Share

Chapter 2

Dahil sa nangyari sa pagitan niya at ng kapatid niya ay hindi na siya pinalabas ng silid niya ng madrasta niya. Pinarusahan siya nito dahil sa ginawa daw niya sa anak nito na hindi niya naman pinagsisisihan. Dapat lang iyon sa kaniya dahil malandi ito at kung tutuusin nga ay kulang pa ang ginawa niya rito.

Napigilan lang kasi siya e dahil dumating ang mga ito para iligtas ang kapatid niya. Syempre, ito ang kakampihan ng mga ito. Wala naman siyang kakampi sa bahay na iyon kundi ang sarili niya lang. Kung meron nga lang sana siyang ibang pwedeng matuluyan ay lalayas na lang siya doon pero wala naman siyang alam na mapupuntahan niya.

Isa pa ay simula ng mawala ang kaniyang ama ay tumigil na siya sa kaniyang pag- aaral. Third year na siya sa kurso niyang business administration. Sino ba naman ang hindi mapipilitang tumigil sa pag- aaral kung hindi naman siya binibigyan ng allowance ng madrasta niya. Pwede sana siyang pumasok kung walking distance lang ang unibersidad na pinapasukan niya mula sa bahay nila pero hindi. Dahil kilo- kilometro ang layo nito kaya gustuhin niya man ay wala siyang ibang choice.

Simula din nang mawala ang ama niya ay tuluyan na siyang hindi nakahawak pa ng pera dahil hindi siya pinapahawakan ng madrasta niya. Kahit pa sabihing anak lamang siya sa labas ay dapat ay may karapatan pa rin siya sa pera ng kaniyang ama sana pero wala. Ni isang kusing ay wala siyang natatanggap. Mabuti pa nga ang mga katulong ay may sinasahod sa pagtatrabaho sa bahay ng amo nila pero siya wala. 

Pagkain lang ang nagsisilbing sahod niya mula sa pagpapakapagod sa pagtatrabaho sa bahay na iyon. Kaya mabuti pa sanang namasukan na lamang siya at may sahod pa siya pero hindi rin naman niya iyon magagawa dahil nga wala din naman siyang kalayaan.

Isang araw na siyang nakakulong sa knaiyang silid. Mabuti nga at binibigyan pa siya ng pagkain kahit papano pero ang pagkain na ibinibigay sa kaniya ay tira- tira ng mga ito. Kahit pa labag sa kalooban niyang kainin ang mga iyon ay wala siyang ibang pagpipilian. Kailangan niyang kainin iyon dahil para mabuhay pa siya. Ayaw niya namang mamatay sa ganung sitwasyon edi mas pagtatawanan lang siya ng mga ito.

Sa oras na makalabas siya sa silid niya ay ipinapangako niyang hindi na siya babalik sa bahay na iyon kailanman. Ayaw na niyang makasalamuha ang mga ito at magkaniya- kaniya na lang sila. Siya ay bahala na, kahit saan na siya mapadpad basta ang importante ay makaalis na siya ng tuluyan sa lugar na iyon.

—-------

Katatapos niya lang maligo ng oras na iyon at nakahiga siya sa kama ng marinig niyang may tao sa labas. Hindi niya naman gaano naririnig ang mga pinag- uusapan ng mga ito pero nasisiguro niyang tinig iyon ng madrasta niya at may kausap nga ito. Napabuga na lamang siya ng hangin. Hindi niya alam kung gaano siya katagal na ikukulong ng mga ito para parusahan. Ayaw niya namang magmakaawa sa mga ito na palabasin na siya.

Ilang sandali pa nga ay nakarinig siya ng mga yabag na papalapit sa silid niya kung saan ay bigla na lamang bumukas ang pinto ng silid niya kaya napalingon siya doon. Ang nakangising madrasta niya ang pumasok at pagkatapos ay lumapit sa kaniya at hinawakan ang mukha niya at bumulong.

“Sa wakas. Mula ngayon ay makakaalis ka na sa pamamahay na ito.” sabi nito na hindi itinago sa kaniya ang tuwa sa tinig nito.

Pagkatapos ay hinila siya nito patayo mula sa pagkakahiga niya at pilit na hinila palabas sa kanyang silid pagkatapos siya nitong ikulong ng ilang araw. Hinila siya nito hanggang sa sala at naabutan nga niyang naroon ang isang medyo nasa early fifties ng lalaki. Unang beses niya lang nakita itong nagpunta sa bahay nila.

“Ah ito na ang anak ko.” nakangiting sabi ng madrasta niya sa lalaking nakaupo.

Kaagad naman itong tumayo at pagkatapos ay tinanggal ang suot nitong sumbrero at pagkatapos ay nginitian siya. Hindi niya tuloy alam kung ano ang magiging reaksiyon niya rito. Yumuko pa ito sa kaniya.

“Ako nga pala si Mr. John at narito ako para sunduin ka ngayon Miss.” sabi nito sa kaniyang nakangiti.

Awtomatiko namang nagsalubong ang mga kilay niya nang marinig niya ang sinabi nito. Anong ibig sabihin nito? Hindi niya naman ito kilala at isa pa bakit sana siya nito susunduin? Sino ba ito?

“Ah oo, kanina ka pa nga niya hinihintay e kasi tingnan niyo nga nakaligo na siya.” sagot naman ng madrasta niya.

Ibig sabihin lang nito ay hinihintay talaga niya ito at alam nito kung sino ang lalaking nasa harap niya samantalang siya ay wala siyang kaide- ideya kung sino ito. Hindi na lamang siya nakapagsalita dahil ang isang kamay ng madrasta niya ay nasa likod niya kung saan ay nakahandang kurutin siya na parang bata.

“Halika na Miss at kanina pa sila nag- aantay doon.” sabi nito at pagkatapos ay isinuot naman nitong muli ang sumbrero nito.

Hinatid siya ng madrasta niya hanggang sa makasakay siya sa sasakyan ng lalaking kasama niy. Siniguro talaga nito na hindi siya tatakbo. Isa pa ay niyuko niya ang kaniyang sarili, nakasuot lang siya ng isang simpleng pajama at isang kulay itim na t- shirt. Ni hindi man lang siya napakagbihis ng maayos at isa pa ay kahit sumakay na siya sa sasakyan ng lalaki ay hindi niya pa rin alam kung saan sila pupunta. Kaya lang din naman pumayag siya na sumama rito ay para na rin tuluyan siyang makaalis sa bahay na iyon.

Nang umandar ang kotse ay nilingon niya ito. Magkatabi kasi sila sa passenger seat kung saan ay may kasama itong driver. Mukha naman itong walang balak na gawan siya ng masama. Isa pa ay hindi naman siya kinakabahan ng mga oras na iyon, kumbaga ay panatag naman ang loob niya. Tumikhim muna siya bago niya ibinuka ang kaniyang bibig.

“Mawalang galang na po, pero hindi ko po kayo kilala at pwede ko po bang malamn kung saan tayo pupunta?” magalang na tanong niya rito.

Kahit naman hindi siya nakapagtapos ng college ay natutunan niya pa rin ang good manners. Sa madrasta niya lang talaga nawawala iyon at sa mga kapatid niya. Minsan tuloy ay naiisip niya na tila siya si Cinderella at napapatanong sa sarili niya kung saan niya hahanapin ang magiging prinsipe niyang magliligtas sa kaniyang masalimuot na buhay.

Nilingon din naman siya nito at pagkatapos ay hindi maiwasang magtaka dahil sa tanong niya. Kita niya kung paano nagsalubong ang mga kilay nito.

“Hindi ba sinabi sayo ng Mommy mo?” tanong nitong tila naguguluhan.

Umiling siya. Mas lalo lamang kumunot ang noo nito dahil sa naging sagot niya.

“Ngayon na ang itinakdang araw ng pag- iisang dibdib ninyo ni Master Pierce.” sagot nito sa kaniya.

Hindi siya nakapagsalita. Akala niya ay matagal pa ang kasal na sinasabi ng kapatid niya at madrasta niya. Isa pa ay hindi pa niya nakikitang nagpunta ang mga ito sa bahay nila upang mamanhikan o ni makipag- usap man lang tungkol sa kasal kaya hindi niya tuloy maisip kung paano nilang nagawang pag- usapan ang kasal. Hindi naman siya umaalis ng bahay pero may isang gabi na umalis ang mga ito para may daluhan daw na dinner at ngayon lang pumasok sa kaniyang isip na baka doon sila nagpunta. Iyon ay ilang araw bago niya ipakilala si Liam sa kanila.

Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya ng mga oras na iyon. Parang ayaw pumasok sa utak niya ang sinasabi nito na ikakasal na siya sa lalaking hindi pa niya nakikita. Ngunit katulad na nga rin ng sabi ng madrasta niya ay isa itong matandang baldado. Hindi niya tuloy maintindihan ang kaniyang ama kung bakit pumayag itong ipakasal ang kapatid niya sa lalaking iyon.

Hindi na lang siya sumagot at nag- iwas ng tingin. Wala siyang alam na isagot rito at ayaw na niyang magtanong pang muli rito. Tama na ang nalaman niya. Isa pa ay susunod na lamang muna siya sa daloy ng sitwasyon at kapag nakahanap siya ng tyempo ay tyaka na lang niya plaplanuhin ang umalis. Naisip niya tuloy ay mukhang mayaman ito, siguro ay makakadispalko siya ng pera na pwede niyang gamitin sa paglalayas niya para kahit papano naman ay may silbi ang pagpapakasal niya rito.

Ilang sandali pa ay lumiko na ang sasakyan sa isang daan. Hindi na pamilyar sa kaniya ang lugar na tinatahak nila. Hindi naman kasi siya nakakarating sa kung saan- saan dahil school, bahay lang lagi ang pinupuntahan niya. Ilang sandali pa ay tumigil ang sasakyan sa isang tapat ng bahay. Bumaba siya ng sasakyan at inalalayan pa siya ni Mr. John.

Tiningala niya ang istraktura ng bahay at nakita niyang medyo may kalamaan na ito bagamat malaki ito. Hindi niya alam kung kaninong bahay iyon ngunit tahimik na lamang siyang sumunod kay Mr. John na naunang naglakad kaysa sa kaniya. Inilibot niya ang kaniyang tingin sa paligid, kapansin- pansin ang ilang kotseng nakaparada doon na halatang mamahalin. Mukhang mayaman nga talaga ang lalaking pakakasalan sana ng kapatid niya.

Pagpasok niya sa loob ng bahay ay may nag- aabang doong ilang kasambahay.

“Bihisan niyo na siya para makapag- umpisa na.” sabai ni Mr. John sa mga ito. 

Tumango naman ang ito at pagkatapos ay pinagitnaan siya at iginiya siya sa itaas ng bahay samantang si Mr. John ay lumiko sa kaliwang bahagi ng bahay. Hindi na niya nakita pa kung saan ito nagpunta dahil nga naka- focus ang atensiyon niya sa pagtingin sa paligid habang paakyat sila ng hagdan hanggang sa makarating sila sa isang silid kung saan ay may nakahanda na doong damit sa kama at isang pares ng sapatos.

Kapansin- pansin na hindi wedding gown ang ipapasuot sa kaniya at isnag simpleng dress lamang. May isang pares din ng sapatos ang naroon na may kulay na silver at tila may nakadikit na mga glitters. Lumapit ang isang kasambahay sa damit at pagkatapos ay inabot sa kaniya.

“Magbihis na po kayo maam. Heto ang banyo, dito na po kayo magbihis.” turo nito sa isang pinto.

Napatitig muna siya sa damit na hawak niya bago siya nagtungo sa banyo. Tinitingnan niya ang sukat ng dress at mukhang eksaktong- eksakt lang naman sa kaniya. Mabilis niyang tinanggal ang suot niya at isinuot ang dress. Tiningnan niya ang repleksiyon niya sa salamin. Napangiti siya. Hindi niya matandaan kung kailan siya huling nakapagsuot ng ganuong damit. Hindi niya naitagong mapangiti sa kaniyang sarili dahil bumagay sa kaniya ito maging sa kaniyang kulay.

Kaagad siyang lumabas ng banyo ng makapagpalit siya dahil baka mainip ang mga ito sa pag- aantay sa kaniya. Nang lumabas siya ay agad na napatitig sa kaniya ang tatlo and for a moment ay nakita niyang tila nagulat ang mga ito pagkatapos ay napapikit na nilapitan siya.

“Bagay na bagay po ninyo ang damit ninyo.” nakangiting komento sa kaniya ng isa.

Hindi niya naman maiwasang suklian ito ng ngiti sa sinabi nito dahil totoo namang bagay niya ang damit. Mas lumutang pa lalo ang kagandahan niya. Inakay siya ng mga ito sa harap ng salamin at pagkatapos ay pinapikit. Pinahiran siya ng make- up at lipstick ng isa, habang ang isa naman ay abala sa pagsasa- ayos ng buhok niya at nang matapos nga sila ay pinamulat na nila siya. 

Tinitigan niya ang repleksiyon niya sa salamin, halos hindi niya makilala ang kaniyang sarili dahil napakalayo ng itsura niya ngayon. Napakaganda niya. Kung makikita lang siguro siya ngayon ni Liam sa ganuong ayos niya ay tiyak na magsisisi na ito sa pangloloko sa kaniya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status