Share

Chapter 3.1

MABUTING TAO SI Daviana pero naniniwala siya na ang pinakapangit na nagawa niyang desisyon sa buhay ay ang maging kakampi ni Warren noong sila ay mga bata pa. Hindi lang sa bahay ng pamilya Gonzales pangit ang trato kay Rohi dahil maging sa kanilang paaralan ay naging tampulan siya ng tukso ng kanilang mga kapwa estudyante. Nang dahil iyon sa pangalang inaalagaan ni Warren sa kanilang school. Masyado siyang popular at iginagalang. Kapag may inutusan siyang gawing masama ang mga kaklase, walang reklamo silang sumusunod agad dito nang hindi sila ang mapag-initan at mapagbalingan ng galit. Ang hindi makakalimutan ni Daviana ay nang minsang hindi sinasadyang mabangga siya ni Rohi. Aaminin niya, siya ang may kasalanan noon dahil hindi siya nakatingin sa dinadaanan.

“Warren, hindi siya ang may kasalanan—”

“Huwag kang makialam, Viana. Kailangang bigyan iyan ng leksyon para alam niya kung saan siya dito lulugar! Sampid!”

“Pero Warren, hindi nga—” 

Bago pa muling makapag-react si Daviana ay ibinuhos na sa lupa ang laman ng bag ni Rohi at binuhusan ng tubig na iniinom ni Warren. Hindi lang iyon. Pinunit din ng lalaki ang assignments nito at sa mismong harapan pini-pirraso. Nang mga sandaling iyon ay sobrang sakit na ng kalooban ni Daviana. Para sa kanya ay hindi na makatarungan ang ginagawa ng mga kasamahan ni Warren. Sobra-sobrang pangbu-bully na ang ginagawa nila. Gusto na lang niyang tumakbo ng mga sandaling iyon at magtago hanggang mag-uwian dahil sobrang nakokonsensya siya sa masamang nangyari kay Rohi. Wala naman siyang ibang magawa sa kanila dati. 

“Tama na! Tigilan niyo na iyan! Maawa na kayo sa kanya!” sigaw niyang sinubukang pigilan sila, “Hindi niyo ba ako naririnig?!”

“Anong tama na? Deserve niya iyan dahil anak siya ng kabit! Maninira ng pamilya!”

“Warren—” 

“Kinakampihan mo na ba siya Viana? Sino ba ang kaibigan mo? Sino ang unang nakilala mo ha? Ikaw na nga ang iginaganti namin sa kanya, bakit ipinagtatanggol mo pa ang anak sa labas na lalaking iyan? Magsalita ka!”  

Natameme si Daviana. Hindi niya na alam kung ano ang isasagot kay Warren na masama na ang tingin. Dismayado na ito sa ginawa niyang pag-awat sa kanila. Malamang ay iniisip na ni Warren na ang balimbing niya. 

“Kanino ka ba kumakampi? Sa kanya o sa akin? Mamili ka ngayon, Viana! Pumili ka!” 

Bilang bata, masyado pang magulo ang utak niya kung kaya naman dahan-dahan siyang umatras upang lumayo kay Rohi na parang kawawang pusa sa kanyang harapan na binuhusan ng malamig na tubig. Sampung taon ang edad ni Rohi ng mga sandaling iyon, samantalang  siya ay pitong taon pa lang. Nagtama ang kanilang mga mata ng sandaling tumingala ito sa kanya nang lumapit ito at lumuhod para damputin ang mga gamit niyang sira na. Hindi maintindihan ni Daviana pero puno ng pagkasuklam ang paninitig nitong ginagawa sa kanya ng sandaling iyon. Mabilis siyang napaiwas ng tingin. Sobrang guilty. Gusto na niyang maiyak sa awa dahil sa hitsura nito.

Kinabukasan, nagising si Daviana at nalaman niyang panaginip lang ang lahat ng iyon ng kanilang nakaraan.  Ilang sandali siyang napatitig sa kisame ng silid, saglit na nawala sa kawalan.  Hindi niya maunawaan ang ibig sabihin kung bakit napanaginipan niya ang isang event na matagal ng nangyari dati. 

“Bangungot bang matatawag iyon?”

Nag-inat siya, matapos na iinot-inot na bumangon. Naalala niya ang mga nangyari nang nagdaan gabi kung bakit naroon siya sa lugar na iyon. Gumuhit ang mapaklang likido sa kanyang lalamunan nang maalala na may girlfriend si Warren. Hindi iyon panaginip. Nagpasama pa ng loob niya nang hindi siya nito tulungang maghanap ng matutulugan sa kabila ng sakripisyong kanyang ginawa dito. 

Ilang minuto pa siyang naupo sa higaan, humugot ng malalim na buntong-hininga. Pinagkiskis ang dalawang palad at bumaba ng kama upang maghilamos ng mukha niya. Nang lumabas siya ng silid ay nakita niya si Rohi. Gising na ito. Prenting nakaupo sa dining table nitong good for four person. Nilingon siya nito nang maramdaman at marinig ang munti niyang yabag papalapit.

“Magandang umaga!” masiglang bati ni Daviana na ikinaway pa ang kamay malapit sa mukha nito upang makita siya ng binata. 

Tiningnan lang siya ni Rohi na walang kahit na anumang expression sa mukha. 

“Maupo ka na at kumain na tayo ng almusal.” parang matandang kaibigang utos nito sa kanya. 

Doon lang nabaling ang paningin niya sa mga pagkaing nakahain na sa lamesa. Lumipad ang mata niya sa lababo at lutuan. Iniisip niya kasing baka nag-abala pang nagluto ang binata dahil sa kanya. Malinis doon. Walang kalat. Malamang take out lang iyong lahat. 

“S-Salamat. Hindi ka na sana nag-abala pa.” litanya ng dalagang naupo sa tapat na upuan.

Hindi pa rin mawaglit sa isipan niya ang dahilan kung bakit siya nito binigyan ng matutulugan ng nagdaang gabi. Hindi ba dapat ay galit sa kanya ang lalaki dahil sa ginawa niyang pangbu-bully noon kasama ni Warren? Iba ang ipinapakita nitong kabaitan. 

“Ano pang hinihintay mo? Pasko? Kain na.”

Hindi namalayan ng dalagang nakatitig na pala siya dito habang bumabaha ng tanong. 

“Ay, s-sorry…”

Iginala ni Daviana ang mga mata sa pagkaing nakahain. Simpleng breakfast lang iyon. Fried rice. Sunny side up egg. Hotdogs. Longganisa. Saka corn soup. Ang nakaagaw ng pansin sa kanya ay ang longganisa na familiar sa kanyang mga mata dahil favorite niya. Tinuhog niya iyon ng tinidor at kinagatan na. Napapikit pa siya nang ngumuya upang namnamin ang linamnam.

“Saan mo ito nabili? Ang hirap na nitong makakuha nowadays ah. Palaging sold out na lang sa mga bilihan. Nagmahal na rin bigla palibhasa bigla na lang sumikat dahil sa isang restaurant. Ang balita pa nga ay sa resto na lang daw na iyon ito magiging available eh.”

Hindi sumagot si Rohi. Wala talaga siyang plano. Alam naman nito kung saan iyon eh. 

“Seaside Tapsi?”

“Hmm.”

Ang Seaside Tapsi ay sobrang sikat na kainan sa lugar. Eat all you can basta kayang ubusin. Sobrang gusto ni Daviana ang brand ng longganisang iyon na kahit yata isang buong taon na ito ang maging ulam ay hindi niya pagsasawaan iyon. Mura lang itong nabibili, ngunit nang makuha ng isang tapsilogan iyon at pumatok sa masa ay naging mahal na. Nakadagdag pa doon ay ang biglang pagsikat ng resto dahil sa mga food bloggers. Mahirap ng kumain doon at makipagsisikan sa pila. Kung bibili naman sa local na pamilihan, malaki na ang patong ng halaga at kung minsan pa ay nagkakaubusan na talaga sila. 

“Alam mo ba favorite ko ito, as in, sobra!” kumikinang ang mga matang bulalas pa ni Daviana habang inuubos ang longganisang nakatusok sa tinidor niya. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status