Share

CHAPTER 04

Alas otso y medya na ng umaga noong umalis ng kama si Devon nang maramdaman ang pagklam ng kaniyang sikmura. Trenta minutos na simula nang magising siya ngunit piniling hindi muna bumangon dahil abala pa ang mga mata sa kapapanood ng video tungkol sa gulong naganap noong Linggo. Kalat pa rin ito sa mga social media pages at patuloy pa rin siyang nakatatanggap ng mga messages mula sa mga taong nakapanood ng viral video.

Halo-halo ang mga reaksyon na nababasang komento ni Devon at karamihan sa mga 'yon ay patungkol sa inosenteng lalaking pinaghahahampas niya. Dalawa silang biktima pero mas lamang ang simpatya ng mga tao kay Pablo bagay na hindi makatarungan kay Devon, kaya naman bago pa tuluyang masira ang araw niya ay itinigil na niya ang pag c-cellphone para bumaba sa dining area.

" Good morning, Pa." Humihikab na bati ni Devon sa ama na naabutan niyang nakaupo sa harap ng mesa at nagbabasa ng diyaryo. Tumungo siya sa refrigerator para kumuha nang malamig na tubig saka sinilip si Manang Elma na nasa harap ng lababo at may hinuhugasang gulay. " Lemme guess, pakbet ang lulutuin niyo 'no? "

Ngumiti ito. " Iyon ang request ng Papa mo. "

Ngumuso si Devon. " May lasagna pa naman po tayo sa ref 'di ba? "

" Devon, maupo ka sandali dito. " Halos mapatalon sa gulat si Devon nang magsalita ang ama. Hinubad ni David ang salamin sa mata at binaba ang dyaryong binabasa dahilan para bumalik ang mga daga sa dibdib ni Devon sapagkat alam niyang ito ang continuation ng naputol na sermon kagabi ng ama.

Kagat-labi na lumakad si Devon palapit sa mesa at humila ng isang silya sa tabi ng ama. " Look, I'm sorry, okay? Next time, mga close friends na lang po ang i-invite ko."

" Hindi, tapos na tayo sa topic na 'yan. May nakausap na akong lawyer para masigurong hindi makapag piyansa iyong tatlong lalaking nang-harass sa'yo, " anito saka sumimsim sa mainit na kape. " Ang gusto kong pag-usapan natin ngayon ay 'yong pagkakaroon mo ng bodyguard. "

Umawang ang bibig ni Devon. " Pa, ayoko. Hindi ko nga po kailangan ng bodyguard. "

" Puwes ako, kailangan ko ng bodyguard na magbabantay sa'yo, " anito, " Devon, anak, ikaw na lang ang mayroon ako. Ikaw na lang ang natitirang lakas ko at hindi ko kakayanin kung pati ikaw mawawala saakin. Alam mo naman kung gaano na kadelikado ang mundo ngayon, hindi ba? Iyong nangyari sa'yo noong birthday mo, hindi pa ba iyon sapat na dahilan para maging mahigpit ako sa seguridad mo? "

Napalunok nang mariin si Devon. " Pa, don't be so dramatic. Hindi na mauulit iyong nangyari noong Sunday—"

" So, ano guso mong gawin ko? Dapat ba akong maghintay na may mas malala pang mangyari sa'yo bago ako kumilos? " Balik nitong tanong dahilan para hindi makapagsalita si Devon. " Ayoko ng maulit 'yong pagkakamali ko noon kaya please, hayaan mo akong kumuha ng magiging bodyguard mo, Devon. Palagi akong wala dito dahil sa trabaho kaya kailangan ko ng may mag m-monitor sa'yo. "

" Like, for twenty-four hours? " Taas-kilay na tanong ni Devon.

" Not necessarily, " sagot ng ama, " Kaligtasan mo ang mahalaga dito, anak. Kung naiilang ka na palaging may nakasunod sa'yo paglalabas ka, sasabihin kong patago kang buntutan para makakilos ka nang naaayon sa gusto mo. Hindi naman kita paghihigpitan sa mga bagay na gusto mong gawin dahil kagaya ng sabi ko, iyong kaligtasan at seguridad mo ang mahalaga dito. "

Sandaling naghari ang katahimikan sa dining area bago tanggapin ni Devon na talo siya sa diskusyon. " So, may nahanap na po kayo? "

" May tatlong candidate akong pinagpipilian. Sumama ka saakin mamaya sa opisina para makita't makilala mo sila, " anito, " Malalaking tao ang mga 'yon. Iyong isa doon, retired army. Iyong pangalawang candidate, dating personal bodyguard noong artisrang—

" Wait, wait, wait! " Napatayo si Devon, ang isang kamay ay nakapatong sa dibdib habang ang isa'y nasa ere, nakasenyas sa ama na natigil sa pagsasalita. " I think I know someone..."

Nagbanggan ang kilay ni David sa reaksyon ng anak. " What do you mean? "

" Someone na puwede kong i-hire as my bodyguard! " Puno ng galak na saad ni Devon, iniisip ang lalaking dahilan ng kinang sa kaniyang mga mata.

***

" Pablo! " Napatigil sa pagbubungkal ng lupa si Pablo nang madinig ang pagtawag sa pangalan niya ng ka-trabaho. " Tama na muna 'yan! Lunchbreak na! "

" Sige ho, susunod na ako! " sagot niya, tinapos sandali ang ginagawang pagbubungkal sa lupang balak taniman ng singkamas bago tumungo sa malaking kubo na nagsisilbing canteen ng mga trabahador sa farm.

Tuwing sasapit ang tanghalian,nakagawian na ng mga trabahador ang pagsasalo-salo sa malaking dahon ng saging para doon magsikain. Bawat isa ay may kaniya-kaniyang baon, magkakaiba ng dalang ulam ngunit sa oras na mailapag iyon sa mesa, halo-halo na ang mga putaheng natitikman ng bawat isa.

" Pablo, paki-angat nga iyong damit mo! " Napatingin si Pablo sa ginang na nasa harap niya. " Hindi pa ako nabubusog sa kinakain ko. Kailangan kong makakita ng abs! "

"Hoy mare, tigilan mo nga 'yang kaharutan mo! Ang tanda mo na para kay Pablo! " Natatawang saway ng isang ginang, nasa dulo ng mesa at abala sa paghimay sa bangus na kinakain niya. " Halos kasing edad lang 'yan noong pangalawa mong anak. "

" Oh, ano ngayon? Tagal ko ng biyuda, ano! Saka sabi nga nila, age doesn't mother! " Confident nitong sagot at napuno ng tawanan ang mesa. " Anong nakakatawa? Totoo naman ah! May asim pa naman ako!"

" Naku, bago kayo mag-asawa ulit ay bakit 'di muna kayo bumalik sa pag-aaral?! " komento ng isa, " Age doesn't mother pala ha? Baka age doesn't miter! "

Nakisabay na lamang si Pablo sa tawanan at biruan sa mesa habang nagpapaligsahan sa paggamit ng ingles ang mga kasama nang bumalik muli sa kaniya ang atensyon dahil sa tanong na binitawan ng isa.

" Huy, Pablo, nabalitaan ko iyong nangyari sa bahay niyo kahapon? Totoo nga bang may asawa ka na? "

Umiling si Pablo. " Wala hong katotohanan 'yon. May hindi lang pagkakaintindihan sa sitwasyon dahil sa dalawa kong kapatid. "

" Eh sino 'yong babae? Nobya mo talaga? "

" Hindi ko po siya kilala, " ani Pablo, nagsalin ng tubig sa baso gamit ang pitsel na may lamang maliit na bloke ng yelo. " Tinulungan ko lang po siya dahil nahulog sa patubig kahapon. Walang damit pamalit kaya dinala ko sa bahay para mapahiram ng damit ni Nanay. Kawawa naman kung hindi ko tutulungan."

Napatango ang mga ito, unti-unting naliwanagan sa kumalat na balita tungkol kay Pablo na kilala sa buong baryo dahil sa kakisigan nito.

" Pablo! " Lahat ay napatingin sa bagong pasok sa kubo na si Mark. " Nasa labas ng main gate 'yong kapatid mo. Hinahanap ka at may sasabihin daw sa'yo! "

Nagsalubong ang kilay ni Pablo, dala ng kuryusidad ay agad siyang tumungo sa main gate para labasin ang kapatid niyang naabutan niyang may nilalantakang ice cream habang nakasilong sa ilalim ng puno ng mangga. Naka-uniporme pa ito, halatang kauuwi lang galing sa eskwela.

" Kuya! " Salubong ni Radzel nang makita ang paglabas ni Pablo sa gate. " Ang sarap nitong ice cream, kuya! Mayroon siyang mga mani. Tikman niyo! "

" Sandali lang, bakit nandito ka? May problema ba sa bahay? " tanong ni Pablo.

" Wala naman po, pero may bisita tayo sa bahay. Gusto niya daw po kayo makausap. "

Nagsalubong ang kilay ni Pablo." Sino? "

" Nakalimutan ko po pangalan, " anito saka nag iwas ng tingin. " Basta, marami siyang dalang masasarap na pagkain sa bahay. Hihintayin niya raw kayo pag-uwi niyo...o puwede rin namang umuwi na kayo para makita niyo po kung sino. "

Hindi pa man nakakasagot ay nagtatakbo na palayo si Radzel. Naiwang mag-isa si Pablo sa kalsada, may malaking tanong kung sino ang bisita sa bahay nila. Wala siyang ideya kung sino ito dahil wala naman siyang inaasahang tao na nakatalagang makipagkita sa kaniya ngayong araw.

Naglakad palapit si Pablo sa gate at sumilip sa guard house para tanungin ang naka-duty na guwardiya. " Kuya, anong oras na po? "

" Alas dose y medya. Uuwi ka ba, Pablo? " tanong nito, " May trenta minutos pa naman bago matapos lunch break niyo. Sige na, baka importante 'yan dahil sinundo ka pa rito ng kapatid mo. "

Napahawak si Pablo sa magkabilang baywang, nagtatalo ang isip kung dapat bang patulan ang sinabi ni Radzel ngunit dahil hindi matahimik ang utak niya sa kakatanong kung sino ang bisitang naghihintay sa kaniya, nagpaalam siya sa guwardiya na uuwi muna sandali para magpakita na rin sa nasabing bisita. Dalawang kanto lang ang pagitan ng bahay at farm kung saan namamasukan si Pablo kaya naman halos nasa limang minuto lang ang ginugol niya sa pagtakbo sa kalsada bago marating ang compound nila.

" Kuya! " Sumalubong sa labas ng bahay ang bunsong kapatid na si Sunny. Mayroon itong hawak na plato na may lamang dalawang slice ng pizza. " Tagal niyo naman dumating kuya. Mauubusan ka na ng mga pagkain. "

Napatingin si Pablo sa bakuran, animo'y pista sa kanila dahil halos lahat ng kapitbahay ay na sa kanila, bawat isa ay may hawak na plato na naglalaman ng mga putaheng minsan lang ihain sa mesa.

" Anak, nariyan ka na pala. " Lumabas sa pintuan si Bernadette at agad napansin ni Pablo ang mapulang labi ng ina. " Bagay ba saakin iyong kulay? Hindi ba masagwa? "

" B-Bagay naman po, Nay. Pero ano po bang mayroon? " tanong ni Pablo, tumingin sa bintana nila sa pagbabakasakaling ang bisitang tinutukoy ng kapatid. " Sino po ba 'yong bisita natin? "

Ngumiti si Bernadette saka itinago sa bulsa ang bagong lipstick na bigay sa kaniya ng bisita. " Pumasok ka na lang sa loob nang malaman mo. Huwag kang mag-alala, kayo lang ang nandoon at hindi kami makikinig sa pag-uusapan niyo. "

Dala ng labis na kuryusidad ay tuluyan ng pumasok si Pablo sa loob ng kanilang bahay at hindi niya alam kung anong dapat na maramdaman nang makita ang isang dalaga tila isang prinsesa na nakaupo sa pang-isahang silyang gawa sa kawayan.

" Ikaw na naman? " Kunot-noong pinasadahan ng tingin ni Pablo ang dalagang abot tainga ang ngiting nakatingin sa kaniya. " Ano na namang ginagawa mo rito? "

Tumayo ito mula sa pagkakaupo at naglakad palapit kay Pablo upang ilahad ang kamay nito. " Devon Valencia, In case you didn't know—"

" Hindi ko interesado sa pangalan mo. Tinatanong ko kung ano'ng ginagawa mo rito? " Malamig na tanong ni Pablo, " Kung tama ang pagkakatanda ko, halos sumpain mo na 'tong lugar na 'to kahapon 'di ba? Sising-sisi ka na napunta ka rito tapos ngayon, bumabalik ka? "

" I'm sorry about that. Sobrang gulo lang talaga ng isip ko kahapon kaya kung ano-ano ang lumabas sa bibig ko, " paliwanag ni Devon, bahagyang binawasan ang ngiti sa labi upang ipakita ang sincerity niya. " Please, sorry talaga. Wala akong masamang intensyon sa pagbalik ko rito, promise. Na-realize ko na sobrang mali ako sa inakto ko kahapon at wala ako sa lugar para um-arte ng ganoon. "

Hindi nagsalita si Pablo, nakababa lang ang tingin niya sa dalagang may mapupungay na mata, animo'y isang kuting na naglalambing sa kaniya.

" Hey, please, talk to me naman. I know, marami akong naging kasalanan sa'yo at iyon nga ang reason kung bakit ako nandito ngayon. " Nilingon ni Devon ang isang mahabang silya kung saan nakapatong ang iba't ibang paper bag. " Para sainyo 'yan as a token of apology. Nakakahiya naman kasi magpunta rito matapos ng gulong naidulot ko kahapon. I know, wala pa ang mga 'yan compared sa mga masasakit na salitang nabitawan ko kahapon...well pati na rin doon sa nagawa ko sa'yo sa bar, pero start pa lang naman ito ng pagbawi ko. May susunod pa kaya wala kang dapat ipag-alala. "

Sumama ang hitsura ni Pablo. " Uwi mo 'yang mga 'yan. Hindi namin kailangan ng suhol mo. "

" Hindi naman 'yan suhol." Napalabi si Devon. " Napatawad na ako ng pamilya mo, pati noong mga kapitbahay niyo kaya sana, ikaw rin mapatawad mo na 'ko, Pablo... "

Hindi mapigilan ni Pablo ang pagtaasan ng balahibo sa katawan nang banggitin ng dalaga ang pangalan niya gamit ang malambing na boses.

" Ano ba talagang kailangan mo? " Diretsong tinitigan ni Pablo si Devon, animo'y pati ang kaluluwa ay hinuhusgahan nito. " Magpapakatotoo na ako sa'yo. Sa ipinakita mong ugali kahapon, alam kong hindi ka iyong klase ng tao na ba-byahe nang matagal para humingi ng tawad sa mga taong alam mong mas mababa sa'yo. May kailangan ka kaya ka nandito. May pakay ka saamin at kung ano man 'yan, wala kang aasahang sagot saamin. Umalis ka na lang."

Napakurap nang sunod-sunod si Devon, aminadong nakaramdam ng insulto sa narinig ngunit nagpatuloy siya sa pagsasalita. " Actually, ikaw lang naman ang pakay ko rito. "

Sarkastikong ngisi ang gumuhit sa lai ni Pablo, nagpapakita na tama ang husga niya. " Lumabas din ang totoo. "

Huminga nang malalim si Devon, " So, base sa mga nakalap kong information sa pag k-kuwentuhan namin kanina ng mother mo, isa kang farmer and 'yong pagiging pahinante mo ay extra job mo. Housewife ang mother mo while your father is a tricycle driver. Ang dalawa mong kapatid ay nasa elementary at graduating na 'yong sumunod sa'yo, am I right? "

" Hindi ko alam kung saan pupunta ang usapan na'to. "

" Well, I have a job offer for you. " Ngumiti si Devon. " Hindi mo na need ng dalawang trabaho dahil malaki ang sasahurin mo rito. Doble ito sa sinasahod mo as a farmer and a helper! Baka nga mas triple pa dahil sa benefits. Hindi mo na kailangan ibilad ang sarili mo sa ilalim ng araw para kumita ng pera. Hindi mo na kailangan magtiis at magpakahirap dahil madali lang naman gagawin mo compared sa ginagawa mo ngayon sa trabaho. "

Nanatiling kunot ang noo ni Pablo, hindi makakitaan ng pagka-interes sa mukha dahil sa bawat salitang ginagamit ni Devon, dama niya iyong panliliit.

" I want you to be my personal bodyguard. " Pagpapatuloy ni Devon, itinaas ang dalawa niyang daliri malapit sa mukha ni Pablo. " Dalawa lang ang kailangan mong gawin sa trabaho na 'to. Kailangan mo lang masiguro ang kaligtasan at seguridad ko and voila, you will be paid na! "

" Ayoko. " Mabilis na sagot ni Pablo, na nagpawala sa maaliwalas na ngiti sa labi ni Devon." Hindi ako mag ta-trabaho sa'yo. Mas gugustuhin ko pang mabilad sa araw kasama ang mga kalabaw kaysa pakisamahan ang matapobre na kagaya mo. "

Napangiwi si Devon, natamaan man siya pero kailangan niyang magpigil at magtiis para mapapayag ang lalaki sa inaalok niyang trabaho." Well, kung iyon ang tingin mo saakin, okay fine wala akong magagawa. Sanay na ako sa judgement ng mga tao. "

Napabuga sa hangin si Pablo, lumapit sa mga paper bag na na sa silya para kuhanin ito. " Makakaalis ka na. Isama mo 'tong mga suhol mo dahil hindi namin kailangan nito. "

Hindi natinag si Devon sa kinatatayuan.Tumingin siya sa bintana at nakita sa labas ang pangalawang kapatid ni Pablo na si Radzel. Ngumiti ito sa kaniya at kumaway bago umalis sa harap ng bintana. Napangisi si Devon nang may pumasok sa isip niya " So, hahayaan mo na lang na hindi tumuloy mag high school ang kapatid mo after niyang maka-graduate? "

Natigilan si Pablo. " Anong sinasabi mo? "

Napakamot sa ulo si Devon, alam niyang hindi niya dapat ito sabihin pero ito lang ang nakikita niyang alas para makuha ang atensyon ng lalaki. " Well, nagkausap kami kanina ng pangalawa mong kapatid. Secret lang sana namin ito pero as a kuya, feeling ko may rights ka naman malaman iyong plano niya after niyang maka-graduate sa elementary. "

Tuluyang inikot ni Pablo ang katawan kay Devon para pakinggan ang sunod na sasabihin nito.

" Sinabi niya saakin na susunod siya sa'yo sa farm. Mag w-work din daw muna siya para makatulong sa mga pangangailangan niyo rito sa bahay, " ani Devon, " So if I were you, tanggapin mo na ang offer ko. Makakapag college pa siya once na makapag trabaho ka na saakin. "

" At sa palagay mo hindi ko magagawang pag-aralin ang kapatid ko dahil sa trabaho ko? "

" What? I didn't mean it that way! Ang gusto kong sabihin, puwede siyang mabigyan ng scholarship kung gugustuhin niya, " paliwanag ni Devon, " At hindi malabong mangyari iyon kung ia-accept mo nga ang offer ko sa'yo. "

Dismayadong umiling si Pablo. " Mas maiiging umalis ka na lang. "

Bumagsak ang balikat ni Devon sa narinig. Hindi niya alam kung saan siya nagkulang at hindi nabago ang isip ng lalaki. " Sandali, ano pa bang gusto mo? Ano pa bang kailangan kong gawin para pumayag ka? Tell me! "

" Gusto mong malaman? " Tiim-bagang na tanong ni Pablo at wala namang takot na tumango si Devon. " Kung ganoon handa kang ibigay saakin ang katawan mo? "

Bumilog ang mata ni Devon, agad nangamatis ang mukha at unti-unting ngumiti sabay takip sa dibdib." O-Okay, wala namang problema. Puwede naman natin 'yan pag-usapan sa ibang araw. "

Nagulantang si Pablo, hindi inaasahan na iyon ang isasagot sa pananakot na ginawa niya kaya bago pa man pumutok ang ugat niya, siya na ang umalis sa bahay nila para bumalik sa trabaho.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status