Share

Chapter 4

“Kumain ka na muna bago ka lumakad.”

Nilingon ni Haze si Manong Jomar matapos isarado ang locker. Pasado ala una na ng hapon nang natapos sila sa trabaho. Mahaba ang hallway ng palapag na iyon. Kaya paniguradong aabutin siya ng alas dos kung hindi nagbuluntaryong tumulong ang matanda.

“Oo nga. Sumabay ka na sa’min,” saad ni Aling Wena, ang ale kanina na kasama ni Manong Jomar. “Lagpas alas dose na, o. Hindi ka pa naman nakapagtanghalian,” dugtong nito habang sinusulyapan ang wall clock. “Baka bigla ka na lang himatayin d’yan sa kalsada. Ma-issue pang pinagkakaitan ng kumpanya ang mga empleyado ng pagkain.”

Tinapunan niya ito ng tingin. “May kainan dito?” tanong niya.

“May canteen sa likod nitong kumpanya,” si Manong Jomar ang sumagot.

Napatango siya. “Kayo na lang ho. Hindi sapat itong dala kong pera, e.”

Bente pesos lang naman ang dala niyang pera. Barya pa. Hindi ito kakasya kung sa canteen siya ng kumpanya kakain dahil siguradong mahal doon ang mga paninda. Uuwi na lang siguro siya. Baka naisapan pa ni Hector na magtira ng ulam para sa kanya. Pero kung hindi, sa kanto roon sa may kanila na lang siya bibili ng ulam. Doon, mas makamumura pa siya.

Pinagkunutan siya ng noo ni Aling Wena. “Wala namang bayad ang pagkain sa canteen, Haze. Libre lahat do'n basta makita nilang suot mo iyang ID mo.” Sumulyap ito sa ID na nakasabit sa kaliwang dibdib niya. “Nakalagay iyan sa dokumento na binibigay sa mga empleyado pagkatapos nilang ma-hire, a. Hindi mo iyon binasa?”

Umiling siya. Sa natatandaan niya ay mahigit limang pahina ang dokumentong iyon. Ang dami na noon para saniban siya ng kasipagan na basahin lahat ng nakasulat doon. Nang iabot nga iyon sa kanya ng interviewer, tanging pagpakli lang ang kanyang ginawa.

“Kaya pala.” Ilang beses itong tumango-tango. “Importante iyon. Puwede ko namang ikuwento sa iyo pero mas mainam pa rin kapag binasa mo,” suhestiyon nito.

Sabay silang tatlo na lumabas ng quarter at tinahak ang daan papunta sa canteen. Nagpatuloy ang matandang babae sa pagkukuwento sa kung ano ang mga nakasulat sa dokumento. Sa sobrang dami ng mga sinabi nito ay unti-unti na siyang nawawalan ng ganang makinig. Hindi niya alam kung ni isa ay may pumasok ba sa kanyang utak. Kung may matatandaan ba siya ilang oras matapos ito. Sinasabayan niya na lang ng pagtango kada hihinto ito sandali para kunwari ay tutok siya sa mga lumalabas sa bibig nito.

Dumaan sila sa may kalaparang hallway pagkaliko sa bandang unahan. Mula rito ay kaagad na natanawan ni Haze ang entrance ng canteen. Malaki ang opening nito kaya kita ang nakahilerang lamesa at ang counter.

“Mayaman ang mga Lopez. At itong libreng pakain sa mga empleyado, pagmamagandang loob na lang nila ito. Kapiraso lamang ito ng kanilang yaman,” patuloy ni Aling Wena nang makapasok sa canteen.

Tumango ulit si Haze bago nilibot ang paningin sa kabuuan ng canteen. Hindi naman ito ganoon kalaki. Normal lang. Wala siyang nakikitang nakakabit na aircon sa kahit saang gilid. Bukas din ang magkabilaang malalaking bintana kaya tanaw mula sa loob ang hardin na sa tingin niya ay nakapalibot sa buong canteen. Sobrang aliwalas at hindi mainit sa pakiramdam.

“Pareng Jomar! Wena!”

Napako ang kanyang paningin sa sumigaw na iyon. Isang lalaki ang nakataas ang kamay at kumakaway sa direksyon nila. Nakapuwesto ito sa lamesang nasa tabi lang ng malaking bintana.

“Tingnan mo ang lalaking ’to. Hindi na nahiya,” reklamo ni Aling Wena nang mapatingin sa kanila ang ibang kumakain.

Nauna itong maglakad para lapitan ang lalaki; nakasunod lang sila ni Manong Jomar rito. Sa paglapit nila ay hindi natatanggal ang mga mata ng lalaki sa kanila, pati na rin ang malawak na ngiting nakaguhit sa labi nito.

Tumayo ang lalaki at sinenyas ang mahabang upuan sa harapan nito. “Upo kayo.”

“Malamang, uupo talaga kami,” pabalang na sagot ni Aling Wena at naupo roon sa pinakadulo. Tumabi si Haze sa rito at ganoon din sa kanya si Manong Jomar.

Napahipo sa batok ang lalaki at nahihiyang umupo, pasulyap-sulyap sa gawi ng matanda.

Dumating ang waiter para kunin ang orders. Walang alam si Haze sa kung ano ang mga hinahain nila rito kaya hiningan na siya ni Manong Jomar ng menu. Halos maupos ang kanyang utak habang binabasa ang pangalan ng mga pagkain at inuming nakasulat doon. Mukha namang masasarap. Pero dahil hindi siya pamilyar sa mga iyon, ang chicken adobo, sisig at coke na lang ang pinili niya. Iyon din naman ang kinuha ni Manong Jomar.

Lechugas. Pangmayaman naman halos lahat 'yon.

“Mag-isa ka lang yata ngayon?” tanong ni Manong Jomar sa lalaki nang makaalis ang waiter.

Tumikhim ito at bumaling sa kaharap. “Piyesta kasi sa San Fernando. Inimbita ni Julius ang iba naming kasama kaya halos lahat sila nauna nang nagsiuwian para makapagpaalam sa mga asawa.”

“Ikaw? Ba’t hindi ka sumama?”

“Hindi ka pinayagan ng asawa mo?” sabat ni Aling Wena.

Umiling ito at mahinang natawa. “Ayoko niyan. Masyadong magulo ’yang mga gan’yang event. Mahirap na’t baka mapagkamalan at mapaaway.”

Tinitigan niya nang mabuti ang lalaki. May kapayatan ito pero sakto lang sa tangkad nito. Hindi masagwa tingnan. Maputi at malinis ang katawan kaya kahit ang simpleng itim na damit na suot ay bagay rito. Makinis ang mukha. Tila ba kahit kailan ay hindi ito tinubuan ng tigyawat. Maputi rin ang ngipin kaya kahit kanina pa ito nakangiti ay hindi iyon naging problema sa kay Haze.

Sa itsura pa lang, halata ngang hindi basag-ulo ang isang ito. Mukhang wala pang bisyo.

Nagtama ang paningin nila. Ngumiti ulit ito at tumingin kay Manong Jomar.

“Bago rito?” tanong nito saka ako sinulyapan.

Bahagya siyang nilingon ni Manong Jomar. “Ah, oo. Si Haze,” pakilala nito sa kanya.

Nilahad ng lalaki ang kamay nito. “Oscar nga pala.”

Ang malambot ng palad ni Oscar ang una niyang naramdaman nang tinanggap niya ang kamay nito. Gusto niya itong pangunutan ng noo o pakitaan man lang ng nagtatanong na titig. Pero dahil ayaw niyang magmukhang bastos sa harap ng magalang nitong pagpapakilala, hindi niya na ginawa. Sa sobrang lambot ng palad nito, aakalain mong hindi ito lalaki o ang tipo ng taong hindi gumagawa ng mabibigat na trabaho.

“Haze.” Maliit na ngumiti si Haze.

“Kaibigan siya ng lalaking nag-ayos ng CR na nilinisan mo,” sambit ni Mang Jomar.

Ang nagpabaha at naglagay ng putik doon? Ganoon din siguro ang trabaho nito? Tinanguan niya lang ito.

“Anong trabaho mo?” muli nitong tanong sa kanya.

He seems genuine with his every question. Parang iyong tipo ng taong kahit gaano kabigat ang tanong nito sa’yo, dahil sinsero ito at walang halong insulto ang tono ng boses, nagiging normal lang ang dating ng tanong. Hindi niya alam kung mayroon ba nito o kung totoo ba ito. Pero iyon ang dating nito sa kanya.

“Janitor...” tugon niya.

Natigilan si Oscar sa tugon niya. Namilog ang medyo singkit nitong mga mata. Hindi rin mawala-wala ang pagkunot ng noo.

“Janitor? Seryoso?” Umayos pa ito sa pag-upo. “Hindi ka sekretarya ni Mr. Lopez?”

Narinig niya ang mahinang pagsinghal ni Aling Wena sa kanyang tabi. “Mukha bang pangsekretarya ang ayos niyan, Oscar? Tingnan mo nga?”

Natigil ito at sinipat ang suot niyang maluwag na gray t-shirt at sombrero. Napasulyap ito kay Aling Wena at mahinang natawa.

“Oo nga,” tanging nasabi nito.

Natigil ang usapan nang dumating ang mga pagkain. Dahil lagpas na sa tamang oras ang dapat na tanghalian, hindi na natuloy ang usapan at tinuon na lang sa pagkain ang atensyon.

Ramdam na ramdam ni Haze sa kanyang kinauupun ang malamyos na haplos ng hangin. Kahit na ang amoy ng mga bulaklak sa labas ay umaabot ang amoy rito sa loob. Para siyang hinehele sa sobrang sarap at payapa sa pakiramdam.

“Dinig ko, may pinatawag na naman daw si Mr. Lopez,” pagbabasag ni Oscar sa katahimikan.

Nag-angat siya ng tingin sa lalaki. Inabot niya ang baso sa kanyang tabi at tinunga ang laman nito. Siya ang tinutukoy nito. Hindi niya alam na ganoon na pala kakalat ang nangyaring iyon. Inasahan niyang may ibang makakaalam noon, pero hindi niya naman alam na kahit dito sa canteen ay aabot pa. Walang hiya.

Pero ano pa bang aasahan niya? Hindi ordinaryong tao ang binangga niya. Kahit na alam niya sa kanyang sarili na wala siyang kasalanan, sa taas ng katayuan sa buhay ng taong iyon, siya pa rin ang lalabas na masama. Lihim siyang napangiwi at nagpatuloy sa pagkain.

“Ah, oo, siya ’yon,” turo bigla sa kanya ni Aling Wena. Sa gulat niya ay muntik pa siyang mabulunan! Mabilis niyang nahablot ang baso at nilagok ang laman nito. Mabuti na lang at may natira pang laman iyon.

Lechugas!

“Ayos ka lang?”

Binalingan niya si Manong Jomar sa kanyang tabi. Nag-aalala itong nakatitig sa kanya. Tanging pagtango lang ang sinagot niya.

Lechugas, naman! Hindi niya inakalang ibubulgar nito iyon ng gano’n-gano’n lang habang nandito siya!

“Dahan-dahan naman sa mga sinasabi, Rowena. Binibigla mo ang bata,” sita nito.

“Anong binibigla? Wala namang nakabibigla ro’n sa sinabi ko.”

“Ayos lang ho...” agap niya sa dalawa. Mahirap na, baka mauwi sa gulo ang simpleng sagutan.

Nang tumingin siya kay Oscar, hindi nakaligtas sa kanya ang gulat na gumuhit muli sa ekspresyon nito.

“Ikaw ’yon?” panigurado pa nito. “Ikaw ’yong nakipag-away kay Miss Bethany?

“Ouh.” Tumango siya.

Umawang ang labi nito at hindi makapaniwala siyang tinitigan. “Masuwerte ka at hindi ka sinisante.”

“’Di ba? Iyon din ang nasabi namin nang malamang pinalagpas ni Mr. Lopez ang nangyari,” saad ni Aling Wena.

“Mayaman ang mga Lopez pero malaking deal ang pinasok nila kasama ang mga Gomez. Bilyon-bilyon ang perang makukuha nila mula ro’n. Kaya kahit na hindi naman umatras si Miss Bethany, alam ng lahat na masisisante ka pa rin ni Mr. Lopez dahil hindi biro ang nangyaring ’yon...” Huminto ito. Pinatong nito ang mga braso sa lamesa at pinaningkitan siya ng mata. “Pero isang milagro na walang ginawa si Mr. Lopez para parusahan ka ’agad...”

Nagkibit-balikat siya. “Ewan ko. Inamin ko lang naman na wala akong kasalanan sa nangyari sa babaeng ’yon. Baka naawa?” panghuhula niya.

Natawa ito. Pati si Aling Wena ay gano’n din. Si Manong Jomar naman ay tahimik lang. “Hindi nga ’yon marunong makinig sa pakiusap, ang maawa pa kaya?”

Imposibleng awa ang dahilan kung bakit hindi siya nasibak sa trabaho. Kahit siya man ay alam iyon.

Nasaksihan niya kung gaano na sagwa ang ugali ni Mr. Lopez. Naranasan niya pa sa unang pagkikita pa lang nila. Hindi niya na iyon madalas iniisip pero hindi niya iyon kinalimutan. Mahirap kalimutan. Kung paano nito ipasa sa kanya ang pagkakamaling ito mismo ang may gawa. At kung paano nito tapakan ang kanyang pagkatao ng araw na iyon.

Doon niya naisip na baka may iba pa itong ugaling tinatago na mahihirapan siyang intindihin at pakisamahan; at nalaman niya nga iyon kanina lang. Maliban sa isa. Kung misteryo para sa kanila ang dahilan kung bakit hindi siya sinisante, gano’n din ang kanyang nararamdaman. Na hanggang sa pag-uwi niya ay iyon ang laman ng kanyang isip.

“Kumusta ang trabaho?”

Binagsak niya ang kanyang katawan sa couch pagkapasok ng bahay. Pumikit muna siya at huminga ng malalim bago lingunin si Hector. Nasa kabilang couch ito at tutok ang atensyon sa TV sa kanilang harapan.

“Kapagod...” malamya niyang tugon.

“Mahigpit ang boss mo?” Sumulyap ang lalaki sa kanya. “’Yan ang dinig ko sa mga taga-rito.”

Nag-iwas siya ng tingin at tinuon iyon sa pinapanood nito. “Sobra. Pero ang sabi ay aalis daw ’yon bukas. Ilang buwang mawawala at ang pinsan ang pansamantalang papalit. Mabait daw ’yon kaya siguro naman ay medyo gagaan ang trabaho.”

Napahilot siya ng kanyang sintido, iniisip ang sinabi ni Oscar bago sila nagkapaalaman. Parang nagdiwang ang puso niya nang marinig na uuwi muna ng probinsya si Mr. Lopez. Iniisip niya pa lang na maaari niya ulit itong makita bukas ay hindi na magiging magandang pangitain ’yon. Kaya nang masagap niya ang balita na pansamantala itong aalis, tila ba’y nabunutan siya ng tinik sa puso.

Siguro naman ay tatantanan na siya ng lalaking ’yon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status