“Wala kang gagawin ngayon?”
“Meron.” Nag-angat ng tingin sa kanya si Hector. “Why? May iuutos ka na naman?”
“Wala naman.” Nagsandok si Haze ng kanin. Naupo siya at pinagmasdan ang lalaki na ilagay ang sinigang na baboy sa mangkok. “Anong gagawin mo ngayon?”
Sinauli nito ang pinaglutuan bago umupo sa kaharap na silya. “Pupunta ako ng ospital.”
Natigil siya sa pag-ihip ng mainit na sabaw. Lumipad ang paningin niya pabalik dito. “Anong gagawin mo sa ospital?” pagtataka niya. “Tinablan ka na ba ng sakit?”
Naiiling na natawa si Hector. “Hindi. May babantayan ako ro'n.”
Kasabay ng agarang pagtigil niya sa pagkain ay ang pagkunot ng kanyang noo. “Babantayan? Sino?”
“Iyong kapitbahay natin. Reymundo yata ang pangalan no'n.”
“Bakit mo babantayan ang lalaking ‘yon eh mas gurang pa ‘yon sa’yo?”
“Nasaksak ng kapatid.”
“Hm.” Napatango si Haze. “Bastos ang bibig ng lalaking ‘yon, eh. Kung makapagsalita akala mo kung sino. Masasaksak talaga.”
“You hate him that much?”
“Lahat naman ng mga taga-rito galit do’n.” Sumubo siya ng kanin. Ngunit hindi pa iyon nakararating sa kanyang bibig nang magsalita ulit siya. “Teka. Lumalayo na ang usapan. Bakit ikaw ang inutusang magbantay eh hindi naman kayo magkaano-ano?”
“Wala raw kasing puwedeng magbantay.”
Nalukot ang kanyang ekspresyon. “Anong wala? Eh, isang dosena silang lahat na magkakapatid. Idagdag mo pa ang mga anak at apo ng mga kapatid niyan. Konti na lang aabot na sila ng isang-daan. Tapos sasabihin nilang walang magbabantay? Daig pa nga yata nila ang gagamba kung magparami, eh!”
“But that's what they said. Ang iba sa kanila, hindi raw available.” Naglagay ito ng karne sa pinggan.
“At naniwala ka naman? Engot ka talaga Hector, eh, ‘no?” Tinutukan niya ng kutsara ang lalaki. “‘Wag kang magpapaniwala sa pinagsasabi ng mga ‘yan. Baka magulat ka na lang, ikaw na ang magbabayad ng bills.”
Nang hindi na umimik si Hector ay roon niya lang naipagpatuloy ang pagkain. Matapos iyon ay tumayo at nilapag ang pinggan sa sink. Dumiretso si Haze sa couch at sinuot ang chest bag na nakalapag doon.
“Bilisan mo ang pagkain d’yan, Hector.” Sinulyapan niya ito.
“You're going to work now?” Tumayo na rin ito at niligpit ang pinagkainan.
“Ouh,” tugon niya habang inaayos ang bag sa katawan. “At ihahatid mo ako.”
Narinig niya ang pakalampang not mga babasaging plato. “Ano?”
Bumaling siya rito “Ihahatid mo ako,” ulit niya.
“May pupuntahan pa ako, Haze.”
“Huwag kang pumunta ro'n. Pabayaan mo sila.”
Natigilan ito. “Hindi ko magagawa 'yan. I promised them.”
Bumuntonghininga si Haze. Pilit na pinapahaba ang pasensya. “Hindi mo responsibilidad ang lalaking 'yon, Hector. Hayaan mong ang mga kadugo niya ang magbantay sa kanya.”
Hindi na ulit tumugon si Hector. Hindi alam ni Haze kung nakuha ba nito ang kanyang sinabi; kung sapat na ba iyon para pigilan ito na sundin ang pakiusap ng kapitbahay. Halata naman na ginagamit lang ito ng mga iyon. Sikat ang mga taong iyon sa lugar na ito dahil sa ganyang pang-uuto nila sa mga taong hindi sila masyadong kilala. Pero nagtataka siya na hindi man lang iyon mapansin ni Hector.
Pinagpatuloy nito ang paghuhugas ng pinggan. Lumipas ang ilang segundo na nakatayo lang siya roon at nakamasid sa ginagawa nito. At habang naroon siya, pakiramdam niya ay mas lalong bumabagal ang pagtakbo ng oras; at para bang bumabagal ang pagkilos ni Hector na mas lalong dumaragdag sa kanyang pagkainip.
“Bilis! Bawal akong ma-late!” pang-aapura niya rito. Napakamot pa ng marahas sa buhok.
Nilingon siya nito. Nagpunas muna ito ng kamay bago lumapit sa kanya. Buong akala niya ay kukunin na nito ang helmet sa couch sa kanyang harapan. Ngunit nilagpasan lang pala siya nito.
“Maghintay ka, Haze,” sambit nito saka dumiretso sa kuwarto nito. Magtatanong na sana siya pero nagsalita ulit ito mula sa loob. “Mauna ka na lang kaya sa labasan? Hintayin mo na lang ako ro'n.”
Hindi siya makapaniwalang napatingin sa labas ng kuwarto nito at napailing. Pinulot niya ang helmet at naunang lumabas. Binagtas ang may kasikipang kalye na napapaligiran ng mga nakahilerang bahay hanggang marating ang labasan. Halos lumuwa na ang mga mata niya habang natayo sa lilim ng maliit na waiting shed. Hindi niya na alam kung ilang minuto na siyang naghihintay roon kay Hector na hanggang ngayon ay wala pa rin!
Halos maisigaw niya na ang mga mura na kanina ay binubulong niya lang.
“Hoy, Haze!”
Nilingon niya ang pinanggalingan ng sigaw na iyon. Sa may bandang unahan ay natanaw niya si Roman na nakasakay sa nakahinto nitong traysikel. Sa itsura nito ay mukhang hindi maganda ang gising.
“Ang utang mo no'ng nakaraan!” paniningil nito.
Doon niya lang naalala. Hindi pala siya nakapagbayad noong isang araw. Kaya heto ang lalaki at naniningil na naman.
Napakamot siya sa kanyang batok. Nahihiyang sinusulyapan ang mga taong napapatingin sa kanyang direksyon. “Sa suweldo na lang, Roms!” sigaw niya pabalik. “Libre pa kita!”
Ngunit sa halip na matuwa, iritado itong umiwas ng tingin.
“Psh!” dinig niyang singhal ng lalaki. Mabilis itong kumambyo para buhayin ang makina ng traysikel, bago bumaling muli sa kanyang puwesto. “Siguraduhin mo lang!”
Iyon lang at tumulak na ito. Tinanaw ni Haze ang sasakyan nitong papalayo. Pagliko nito sa sumunod na eskinita ay roon lang siya nakahinga ng maluwag.
“Sino 'yon?” tinig mula sa kanyang likuran.
Sinulyapan niya ang may-ari ng boses na kararating lang. Akay-akay ang motor nito.
“Si Roman, driver ng traysikel na sinakyan ko no'ng isang araw,” tugon niya. “Ba’t ang tagal mo?”
“Hindi madali, eh,” pilosopo nitong sagot. “Hindi mo binayaran?”
“Psh. Hindi.”
“Bakit?”
“Special ako, eh.”
Nang umangkas na ito sa motor at binuhay ang makina nito ay kaagad din siyang sumunod.
“Bakit hindi mo binayaran?” usisa ulit nito. “Baka may binubuhay 'yon.”
“Gago, single 'yon.”
“Bakit nagtraysikel driver?”
“Ano?”
“Mas malaki ang sasahurin niya kung maga-apply siya ng modeling.”
“Sinabi ko na rin 'yan dati. Ang sagot, magulo raw ang modeling. Ayaw niya no'n.”
“Bakit daw?”
“Anong bakit daw?” Kumunot ang noo ni Haze. “Palayasin mo na ‘tong motor, puwede? Mahuhuli ako dahil sa pagkatsismoso mo, eh!”
Natahimik si Hector.
“Arte,” dinig niyang bulong nito kalaunan.
Hindi ganoon kalayo ang kumpanyang kanyang pinapasukan. Sa tantya niya ay ten-minute drive lang iyon mula rito. Pero kahit na, masyadong mabagal magpatakbo si Hector. Dahil na rin sa nangyari noong isang araw, paniguradong hindi na maganda ang kanyang imahe sa lalaking Lopez na iyon. Kapag nangyaring mahuli man siya kahit isang segundo lang, hindi na siya magugulat pa kung sakaling mapatalsik man siya.
Marahas na pagbuntonghininga ang pinakawalan ni Haze sa hangin. Sa katitingin niya sa mga nadaraanan nilang bahay ay unti-unti siyang nalulunod sa malalim na pag-iisip. Subalit hindi iyon nagtagal. Dahil ilang saglit pa ay natanawan niya na ang mataas na gusaling pagmamay-ari ng mga Lopez.
Inihinto ni Hector ang motor sa harap ng mismong gate. Pagkababa ay kaagad niyang hinubad ang helmet sabay palit ng sombrerong kanyang bitbit.
“Ge, una na'ko.” Tinapik niya ito sa balikat nang tanggapin nito ang helmet. Nakita niya pa ang bahagya nitong pagtango bago niya ito talikuran at maglakad papasok sa gate.
Unang lumapat ang paningin niya sa guard. Nakaupo ito sa plastic chair sa labas ng guardhouse at pasulyap-sulyap sa gawing kanyang pinanggalingan. Bumaling siya sa kanyang likuran ngunit wala naman siyang nakikitang tao roon.
“Anong tinitingnan nito? Chismoso rin, eh,” usal niya sa sarili. Or maybe this guard was seeing something she herself couldn't see?
Nang magtagpo ang mga mata nila ay mabilis itong nag-iwas ng tingin. Bumagsak ang paningin nito pabalik sa hawak na tabloid. Nahihiya ba ito nang dahil sa nangyari noong nakaraan?
Natawa si Haze sa kanyang isip at napailing. Nilagpasan niya na lang ito at dumiretso sa quarter ng mga janitor.
“O, narito ka na pala,” sambit ng isang may katandaan nang lalaki nang mapansin ang kanyang pagpasok. Mag-isa lang ito sa loob ng quarter. Nakangiti siya nitong sinensyasang lumapit. Napansin niya ang hawak nitong record book. “Halika. Ikaw na lang ang kulang.”
Sabi na nga ba at siya na lang hinihintay. Namulsa si Haze sinundan ang matanda palapit sa locker. Pinagmasdan niya itong kunin ang isang dilaw na sleeveless jacket mula sa locker.
“Ako nga pala si Jomar. Manong Jomar na lang ang itawag mo sa akin dahil iyon din naman ang tawag nila sa akin,” sabi nito. “Ako ang nag-text sa iyo kahapon. Mabuti at nabasa mo, kung hindi ay baka naligaw ka na.” Mahina itong natawa. “Pasensya na at hindi kita na-orient noong nakaraang araw. Sinugod kasi ang anak ko sa ospital; manganganak kaya kailangan kong puntahan.”
Hindi siya sumagot. Gustuhin niya man ngunit hinayaan niya na lang itong magpatuloy.
Humarap ito sa kanya at nilahad ang jacket at isang susi. “Iyan ang uniform nating mga janitor. Itong susi naman ay ang susi ng locker na binuksan ko lang. Sa iyo ‘yan,” nakangiti nitong paliwanag. Kinuha niya iyon.
“Salamat,” maikli niyang tugon.
“May sariling atin din tayo pagdating sa mga gamit panlinis.” Kinuha nito ang isang mop at balde mula sa tabi ng locker at binigay sa kanyan iyon. “Heto ang sa’yo. Isuot mo na iyang jacket mo para hindi ka na mahirapan pa. Huwag mo ring iwawala ang susi mo dahil iyan ang gagamitin mong pambukas nitong locker mo.”
Kanya itong tinanguan at sinuot ang jacket kagaya ng sabi nito. Amoy bago pa. Gawa rin ito sa plastic kaya hindi maganda sa kanyang pang-amoy. Maliit siyang ngumiti bago tinanggap ang hawak nitong mop at balde.
“Sa 14th floor ang kailangan mong linisin. Pero unahin mo muna iyong CR doon dahil katatapos lang ayusin iyon. Mananatili iyong out of order hanggang hindi pa nalilinisan.” Ngumiti ulit ito.
Masayahin yata itong matandang ‘to?
Pilit niyang nginitian ang matanda pabalik. “Sige, ho. Maraming salamat,” usal niya at sinenyas ang daan palabas. “Una na ho ako.”
Pagkatango ng matanda ay tinalikuran niya na ito at lumabas ng quarter. Binagtas niya ang entrance ng kumpanya at sumakay sa elevator. Swerte at wala siyang kasabayan. Sandali niyang nilapag ang mga dala para dukutin ang Yakee sa bulsa ng pantalong suot.
Magandang chewing gum ito, pampakulay sa dila at labi.
Mabilis na pinulot ni Haze ang mga dala nang bumukas ang elevator. Pagtapak sa palapag na iyon ay kaagad na dumapo ang kanyang mga mata sa signage na nagtuturo kung saan ang comfort room. Lumiko siya at sinundan iyon. May nakasalubong pa siyang babaeng tutok na tutok sa hawak nitong folder; na malamang ay hindi napansin ang kanyang pagdaan.
Kalalabas lang nito mula sa isang glass door. Sinundan ng kanyang paningin ang silid na pinanggalingan nito. Dahil transparent ang salamin ay kitang-kita ang mga taong nakaupo sa mahabang lamesang nasa loob. Mukhang may meeting. Kaya pala wala siyang nakasabayan kanina.
Nilampasan niya ito at nakarating sa dulo ng hallway. Sa dingding ay may nakadikit na out-of-order na signage. Pagbukas niya ng pinto ng comfort room ay bumungad sa kanya ang maruming tanawin.
Napamura siya. Matubig pa ang sahig at medyo maputik.
“Anong klaseng sapatos ba ang ginamit ng nag-ayos nito. Walang hiya,” mura niya ulit habang hinuhubad ang suot na sapatos. Nilapag niya iyon sa labas. Tinaas niya na rin ng kaunti ang kanyang suot pantalon bago sumuong sa tubig.
“Akala ko ba naayos na ito? Bakit hindi nadi-drain ang tubig?” Umiling siya.
Sinimulan niyang bawasan ang tubig at inilagay iyon sa balde. Kapag napupuno na ito ay saka niya binubuhos sa bowl. Nang medyo humupa na ang tubig ay roon niya lang na nakita ang makapal na putik na nakabara sa daanan ng tubig. Tinanggal niya ang nakaharang na putik at binuhusan ng malinis na tubig. Doon lang tuluyang humupa ang baha.
Matapos niyang malinis ang buong comfort room ay lumipat siya sa kabila. Para sa mga babae iyong nauna. Sinuot niya na ang kanyang sapatos nang mapansing hindi naman mabaha ang sa mga lalaki. Iniwan niya na rin ang baldeng ginamit kanina sa loob at ginamit ang baldeng nasa kabila.
“Oh my God!”
Natigil si Haze sa sigaw na iyon. Pinasandal niya ang hawak na mop sa dingding at lumabas. Sumilip siya sa kabilang comfort room kung saan nanggaling ang boses. Doon niya natanawan ang babaeng pulang-pula ang pagmumukha. Halos hindi ito magkamayaw sa pagpagaspas ng paa nito.
“Who the hell put this thing here!” bulyaw nito. Sinundan ng kanyang mga mata kung saan ito nakatingin. Bumagsak iyon sa nakatumbang balde. Nakatapon lahat ng laman nitong maruming tubig sa paa nito. “Oh my God, my outfit!”
Bigla ay umangat ang paningin nito. Marahil ay napansin ang kanyang presensya. Hindi na siya nagulat nang diresto iyong tumama sa kanyang direksyon. “You!” Turo nito sa kanya. “Come here!”
Lumapit siya. Pero hindi siya pumasok.
“You're a janitor, right? Did you do this?” Tinuro nito ang balde at mahina iyong sinipa. “Were you the one who put this thing here?!”
“Pasensya na,” maikli niyang tugon.
Sarkastikong natawa ang babae. “Do you think your apology's gonna wipe my outfit clean? What do you think? Answer me!”
“Hindi." Pinagmasdan niya ang ayos nito. Maliban sa basang paa at sandals ay wala nang iba pang natapunan ng tubig. Sa madaling salita, hindi naman nasira ang sinasabi nitong outfit. “Hindi ko pa ho kasi nasubukan. Ang alam ko lang ay pampalubag ho ng loob ang paghingi ng pasensya.”
“Are you being sarcastic on me?”
Umangat pabalik sa mukha nito ang kanyang tingin. “Sinagot ko lang ho ang tanong niyo. Kung sarkastiko man ang naging pag-unawa niyo sa sinabi ko, hindi ko na 'yon problema.”
“Who do you think you are to talk back at me like that? You're just a damned janitor!”
“Eh, boplaks pala ang babaeng ito,“ mahina niyang bulong sa sarili.
“What?!”
“Natural, nagtanong ka ho, eh. Isa pa, inutusan mo rin naman akong sumagot. Edi, sumagot ako.” Ngumuya siya. “Ano bang gusto niyong gawin ko?”
Napansin ni Haze ang pagkuyom ng kamao ng kaharap. Mas lalong namula ang mukha nito. Naiinis ba ito?
“Get lost!” bulyaw nito sabay sipa sa baldeng nasa harapan.
Subalit mukhang napalakas yata iyon dahil sa biglaan nitong pagtili. Nag-iba ang ekspresyon ng mukha nito at mabilis na kinabig ang paa. Nang hindi nito maabot iyon ay aligaga itong sumandal sa sink.
“Fuck!”
“Kailangan mo ba ng tulong?” Sinubukan niyang lumapit. Ngunit kaagad ding napahinto nang marahas itong bumaling sa kanya.
“Get out!”
Gusto niyang matawa sa reaksyon nito. “Ayaw mo?”
“I said, get the fuck outttt!”
Halos tumunog ang kanyang mga tutuli sa lakas ng tili nito. Umatras siya ng kaunti. It felt like her ears would bleed!
“Mamayang alas onse pa ang off ko.”
“Then, file a resignation letter!”
Muntik na siyang matawa. Mabuti at napigilan niya. “Boss ba kita?”
“What?!”
“Hindi kita boss para sundin ko.”
Natawa ito. “Do you know who I am?” Mayabang nitong hamon.
Umayos siya ng pagtayo at namulsa. “Hindi.” Sa isip niya, pamilyar ang eksenang ito, ah. Sigurado siyang nabasa na niya ito, nakalimutan niya lang kung saan.
“That's good. Then, let me introduce myself to you.” Kahit hirap ay pinilit nitong tumayo para harapin siya. “I'm Bethany Gome—”
“Okay,” tugon niya bago ito talikuran. Nawala bigla sa kanyang isip na may trabaho pa pala siyang dapat tapusin.
“Where the hell are you going?! I'm not finished yet!” dinig niyang sigaw nito nang makapasok siya sa male's comfort room.
Hindi na niya ito pinansin. Hinablot niya ang mop at tinuloy na lang ang paglalampaso ng sahig. Hinintay niya itong humabol papasok. Pero natapos na lang ang kanyang trabaho ay hindi iyon nangyari.
Bitbit ang mop, lumabas si Haze ng comfort room na iyon. Ngunit natigilan siya nang sumalubong sa kanya ang isang lalaki. Magkapareho sila ng suot na uniporme. Pawis ito at hindi mapakali.
“H-Haze Dominguez...” bangit nito sa buo niyang pangalan. Doon kumunot ang kanyang noo. “Ikaw ba—”
“Ako nga,” putol niya rito. “Bakit?”
“A-Ah.” Hindi ito makatingin sa kanya ng diresto. “P-Pinapatawag ka kasi ni Mr. Lopez... sa opisina niya—raw.”