Share

The Billionaire's Affair Bk.4  A Poor Man's Heart
The Billionaire's Affair Bk.4 A Poor Man's Heart
Author: Lianna

Chapter 1

Thea

Malungkot akong nakatingin kay inay na ngayon ay kasalukuyang nandito pa rin sa mental hospital. Walang pagbabago sa kundisyon niya kaya naman minabuti na namin ng kapatid ko na si Arvie na hayaan muna ito dito.

Tatlong taon na siya dito at dahil na rin sa pagwawala niya sa twing inaatake siya ng sakit niya ay nagpasya kaming magkapatid na kahit masakit na malayo siya sa amin, mas ligtas at mababantayan siya dito.

“Kailan kaya makakalabas dito si inay, ate?” tanong ng kapatid ko na si Arvie habang malungkot na sinisilip ang aming ina na tulala at hindi na kami  makilala

“Hindi ko alam. Parang ayaw tulungan ni inay ang sarili niya. Parang mas gusto na lang niya na ganyan siya.” malungkot na sagot ko sa kapatid ko saka ko muling binalingan ng tingin ang aking ina.

Tuluyan ng pinanawan ng katinuan si inay dahil sa mga problema na hindi na kinaya ng utak niya. Sunod sunod na dagok ang nangyari sa pamilya namin kaya siguro hindi na kinaya ni inay ang lahat.

“Tara na Arvie. Umuwi na tayo!” Aya ko sa kapatid ko at saka lumabas ng pasilidad na iyon

Pumara na kami ng taxi para makauwi na din kami. Bigo ang aming mga puso na makitang kahit papano ay nagbago ang kundisyon ni inay.

Habang pauwi ay hindi ko mapigilang maalala ang lahat ng nangyari kung bakit nasadlak ang nanay ko sa ganitong sitwasyon. Kasalanan ito ng tatay ko at ng babae niya.

Kinse anyos ako ng tuluyan kaming iwan ng itay para sumama sa amo niyang mayaman. Nagtatrabaho ang itay dito bilang personal driver at nahulog ang loob nila sa isa’t-isa.

Nagmakaawa ang inay habang hawak ko ang nagwawalang kapatid ko na si Arvie na noon ay trese anyos lang. Gusto niyang sumama kay itay pero iniwan niya kami. 

Si Tanya, ang bunsong kapatid ko na sampung taong gulang ay iyak ng iyak dahil nakikita niya ang pag-iyak ng inay.

“Roman, maawa ka naman sa mga anak mo! Huwag mo namang gawin sa amin ito!” Pigil ng inay kay itay habang palabas ito ng pinto at dala dala ang bag niya

“Kailangan ako ni Mildred. Buntis siya!” 

“E paano kami! Anak mo din sila pero sila iiwan mo?”

Hindi na sumagot si itay at basta nalang umalis. Pinigil ko ang kagustuhan ng inay na habulin pa siya. Tama na! Hindi na dapat!

Walang nagawa ang mga luha namin at tuluyan kaming nawalan ng ama. Walang suporta at walang tulong kaming nakuha kahit ng magkasakit ang inay.

“Parang awa niyo na po, gusto lang po namin makausap si itay!” pagmamakaawa namin sa gate ng mansion kung saan nakatira si itay

“Wala sila dito! Nasa ibang bansa sila!” matigas na tanggi ng guwardiya 

“Sinungaling ka! Nakita namin sila nakasakay sa kotse. Kakapasok lang nila!” Sigaw naman ni Arvie pero hindi natinag ang guwardiya

“Sige na umalis na kayo! Baka ipahabol kayo ng senyora sa aso!” tila naaawa naman amg guwardiya sa amin saka siya luminga linga

Pagkuwan ay dumukot siya sa bulsa at inabot sa akin ang limang daang pisong papel.

“Kuhain mo na ito, ineng! Yan lang kasi ang pera ko. Susubukan kong makausap ang itay mo para masabihan siya pero sa ngayon, umuwi na muna kayo! Masama magalit ang senyora!” sabi ng guwardiya sa amin 

Pinigilan ko ang sarili ko na maiyak. Talagang tinalikuran na kami ni itay.  Umasa ako sa sinabi ng guwardiya pero walang tulong na dumating buhat sa ama ko.

Bumalik ako para magbakasakali pero hindi ko na nakita ang gwardiya at iba na ang nasa gate ng mansion at ang lumabas ay ang tinatawag nilang senyora.

Pinagtabuyan ako ng bagong asawa ng itay at hindi ko nakausap ang itay kaya noon pa lang, lalong tumindi ang poot at galit ko sa kanila.

Nakaraos kami ng ilang taon sa tulong ng lolo at lola ko at pinilit naming kalimutan ang ginawa sa amin ng aking ama.

Tinulungan ako ng adviser ko na makakuha ng scholarship lalo pa at nagtapos ako ng high school bilang class valedictorian.

Nakapasa naman ako nabigyan ako ng full scholarship sa isang unibersidad. Kumuha ako ng degree sa Education dahil pangarap ko talagang maging guro.

Pinagsabay ko ang pag-aaral at pagpa part-time sa mga fastfood chains na malapit sa skwelahan. Ang focus ko ngayon ay makapagtapos at makapagtrabaho agad.

“Ate hihinto muna ako sa pag-aaral.” sinabi iyon sa akin ng aking kapatid matapos niyang magtapos ng highschool at kasalukuyan na akong nasa second year college

“Arvie, diba gusto mo din mag-college?”

Tumango siya sa akin saka napa buntong hininga.

“Hindi naman natin kaya ate. Eextra muna ako sa talyer ng kaibigan ko para kumita ako at makapag-ipon tayo para sa review mo.”

“Matagal pa naman iyon, Arvie!” Hinawakan ko ang kamay ng kapatid ko dahil alam ko na malungkot siya ngayon

“Kahit na ate! Mas mainam ng may ipon tayo. Basta pag ikaw naman ang magt trabaho, ako naman ang mag-aaral.” pinasaya ni Arvie ang boses niya kaya nayakap ko ito

Hindi ko mapigilang lalong mamuhi sa aming ama. Kinuha niya ang buhay at pangarap namin. Ang taong inaasahan naming nagtataguyod sa amin ay iniwan kami sa ere.

Naging maayos kami pero isang trahedya na naman ang nangyari sa amin. Halos panawan ako ng ulirat ng marinig ko ang balita sa labasan noong araw na pauwi ako galing sa paaralan. Graduating na ako noon pero heto at may nangyari na naman sa pamilya ko.

“Thea! Si Tanya, nabundol kanina ng kotse diyan sa labasan.” balita sa akin ni Aling Toyang. Napakapit pa ako sa kanya dahil parang nagdilim ang paningin ko sa balitang sinabi niya

“A-ano po? Papano po?”

“Thea, hindi nakaligtas si Tanya. Hindi na umabot sa ospital. Dinala na nila Arvie at  Betsay sa punerarya.”

Tuluyan na aking napaupo sa lupa sa narinig ko. 

“Ang inay? Nasaan ang inay?” wala sa loob na tanong ko habang si Aling Toyang ay inalalayan akong makatayo

Tinulungan pa ako ng ilang nakatambay sa tindahan dahil sa lagay ko 

“Thea, ang nanay mo, natulala siya. Hindi namin makausap kaya sinamahan na ni Betsay si Arvie para maiayos si Tanya.” paliwanag naman sa akin ni Aling Toyang

“Aling Toyang, sabihin niyo po nagbibiro lang po kayo! Hindi po totoo!”

Niyakap naman ako ni Aling Toyang. Kahit noon mabait na ito sa akin. Palagi siyang handang tumulong sa amin noong panahong kakaiwan lang sa amin ng itay.

“Anak, maluwag mong tanggapin ang lahat. Kaloob ito ng Diyos at Siya lang ang nakakaalam ng lahat!” hinagod niya ang likod ko habanag nanatili akong nakayap sa kanya

Nang mapakalma na niya ako ay sinamahan na nila ako sa bahay. Nagbayanihan ang mga kapitbahay namin para ayusin ang bahay kung saan ibuburol ang kapatid ko.

Nakita ko si inay na yakap yakap ang manika ni Tanya. Walang reaksyon ang mukha nito at nakatanaw lang sa kawalan.

Bumuhos ang luha ng dumating ang kabaong ng kapatid ko. Hindi ako umiyak. Nanatiling matigas ang mukha ko sa galit na nararamdaman ko.

Ayon sa mga saksi, mamahaling sasakyan daw ang nakabundol sa kapatid ko. Hindi daw ito huminto at hindi din daw naplakahan. 

Walang namang CCTV sa paligid kaya walang makapagturo kung sino ang salarin.

Hayop talaga yang mayayaman na yan! Wala silang pakundangan palibhasa may mga pera sila!

Simula ng araw na iyon, nagkaroon ako ng galit sa mga mayayamang tao. Lahat sila pare pareho. Mga walang puso, lalo pa at may pera sila. Kaya nilang paikutin ang mga tao sa palad nila.

“Hindi mo ba pasasabihan ang itay mo?” tanong sa akin ni Aling Toyang habang nakaupo ako sa tabi ng ataul ni Tanya

Nasa kwarto naman ang inay at napatulog na namin dahil nagwawala ito kanina. Napilitan pa ang mga kapitbahay na itali ito dahil nagiging bayolente ito.

“Wala silang karapatan na makita ang kapatid ko! Wala na kaming ama. Malinaw yan sa kanya ng iwan niya kami.”

Tinapik ni Aling Toyang ang balikat ko na para bang ipinararating niya na nauunawan niya ang desisyon ko.

Sa ikalawang gabi ng burol ay umugong ang bulong bulungan sa labas. Agad namang lumapit si Aling Toyang at sinabing nasa labas ang itay ko.

Agad akong lumabas at hinarangan ang pinto. Natawa pa ako ng pagak ng makita ko na may dala dalang bulaklak ang mga tauhang kasama niya.

Iba na ang itsura ng itay. Halata na sa kanya ang marangyang buhay katunayan ang damit at alahas na suot niya.

“Anong ginagawa mo dito?” matigas ang tinig ko habang nakaharap ako sa kanya. 

“At binitbit mo pa talaga dito yang kabit mo?”  

Napayuko naman ang babae pero hinding hindi ko nakakalimutan ang ginawa niyang pagtataboy sa akin noon.

“Gusto lang makita ng itay mo si Tanya.” tila maamong tupa na sabi nito na tila iiyak pa kaya napakuyom ang kamay ko sa galit na nabuhay sa puso ko

“Huwag na huwag mong mabanggit ang pangalan ng kapatid ko gamit yang bibig mo! Wala kang karapatan!” dinuro ko ito dahil talagang galit na galit ako

“Thea!” kastigo naman sa akin ng itay saka niya ako tinignan. “Huwag mong bastusin ang Tita Mildred mo.”

“Ano? Tita? E halos ipahabol ako sa aso niyan nung nagpunta ako sa inyo noon para humingi ng tulong dahil maysakit ang inay. Tapos gusto mo igalang ko yan?” 

Hindi naman nakakibo si Itay. 

“Umalis na kayo!” sigaw naman ni Arvie sa likuran ko

“Arvie, anak!” naghahanap ba ng kakampi ang tatay ko pero sa nakikita ko, galit na galit din ang kapatid ko

“Hinding hindi mo makikita ang kapatid ko. Wala kang anak dito!”

Napayuko naman si itay kaya kinuha ko ang mga bulaklak na ibinaba ng mga tauhan niya at isa isang inihagis sa malayo.

“Hindi kailangan ng kapatid ko ang mga bulaklak na yan! Sana noon niyo pa naisipan na bigyan ang kapatid ko noong buhay pa siya! Noong panahon na nagugutom kami! Na wala kaming makain!” 

“Umalis na kayo!” sigaw uli ni Arvie

Hinila ng kabit niya si itay at agad na silang umalis! Magkamatayan na, hinding hindi ko palalapitin sa kapatid ko ang mga taong yan.

 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status