Share

Not Another Song About Love [BL]
Not Another Song About Love [BL]
Author: alittletouchofwinter

Prologue: Fake

Prologue

Fake

Inis na binabagtas ni Raymond ang pagbalik sa classroom dahil nalimutan niyang dalhin ang drawing board niya. May binigay pa namang homework ang Drafting Teacher nila na si Mr. Pagdanganan at kung hindi niya magagawa iyon, paniguradong magja-jumping jack uli siya sa harap ng klase sa buong durasyon ng pagtuturo ng teacher na 'yon. Iyon kasi ang ginawa niya nang minsang mahuli sa klase.

Malapit nang mag-alas sais ng gabi at ayaw naman ni Raymond na abutan ng pagsasara ng gate kaya mabilis na ang lakad niya. Bakit ba kasi malilimutin siya?

"So, Dennis, iiwan ko sa'yo 'tong test papers, a? Paki-check na lang, ano? Nandito na 'yong answer keys."

"Sige po, ma'am. Ako na po ang bahala."

Natigil si Raymond sa paglalakad dahil sa narinig. Ginalaw niya ang ulo at sinilip kung nasaan ang ingay at nakita niya si Dennis kasama ang Math Teacher nila na magkausap at nakaupo sa upuan ng mini stone table na kaharap ng kanilang classroom. Hindi nagpakita si Raymond at nakinig muna. Dahil may mga halaman na nasa pagitan nila, hindi siya napansin. Humilig siya sa pader at tinanaw ang dalawa.

"Ang bait mo talagang bata. Salamat, a? Bukas dalhin mo na lang sa Faculty at pakilagay sa table, okay? Aalis na 'ko. Ingat sa pag-uwi, Dennis!"

Tumaas ang sulok ng labi ni Raymond nang makitang kinuha nga ni Dennis ang mga test papers at inisa-isang tingnan. Nakaalis naman na ang gurong kausap nito kanina. Bumalik ang tingin niya sa kaklase.

Maraming nagsasabi na mabait 'tong si Dennis. Pero para sa kanya, iba ang nararamdaman niya. Sa bagay, mukha nga namang mabait si Dennis dahil maamo ang mukha nito. Lalo na 'yong mga mata nito na napaka-inosente kapag titingnan.

Hindi nga lang niya alam kung totoo ba ang pinapakita nito. Kadalasan kasi, tama ang intwisyon niya sa mga bagay-bagay.

Nagkibit-balikat si Raymond at umalis siya sa pagkakasandal sa pader. Tahimik siyang naglakad at umiwas sa mga halaman para makapunta kay Dennis at huminto sa may likod nito. Tatanungin niya sana kung nandito ba ang susi ng classroom nila dahil naka-lock na noong magawi ang tingin niya sa pinto.

Inangat niya ang kamay para sana kalabitin si Dennis ngunit nahinto sa ere ang kamay niya dahil sa narinig na nagpalaki ng mga mata niya.

"Tanginang baboy na 'yon, ang kapal ng mukha na mag-utos sa akin? Akala mo naman binabayaran niya ako para mag-check ng mga papel na 'to?! Mukha ba akong utusan? Siya nga 'tong mukhang katulong, akala mo maganda! Kung hindi ko pa alam, makikipag-date lang iyon! Gagawa pa ng excuse? Ang kapal ng mukha na iwan sa akin 'tong mga gagawin niya! Tapos kapag nagtuturo sa klase, hindi mo alam kung anong sinasabi?! Mas mabuti pang manood ako ng tutorials sa YouTube tungkol sa lessons kesa makinig sa kanya, puro lang naman tungkol sa lalaki niya ang sasabihin niya!"

Dinig ni Raymond ang pagbagsak ni Dennis ng mga papel na hawak sa mesa. Siya? Hindi pa rin makapaniwala sa mga narinig. Alam niyang mukhang peke 'tong si Dennis... pero hindi ganito ang inaasahan niya na talagang ugali nitong isa.

"Kung tuhugin lang siya ng stick, pwede na siyang maging lechong baboy! Nakakabuwisit talaga! Ang tamad-tamad ng baboy na 'yon pero sumusweldo! 'Di pa kasi mag-resign at makipag-date na lang!"

Nang marinig ni Raymond 'yon, napahawak siya sa bibig dahil gusto niyang bumunghalit ng tawa. Hindi sa masama siya pero totoo naman ang sinabi ni Dennis. Mukha talagang lechon ang guro nila sa Math kapag tinusukan ito ng kawayanโ€”teka, bakit ganoon na rin siya mag-isip? Kasalanan 'to ni Dennis, e! Pati siya, nahahawaan na yata!

Mukhang narinig ni Dennis ang impit na halakhak ni Raymond na ikinalingon nito. Nang makita ni Dennis na may tao nga sa likuran nito, namutla ito at nanlalaki ang mga mata na napatitig sa kanya.

"N-narinig mo 'yon?!" mahina nitong singhal. Wala sa loob na napatango si Raymond na lalong kinaputla ni Dennis. 

Matagal na tumitig si Raymond sa kaharap. Umayos naman ito ng tayo at tumingin sa kanya, nahimig na ang sarili.

"Anong tingin 'yan?" tanong niya.

"Don't ever tell anyone what you heard today," may pagbabantang nakalakip sa boses ni Dennis. 

Tumaas ang parehong kilay niya. Wala naman talaga siyang balak sabihin sa iba ang narinig niya. Anong makukuha niya kung sabihin niya sa iba na mapagpanggap 'tong si Dennis? Bukod sa chismis, wala na. Hindi naman siya mabubusog kung gagawin niya iyon, e. Aksaya sa laway.

Pero ano kaya ang gagawin ni Dennis kung lokohin niya ito na ipagsasabi niya ang pangit na ugali nito? Masubukan nga.

"At anong gagawin mo kung sasabihin ko sa iba?" Nanlaki ang mga mata ni Raymond nang inisang hakbang ni Dennis ang pagitan nila at hinigit ang kwelyo ng suot niyang uniporme.

"Ano ba?" Hinawakan ni Raymond ang kamay ni Dennis na nakahigit sa suot niya. Hindi iyon binigyang pansin ng lalaki, ang ginawa nito ay nilapit ang mukha sa kanya na may pang-uuyam na ngiti sa labi.

"Do you think they will believe you? Lahat sila ang kilala, iyong mabait na ako. Tingin mo dahil lang sa sasabihin mo sa kanila, paniniwalaan ka?"

Tinulak ni Raymond si Dennis at binigyan ng nakakalokong tingin. Pinagpag niya ang nagusot na uniporme at binalik ang blankong tingin dito.

"Kahit hindi ko sabihin, may makakaalam pa rin ng bulok mong ugali. Isa pa, sino ka ba? 'Di ka sikat para pagchismisan, oy."

Namula si Dennis dahil sa galit. Umamba ito ng suntok kay Raymond ngunit nasalo niya ito at hinatak ang hawak na kamao. Napasubsob sa kanya ang lalaki at mabilis nitong inangat ang ulo para tapunan siya ng nakakamatay na tingin. Yumuko siya nang kaunti para makita ang nag-aapoy na mga mata ni Dennis. Mahinang napahalakhak si Raymond.

"O, kita mo? Lumalabas na kaagad sungay mo sa simpleng sinabi ko? Ingat ka, Dennis, ikaw mismo ang magbubuko sa'yo. Good luck sa pagpapanggap."

Binitawan niya ito at tumalikod na. Bahala na iyong drawing board na naiwan sa classroom. Baka kapag tinanong niya pa si Dennis tungkol sa susi, baka 'di lang amba ang gawin nito sa kanya.

Bahagya niyang ginalaw ang ulo at nilingon ang direksyon ni Dennis. Nakita niyang pinagsisipa nito ang batong upuan nang paulit-ulit. Palihim siyang natawa.

Pretender. 

Bagay na tawag 'yon kay Dennis. Masyadong peke. Baka pati made in China na mga gamit, mahiya rito. Hanggang kailan kaya nito kayang magpanggap?

Bakit kaya hindi niya abangan kung kailan ni Dennis ilalabas ang sungay nito? Mukhang magandang tanawin iyon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status