Share

Chapter 4: The Puzzle He Never Solved

Hindi malaman ni Henry kung bakit nakaramdam siya ng matinding pagpupuyos nang makita ang walang humpay na pagtulo ng luha sa mga mata ni Isla.

Dahil ba sa matalik niya itong kaibigan? O dahil may iba na siyang nararamdaman?

Nais niyang pakawalan si Isla ngunit wala siyang maisip na paraan para lusutan ang hangal na plano ni Captain Zoom.

“Ibigay mo sa akin si Mary at pakakawalan ko si Isla,” seryosong sambit ni Captain Zoom kay Henry.

Napakadali lang ng kondisyon na iyon pero bakit hirap na hirap mamili si Henry? Tila may pwersa na nagpipigil sa kaniyang ibigay si Mary kay Captain Zoom.

“Pakawalan mo si Isla! Alam kong ako ang pakay mo.”

Lumapit si Henry upang kahit papaano’y maipakita kay Isla na ayos lamang ang lahat, na nandito si Henry para sa kaniya.

“Isang hakbang mo pa.”

Diniinan ni Captain Zoom and kaniyang espadang nakadantay sa leeg ni Isla dahilan para mas lalong sumigaw si Isla sa sakit.

Kahit nanlalabo ang paningin ay pinilit ni Isla na tingnan si Henry, nakita niya ang halong pag-aalala at galit sa mga mata nito.

Napangiti si Isla ng mapait, napagtanto niya na kung hindi pa siya malalagay sa panganib ay hindi niya makikita ang ganitong klaseng Henry. 

“I-ibigay mo na ako kay Zoom,” mahinang usal ni Mary sa gilid ni Henry.

Kita ang gulat sa mukha ni Isla nang biglang inilapit ni Mary ang kaniyang mukha kay Henry at ginawaran ito ng matamis at matagal na halik sa labi.

Hindi maitatanggi ni Henry ang kuryenteng naramdaman ng kaniyang puso at ang kakaibang sensasyon na namumuo sa kaniyang tiyan sa gitna ng halik na iginawad ni Mary.

“Gagawin lamang naman akong isang laruan ni Zoom kaya ayos lang na ibigay mo ako sa kaniya.” Kumunot ang noo ni Henry at biglang nakaramdam ng kirot sa kaniyang puso.

Nais niyang iligtas si Isla, ngunit bakit mas nananaig ang kaniyang nararamdaman para kay Mary?

Umiling-iling si Henry at tiningnan si Isla.

“Patawad,” ang salitang lumabas sa bibig ni Henry at nagsimulang pulutin ang natirang pixie dust sa lupa na dinaanan ni Isla kanina.

Iniabot niya ito kay Mary at sabay silang lumipad papalayo sa gubat ng Sapien.

“Akala ko hindi tatalab,” mahinang sambit ni Zoom at dahan-dahang binitawan si Isla.

Ngunit hindi na ito pinakinggan ni Isla dahil mabilis siyang lumipad paalis sa lugar na iyon.

Kasabay ng paglipad na iyon ang matinding hapdi ng sugat sa leeg at ang bigat sa pusong nagtatangis dahil sa isang pangakong pagtataksil ang kinahantungan.

At simula sa puntong iyon, hindi na muling natanaw si Henry sa Clover land at umalis naman si Isla, Nia at Terence papunta sa mundo ng mga mortal.

“Ang tagal ha,” maarteng sambit ni Isla kay Henry.

Biglang bumalik si Henry sa kasalukuyang panahon at nakita ang sariling panatag at masaya dahil nakita niya si Isla.

“Glad you’re safe, Isla.” Tumingin si Henry sa mga mata ni Isla ngunit si Isla na mismo ang umiwas.

“I’m not glad you’re alive.”

“Isla, look –”

“Look ka den, do I look like I needed your explanation?”

“Yes, I think –”

“Think is a big word for a guy like you, Henry.” Ibinaling ni Isla ang tingin sa kaniyang mga kuko upang ipakita na hindi na ito interesado sa kung ano ang sasabihin ni Henry.

“S-sir Henry, we have a problem.” Dali-daling lumabas si Henry nang marinig ang sinabi ng isang staff.

Malakas na pag-ulan ang dahilan ng kanilang problema dahil hindi lahat ng kanilang kagamitan ay waterproof lalo na ang mga camera. Bilang solusyon, kailangan nilang lahat umakyat muli sa studio at magpatila.

“Narinig mo naman siguro?” tanong ni Henry kay Isla na ngayon ay naghahanda ng bumaba sa kotse.

Nasapo na lamang ni Henry ang kaniyang noo dahil alam niya kung ano ang nararamdaman ni Isla sa kaniya ngayon.

Ilang minuto matapos nilang umakyat pabalik sa studio ay biglang nawala si Isla sa loob ng room.

“Nasaan ang babaeng participant?” takang tanong ni Henry sa isang staff.

“Ah, pumunta po siya sa convenience store sa ibaba.”

Tumayo si Henry sa kaniyang kinauupuan at nagsimulang pumunta sa elevator para hanapin si Isla sa convenience store.

Ilang sandali lamang ay nakarating na si Henry sa 2nd floor kung saan matatagpuan ang convenience store.

Mabilis siyang pumasok at pumwesto sa kabilang istante upang hindi siya makita ni Isla.

“Bakit pa kasi kailangan magpatila?” galit na tanong ni Isla sa sarili.

Maging ang hawak na chocolate ay nadurog dahil sa matinding pagpisil ni Isla dito dala ng kaniyang galit.

Kumurba ng bahagya ang labi ni Henry, ilang dekada ang inabot bago niya muling makita ang matalik na kaibigan. Matagal na panahon na ang nakalipas ngunit ang Isla na kilala niya ay ganoon pa rin.

Mas lalo pang ibinaba ni Henry ang kaniyang ulo at dahan-dahang sinundan ang paglalakad ni Isla.

May kung anong kumikiliti sa kaniyang tiyan habang tinitingnan ang kaibigan. Ngunit nang biglang maalala ang mapait na nakaraan, ang kaniyang puso ngayon ay tila dinudurog at unti-unti siyang kinakain ng kaniyang konsensya. 

“Hoy! Kasama mo ba si Nia?” sigaw ni Isla sa kaniyang telepono.

“Sabihin mo babalatan ko siya ng buhay pag-uwi ko!” singhal niya sa telepono at padabog na kinuha ang durog na chocolate at isang lata ng itim na kape na kaniyang binili at dire-diretsong naglakad palabas.

Mabilis na sinundan ni Henry si Isla at nagulat nang makitang dumiretso ito sa lobby at agresibong umupo sa isang sofa.

Napailing si Henry, hiyang-hiya at galit sa kaniyang sarili.

“Kung hindi lang sana ‘yon nangyari, baka mas maganda ang naging relasyon namin ngayon,” Bulalas ni Henry sa sarili habang nakatitig kay Isla.

Sa kabilang banda, si Isla ay nakapikit at napahawak sa kaniyang dibdib.

“It’s been decades, pero yung puso ko nagwawala pa rin kapag nakikita siya,” mahinang bulong ni Isla sa sarili.

Hindi matanggap ni Isla na ganito ang magiging reaksyon ng kaniyang puso matapos ang nangyari noon. Para mapakalma ang sarili, mahigpit niyang hinawakan ang lata na naglalaman ng kape hanggang sa –

“Ah!” nanlaki ang mata ni Isla dahil sa nangyari.

Dahil sa mahigpit na hawak sa kaniyang inumin, bigla itong sumabog at nabasa ang kaniyang mukha, maging ang puting blouse na suot na suot niya.

Nanginginig ang kaniyang kamay at mas lalo niyang diniinan ang paghawak sa lata dahilan para dumugo ang kaniyang kamay. Ang hapdi mula sa sugat ay hindi iya iniinda, mas matimbang pa rin ang matinding pagkadismaya sa sarili.

Imbes na tumayo upang linisin ang sarili, prenteng umupong muli si Isla at iniangat ang tingin sa chandelier ng building.

Huminga ng malalim ang dalaga at tsaka naramdaman ang sakit sa kaniyang dibdib, hirap na hirap na siyang huminga at ang tanging ginawa lamang ni Isla para maibsan ang sakit na nararamdaman ay ang mariing pagpikit ng kaniyang mga mata.

Sa mata ng iba ay isa siyang babaeng wala sa katinuan, hindi kayang alagaan ang sarili o isang talunan. Ang mahihinang bulong at ang matutulis na tingin ng ibang tao ay wala lamang sa dalaga.

Ngunit isang pares ng mata ang puno ng takot at pangamba. Sa libu-libong pares ng mga mapanghusgang mata, makikita mo sa mata ng binatang ito ang kaniyang tunay na nadarama. 

“Let’s go, you look pathetic.” Isang kamay ang humawi sa kaniyang mga buhok upang ibulong ang linyang ito.

Pamilyar ang sensasyon ngunit ang naghaharumentadong puso’y biglang kumalma at ang mata ng dalaga ay walang humpay na lumuluha dahilan upang iwasan ang pagtingala. 

Narinig ng binata ang munting hikbi ng dalaga at nais niyang ipahiram ang kaniyang mga bisig ngunit alam niyang hindi niya kaya. 

"Cry in a private room, not here."

Ipinatong ng binata ang kaniyang jacket sa dibdib ni Isla upang matakpan ang basang blouse ng dalaga. Nakikita na rin kasi ang panloob na damit ni Isla kaya mas maraming mata ngayon ang nakatingin sa kanila. 

Tumayo si Isla ngunit ay kaniyang mga binti ay nanginginig at ang kaniyang katawa'y naninigas na. Kahit anong pilit ng dalaga ay hindi niya na maigalaw ang kaniyang katawan, napangisi ang dalaga habang ang luha ay tuluyan pa ring lumalabas sa kaniyang mga mata.

Dahil sa matinding panghihina na nararamdaman, hinayaan niya ang binata na buhatin siya at nagpatianod sa tibok ng ngayon ay payapa niya na puso.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status