" Hindi, wala siyang kasama. Mag-isa lang siyang dumating dito sakay noong itim na kotse, " sagot ni Paeng, ang tiyo ni Pablo na tambay sa bakanteng lote na ginawa ng hanapbuhay ang paggabay sa mga sasakyang naghahanap ng paparadahan. " Ganda ng nobya mo, Pablo. Matinik ka pala sa mga chicks, ha? "
" Hindi ko po nobya 'yon, Tito. Ni hindi ko nga 'yon kilala, " sagot ni Pablo, muling tinapunan ng tingin 'yong kotse bago ibaling ang tingin sa tiyo. " Sige ho, mauna na ko. Pakibatayan na lang ho nang maiigi 'yong kotse at baka mapag-trip-an noong mga bata rito. "
Agad na tumalikod sa Pablo at naglakad pabalik sa bahay nila na ilang metro lang ang layo mula sa bakanteng lote. Salubong ang kaniyang kilay, walang mahanap na sagot kung bakit narito ang babaeng rason ng bukol niya sa ulo. Ano ang kailanan nito sa kaniya at paano siya nito natunton gayong sa siyudad niya ito nakita at hindi naman sila magkakilala?
" Nandito na si Pablo! " Lalong nagbanggaan ang kilay ni Pablo nang makita ang harap ng bahay nila na maraming tao, tila nagkakagulo. " Pablo, nawalan ng malay ang nobya mo! Buhatin mo! "
Bumaba ang tingin ni Pablo sa lupa at nakita ang estranghera na walang malay, mahigpit ang yakap sa basa nitong damit.
" Pablo, ano pa ginagawa mo? Buhatin mo na at dalhin mo sa papag natin doon sa likod." Natatarantang utos ng ina ni Pablo kaya walang nagawa ang lalaki kundi lapitan ang dalaga at buhatin ito mula sa pagkakahiga sa lupa.
" Hindi kaya buntis ang nobya mo, hijo? " Mabilis na napalingon sa likuran si Pablo dahil sa narinig. " Aba'y menor de edad pa yata ang balak mong asawa-hin? "
" Ho?! "Bahagyang napataas ang boses ni Pablo dahilan para magulat ang mga kapitbahay nakasunod pa rin sa kaniya habang siya'y naglalakad patungo sa likod ng bahay nila. " Hindi ko ho ito nobya. "
" Naku, huwag mo na itago saamin. Mga kapatid mo na nagsabi na ikakasal na kayo," hirit ng isa na sinang-ayunan ng iba. " Kunsabagay, normal na sa panahon ngayon 'yong nauuna ang honeymoon kaysa kasal. "
Idinaan ni Pablo sa hilaw na tawa ang kalituhang nararamdaman. " Sandali ho, mukhang may hindi lang pagkakaintindihan—"
" Hindi mo kailangan mahiya dahil nasa tamang edad ka naman na para mag-asawa, Pablo. " Nakangising komento ng isang kapitbahay, kumare ng kaniyang ina. " Sadyang nagulat lang talaga kami sa balita kaya pag pasensyahan mo na kami sa biglaang pag sugod dito sa inyo. Gusto lang namin makita 'yong nobya mo dahil ito ang unang beses na nadala ka ng babae sa inyo. "
" Nagkakamali ho kayo—" Binalak pa ni Pablo magsalita pero hindi na niya natuloy dahil sa kaniyang ina na tila problemado kung paano tutulungan ang dalagang nasa bisig niya.
" Ingatan mo ang pagbaba sa kaniya, Pablo...teka, punasan niyo muna itong papag at bakit puro buhagin? Radzel, kumuha ka ng basahan sa loob! Abot mo saakin dito, bilis! " Hiyaw nito, may dalang abaniko habang pinapaypayan ang dalagang buhat pa rin ni Pablo. " Yelo? Yelo, pahingi ng yelo! Sunny, anak, kuhanin mo na nga 'yong kumot na nakasampay sa harap ng bahay para maisapin dito sa papag. "
Hindi maintindihan ni Pablo ang nangyayari at wala siyang magawa kundi ang sumunod na lamang sa mga inuutos ng ina para sa dalagang tila isang bagyo dahil sa gulong dulot nito sa kanila.
***
" Aba'y talaga nga namang maganda ang nobya ng anak mo, Berna. Kutis mayaman, oh. Saan kaya nakilala 'yan ni Pablo? "
" S-Sa totoo lang, hindi ko alam, mare. Wala akong ideya..." Naguguluhang sagot ni Bernadette, nakatingin sa dalagang walang malay na nakahiga sa papag. " Wala namang nababanggit saakin si Pablo tungkol dito. Ang sabi lang niya kanina, pahiramin ko raw muna ng damit 'yong babae dahil nahulog sa patubig. "
" Naku, hindi 'yon totoo! Gasgas na 'yang ganiyang palusot dahil pinagdaanan ko na rin 'yan noong kabataan ko," sabat ng isang matandang lalaki na nasa likuran ng magkumare. " Kung minsan nga ay sa talahiban pa kami inaabutan ng dati kong nobya. Ang kaibahan lang ay madilim namin ginagawa para walang makakita. Hindi baling pag pyestahan kami ng lamok, basta makaraos! "
" Maryosep, sa talahiban talaga kumpadre? Aba'y mabuti't hindi kayo ginapang ng ulupong doon?"
" Aba, siyempre hindi! Ibang ulupong ang pinagapang ko noon! "
Napuno ng tawanan ang paligid dahil sa hirit ng matanda habang ang dalagang nagkukunwaring walang malay ay halos magkulay kamatis na ang mukha dahil sa naririnig niya. Gustong-gusto na bumangon ni Devon at umalis sa sitwasyong kinalalagyan ngunit hindi siya makahanap ng lakas ng loob para dumilat. Kaniya ring ipinagtataka kung bakit hindi pa umaalis 'yong ilan sa mga taong kanina pa nakikiusyoso sa nangyayari. Naguguluhan siya, hindi makapag-isip nang diretso dahil sa nararamdamang pressure mula sa mga hindi kilalang tao na nasa paligid niya. Alam niyang pauulanan na naman siya ng mga tanong nito sa oras na dumilat siya na iniiwasan niyang mangyari.
" Dalhin niyo na kaya sa ospital 'tong nobya ni Pablo? Baka mamaya kung ano mangyari sa mag-ina. Namumutla na, oh? Ilang buwan na kaya 'tong buntis? " biglang naalarma si Devon. Wala siyang ideya kung ano ang hitsura niya ngunit ramdam niya iyong pagtaas ng init mula sa katawan hanggang mukha niya. Hindi niya matanggap ang narinig kaya agad niyang idinilat ang mata at naupo mula sa pagkakahiga sa kama.
" I'm not pregnant, okay?! Walang kasal na magaganap 'cause we're not even know each other! " Namumulang wika ni Devon, inilibot ang paningin sa mga taong nasa paligid niya hanggang sa tumigil ito sa lalaking kadarating lang, may hawak na isang palanggana. Patalon na bumaba si Devon sa papag at patakbo itong nilapitan para hawakan ang kamay at hilahin paalis sa likod ng bakuran. Subalit nakakailang hakbang pa lang siya nang mapilitan siyang tumigil dahil nahirapan siyang hilahin ang lalaking huminto para pigilan siya mula sa paglalakad nang mabilis.
" Anong ginagawa mo? " tanong ni Pablo, ipinatong sa bukas na bintana nila ang palanggana na may lamang yelo at bimpo na para sana sa dalaga. " Saan mo 'ko balak dalhin? "
" My gosh, ewan! Hindi ko rin alam! Just get me out of here! " Mangiyak-ngiyak na sigaw ni Devon bago bitawan ang kamay ng lalaki. Halata ang takot sa mga mata niya nang ibalik ang tingin sa likuran kung saan makikita pa rin ang mga taong nakiki-usyoso sa nangyayari. " Those people are so freaking weird! Hindi ko ine-expect na ganito ang mga tao rito sa lugar niyo! "
" Bakit ba kasi nandito ka? " tanong ni Pablo, bakas ng iritasyon ang mukha. " Ano'ng ginagawa ng isang tulad mo dito sa lugar namin? "
" About that..." Huminga nang malalim si Devon upang ikalma ang sarili bago alisin ang tingin sa mga taong nakamasid pa rin sa kanila. " I just wanna say sorry about what happened last night...I mean kaninang madaling araw sa harap ng bar. Hindi ko sinasadya na saktan ka dahil akala ko kasama ka noong tatlong manyak. Saka medyo lasing na ako that time so, you know, wala na ako sarili ko. "
Bahgyang nawala ang iritasyon sa mukha ni Pablo. " Pumunta ka rito para mag sorry? "
" Yeah. " Confident na sagot ni Devon. " Actually, kung hindi ko nga nakita 'yong viral video sa internet, wala akong idea na inosente pala ang napagbuhatan ko ng kamay. "
" Viral video? " takhang tanong ni Pablo, walang ideya tungkol sa tinutukoy ng dalaga.
Tumango si Devon saka dinukot ang cellphone niya mula sa likurang bulsa ng short na suot niya para hanapin sa internet iyong viral video." May nag-upload ng video sa gulong nangyari kanina and yeah, kitang-kita doon sa video kung paano kita nasaktan. Look, here's the video—"
" Ah, kaya ka nag sorry dahil nag viral ka? "
" Yeah—wait, no. " Nakunot ang noo ni Devon at hindi makapaniwalang inangat ang tingin sa lalaki. " Nagpunta ako dito para personal na makapag sorry sa nagawa ko. "
" Hindi ka siguro pupunta dito kung hindi kumalat sa internet iyong video? "
Umawang ang bibig ni Devon. " No, it's not like that! "
Hindi nabago ang dismayadong mukha ni Pablo bagay na nagpainit sa ulo ni Devon.
" You know what, you're so ungrateful! Nag effort 'yong tao puntahan ka para makapag-sorry, tapos ganiyan pa ang reaction mo! " halos umabot hanggang kalangitan ang pagkakataas ng kilay ni Devon habang matalim ang tingin na binibigay kay Pablo. " Almost two hours din akong nag travel papunta dito sa province niyo, tapos...tapos ganito pa ang madadatnan ko? Balak niyo pa yata akong pikutin! "
" Ano? " Kumawala ang iritasyon sa boses ni Pablo. " Saan mo naman nakuha ang ideya na 'yan? Hindi ba't ikaw ang sumugod dito para manggulo? "
Sumama ang hitsura ni Devon." What?! Nangpunta ako rito para mag sorry—"
" Hindi iyon ang nakikita ko, Miss. Nagpunta ka rito para sa pansarili mong kapakanan. Wala rin akong makitang sensiridad sa paghingi mo ng tawad dahil puro ka lang paliwanag sa sitwasyon mo."
Ibinuka ni Devon ng bibig pero walang salitang lumabas sa kaniya. Tinamaan siya, tagos hanggang buto 'yong narinig niya dahilan para matahimik siya ng ilang segundo.
" Dito ang daan paalis. " Malamig na saad ni Pablo, inilahad ang braso patungo sa labas ng bakuran ng bahay. " Dumiretso ka lang, makikita mo na 'yong bakanteng lote kung saan mo pinarada ang sasakyan mo. "
" T-Talagang aalis na ako! " Taas noong sagot ni Devon saka tinapunan ng tingin ang mga taong nanonood sa pagtatalo nila ng lalaki. " I can't believe it. Anong klaseng lugar ba itong napuntahan ko? Hindi ako na inform na ganitong klaseng community ang sasalubong saakin, my gosh. "
" Kung ganoon alis na. " Malamig na dikta ng Pablo. " Hindi namin kailangan ng opinyon mula sa kagaya mong palamuti lang sa lipunan. "
Napalabi si Devon, alam niyang isang insulto ang binitiwang salita ng lalaki ngunit hindi na siya sumagot at yukom ang kamao na nag martsa para lisanin ang lugar. Wala na siyang pakialam kung madumihan ang paa niya dahil wala siyang suot na kahit na anong sapin sa paa. Sa mga sandaling ito, ang importante sa kaniya ang makauwi nang ligtas sa bahay nila.
***
Abot tainga ang ngiti ni Devon nang lumabas ng banyo, suot ang sariling damit na kulay rosas, ganoon rin kaniyang pajama na may disenyong mga puso. Nakapulupot pa ang kaniyang tuwalya sa ulo habang gumagawa naman ng ingay ang kaniyang pambahay na tsinelas sa tuwing naglalakad sa malamig na sahig na gawa sa marmol.
Naupo siya sa harap ng tukador at kinuha ang dalawang maliit na bote na naglalaman ng likidong ipinapahid niya sa mukha tuwing gabi bilang parte ng kaniyang skin care routine. Pagkatapos ay inalis niya ang tuwalyang nakapulupot sa ulo para pahanginan naman ito gamit ang hair blower nang bumukas ang pinto ng kuwarto at niluwa nito ang kaniyang ama na si David Valencia, hindi kagaya ni Devon, mataas itong lalaki at mayroong malusog na pangangatawan.
" Pa—"
" Kanina pa ako katok nang katok sa pinto mo, hindi mo naririnig? " tanong nito dahilan para patayin ni Devon ang hair blower niya na gumgawa ng ingay.
" Sorry po. Didn't here the knock because of the noise coming out my hair blower. Kanina pa po ba kayo nakauwi?" Malambing na wika ni Devon, tumayo mula sa pagkakaupo para salubungin ng yakap ang ama. " How's your trip, Pa? Bakit kayo nakasimangot? Are you tired na? "
" I need to hear your explanation about this, " anito gamit ang seryosong tono saka inilabas ang cellphone para iharap kay Devon. " and to answer your question, yes I am tired. Gustong-gusto ko ng humiga sa kama pero mukhang hindi ko magagawang makatulog ngayon nang maayos matapos kong mapanood ang video na 'to. "
Bahagyang nanlaki ang mata ni Devon, nawalasa isip niya ang posibilidad na makita ng ama ang viral video na may kinalaman sa kaniya." Y-Yeah, about po sa video na 'yan, naipakulong na po 'yong mga nang-harass saakin. You don't have to worry na kasi marami po kami na nag complaint against sa tatlong lalaki. Hindi lang naman po pala ako iyong victim nila that night dahil may mga nauna na silang hinipuan, and ako po 'yong last... . "
Sumama lalo ang hitsura nito. " Mga bisita mo ba 'yong mga 'yon? "
Napalabi si Devon. " Well, kasama po ng mga bisita ko..."
Napabuga sa hangin si David." See? I told you—"
" Pa, I don't want to talk about this na. Tapos na, nangyari na at ang importante ay naipakulong na namin sila. " Nakangusong bumalik si Devon sa silya niya at humarap sa salamin. " Okay, I admit, may kasalanan din po ako dahil naging pabaya ako. Well, gusto ko lang naman maging memorable 'yong birthday ko by inviting everyone na kakilala ko. Nag enjoy naman ako sa party ko since na-meet ko ulit iyong mga high school friends na matagal ko ng hindi nakikita. "
" Hindi naman kita sinisisi sa nangyari, Devon. Ang saakin lang, masyado kang malaya sa paligid mo. Ni wala kang sense of danger or survival instinct. Naalala mo ba noong bata ka noong sumama ka sa hindi mo kakilala? Nagpakilala lang na kaibigan ko, sumama ka na..."
" Oh my gosh, here we go again. " Pabulong na sambit ni Devon, gusto ng buhayin ang hair blower para hindi na marinig ang paulit-ulit na kuwento ng ama tungkol sa pangyayaring hindi na niya maalala.
"...hindi lang isang beses nangyari iyon, Devon. Dalawang beses kang muntik ma-kidnap, " pagpapatuloy ni David na bagamat makakakitaan ng pagkadismaya ang mukha, bakas pa rin ang pag-aalala sa tono ng boses niya. " Bakit ba kasi ayaw mo pa ng bodyguard? "
Nalukot ang hitsura ni Devon. " Pa, ayaw ko ng may bumubuntot saakin. Ang creepy kaya na may laging nakamasid sa'yo saan ka man magpunta. Remember the bodyguard you hired when I was second year high school? He's so creepy! Palagi siyang nakasunod saakin pati sa mga personal na lakad ko! "
" Natural iyon ang trabaho niya. Saka palagi mo siyang tinatakasan kaya inuutusan ko rin siyang sundan ka nang palihim. "
" Pero kahit na, Pa! Hindi ko kailangan ng anino na laging nakasunod saakin. "
" Devon, anak—"
" Sir David? " Napalingon ang mag-ama sa boses na nanggaling sa labas ng pinto. Nakadungaw doon ang kasambahay na si Manang Elma na may hawak na telepono. " Mayroon ho kayong tawag galing opisina. "
Napabuga nang hangin si David, binalingan ng tingin ang anak na halos pikit ang mga matang nakangiting tumatango sa kaniya, halatang masaya dahil nakaligtas na naman sa mga pangaral niya.
" Hindi pa tayo tapos mag-usap, Devon. Bukas ay kauusapin ulit kita, " anito bago tumalikod para lumabas ng kuwarto. Tuwang-tuwa naman si Devon na tumingin kay Manang Elma na madalas nagliligtas sa kaniya sa tuwing nakakagalitan ng ama.
Bumalik sa pag-aayos sa sarili si Devon, sinabayan niya ng pag-awit sa musikang pinatutugtog niya sa maliit at umiilaw na speaker na nakapatong sa isang lamesita. Sa kalagitnaan ng paglalagay niya ng facial mask, bigla na lamang siyang natulala sa kawalan nang bumalik sa alaala ang naging engkwentro nila ng lalaki.
" Sayang. Guwapo pa naman siya..." wala sa sariling sambit ni Devon, huminto sa pagtapik sa mukha at napansandal sa silya. " What's his name again? Paul? Patrick? No. Pa...Pablo? Yeah, Pablo nga! "
Umalis si Devon sa harap ng tukador at lumipat sa kama para ibagsak ang sarili niya. Napatitig siya sa kisame, inalala ang magandang imahe ng lalaki noong nakita niya ito sa patubig. Hindi iyon ang unang beses na nakakita si Devon ng hubad na katawan subalit may kung anong dalang mahika ang pagkakahubog ng katawan ni Pablo bagay na nagpainit sa magkabilang pisngi niya. Moreno, maskulado at malaking tao. Ang baritonong boses ay nagpadagdag sa karisma nito, lalo na ang paraan ng pagkakasalubong ng kilay ng lalaki. Kaagad natigil sa pagpapantasya si Devon nang mabalik sa isip niya ang dahilan ng iritableng hitsura ng lalaki at iyong huling katagang binitiwan nito bago sila maghiwalay kanina.
" Hindi kailangan ng opinyon mula sa kagaya kong palamuti lang sa lipunan? " Bumangon siya sa kama at inis na inalis ang facial mask niya. " Well, atleast may magandang palamuti sa lipunan! "
Buong akala ni Devon, iyon na ang huling beses na magtatagpo ang landas nila ni Pablo. Naitaga na niya sa bato na hindi na siya babalik pa sa lugar na nilait-lait niya, ngunit isang araw, nagising na lamang siya na nasa loob muli ng bahay ng pamilyang Regalado, may mga dalang pagkain bilang pasasalamat sa mga ito.
" Ayoko. " Matigas na sambit ni Pablo, sagot sa binitiwang tanong ni Devon. " Hindi ako mag ta-trabaho sa'yo. Mas gugustuhin ko pang mabilad sa araw kasama ang mga kalabaw kaysa pakisamahan ang matapobre na kagaya mo. "
Napangiwi si Devon, natamaan man siya pero kailangan niyang magpigil at magtiis para mapapayag ang lalaki sa inaalok niyang trabaho—ang maging kaniya personal bodyguard.