Share

CHAPTER 02

Ala dos y medya nang madaling araw, sa isang munting bahay ay tahimik ng natutulog ang isang pamilya na magkakatabi sa banig na nakalatag sa salas. Ang mag-asawa ay nakapuwesto malapit sa likuran ng pintuan, magkayakap, animo'y pino-proteksyunan ang isa't isa sa lamig ng hangin mula sa labas na pumapasok sa dingding na gawa sa kawayan. Sa kabilang dulo ng banig, naroon ang dalawang bata, magkasalo sa isang manipis na bulaklaking kumot na dekada ng ginagamit ng pamilya.

Mula naman sa isang banyo, lumabas ang isang binata na katatapos lamang maligo. Nakasuot ng maong pants, ang damit pang-itaas ay nakasampay pa sa kaliwang balikat dahil ang katawan ay basa pa ng tubig. Dumiretso siya sa mesa upang kuhanin ang tasa ng kape na maligamgam na dahil kanina pa niya ito tinimpla bago pumasok ng banyo. Dire-diretso na niya itong nilagok, kailangan niya iyon para hindi antukin sa mahigit isang oras na byahe pa-siyudad.

Lumakad ang binata patungo sa silyang gawa sa kawayan at naupo. Pinagpag ang alikabok sa talampakan bago suotin ang medyas saka ang lumang sapatos na matibay pa rin at komportableng gamitin. Pagkatapos maisintas, tumayo na siya at isinuot ang itim na T-shirt na pinatungan niya ng itim ring jacket dahil malamig ngayon ang panahon.

Ang katahimikan sa paligid ay bahagyang naantala sa pagdating ng isang sasakyan. Tahimik namang lumabas ang binata sa likuran ng bahay, hindi na ginising pa ang magulang para magpaalam dahil batid naman ng mga ito ang luwas niya ngayong madaling araw.

" Pablo, " bati ng diver ng L300 na si Mang Ron, nakalabas ang isang braso sa bintana ng sasakyan dahil sa nakasinding sigarilyo. " Ano, tara na? "

" Tara na ho, " sagot ni Pablo, sa likod ng sasakyan siya umikot para silipin na rin kung nakakandado ba ang pinto nito bago siya dumiretso sa passenger seat at sumakay.

" Huwag kang mag-alala at may kasama tayong isa sa loob. Iyong pamangkin ko at gusto ring umekstra. Kaya kung may magtangka ulit na pumasok diyan sa loob, aba'y bulok na itlog ang tatama sa mukha nila. " Nakangising wika ni Mang Ron, patukoy sa insidenteng nangyari noong nakaraang linggo kung saan nanakawan sila ng ilang tray ng itlog sa kalagitnaan ng byahe. Kaltas iyon sa suweldo na naging aral kay Pablo, kung kaya't nakagawian na nitong silipin palagi ang pinto sa likuran ng sasakyan.

Sa buong oras na byahe ay nanatiling gising si Pablo, nakikipag-kuwentuhan sa driver para ito'y hindi rin antukin. Eksaktong alas kuwatro nang madaling araw noong marating ang unang tindahan na kanilang kailangan supply-an ng itlog ng itik at manok.

" Ibang klase talaga dito sa siyudad, 'no? Malapit ng magliwanag pero iyong mga tao dito, mukhang mga pauwi pa lang sa gimikan? " Mula sa pagbubuhat ng tray, napatingin si Pablo sa kasamahang pahinante na si Mark, nakatingin sa isang establisimyentong nasa kabilang kalsada. Maraming tao sa harap, ang iba'y nagkukumpulan habang nagtatawanan. May mga pasuray-suray na naglalakad, tinutulungang maipasok sa loob ng sasakyan.

" Anim na tray pa 'yong kulang. " Ibinalik ni Pablo ang atensyon sa ginagawa nang madinig ang boses ng may-ari ng tindahan, naghihintay sa susnod na tray na ibababa mula sa loob ng sasakyan.

Nang matapos sa pagbaba ng mga itlog ay sandali muna silang nagpahinga. Tatlong tindahan pa ang kanilang kailangan puntahan bago matapos ang delivery ngayong araw.

" Pablo, ikaw na nga tumawid ka sa kabila. Ikaw na pumili ng makakain natin doon sa convenience store. " Inilabas ni Mang Ron ang allowance nila para iabot ito kay Pablo. " Ikaw na bahala kung ano gusto mo. Wala akong tiwala dito kay Mark at buburautin lang niyan iyong pera. "

" Narinig ko 'yan, Mang Ron! " Sabat ni Mark na nasa loob na ng sasakyan, binuksan ang bintana para ilabas ang ulo. " Pablo, isabay mo na ako ng isa—hindi, dalawang yosi na pala. Bayaran ko pagdating mo. "

Isang pitik sa noo ang natamo ni Mark galing kay Mang Ron na agad pinagsabihan ang pamangkin. Naiiling na umalis si Pablo, tumawid sa kabilang kalsada kung saan nakatayo ang isang convenience store, katabi lamang ng tinitignan nila kaninang establisimyentong may pangalang Unknown Bar. Aalisin na niya sana ang paningin nang mapako ang mata sa isang kulay pulang sport car. Hindi niya maiwasang hindi humanga dahil sa ganda ng kalidad at kulay nito. Minsan na niyang pinangarap na magkaroon ng ganitong klaseng sasakyan subalit alam niyang malabo kaya matagal na niya itong kinalimutan.

" Don't tell me na planong umuwi mag-isa ng birthday celebrant sa ganiyang kalagayan? " Umangat ang tingin ni Pablo sa tatlong lalaking nakasandal sa sasakyan, ang mga mata nito'y nasa isang maliit na babaeng tila hindi makatayo nang maayos dahil sa sobrang kalasingan. " Wanna ride with us? "

" Thanks, but no thanks, " rinig na sagot ni Pablo mula sa babae na abala sa paghahanap ng kung ano sa dala nitong sling bag hanggang sa mailabas ang susi ngunit agad ring nalaglag sa dahilan para ito'y yumuko at pulutin ito sa lapag. Umalis sa pagkakasandal ang tatlong lalaki at pumwesto ang mga ito sa likuran ng walang kamalay-malay na babae.

Napatiim-bagang si Pablo, nagtatalo ang isip kung dapat ba siyang makialam o mag bulagbulagan na lamang sa nakikita. Sublit bago pa man siya makapagdesisyon ay kusa ng humakbang ang mga paa niya para lumapit sa gawi ng mga ito. Inangat niya ang kamay para sana'y pigilan ang binabalak ng mga ito ngunit mabilis ang kamay ng isa, nakita na lamang niyang pinisil ng mga kamay nito ang maselang bahagi ng likuran ng babae.

" Tangina, ang lambot, ah. " Nakaramdam ng matinding disgusto si Pablo sa narinig dahilan para kuhanin niya ang braso ng lalaki at itinulak palayo damay ang dalawa nitong kasamahan. Pumagitna si Pablo, itinago ang babae sa likuran niya at matalim na tinignan ang tatlong kalalakihang masama rin ang tingin sa kaniya, lalo na 'yong isang itinulak niya. " Hoy, sino ka bang gago ka—! "

" Bastos! " Isang malakas na hampas ang naramdaman ni Pablo mula sa batok na umabot sa tainga niya dahilan mapayuko siya. Hindi pa man nag po-proseso sa kaniya 'yong sapak ay nasundan ito ng pagsakal, pagsabunot at pagpalo ng matigas na bagay sa ulo niya na ilang saglit lang ang nahinto nang sumigaw ang babae. " Hey! Saan kayo pupunta, ha?! "

Natulala na lamang si Pablo, wala sa sariling pinanood ang pagsugod ng babae at pagkalampag nito sa sports car kung saan nagtatago ngayon ang tatlong kalalakihan. Dumami ang mga taong naki-usyoso, nakikalampag rin sa sasakyan at inuga-uga para plabasin ang mga makasalanan.

" Tangina. " Mahina ngunit malutong na mura ang kumawala kay Pablo. Tiim-bagang na naglakad paalis habang hawak ang napuruhang ulo.

***

" Masakit pa, tol? " tanong ni Mark, nag abot ng panibagong bitak na yelo kay Pablo na animo'y bagong ligo dahil sa basa nitong buhok. " Malaki pa ba? Lagyan mo ng piso para lumiit. "

" Parang wala naman na. Slipin mo nga. " Kinuha ni Pablo ang yelo na hawak ni Mark para ipasilip ang bukol niya sa ulo, malapit sa likod ng tainga.

" Oo, umimpis na nga. Kumikirot pa rin ba? " tanong nito saka umatras palayo kay Pablo. " Kung ako sa'yo, inireklamo ko na sa mga pulis 'yong nanapak sa'yo! Kaht ba hindi sinasadya, dapat managot siya diyan! Baka mamaya, may pumutok ng ugat sa ulo mo, gago! "

Umiling si Pablo, piniga ang basang-basa niyang bimpo para ibalot roon ang panibagong yelo. " Sige na, mauna na nga 'ko. Tiyak na hinihintay na ako sa bahay. Pasabi ulit kay Mang Ron na salamat. "

Lumabas si Pablo ng bodega, hawak ang bimpo na may yelo upang patuloy itong na idampi sa likod ng ulo. Ramdam pa rin niya iyong kaunting kirot ngunit hindi naman iyon naging rason para tuluyang masira ang araw niya. Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin siya makapaniwala sa gulo na kamuntikan na niyang kinasangkutan. Pakiramdam niya ay isang pagkakamali ang ginawa niyang pagtulong sa babaeng dahilan ng bukol sa ulo niya.

" Kuya! " Magiliw na salubong ng bunsong kapatid ni Pablo na si Sunny, siyam na taong gulang. Mabilis na lumiwanag ang mukha nang makita ang dalang supot ng kuya niya. " Wow! Ano po ito? Pasalubong? "

Tumango si Pablo at inabot rito ang nabili niyang siopao sa bayan. " Nasaan ang Kuya Radzel mo? "

" Nasa labas po naglalaro pa. " Dumukot ng isang siopao si Sunny ay inangat ang tingin sa kuya. " Puwede ko na po ba kainin 'to? "

" Oo sige, miryenda niyo 'yan. Pero labasin mo muna si Kuya Radzel mo at sabihin mong tawag ko. Magtabi na lang kayo ng dalawa para kay Nanay at Tatay mamaya. " Bilin ni Pablo sa bunso saka ginulo ang buhok nito. Kaagad namang nagtatakbo palabas si Sunny para tawagin ang kapatid na nasa kabilang bakuran, abala sa pakikipaglaro ng jolen sa mga barkada.

" Nay, nandito na po ako! " Dumiretso si Pablo sa likuran ng bahay at naabutan ang ina na nagpapabaga ng apoy sa kalan de kahoy nila.

" Aba, nariyan ka na pala! Maaga yata kayo? " takhang tanong ng ina ni Pablo na may pangalang Bernadette, maliit at payat na babae, singkit ang mga mata na namana ng pangalawa at bunsong anak niya dahil ang panganay ay halos kamukha ng ama. Agad nitong napansin ang basang buhok ng anak nang mag mano ito sa kaniya. " Umulan ba sa pinuntahan niyo? Ano ang nangyari at basa 'yang buhok mo? "

" Wala po, Nay. Nagpatong lang ng basang bimpo sa ulo dahil sa init ng panahon kanina, " dahilan na lamang ni Pablo. " May siopao po pala akong uwi. Mag miryenda muna kayo. "

" Iyong siopao ba sa bayan? Naku, paborito ng Tatay mo 'yon! " Nakangiting sambit ng ina saka pinaypayan ang pinababaga niyang kahoy. " Pauwi na rin siya mayamaya kaya hihintayin ko na lang siya para sabay kaming mag miryenda. Teka, ikaw ba nakakain ka na? "

Tumango si Pablo, isinuksok ang kamay sa bulsa ng pantalon niya para kuhanin ang puting sobre na naglalaman ng sahod niya sa pag ekstra bilang pahinante. Iniabot niya ito sa ina. " May pambili na po tayo ng bigas. "

" Salamat, anak..." Nakangiti ngunit naluluha nitong tinanggap ang sobre bago yakapin ang panganay na anak na halos walang pahinga sa pag ta-trabaho para makatulong sa mga gastusin sa pang araw-araw na buhay nila.

Sa edad na sampung taong gulang ay natututo ng kumilos sa sariling mga paa si Pablo Santino Regalado, na ngayo'y bente sais anyos na. Maagang namulat sa realidad rason para isakripisyo ang kabataan at tumulong agad sa magulang sa paghahanap-buhay. High school lamang ang kaniyang tinapos, tinalikuran na muna ang kagustuhang makapag-aral ng kolehiyo sa isang sikat na unibersidad sa siyudad para unahin ang mga kapatid niyang kasalukuyang mga nasa elementarya.

Hindi uso sa binata ang pahinga dahil maupo lang siya sandali, hindi na siya mapakali dahil mas gusto niya ang maraming ginagawa. Mula umaga hanggang hapon, batak na batak ang kaniyang katawan sa isang sakahan kung saan siya nagtatrabaho. Linggo lamang ang pahinga ng mga trabahador subalit hindi para kay Pablo na handang patusin ang ano mang trabahong inaalok sa kaniya para dagdag kita.

Alas kuwatro ng hapon, hindi na tirik ang araw kaya dinala ni Pablo ang alagang kalabaw na si Bebang sa patubig na ilang metro lang ang layo sa kanila upang doon ito paliguan. Itinupi niya hanggang ibabaw ng tuhod ang suot na pantalon bago sila lumusog pababa. Ikinawit niya ang lubid sa isang putol na kahoy bago simulang basa-basain ang kalabaw sa pamamagitan ng paghampas niya sa tubig papunta sa gawi nito.

" Baby Pablo, isama mo na rin ako sa paliguan mo! Basang-basa na rin ako! " Rinig ni Pablo mula sa isang bahay malapit sa harap niya, nakadungaw sa bintana ang tatlong kababaihan na lalong lumakas ang hagikhikan nang mapatingin si Pablo sa gawi nila. " Pablo, ako na lang paliguan mo! Sabay na tayo—aray naman, Tita! Joke lang! Nagbibiruan lang kami rito! "

" Hoy, kababae mong tao, ang bastos ng bibig mo! Kaya pala madalas kayo dito sa bahay ko tumambay, ha?! Isusumbong ko kayo sa mga Nanay ninyo! " Dali-daling nagtakbuhan ang mga dalaga dahil sa pananakot ng biyudang si Aling Ponyang na hinabol pa ng walis tingting ang mga ito.

Napailing na lamang si Pablo, itinuloy ang pagpapaligo kay Bebang hanggang sa mabasa na rin ang suot niyang T-shirt kaya hinubad na niya ito saka piniga para lumabas ang tubig.

" Yummy..." Gulat na napalingon si Pablo sa likuran nang marinig ang isang boses ng babae. Nagkatinginan sila, parehong mababakasan ng gulat ang mga mata hanggang sa takpan ni Pablo ang katawan gamit ang mga braso niya dahilan para lalong bumilog ang mga mata ng dalaga. " W-Wait, It's not what you think—"

" Bastos. " Matigas na sambit ni Pablo, pinagpag ang basa niyang damit para ito'y muling suotin.

" Excuse me?! " Hiyaw ng dalaga, halos mangamatis ang mukha na sumugod palapit kay Pablo nang makaapak ng malambot na bagay na akala niya'y putik noong una, subalit nang yumuko siya para tignan ito, isang nilalangaw na dumi ng kalabaw ang halos kumain sa sapatos niya.

Nabulabog ang mga nagpapahingang ibon dahil sa sigaw ng dalagang tila isang bulkan na nag-aalburoto sa galit at kahihiyan na kaniyang naranasan. Nagsilabasan rin ang ilang mga tao na nasa loob ng kani-kanilang bahay dahil sa narinig na palahaw.

" Miss, sandali, kumalma ka, " at dahil nasa dugo na ni Pablo ang pagiging maginoo, agad niyang nilapitan ang dalaga na hindi magawang gumalaw habang nagsisisigaw. " Hindi mo naman kailangan mataranta—"

" Paano ako kakalma kung may nararamdaman akong gumagalaw sa paa ko?! " halos magputukan na ang ugat sa leeg ng dalaga, pikit-matang tinaggal ang paa sa dumi ng kalabaw saka siya nagtatakbo palapit sa patubig para sana ilubog ito nang bigla siyang dumulas pababa sa patubig rason para maunahan niya pang maligo si Bebang.

***

Mangiyak-ngiyak na pinapunasan ni Devon nang basang bimpo ang paa niya. Halos mamula na ito dahil sa panggigigil at pandidiri sa tuwing binabalikan ang kamalasan na nangyari ilang minuto pa lang ang nakalilipas.

" Ew, this is so disgusting. " Huminto sa pagkuskos si Devon at inis na binato ang bimpo sa sahig ng masikip na banyo. Hindi maalis sa utak niya ang amoy at 'yong imahe ng pagdikit ng dumi sa sapatos niya.

" Ate, ito po pala iyong damit sabi ni Nanay." Napatingin si Devon sa pinto nang may kumatok mula sa labas. Binuksan niya ito nang bahagya, sinilip ang isang batang babae na may dalang damit pamalit.

" K-Kaninong damit 'yan? " tanong ni Devon.

" Kay Nanay po 'yan, " anito, " Bagong bili po 'yong short sa tiangge noong nakaraan. Hindi pa nasusuot ni Nanay kasi panlakad po niya. "

Nag aalangang kinuha ni Devon ang damit, hindi niya alam kung dapat ba niya itong isuot o umuwi na lamang siya nang basa at mabaho." O-Okay, thank you. "

" Ate, nobya po ba kayo ng Kuya? " Nanlaki ang mata ni Devon sa diretsahang tanong ng bata sa kaniya. " Kayo pa lang po dinala niyang babae dito sa bahay. Kakasal na po kayo? "

" Ikakasal na si Kuya?! " mula sa pintuan na nag ko-konekta sa kusina, lumitaw ang isang binatilyo na gulat na napatakip ng mata nang makita ang isang estranghero sa loob ng banyo nila. " Sunny! Bakit mo inaabala ang nobya ng kuya?! Isusumbong kita! "

" Hindi naman, Kuya Radzel! Dinala ko lang damit na pinaabot ni Nanay! Itanong mo pa! " Hiyaw pabalik ng batang babae na si Sunny, lukot ang mukha na hinabol ang kapatid na kumaripas ng takbo palabas.

Agad isinara ni Devon ang pinto ng banyo, napahawak sa kumakabog na dibdib. Napagtantong isang malaking pagkakamali ang ginawa niyang pagpunta sa hindi pamilyar na probinsya dahil tila pipikutin pa siya ng pamilya.

Wala siyang choice kundi ang magpalit ng damit para makauwi na sa siyudad. Wala na siyang balak humingi ng kapatawaran sa binatang hindi niya sinasadyang saktan nang pisikal dahil para sa kaniya ang mga kamalasan na pinagdaanan niya ngayong hapon ay sapat na para pagdusahan ang pagkakamali niya.

Isang maluwag na short at maluwag na T-shirt na may malaking tatak ng mukha ng isang kandidato ang suot ngayon ni Devon. Nagmamadali siyang lumabas ng banyo, hawak ang basang bestidang suot niya kanina na hindi na niya pinagkaabalahang ilagay sa supot dahil gusto na niyang umuwi at maligo nang maayos.

" Hija, tapos ka na pala. " Nakasalubong ni Devon sa salas ang matandang babae na nagpakilalang ilaw ng tahanan ng bahay kung nasaan siya. " Sandali, lumabas lang saglit si Pablo. Padating na rin 'yon. "

" H-Hindi na po. Kailangan ko na po kasing umuwi ngayon. Pakisabi na lang po sa kaniya na nauna na 'ko, " sagot ni Devon, hindi na hinintay ang tugon ng matanda dahil sa pagmamadaling makalabas ng bahay nang walang suot na sapin sa paa. Wala na siyang balak suotin pang muli ang sapatos na may bakas ng kaniyang kamalasan, sapagkat kayang-kaya niya bumili ng bago at higit na mas maganda pa roon.

"Aba, totoo nga! " Nahinto si Devon sa bakuran nang makita ang dami ng tao sa labas ng bahay kung nasaan siya. Lahat ng mga mata ay nakatingin sa kaniya, puno ng tuwa at paghanga. " Ikaw nga ba ang mapapangasawa ni Pablo?! Kailan ang kasal niyo?! "

" W-What?! A-Anong kasal?! Wait, w-what's happening? " Napalabi si Devon, binalot ng kaba ang dibdib dahil padagdag nang padagdag ang mga taong nasa harap niya, animo'y isa siyang sikat na artista.

" Sabi na't matinik si Pablo, eh! Akalain mong makakapag-uwi ng chicks dito sa kanila?! " komento ng isang matandang lalaki, may hawak ng tandang habang hinihimas ang balahibo nito. " Teka, ilan taon ka na ba? Mukhang bata ka pa, ah? Alam ba ng magulang mo kung nasaan ka? "

" Hindi ka naman siguro menor de edad, hija? " tanong ng isang ginang, hawak ang abaniko at pinapaypay sa sarili niya. " Aba, mahirap na at baka makasuhan ang Pablo namin niyan! "

Hindi alam ni Devon kung paano sasagutin ang mga tanong na pianuulan sa kaniya ng nga taong hindi naman niya kilala. Gusto na niyang umalis, pero hindi niya alam kung paano tatakas dahil nakaharang ang mga ito sa kaniyang dadaanan habang sunod-sunod na nagbabato ng mga katanungan.

" Ah, well, actually..." Napahawak sa sentido si Devon, ipinikit ang mga mata at ibinagsak ang sarili sa malamig na lupa dahilan para magkagulo ang mga tao na agad pumalibot sa kaniya.

" Nandito na si Pablo! " anunsyo ng isa nang makita ang pagdating ng binatang puno ng pagtataka sa naaabutang gulo sa harap ng bahay nila. " Pablo, nawalan ng malay ang nobya mo! Buhatin mo! "

Buong akala ni Devon, ang pagkukunwari niyang nawalan ng malay ay magandang paraan para matakasan ang sitwasyong kinalalagyan niya, subalit kabaliktaran ang nangyari dahil nagkaroon lang ng haka-haka ang mga tao na marahil siya ay nagdadalang tao at ang ama ng bata sa tiyan niya ay walang iba kundi si Pablo.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status