Share

Chapter 4

Nagbalik kami sa palengke at habang binababa namin sa tricycle ang mga gulay na tinda namin ay bigla na naman dumating ang kotse ni Joaquin. Muli ko siyang nakita at ngayon, paninindigan ko ang aking desisyon kanina.

Kumaway siya sa akin at hindi ko pinansin iyon kahit ang totoo, gustong-gusto kong kumaway rin sa kanya. Lumapit pa siya sa amin at akmang kukunin ang dala kong gulay pero lumapit sa akin si Leroy at siya na ang kumuha ng aking dala.

"Salamat," sabi ko kay Leroy at inayos ang aking buhok. Diretso lang ang aking tingin kahit nakikita ko sa gilid ng aking paningin ang pagtitig ni Joaquin sa akin. Nakita kong nagtataka siya sa kinikilos ko ng sandaling iyon.

"Maaari ba kitang yayain kumain sa labas?" tanong ni Joaquin sa akin pero nagbingi-bingihan ako at nagsimuang maglakad papasok sa palengke.

"Ano, Glydel? Pwede ba?" tanong niya muli sa akin at nagulat ako ng malamang sumusunod pa siya sa akin. Lumingon ako sa kanya at humalukipkip.

"Pasensya na pero hindi ako pwede mamaya dahil maaga ako matutulog," sagot ko sa kanya at inirapan ko pa siya. Nakakailang na ngiti ang ginawa niya at pinagmasdan ang paligid. Nakakaramdam na ako ng pagka-konsensya dahil sa ginagawa ko pero gusto kong panindigan ang desisyon ko.

"Gano'n ba? Kailan ka kaya pwede?" tanong niya sa akin pero nagpatuloy na ako sa pagpunta sa pwesto namin at nang lumingon ako, nakita kong hindi na siya sumunod at mabagal na naglakad. Maraming bumabati sa kanyang kapwa kong dalaga at napabugtong-hininga na lang ako.

"Hindi ka magugustuhan niyan," bulong ni Leroy sa akin at pinunasan pa ang pawis niya. Tinulungan niya rin akong magsalansan ng gulay. Mabuti na lang at hindi na sumama si Nanay dahil sumakit ang kanyang ulo at hinayaan ko na alng siyang magpahinga.

"Alam ko..." malungkot kong sagot sa kanya at inayos na ang ilang mga plastic bag at lagayan ng pera. Umalis muna si Leroy dahil may naiwan pang gulay sa kanyang tricycle.

"Salamat," sabi ko kay Leroy ng ilapag niya ang huling sako at inabutan ko siya ng pera bilang bayad sa paghahatid niya sa akin.

"Naku, huwag na!" masiglang sabi niya at winagayway ang kanyang kamay bilang pagtanggi sa aking bayad.

"Ikaw talaga Leroy, palagi kang ganyan. Ikaw din, baka mamihasa kami!" pabiro kong sagot sa kanya at tumawa siya sa sinabi ko na parnag tuwang-tuwa pa na hindi siya binabayaran.

"Ayos lang. Kapag naging kasintahan naman na kita, araw-araw ng magiging ganito ang gawain natin," pabiro niyang sabi pero napailing na lang ako. Pakiramdam ko ay naaabuso na namin si Leroy. Hinablot ko ang kanyang kamay at nilagay ang pera sa kanyang palad. Sa una ay tumatanggi pa talaga ito pero nang ibabalik niya ang pera ay hindi ko na isya pinansin pa.

"Kunin mo na ang bayad at mahal ang gas ngayon," sabi ko sa kanya at seryoso siyang tumingin sa akin bago umalis. Inayos ko na ang gulay at winisikan pa ito ng tubig. Nilabas ko na rin ang timbangan. Ilang sandali pa ay dumating na rin si May at agad na lumapit sa akin.

"Nandito daw si Joaquin kanina at kausap ka," bulong ni May sa akin at tumango ako. Huminga akong malalim bago sumagot.

"Oo. Pero hindi naman talaga ako magugustuhan ng isang kagaya niya. May, mayaman siya at alam kong may pakay siya sa akin," sagot ko sa kanya at kumunot ang kilay ni May.

"Ganda 'yan?" pabirong sagot niya sa akin at inirapan ko na lang siya. Hindi naman sa pagmamayabang pero alam ko sa sarili ko na may taglay akong kagandahan, hindi ko lang masyadong pinagmamalaki ito dahil ayaw na ayaw ko sa kayabangan.

"Alam kong maganda ka, pero bakit hindi mo pagbigyan si Joaquin? Oo nga pala, maiba tayo. Sa susunod na linggo, may fiesta sa kabilang bayan, pumunta tayo?" alok sa akin ni May at niyugyog pa ang aking balikat.

"Sige ba," sagot ko sa kanya at niyakap ako. Madalas naman kaming nagpupunta ni May sa mga fiesta para kahit papaano ay makapaglibang kami. Sumasama rin sa amin si Leroy para may maghahatid sa amin. May tiwala naman sa kanya ang aking mga magulang at gano'n rin ang magulang ni May.

Natigil ang pag-uusap namin dahil muli nang tinawag si May ng kanyang Nanay at may bumili na rin sa aking mga paninda.

Alas-syete na ng gabi ng dumating si Leroy para tulungan ako sa pagliligpit ng paninda. Maaga na rin akong magsasara dahil wala akong kapalitan. Maingat kong nilagay ang pinagbilihan ko sa pouch na dala ko. Kaunti na lang naman ang paninda kaya isang sako na lang ang dala namin ni Leroy.

Muli akong nagpasalamat sa kanya at pinagpilitan ang aking bayad. Pagpasok ko ay naamoy ko na agad ang halimuyak ng nilulutong ulam ni Nanay. Nagmano muna sa kanila si Leroy bago umalis.

"Hindi mo man lang inalok si Leroy kumain dito," panunumbat sa akin ni Nanay pero hindi ko na iyon pinansin at nagmano na rin sa kanya. Ilang minuto lang ay siyang pasok naman ni Tatay kaya nagmano na rin ako sa kanya.

"Hindi mo man lang pinagpahinga muna ang anak mo at sermon agad ang sinalubong mo sa kanya," saway ni Tatay kay Nanay at tinalikuran na siya nito para magpatuloy sa pagluluto. Kumalam na ang sikmura ko ng maamoy ang maasim na pangpalasa habang nilalagay iyon ni Nanay sa kanyang niluluto.

Sinigang na bangus ang hapunan namin ng gabing iyon. Kumuha na muna ako ng pamalit na damit at paglabas ko muli, nakahain na sa lamesa ang aming hapunan.

"Halika na dito, Glydel at sabay-sabay na tayong kumain," alok sa akin ni Tatay at malugod naman akong nagtungo sa hapagkainan. Pinagsandok ni Nanay si Tatay at inabot sa akin ang mangkok ng kanin.

"Tinapon mo ang mga bulaklak na bigay ni Joaquin?" mahinahon na tanong ni Nanay sa akin at nagtaka ako dahil alam kong ayaw niya sa lalaking iyon.

"Opo, Nay. Naisip ko kasi, tama naman po kayo at ayokong umasa," sagot ko sa kanya at tinitigan ako ni Tatay dahil alam kong nagtataka rin siya. Hindi na ako muli pang kumibo at pinapakinggan ko lang ang pag-uusap ng aking mga magulang tungkol sa trabaho ni Tatay.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status