Share

Chapter 2

NIKA

KATATAPOS KO lang kopyahin ang ilang lesson sa white board. Sinamsam ko na ang mga gamit ko at inilagay sa bag. Saktong alas kwatro y media ang labas ko sa university. Lumabas na ang prof at ang ilang kong mga kaklase ay nagsilabasan na rin. Sinukbit ko ang shoulder bag sa balikat ko at lumabas na ng silid. Mag isa ako ngayon na uuwi dahil si Jelly ay nauna na at may gala daw sila ngayon ng mga pinsan nya na galing sa probinsya.

Paglabas ko ng gate ay dumiretso muna ako sa hilera ng mga nagtitinda ng meryenda. Bumili ako ng itlog pugo at kikiam. Kinain ko muna ito. Nakakahiya naman kasi kung sa jeep ko pa kakainin. Pagkaubos ay nagbayad na ako.

"Nika!"

Nilingon ko ang tumawag sa akin. Nakita ko si Geoff kasama niya ang mga barkada nya. Patakbo syang lumapit sa akin na may malawak na ngiti sa labi. Di ko sya napansin kanina.

Nginitian ko sya. "Uy Geoff".

"Pauwi ka na ba?" Tanong nya.

"Oo bakit?"

"Yayayain sana kita eh, birthday kase ng mama ko may kaunting salo-salo." Aniya na di pa rin mapuknat ang ngiti sa labi.

"Ah ganun ba.. sorry ha hindi ako pwede eh. Kailangan ko rin kase umuwi ng maaga dahil tutulungan ko pang maghatid si tiyang ng mga tahi sa bayan." Nakangiwing tanggi ko. Napakamot pa ako sa ulo at alanganing ngumiti. Totoo yun. Pero kung gugustuhin ko pwede naman akong sumama ayoko lang talaga. Bukod sa di ko gusto ang mga barkada nya na malamang present din dun, di ko rin bet ang mama nya. May pagkamatapobre kase iyon palibhasa mapera.

"Eh kung pagkatapos nyo na lang ihatid yung mga tahi? Susunduin kita kung gusto mo isama mo rin si Tiyang Sabel." Hirit pa nya.

Naku! Mas lalong hindi pwede. May pagka gerera si tiyang. Baka mamaya may marinig iyong hindi maganda galing sa bibig ng mama nya mapaaway pa kami.

"Hindi talaga pwede Geoff eh. Alam mo naman si tiyang may pagka istrikta. Malamang pagkatapos namin sa bayan di na ako papayagan nun na lumabas." Katwiran ko pa.

Napabuntong hininga na lang sya at napakamot sa batok. "Hays, ang hina ko talaga sayo."

Nakaramdam naman ako ng guilt, kaunti lang. "Sorry talaga, pasabi na lang kay tita Myrna happy birthday. Next time na lang." Sabi ko na lang.

"Sige na nga, next time na lang." Pagsuko nya at ngumiti ng tipid.

"Sige ha, mauna na ko Geoff." Nginitian ko na lang din sya at nag paalam na.

"Ok, ingat!"

Hinalikan nya ako ng mabilis sa gilid ng labi na ikina gulat ko. Ito ang unang pagkakataon na ginawa nya iyon. Naririnig ko pa ang pagsipol at kantyawan ng mga barkada nyang mga lalaki. Pero ang mga babae ay nakita kong umirap pa sa akin.

Inggit lang kayo mga bruha! Palibhasa mga chaka! Inirapan ko din sila pabalik sabay hawi ng buhok at pinara ko na ang padaan na jeep.

"NIKA, IHATID mo muna itong mga tahi dyan sa kabilang kalsada yung dating tinitirhan nila Mang Tony. Bayad na yan." Utos ni Tiyang Sabel habang isinasalansan ang mga nayaring tahi sa isang malaking plastik bag.

"Opo tiyang." Tumayo ako sa sofa at kinuha ang plastik na kulay puti at lumabas na.

Nakasuot lang ako ng pa halter na crop top na rainbow at short shorts na maong na may tastas sa dulong laylayan, nakatsinelas at messy bun ang buhok ko. Komportable ako sa ganitong damit kahit lumabas ako ng bahay na ganito ang suot ko. Wala namang nambabastos sa akin meron lang mga napapalingon at nag bibigay ng compliment sa itsura ko. Sabi nila maganda ako at sa edad na desi- otso hubog na hubog na ang katawan ko na binagayan pa ng maputing kutis. Isang malaking sana all na lang para sa lahat. Choz!

Tinawid ko ang kalsada at kaunting lakad pa ay mararating ko na ang dating bahay ni Mang Tony. Buti na lang hapon na at di na gaanong mainit. Binabati ako ng mga kapitbahay namin.

Ilang sandali pa ay narating ko na ang bahay. Simpleng bungalow type ang bahay na may mababang bakod na gawa sa rehas na bakal. Bagong pintura ito. Ilang taon din walang tao sa bahay na to. Ibinenta na ito ni Mang Tony at nag migrate sa Amerika kasama ang mga anak. Nabili na ito ng isang taga Maynila raw, yun ang sabi ni Aling Marites na laging ka chikahan ni Tiyang Sabel sa bahay. Wit ko knows dahil di naman ako palalabas.

"Tao po!" Sigaw ko at sumilip pa sa loob. Bukas naman ang pinto sa harap at may nakaparadang magarang bigbike.

"Tao po! May tao po ba!"

Sana pala tinanong ko kay tiyang ang pangalan. Tsk!

"Tao po!" Wala akong makitang doorbell kaya kinatok ko na lang ang gate. Baka walang tao.

Nag hintay pa ako ng ilang minuto habang pasilip silip sa loob. Nakita ko ang puno ng makopa na hitik na hitik sa bunga nasa loob ito ng bakuran ng bahay malapit sa bakod. Natakam ako. Naalala ko dati nung dito pa nakatira si Mang Tony lagi kami nandito ni Jelly at nangunguha ng makopa. Di naman kami sinasaway ng matanda at sayang naman daw kung malalaglag lang. Ang tagal ko na ring di nakatikim nito ah.

Nagpalinga linga muna ako, tutal naman di pa lumalabas ang bagong may ari kukuha na lang ako ng ilang piraso at uuwi na, sasabihin ko na lang kay tiyang na walang tao. Luminga pa ako ng isang beses at nilapag sa baba ng gate ang plastik bag. Tumuntong ako sa batong pader na may rehas at kumapit sa puno nito. Ang kalahating katawan ko ay nasa loob na ng bakuran habang inaabot ko ang isang kumpol ng makopa. Heto na! Saktong naabot ko na ang bunga ng may lumabas na asong malaki, kumakahol ito at tumakbo palapit sa akin. Sa gulat at taranta ko ay nabitawan ko ang bunga at dumulas ang paa ko. Naglag ako sa kabilang bakod.

"Aray ko! Putangna!" Buti na lang napakapit ako sa puno kundi una ang mukha ko sa lupa. Pero ang tuhod ko puro gasgas na at may namumuo ng dugo. Di pa ako makakilos dahil sa takot sa asong nasa harapan ko at galit na galit na kumakahol. Alaga sigurado ng bagong may ari.

Jusko ko po Lord sorry na! Alam ko pong masamang manguha ng di nag papaalam. Di ko na po uulitan, wag nyo lang pong hayaan na lapain ang alindog ko ng asong to!

Sumiksik pa ako sa likod ng puno habang tinataboy ang aso. Nakakakilabot ang malaki nitong tahol. "Shoo! Shoo! Alis!"

Pero tila lalo lang nagalit ang aso at mas lumakas pa ang mga kahol. Ang laway nito ay tumatsik na sa paanan ko. Napapikit na lang ako sa takot at hinigpitan ang kapit sa puno.

"Bruno!" sigaw ng malaking boses ng isang lalaki.

*****

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status