Share

Chapter 6

Tintin POV

Kainis! Kaninang kanina pa ako naghihintay ng text ni Andrew hanggang ngayon wala pa rin. Pagkarating na pagkarating ko kanina mula sa trabaho ay gumayak na agad ako dahil sobrang excited ako na manonood kami ng sine ngayon. Kaso pasado alas singko na, anong oras pa kaya kami makakapanood ng sine? Siguro, sinasadya talaga ni Andrew na asarin ako, Para-paraan talaga siya para ayawan ko siya.

Naka ilang toothbrush na nga ako para hindi ako bad breath mamaya eh. Tumayo ako mula sa sofa upang kumuha nang maiinom sa kusina nang marinig kong tumunog ang cellphone ko. Halos liparin ko pabalik ang sofa kung saan ko ipinatong ang cellphone dahil baka si Andrew na ang nagtext.

Text message nga ni Andrew ang natanggap ko. Sinend niya kung saang sinehan kami magkikita. Nakalimutan ko na tuloy na iinom nga pala ako ng tubig dahil mabilis kong kinuha ang aking bag at lumabas na agad ng condo. Nagkukumahog akong tumawag na taxi para makarating agad sa tagpuan namin.

20 minutes na akong naghihintay nang makita kong paparating si Andrew.

“Sh*t, ang gwapo talaga!” sigaw ng puso ko.

Tanaw na tanaw ko siya dahil sa napakatangkad nito. Naka pantalong jeans lang ito at plain shirt pero sobrang gwapo pa rin at walang hindi mapapalingon sa kanya dahil nangingibabaw ang dating niya kumpara sa lahat ng mga taong naririto ngayon.

“Date ko yan!” ang sarap sanang isigaw.

Nakatingin siya sa mga movie posters habang papalapit siya sa akin.

“Ang tagal mo ha!” nakapamewang kong bungad sa kanya.

Kahit love ko pa siya, hindi pwedeng hindi siya makatikim sakin ng sumbat, namuti na kaya ang mga mata ko kahihintay sa kanya. Kaso wala naman sa akin ang atensyon niya kundi nasa mga posters.

“Alin kayang maganda rito?” anito na mukhang sarili naman ang kinakausap at dire-diretso sa pagpila para bumili ng ticket.

Habang pumipili siya ng panonoorin namin ay abala naman ako sa pagreply sa group chat sa mga katrabaho ko tungkol sa schedule namin.

“Bili tayo ng popcorn.” narinig kong sabi ni Andrew.

Hindi ko namalayang nakabili na pala siya ng ticket. Sumunod na lang ako sa kanya ng magtungo ito sa bilihan ng snacks. Bumili ito ng dalawang popcorn at sodas. Iniabot niya ang para sa akin at kinuha ko naman yun.

“Isa na lang sana ang binili mo. Dapat share na lang tayo para sweet.” wika ko nang hawak ko na ang popcorn.

“Sa lakas mong kumain, baka kulang pa nga sa’yo ang isa. Agawan mo pa ako” anito na nakakaloko ang ngiti kaya inirapan ko siya.

“Tara na magsisimula na yung palabas.” anito.

Sinabayan ko siya papunta sa sinehan. Napangiwi ako nang makita kung saan kami patungo.

“Horror?!?!” nakangiwi kong tanong.

“Bakit, ayaw mo ba ng horror?” tanong ni Andrew.

Nang makita ko ang reaksyon nya ay bigla ako bumawi. Ang totoo ay ayaw na ayaw ko nang horror dahil matatakutin ako pero kailangan kong magpaimpress kay Andrew na ang cool kong maging girlfriend kaya kunyari ay excited pa ako.

“Horror? Paano mo nalamang paborito ko ang horror? Ang sweet naman ng boyfriend ko.” pagsisinungalin ko pero ubod ng tamis akong ngumiti sa kanya.

Nakita ko na mariing napapikit at napayuko si Andrew habang umiiling-iling.., at hindi maitago ang pigil na pagtawa nito.

Habang naglalakad kami papasok sa loob ay may naalala ako.

“Ano Andrew, uminom ka ba ng maraming gatas bago umalis?” pabiro kong tanong. Mukhang nasanay na si Andrew sa joke na yun kaya sinakyan na lang niya ito.

“Large ang soda ko kaya hindi ako mauuhaw. Isa pa hindi naman ako mahilig sa gatas.” anito.

“Tatandaan ko yang sinabi mo ha. Kapag ikaw nainlove sa akin at ako minanyak mo, hindi ka makaka-iskor sa akin.” wika ko na may pagbabanta sa aking boses. Tumango si Andrew.

“No problem.” hindi nababahalang sagot nito dahil hindi naman mukhang interesado sa sinabi ko.

Kahit pa hindi ako mahilig sa horror ay hindi ko pa rin mapigilang mapatingin sa screen. Takot na takot ako lalo na sa scene na may humahabol at gustong pumatay sa bida. Ang eksena ay bigla na lang sumulpot ang killer sa harapan ng screen kaya sobrang nagulat ako.

"Ay kikî ng ina moh!"

Napasigaw ako ng malakas at tumalsik pa kay Andrew ang popcorn na hawak ko.

“Nakakawala ka naman nang ganang manood. Hinaan mo nga ang boses mo, nakakahiya sa mga katabi natin." reklamo nito habang isa isang inaalis ang popcorn na tumapon sa kanya.

Sumimangot ako. Kasalanan naman kasi niya. Dapat kasi romantic movie ang pinapanood namin dahil alam naman niyang date namin to tapos horror pa ang napili nyang panoorin.

Ipipikit ko na lang ang mga mata ko para namnamin na katabi ko siya ngayon sa dilim.

“Akina ang kamay mo.” bulong ko sa kanya.

“What?”

“Sabi ko akina ang kamay mo, date natin to. Kahit horror ang palabas dapat sweet pa rin tayo.”

“Stop it Tintin, ang init-init.”

“Anong mainit eh kanina pa nga ako nangangatog sa lamig. Sobrang lakas ng aircon nila.”

“Can you just watch and stop talking, hindi ko na tuloy maintindihan ang pinapanood ko.”

“Pag dimo ibinigay ang kamay mo, hahalikan kita.” banta ko pero ang totoo ay hindi ko naman kayang gawin yun. Baka lang naman makakalusot ang ninja moves ko.

Nilingon ako ni Andrew saglit, maya maya pa ay tumingin itong muli sa pinapanood at pagkuway balewalang inabot saken ang kamay niya. Hindi na ako nagpatumpik tumpik pa at hinagip ko agad ang kanyang kamay kaya holding hands na kami ngayon.

Feel na feel ko na talaga na ka-date ko nga siya. Ang init ng palad niya. Totoo namang nilalamig ako dahil hindi ako nakapagdala ng jacket kaya nakatulong ang mainit niyang palad para mabawasan ang lamig na nararamdaman ko.

“Ang lamig ng kamay mo.” ani Andrew.

“Sabi ko naman sayo, nilalamig ako eh.”

“Hindi natin kailangang tapusin to kung hindi ka komportable.”

“Andito na tayo, tapusin na natin to. Tsaka ang init naman ng kamay mo, okay na to.” tanggi ko.

Ngayon pa ba ako aalis kung kelan hawak kamay na kami.

Feel na feel ko talaga ang moment na to kaya hindi ko napigilang isandal ang aking ulo sa gilid ng kanyang braso habang hawak ko pa rin ang kaniyang kamay. Hindi naman ako pinigilan ni Andrew. Sandal lang naman eh, arte naman niya kung pati yun tatanggihan pa niya.

Ayaw ko nang tumingin sa screen dahil hindi naman ako nag-eenjoy sa palabas. Mas enjoy pa 'ko ngayon sa pwesto ko.

Haay… ang bango niya, lalaking lalaki ang amoy. Ang laki pa ng braso niya kaya ang sarap sumandal, dumagdag pa ang init ng katawan nito na parang ang sarap sumiksik sa kanyang dibdib, pero okay na ako dito kahit sa braso lang, para tuloy akong ipinaghehele at naging komportable na ang aking pakiramdam.

Sa sobrang komportable ko ay napahikab pa ako at namigat ang talukap ng aking mga mata. Hindi ko na namalayan na unti-unti na akong nakatulog.

“Tin..”

Naririnig ko ang boses ni Andrew ganun din ang mahihinang tapik sa aking braso.

“Tintin gising na.., tapos na yung palabas.” anito.

Gising na?!?! Tama ba ang narinig ko? Bigla akong napabalikwas nang marealized na nakatulog pala ako. Pagmulat ng aking mga mata ay nakita ko si Andrew na malawak ang ngiti at natatawa sa naging reaksyon ko.

“Tapos na agad?” tanong ko.

“Anong agad? Mahigit 2 hours kaya yung pelikula.”

“Bakit hinayaan mo akong makatulog?” reklamo ko dahil nasayang yung 2 hours na kasama at kahawak kamay ko siya.

“Ilang beses kitang ginising..., pero puro hilik lang ang isinagot mo. Maiinlove na sana ako sayo kaso anlakas mo palang humilik, parang lalaki.” tumatawang sabi ni Andrew. Pinamulahan ako ng mukha.

“Hoy, hindi ako humihilik noh.” pinandilatan ko siya.

“Tara na.” yaya nito at tumayo na.

Nagdadabog akong sumunod sa kanya at narinig ko siyang napatawa.

“See, boring akong boyfriend. Tinutulugan mo lang ako. Kaya dapat humanap ka na ng iba.” anito.

“Kainis, hindi man lang kita natsansingan.” wika ko na siyang nagpatawa pang lalo kay Andrew.

“Better luck next time.” pabirong sabi nito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status