Alas-dos na ng hapon, medyo dumalang na ang tao kaya ang ilan sa amin, kasama kami ni Leah, ay nagtungo na sa staff room para kumain.“Grabe, ano? Ang daming tao. Halos araw-araw bawat oras yata kung hindi puno ay halos punuan tayo lagi,” komento ni Leah habang kumakain. Puno ang bibig ko kaya tumango lang ako at hindi nagsalita.“Oo nga. Magaling din kasi mag-manage iyang bagong boss natin. Tapos iyong mga naidagdag na menu sa listahan natin talagang dinudumog,” sabad naman ni Shiela. Dumating na iyong karelyebo niya sa pagka-cashier kaya nakasabay na siya sa aming kumain.“Naku, lalo pang dadami iyan kapag nagsimula na ang pasukan. Isang linggo na lang kaya lalo tayong maghanda sa mas mahabang oras nang pagtayo at paglakad,” natatawang sabi ko, saka muling sumubo. Sumang-ayon naman silang lahat.“Pero, guys, ito ha, may nabalitaan ako riyan sa bago nating amo,” tila kinikilig na sambit ni Shiela. Medyo hininaan pa nga niya ang boses niya na akala mo ay may ibang makaririnig sa amin.
Magbasa pa