si Sophia ng pinasukang kwarto ay ni minsan hindi pinagsisihan ni Raphael iyon. Para sa kanya hindi iyon isang pagkakamali.
"Akin ka na. At dahil kailangan ko ng mag-asawa, magpakasal na tayo."
Magkahalong gulat at tuwa ang nararamdaman nina Amanda, Arnold, at Sophia dahil sa inanunsyo ni Raphael. Halos hindi sila makapagsalita sa sobrang kasiyahan.
Napataas naman ang kilay ni Raphael. "Ayaw mo ba? Bakit wala kang sinasabi?"
"Syempre, oo!" sabi pa ni Sophia na may kasama pang pagtili. Nang mapagtanto ang nagawa ay kaagad namang huminhin ang kanyang pagtawa at bahagya pang yumuko na kunwari ay nahihiya pa. "Oo naman."
Napahinga naman nang maluwag si Raphael. "Ako na ang bahala sa pag-aayos ng kasal. Maghintay ka lang."
"Ikaw ang bahala..." mahinhin na saad na ni Sophia. Halata mo sa kanya ang nag-uumapaw na kasiyahan.
Hindi lamang si Sophia ang nagdidiwang ngayon, kung hindi pati na rin sina Amanda at Arnold. Sino ba namang hindi? Isang Raphael Arizcon, nag-alok ng kasal! Isa lang ang ibig sabihin niyon...
Magtatampisaw sila sa kayamanan ni Raphael!
----
Sa mansyon naman ng mga Arizcon ay magkaharap na sina Don Raul at Aleisha. Binalik ni Don Raul ang hawak na pulseras sa dalaga. "Itago mo iyan dahil sa iyo naman talaga iyan."
"Opo, Don Raul."
"Iyan pa rin ang tawag mo sa akin?" natatawang tanong ng don kay Aleisha at napalitan naman iyon ng isang malalim na buntonghininga. "Binigay ko sa nanay mo ang pulseras na iyan noong niligtas niya ang buhay ko at nagkasundo na ipapakasal kayong dalawa ni Raphael pagdating ng panahon. Lumipas ang ilang taon ay nawalan kami ng komunikasyon at hindi ko inaasahang mamamatay siya sa murang edad. Pero nahanap mo ako, hija. Lumaki kang napakaganda. Bakit hindi natin pag-usapan ang inyong kasal? Tawagin mo na akong lolo."
Hindi malaman ni Aleisha kung anong sasabihin o magiging reaksyon man lang. Bago pa man kasi namatay ang kanyang ina ay nabanggit na nito sa kanya ang tungkol sa engagement. Sinabi rin nito sa kanya na huwag seryosohin ang bagay na iyon at kung maaari ay ibang pabor na lang ang hihingiin kapag nagkataon.
Isa pa, hindi siya naparito dahil sa engagement. Narito siya para sana humiram ng pera pangpagamot kay Alexander. Niligtas ng nanay nila si Don Raul noon kaya naisip niyang baka sakaling mapapahiram sila ng pera nito bilang utang na loob.
Kung hindi lamang siya desperada ay hinding-hindi siya pupunta rito at manghihiram ng pera.
Huminga nang malalim si Aleisha at kaagad na sinabi ang tunay na dahilan ng kanyang pagparito. "Don Raul, hindi mo ako naparito para—"
Kapwa sila natigilan nang may marinig na papalapit na mga yabag. Kaagad namang napangiti ang don. "Narito na si Raphael!"
Dahil nangako si Raphael kay Don Raul na uuwi ngayon ay hindi na siya nagtagal pa sa bahay nila Sophia. Pagkatapos mapag-usapan ang tungkol sa kasal ay kaagad na siyang umalis.
Ibabalita niya sa kanyang abuelo ang tungkol sa kanyang pagpapakasal at sigurado siyang matutuwa ito sa kanyang sorpresa.
Dala ang magandang balita ay pumasok si Raphael sa sala, nakangiti at nakadagdag iyon para mas lalo siyang gumwapo. "Nakauwi na ako, lolo! Sasabayan kita sa pagkain at magkapaglalaro pa tayo ng chess—"
Natigilan si Raphael nang makita si Aleisha. Kaagad na sinuri ng kanyang mga mata ang dalaga. Matangkad ito at may balingkintang katawan. Ang kutis nitong malaporselana ay mas lalong nagpatingkad sa kanyang angking ganda.
Masaya namang hinila ng don ang kamay ng apo. "Raphael, ito si Aleisha, ang fiancé mo. Maghanda ka na para sa kasal ninyo."
"H-Hello..." kiming bati ni Aleisha sa binata.
Habang hindi naman maipinta ang mukha ni Raphael. Kanina lang ay ang saya niya pa. Ngayon naman ay napalitan iyon ng pagkadisgusto.
Siya iyong babaeng laging kinukwento ng kanyang lolo sa kanya. Naging childhood fiance niya raw ito at hindi naglaon ay nawalan daw ito ng komunikasyon sa kanila. Kung siguro ay dumating lang siya ng ilang araw bago niya nahanap si Sophia ay hindi siya magdadalawang isip na pakasalan ito.
Pero iba na ngayon dahil nakilala niya na si Sophia. Ang babaeng ibinigay ng buo sa kanya ang sarili at higit sa lahat ay pinangakuan niya na ito ng kasal.
Hinding-hindi niya ito iiwan at tatalikuran.
Nilingon ni Raphael si Aleisha. "Hindi ko siya pakakasalan, lolo."
"Anong sabi mo?" Nawala na ang ngiti sa mga labi ng don nang marinig ang sinabi ng apo.
"May babae na akong gustong pakasalan—"
"Hindi maaari!" sigaw ni Don Raul at hindi makapaniwala na ang pinakamamahal niyang apo ay kaya siyang suwayin. "Anon kabaliwan ito?"
Bigla namang nanghina ang boses ni Raphael dahil sa pagsigaw ng abuelo. "Hindi po ito kabaliwan, lo. Ayaw kong magpakasal sa babaeng iyan."
Nalipat naman ang tingin ni Raphael kay Aleisha at tinaasan ito ng kilay. "Talagang sineryoso mo ang childhood engagement na iyon?"
"Manahimik ka, Raphael! Lalo mo akong ginagalit!" muling sigaw ng don na puno ng awtoridad. Hindi naglaon ay kaagad nitong kinapa ang dibdib dahil sa hindi siya makahinga nang maayos. "Anong tinuro ko sa iyo noong b-bata ka pa? S-Sa lahat ng pagkakataon ay l-lagi kang magpasalamat at lagi mong panghahawakan ang bawat salitang binibitawan mo. Nilalagay mo ako sa alanganing sitwasyon!"
Bigla na lamang natumba sa malamig na semento ang don habang nakahawak pa rin sa kanyang dibdib.
"Don Raul!"
"Lolo!"
Kaagad na dinala ang don sa malapit na hospital. Pagkatapos itong madala sa private room ay natagpuan ni Raphael si Aleisha sa may pasilyo.
Napansin naman ni Aleisha ang papalapit na si Raphael. Sa nag-aalang pakiramdam ay hinarap niya ang binata. "Ayos na ba ang kalagayan ni Don Raul?"
"Oo," tipid na sagot ni Raphael, halata ang pagkadisgusto sa dalaga..
"Mabuti naman," sagot ni Aleisha at kaagad na tinapat ang binata. "Pakisabi kay Don Raul na hindi ako nagpakita para sa engagement."
Hindi naman kasi inaasahan ni Aleisha na malaking bagay ang engagement na iyon para sa don at ang malala pa ay na-ospital pa ito dahil doon. Nawalan na tuloy siya ng lakas ng loob na manghiram pa ng pera.
"Dahil ayos naman na si Don—"
"Huwag kang mag-alala. Hindi mo kailangang mabahala sa ginawa mong gulo." Sa isip ni Raphael ay kung hindi lang dahil kay Aleisha ay hindi malalagay sa alanganin ang buhay ng kanyang lolo.
Si Don Raul ay laging binibigyang importansya ang mga salitang kanyang binibitawan. Ayaw ni Raphael na isugal ang buhay ng kanyang lolo para lang sa pansariling kasiyahan. Labag man sa kanyang loob ay mas mahalaga ang kanyang lolo higit pa sa kanyang sarili.
Malamig niyang tiningnan si Aleisha. "Gusto mo bang maging isa akong suwail na apo na hindi man lang kayang ibigay ang gusto ng kanyang pinakamamahal na lolo? Magpapakasal tayo."
Gulat na gulat si Aleisha. Hindi makapaniwala sa narinig. Gusto niyang umangal pero hindi niya alam kung anong sasabihin. Parang may sariling utak ang kanyang bibig at ayaw magsalita.
Pakiramdam niya tuloy ni Aleisha ay kasalanan niya kung bakit nagkaganito ang don.
"Gumawa tayo ng kasunduan," saad ni Raphael sa napakalamig nitong tono. "Magpapakasal tayo, pero sa papel lang. Kapag gumaling na si Lolo ay magpa-file ako ng divorce."
Ito na ba ang solusyon sa lahat?
Isang contract marriage?