Share

Chapter 4

Tintin POV

Binalikan ko ang mga plastic bag na dala ko. Kitang kita ko sa mukha nina ate Beth at mga kasamahan kong nurse ang pagtataka dahil sa nasaksihan nila kanina.

“Alis na’ko, see you na lang tomorrow.” wika ko.

“Anong nangyari sa inyo ni dok. Ba’t ka niya binuhat?” tanong ni ate Beth.

Napatawa naman ako nang maalala kung paano kami nag-agawan ni Andrew sa cellphone.

“Wala, nabuhat lang niya ako sa sobrang tuwa kasi sinagot ko na sya.”

“Natuwa? Parang hindi naman. Para kayong magkapatid na nag-aaway.”

“Hindi ganun, masaya lang siya kasi kami na.” binuhat ko ang mga plastic bag.

“Totoo Kristina, kayo na?” tanong ni Liezel na mukhang siya lang ang sumeryoso sa sinabi ko.

“Kelan ba naman ako nagsinungalin?” wika ko.

Mukhang wala namang naniniwala sa akin. Sino nga bang basta maniniwala na ganun kabilis ko mapapasagot si Andrew eh kung kani kanina lang ay sinabutahe niya ang date namin.

“Sige, una nako, Kita kits na lang bukas.” paalam ko sa kanila. Saka na lang ako nagkukwento sa kanila.

Masaya akong uuwi dahil kami na ni Andrew kahit pa napilitan lang ito. Basta sisiguraduhin kong maiinlove siya sa akin bago matapos ang isang linggo.

Pagkalabas na pagkalabas ko ng pintuan ng hospital ay isang lalaking nagmamadali ang sumalpok sa akin kaya tumalsik at napaupo ako. Nabitawan ko rin ang mga plastic bag na hawak ko.

Napapikit ako habang pinipisil ang aking balakang.

“Aray ko naman…” daing ko.

“I’m sorry Miss!” narinig kong sinabi ng lalaki.

Sinubukan kong tumayo. Nakita kong inilahad nang nakabangga sakin ang kanyang kamay upang tulungan ako. Tinanggap ko yun para mabilis akong makatayo. Agad kong pinagpagan ang aking puwitan dahil sa alikabok. Napatingin ako sa lalaki ng marinig ko itong magsalita.

“Ayos ka lang miss?” tanong nito.

Tumango ako at tumingin sa kanya.

Napapilig ako ng makita ang itsura nito. Nasa romance novel ba ako, bakit bidang lalaki yata itong kaharap ko?

"Oppa?” usal ko nang makita kung gaano kaguwapo ang lalaking nasa harapan ko.

“Ha?”

“Wala… ayos lang ak— Naku naman! Yung pagkain ko!” nanghihinayang na sabi ko ng makita na kumalat ang mga lunch boxes.

Nakahinga ako ng maluwag nang makitang hindi naman pala natapon ang laman. Yumuko na lang ako at isa-isang dinampot ang mga yun at ibinalik sa bag. Napansin kong tumutulong na rin sa pagdampot ang gwapong lalaki. Hindi ko siya pinigilan dahil kasalanan naman niya kaya natapon yun.

“Salamat!” wika ko nang maisilid kong lahat ng lunch boxes sa plastic bag.

“Mukhang marami kang pasasalubungan ah.” anang lalaki. Natawa naman ako sa sinabi niya.

“Hindi, mag-isa lang ako sa bahay. Akin lahat yan.” sagot ko habang ibinubuhol ang bag para siguradong hindi na ito mabubuksan kahit pa mabitawan ko ulit.

Narinig ko ang mahinang pagtawa ng lalaki. Nang lingunin ko siya ay nakatingin ito sa mukha ko na parang amuse na amuse sa aking sinabi. Hindi siguro siya makapaniwala na ako lang mag-isa ang uubos nitong mga pagkain.

“Malakas akong kumain.” proud ko pang sinabi. Ngumiti ito na lalo pa nitong ikinagwapo.

“Hindi halata sayo.” nakangiting sabi nito.

“Nasa romance novel ba ako?” hindi ko na talaga mapigilang sabihin ang kanina pang tumatakbo sa isip ko.

“Bakit?” tanong nito.

“Kasi ang gwapo mo!” sagot ko. Wala lang naman sa akin yun dahil marunong talaga ako mag-appreciate ng magagandang mukha, mapa babae man o lalaki.

“Pwede bang ikaw na lang ang leading man ng buhay ko?” Kanina pa kasi ako kating kati na ibato ang pick up line na to. Nakita kong umaliwalas ang kaniyang mukha at halatang natawa sa aking sinabi. Ayan, kumpleto na ang araw ko, may bumili na rin ng linya ko.

“Joke lang, may boyfriend nako.” sabay bawi ko.

Bigla kong naalala si Andrew. Hay, sana ganito rin siya kung magreact sa mga banat ko. Binuhat ko ang mga plastic bag at walang sabi sabi na iniwan ko ang lalaki.., saka ako naglakad papalayo sa hospital para umuwi na.

Pagkarating na pagkarating ko sa condo ay agad kong inilagay sa fridge ang mga dala kong pagkain. Excited na akong ibalita sa bestfriend ko na kami na ni Andrew.

“Diko alam kung good news yan Tin. Pwersahan talaga?” wika ni Mutya sa kabilang linya.

“Sa ngayon lang to Mutya. Sa loob ng 7 days, makikila niya ako at siguradong maiinlove na siya sa akin. Dun naman nagsisimula yun diba?”

“Oo pero ewan ko lang sa sitwasyon nyo.” natatawang tugon ni Mutya sa kabilang linya.

Hanggang sa matapos kaming mag-usap ni Mutya ay napapabuntong hininga na lang ito kapag naaalala kung paano ko binlackmail si Andrew.

Basta positive ako na makukuha ko ang puso niya. Wala pa akong nakikilalang tao na ayaw sa akin. Si don Antonio nga na tinatawag nilang super suplado daw, kapag nakikita ako, malayo pa ay nakangiti na agad sa akin at palaging kinukumusta kung napasagot ko na daw ang anak niya.

Ngayong kami na ni Andrew ay mapapagtuunan na nya ako ng pansin at malalaman niyang madali lang naman pala akong mahalin.

“Weh di nga?” dudang sabi ni nurse Maricel na kasabay ko sa shift habang papunta kami sa kwarto ng pasyente na paiinumin namin ng gamot.

“Oo nga, kami na talaga kahapon pa.” proud kong pag kumpirma sa kanya.

Pagkapasok ko pa lang kaninang umaga sa trabaho ay ipinamalita ko na agad na kami na ni Andrew. Lahat ng makausap ko ay binabalitaan kong kami na kahapon pa. Wala namang hindi nakakaalam na dinidiskartehan ko siya noon pa. Wala nga lang basta maniwala nang sabihin kong kami na.

“Ay naku kung ako sayo Tintin, kalimutan mo na yang si dok. Andrew. Halata namang wala siyang gusto sayo. Ang ganda mo naman, sinasayang mo lang oras eh ang daming gwapong dyan. Kagaya nung bagong doktor dito sa hospital, nakita mo na ba?”

“Hindi ko pa nakikita. Mas gwapo pa kesa sa boyfriend ko?”

Napatawa naman si Maricel nang banggitin ko ang salitang boyfriend. Ayaw talaga niyang maniwala.

“Mag kasing gwapo.” ani Maricel at sinakyan na lang ako sa pagpupumilit kong boyfriend ko na si Andrew.

“Ah.., eh kung kasing gwapo pala siya ni Andrew, aba eh gwapo nga.” saad ko.

“Lakas talaga ng tama mo kay dok.” ani Maricel. Nasa loob na kami ng silid ng pasyente.

“Good morning po?” halos sabay namin bati ni Maricel sa matanda. Binati rin naman niya kami.

“San ko ba siya pwedeng yayain kung magde-date kami?” baling ko kay Maricel. Nag-isip naman ito.

“Yayain mong manood ng sine.” ani Mrs. de Leon, ang matandang pasyente. Bigla akong napatingin dito.

Tama sa sinehan, bakit nga ba hindi ko naisip yun?

“Lola tama ka dyan.” nakangiting tugon ko.

“Makakatsansing ka pa paminsan minsan.” pabirong sabi ng matanda.

Nanlaki pareho ang mga mata namin ni Maricel at saka nagtawanan.

“Lola, kaya ka naha-highblood eh.” pabiro kong tugon sa sinabi niya.

“Siguraduhin mo lang na nakainom na siya ng gatas bago kayo magsine.”

“Bakit naman po?”

“Aba eh baka mauhaw sa sinehan ang boyfriend mo, baka biglang dumede sayo”

Hagalpakan kami ng tawa ni Maricel dahil hindi namin inaasahan ang mga salitang lumabas sa bibig ng matanda.

“Ay kung ganun, dalawang araw ko siyang hindi paiinumin para uhaw na uhaw.” ganting biro ko naman. Ngayon ay si Mrs. de leon naman ang tumawa.

“Ano kayang reaksyon ni dok kapag sinabi mo yan sa kanya.” ani Maricel.

“Titingnan ko mamaya.” balewala kong sagot.

“Hindi ka nahihiyang sabihin sa kanya?” nakangiwing sabi ni Maricel.

“Bakit naman, boyfriend ko naman siya ah, at saka dun din naman ang punta nun, bakit patatagalin ko pa.” Nagbibiro lang naman ako dahil sinasakyan ko lang ang kapilyahan ng matandang pasyente.

“Hay naku Kristina, siguradong mawiwindang sayo si dok niyan kung hindi mo isesensor ang bibig mo.”

“Joke lang.” natatawa kong sabi.

***********************

NOTE FROM KARA:

Guys, kung naghahanap po kayo ng mapanakit, may thrill at masalimuot na story -- paki skip na lang po nitong story nina Andrew & Tintin, baka kasi mabored lang kayo sa story na 'to dahil ROM-COM lang po ito. Wag nyo na lang pong basahin para hindi kayo mainis sa akin para bati pa rin tayo. Isinulat ko ito para magkaroon kayo ng konting break sa mga medyo mabibigat na story na nababasa nyo. Wag nyo rin pong hanapin or ikumpara ito sa YOUR HERO YOUR LOVER because I aim to give each story it's own uniqueness para hindi ito magmukhang copycat. Maraming salamat po sa inyong pang-unawa. God bless everyone!

Yours truly,

KARA NOBELA

**********************

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status