Share

Chapter 2

Nang makarating si Thea sa bahay nila ay nag-uumpisa na ang party. Agad siyang sinalubong ng kanyang mga magulang.

"Bakit ngayon ka lang, Thea? Saan ka ba nanggaling? Alam mo ba na kanina pa naghihintay sa'yo ang mapapangasawa mo at ang pamilya niya pati na rin ang mga bisita mo?" agad na usisa kay Thea ng kanyang inang si Aura nang salubungin siya sa may gate kasama ang kanyang ama. Kanina pa siguro hindi mapakali ang mga ito sa paghihintay sa kanya kaya sa may gate na nag-abang sa kanyang pagdating.

Hindi makasagot si Thea na gulong-gulo ang isip nang mga sandaling iyon. Natatakot siyang sabihin sa kanyang mga magulang ang pagkakamaling nagawa niya. Nag-aalala siya na baka itakwil siya sa oras na malaman nila ang nangyari.

Mula sa isang may sinasabing pamilya si Thea. Lahat ng mga kamag-anak niya ay puro mayayaman. Malaki rin ang pagpapahalaga ng angkan nila sa  kanilang reputasyon kaya ang nangyari sa kanya ay isang salik. Isang latak na maaaring makasira sa malinis na reputasyon sa malaking angkan ng mga Alcantara. Hindi man sila ang pinakamayan sa Pilipinas ay lahat naman ng mga tiyuhin, tiyahin at mga pinsan na  nakapagtapos ay magaganda ang mga trabaho. Pagandahan ng mga mukha, pasikatan ng kayamanan at pasikatan kung sino ang pinakamabait at masunuring anak sa bawat pamilya ng angkan nila, iyan ang  kanilang angkan. Ayaw ng bawat  pamilya na malamangan sila. At siya, si Athea Alcantara na nasa pangalawang taon pa lamang sa kolehiyo sa kursong Business Management ay ang anak na nangunguna bilang pinakamabait at masunurin. Kaya kapag nalaman ng mga magulang niya ang nangyati sa kanya ay tiyak na parang pinagsakluban ng langit at lupa ang magiging pakiramdam nila. Pagtatawanan at kukutyain sila ng kanilang mga kamag-anakan. Kaya dapat ay walang makaalam sa nangyari sa kanya hangga't hindi pa sila ikinakasal ni Neil. Saka na lamang niya iisipin kung ano ang sunod niyang gagawin kapag dumating na ang kinatatakutan niya.

"Althea, kinakausap ka ng iyong mama. Bakit ba parang nakatulala ka lamang diyan? Ano ba ang nangyari sa'yo?" untag kay Thea ng kanyang ama nang hindi niya sinagot ang tanong ng kanyang ina at sa halip ay tila lumilipad sa malayo ang kanyang isip.

"S-Sorry po, Mama, Papa. N-Napagod lamang po ako," pilit ang boses na sagot niya sa ama. 

"Bakit? Saan ka ba napagod? At saka bakit ngayon ka lang samantalabg kanina pa pala tapos ang bridal shower na inihanda ni Joyce sa'yo?" salubong ang kilay na tanong pa sa kanya ng kanyang papa.

"Ay naku, Filemon. Mamaya na natin alamin kung bakit na-late itong anak mo. Hayaan muna natin siyang magbihis para maharap na niya ang mga bisita niyang naghihintay. Nakakahiya sa kanila," mariing kausap ng mama ni Althea sa asawa nito.

"Sige po, Ma, Pa. Magbibihis lang po ako," paalam ni Althea sa kanyang mga magulang bago naglakad papunta sa gilid ng malaking bahay nila. May daanan kasi roon papasok sa loob ng bahay nang hindi dadaan sa malawak nilang bakuran kung saan nagaganap ang party.

Pagkapasok sa loob ng bahay ay agad na umakyat sa kanyang kuwarto si Thea para maligo at magbihis ng gown na isusuot niya sa engagement party. Hindi napigilan ni Thea ang mapaiyak ng mahina habang nakatapat siya sa dutsa ng shower. Ramdam niya ang sakit ng kanyang balakang at hapdi sa pagitan ng kanyang mga hita. Hindi niya matanggap na sa dinami-rami ng mga babae sa mundo ay sakanya pa nangyari ang kamalasang iyon. Hindi naman siya masamang tao. Mabait naman siya kaya bakit siya pinarusahan ng ganito?

Gustuhin man ni Thea na magbabad sa shower at kuskusing mabuti ang kanyang buong katawan na para bang sa pamamagitan niyon ay mawawaglit sa kanyang isip ang pakiramdam ng mga maiinit na labing naglakbay sa kanyang buong katawan kanina ngunit hindi maaari. Mas lalong magagalit sa kanya ang mga magulang niya kapag pinaghintay pa niya ng matagal ang kanilang mga bisita. Kaya nagmamadaling tinapos na niya ang paliligo at nagbihis ng gown na binili pa sa kanya ni Neil para isuot niya sa engagement party nila. Mabilisang makeup lamang ang ginawa niya para kahit paano ay matakpan ang pamumutla niya at pati na rin ang ginawa niyang pag-iyak ngayon.

Pababa na siya sa may hagdan nang makasalubong niya ang nakangiti at guwapong-guwapo na si Neil. Malamang ay naipaalam ng kanyang mga magulang dito na dumating na siya kaya siya susunduin sana nito sa kanyang kuwarto. Pilit na ngumiti ng matamis si Thea para hindi nito mahalata ang totoong nararamdaman niya. Magkahalong takot at guilt kasi ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Napakabait at maunawain ni Neil kaya hindi dapat na lokohin niya ito. Kaya pagkatapos ng kasal nila ay sasabihin niya rito ang totoo. Siya na ang bahala kung ano ang gusto nitong mangyayari ngunit gagawin niya ang lahat para mapatawad siya nito.

"Napakaganda naman ng magiging misis ko," nakangiting puri kay Thea ni Neil sabay hawak sa isa niyang kamay at dinala sa mga labi nito.

"Salamat. At ikaw rin, Neil. Napakaguwapo mo ngayong gabi," ganting puri niya rito. Ngumiti lamang ng matamis si Neil pagkatapos ay inalalayan na siya pababa sa hagdan at magkasabay silang lumabas papunta sa party habang magkahawak ang kanilang mga kamay.

"Ladies and gentleman! I'm sorry for the long wait but I'm glad to announce that the soon-to-be-bride was finally here," malakas ang boses na sabi ng ama ni Thea habang nakahawak sa mikropono at nasa gitna ng pinaka-stage nila. "Let us welcome my lovely daughter, Althea Alcantara together with her groom-to-be, Neil Soriano!"

Sinalubong ng malakas na palakpakan sina Thea at Neil habang naglalakad sila palapit sa kinatatayuan ng kanyang ama. Sa likuran ng kanyang ama ay isang malaking screen kung saan ay ipinapakita ang mga litrato nila ni Neil mula pagkabata hanggang sa sila ay magdalaga na. 

Maliwanag na maliwanag ang malawak nilang bakuran at puno ng mga kamag-anakan at malalapit na kaibigan ng kanilang pamilya. Iba-iba ang damdamin na makikita sa kanilang mukha. Ang iba ay tunay na masaya para kay Thea at Neil samantalang ang iba naman ay nakaismid at may naiinggit. Para sa lahat ay perfect husband kasi si Neil. Mabait, guwapo at mayaman pa kaya napaka-suwerte ng babaeng magiging asawa niya. At halos lahat ng mga tiyahin at tiyuhin ni Thea na may anak na mga dalaga ay nagnanais na ang kanilang anak sana ang mapangasawa ni Neil. Ngunit hindi iyon nangyari dahil siya ang pinili ng mga magulang ng binata para maging manugang.

Malapit na sina Thea at Neil sa kanyang ama na larawan sa mukha ang sobrang saya nang walang anu-ano ay biglang namatay ang lahat ng mga ilaw sa buong paligid maliban sa ilaw ng malaking screen na nagmumula sa projector. Lahat ng mga mata ay napatuon sa screen nang biglang nag-iba ang mga litrato na lumalabas sa screen. Mga litrato niya sa loob ng kuwarto habang nakikipagniig siya sa lalaking iyon na hindi niya kilala.

Iba't ibang anggulo ang kuha sa kanya. May anggulo ns nakapatong siya sa lalaki at hinahalikan ito, mayroon naman ang lalaki ang nakapatong sa kanya at hinahalikan siya at mayroon ding magkayakap sila habang natutulog. Kalahati ng mukha ng lalaki lamang ang nakuhanan ng litrato kaya hindi makilala ng mga taong nanunuod kung sino ito. Ngunit isa lamang ang nasisiguro ng lahat. Hindi si Neil ang lalaking iyon kundi ibang lalaki.

Pakiramdam ni Althea ay nagkulay suka ang mukha niya dahil sa pamumutla nang makita niya ang mga naglabasang litrato niya kasama ang lalaking iyon. Magkahalo-halong damdamin ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Takot, pag-aalala at sobrang kahihiyan. Natatakot siya sa maaaring gawin sa kanya ng mga magulang niya, nag-aalala naman siya na baka sa nakita nilang ito ay umurong sa kasal si Neil at sobrang nahihiya siya na makita ng mga bisita nila na may kasama siyang ibang lalaki sa loob ng isang kuwarto. At halatado namang may nangyari sa kanila kahit na hindi niya sabihin sa kanila.

"Neil, magpapaliwanag ako," umiiyak na agad hinarap ni Thea ang katabing lalaki. Ngunit isang malakas at nakakatulig na sampal ang sinalubong sa kanya ng binata. Sa sobrang lakas ng pagkakasampal nito ay bigla pa siyang napaupo sa bermuda grass ng kanilang bakuran habang nanlalaki ang kanyang mga mata. Hindi siya makapaniwala na kaya siyang saktan ni Neil. Parang ibang tao ang nasa harapan niya ngayon na galit na galit at nanlilisik ang mga mata habang nakatitig sa kanya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status