Hinaplos ni Seojun ang pisngi ng kaniyang ina. Maputla ang mukha nito at mukhang nahihirapang huminga kaya sinubukan niyang hawakan ito. Samu’t saring emosyon ang lumulukob sa kaniyang puso pero kung may nangingibabaw man, iyon ang panghihinayang. Kung nag-focus na lang sana siya noon sa pag-aaral, hindi siya nahumaling sa konsepto ng pag-ibig, hindi siya magkakaroon ng anak pagtuntong ng bente anyos. Kung nakatapos siya ng pag-aaral sa kolehiyo, kahit dalawang taon siyang mawala sa piling ng mga ito dahil sa military service, alam niyang may magandang kinabukasan na maghihintay sa kaniya paglabas. “Appa… Magiging okay lang si lola, ‘di ba?” tanong ni Eclaire habang nakahawak sa kamay ng taong tumayong ina nito. Masuyo siyang ngumiti, kahit nangingilid na ang kaniyang mga luha. “Oo naman. Malakas na tao ‘yang lola mo. Sigurado ako, sa susunod na linggo, tatayo na ulit iyan at manonood ng telebisyon. Magagalit pa iyan kapag may mga episodes siyang hindi napanood.”
Magbasa pa