Share

CHAPTER 3

Pumasok na siya sa loob ng opisina. Todo ngiti pa siya sa lahat ng taong nakakasalubong niya. Wala na siyang pakialam kung hindi siya kilala ng mga ito. Ang importante sa kanya ay masaya siya sa kanyang first day of work.

Nahihiya man ay kailangan niyang magtanong sa mga tao kung saan ang cubicle niya. May isang lalaki siyang pinagtanungan at mabait naman siyang sinagot nito.

“Ah, Sir. Pwede ko po ba malaman kung saan ang cubicle ko? Salamat po,” sabi ni Lenie.

Ngumiti naman sa kanya ang lalaki at itinuro ang babaeng nakaupo sa di kalayuan. Agad na lumapit si Lenie roon sa babae para magtanong. Nahihiya pa nga siya noon dahil halatang busy na busy ‘yong babae.

“Ah, hello. Sabi sa akin noong lalaki roon, sa ‘yo ko raw itanong kung saan ang cubcle ko,” sabi ni Lenie.

“Ah, dito. Ikaw pala ‘yong sinasabi ni Sir Alexis sa akin na newly hired. Naku, ihanda mo na ang sarili mo dahil sure ako na kahit first day mo pa lang dito ay tiyak na marami ka agad trabaho,” sabi naman noong babae kaya lalong kinabahan si Lenie.

Nagpakilala iyong babae bilang si Zyra Bermudez. Unang tingin pa lang ni Lenie ay natatarayan na siya rito. Kaya lang, kailangan iya munang pakisamahan ito dahil bago pa lang siya sa RCG.

Dahil bago ay sinubukan ni Zyra kung kaya ni Lenie na humarap sa pinaka-boss nila. Lumapit siya rito at nakisuyo na kung pwede ay dalhin ni Lenie ang papeles roon. 

“Ha? Kay Sir Ramirez? You mean sa boss natin?” hindi makapaniwalang sagot ni Lenie. 

“Oo, bakit? Hindi mo ba kaya? Naku, araw-araw mo pa namang makikita si Sir. Ngayon pa lang ay dapat masanay ka na,” sagot naman ni Zyra, hinahamon talaga si Lenie. 

“Ah, hindi naman sa ayaw ko siyang makita. Kaya lang, syempre bago pa ako. Nahihiya pa ako sa kanya, pero sige. Akin na ang papeles na kailangan niyang pirmahan,” sagot ni Lenie, takot man pero tumuloy pa rin siya. 

Sinabi ni Zyra na sa fourth floor ang opisina ni Sir Alexis Ramirez. Pumunta naman agad doon si Lenie. Nang makarating na sa fourth floor ay nagtanong siya sa isang babae roon. 

“Hi, Miss. Itatanong ko lang po sana kung saan ang office ni Sir Alexis Ramirez. Meron lang po akong papapirmahan sa kanya. Salamat po,” sabi ni Lenie pagkatapos ay ngumiti ito roon sa babae. 

Nagulat naman si Lenie nang bigla siyang tingnan ng babae mula ulo hanggang paa. Siguro ay nagtataka ito kung sino siya. Pero, sinamahan pa rin ng babae si Lenie papunta sa opisina ng kanyang boss. 

“Ah, Sir Ramirez. May kailangan po raw kayong pirmahan,” sabi noong babae. 

“Ah, pakilagay na lang dyan, Celeste. Salamat,” sagot ni Alexis habang may hinahanap na files. Nakatalikod siya. 

Dahil sa narinig na boses ay parang may kuryenteng dumaloy sa katawan ni Lenie. Hindi niya mapigilang mapangiti dahil sa sobrang gwapo ng boses ng kanyang boss. 

Lumabas na noon si Celeste kaya si Lenie na ang nagpatong ng mga papeles sa table ni Alexis. Nagulat na lang si Lenie nang biglang humarap ang kanyang boss.

“Ah, Celeste paki-” hindi na natapos ni Alexis ang kanyang sasabihin dahil sumigaw agad si Lenie sa kanya. 

“Ikaw?! Ikaw ang boss ko?!” magkahalong inis at gulat ang naramdaman ni Lenie. 

‘Yong lalaki kasi na nakaalitan niya sa daan at ang lalaking nag-interview sa kanya ay iisa. Parang gusto tuloy niyang mag-backout dahil sa nalaman.  Napapikit na lang talaga siya sa inis.

“What a small world, miss. Ikaw ‘yong babae na naputikan ang damit, hindi ba? Hindi ko napansin, ikaw din pala ‘yong ininterview ko. Akalain mo nga naman, boss mo pala ako. Siguro naman, hindi ka na magtataray sa akin ngayon?” may yabang na sabi ni Alexis.

Nang ma-realize ni Lenie na boss pala niya ang kausap ay kumalma siya. Alam niyang hindi siya pwedeng magpakita ng kahit anong inis dahil newly hired siya. Baka imbis na magkaroon ng bagong trabaho ay iyon na ang maging una at huli niyang araw sa RCG.  

“Ah, Sir. Paki-pirmahan na lang po ang mga papeles na iyan para makaalis na ako. Kanina pa po ako hinihintay ni Miss Bermudez. Salamat po,” sagot ni Lenie, pinipigilan niya ang inis na nararamdaman pero kita pa rin sa kanya ang pagkagulat. 

Natawa na lang si Alexis noon dahil ramdam niyang inis na inis sa kanya si Lenie pero hindi nito mailabas ang tunay niyang nararamdaman. Kinuha niya ang mga papeles pagkatapos ay pinirmahan na lahat ng iyon. 

“Done,” sagot ni Alexis pagkatapos ay pinatong ulit ang mga papeles sa table niya. 

Agad na kinuha ni Lenie iyon at nagmadali palabas. Kaso, biglang nagsalita si Alexis.  

“From now on, ikaw na ang magdadala ng mga papeles na pipirmahan ko. Papeles sa lahat ng department,” may awtoridad ang boses ni Alexis. 

Nakatigil lang si Lenie noon. Habang siya ay nakatalikod ay sinusumpa na niya ang kanyang boss. Sa loob-loob niya ay inaaway na rin niya ang kanyang sarili. Dahil mukhang hindi narinig ni Lenie kung ano ang sinabi ni Alexis ay inulit nito ang kanyang sinabi. 

“Sabi ko, simula ngayon ay ikaw na ang magdadala ng mga papeles dito sa opisina ko. Malinaw ba iyon?”  

Pumikit si Lenie at huminga nang malalim bago niya sagutin si Alexis. Tila ba kinakalma ang kanyang sarili. 

“Yes, Sir. Wala pong problema,” sagot ni Lenie pagkatapos ay umalis na sa opisina ni Alexis. 

Sa pagkakataon na iyon ay si Javi na lang talaga ang kanyang iniisip. Kung magre-resign kasi siya dahil lang doon ay alam niyang ang babaw lang ng kanyang dahilan. Titiisin na lang niya ang kanyang boss at hindi papansinin. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status