Share

CHAPTER 5

Sa sobrang tagal nang paghihintay ni Lenie kay Alice ay nainis na siya rito. Akala kasi niya noong una ay ilang buwan o aabot lang ng isang taon bago bumalik ang kanyang kaibigan pero nakailang taon na ay wala pa rin itong paramdam sa kanya. 

Tinanggap na lang niya na baka nga tuluyan nang pinabayaan ni Alice ang anak. Wala namang problema kay Lenie iyon dahil lumaki namang mabuting bata si Javi.  

“Baby, halika na. Bilisan mo nang kumain ha? Male-late ka niyan for school. Pati, maaga si Mama sa work niya. Kumilos na tayo, ha. I’ll wait for you here,” sabi ni Lenie kay Javi pagkatapos ay inayos na niya ang kakainin noong bata. 

“Anak, may gusto pala akong itanong sa ‘yo. Hindi mo na ba nakakausap ang nanay ni Javi? ‘Di ba, sabi niya ay babalik siya? Kawawa naman kasi si Javi, hindi na niya nakilala ang tunay niyang nanay,” sabi ni Hasmin sa anak habang kumakain ng agahan. 

Kita ang inis sa mukha ni Lenie nang marinig iyon mula sa kanyang ina. Tumingin pa siya sa paligid dahil baka may kapitbahay na makarinig sa kanila. Nang makitang wala namang tao ay pabulong siyang sumagot sa kanyang ina. 

“Nay, pwede ba? Huwag mong mabanggit ‘yan. Baka marinig ka ni Javi o ng mga kapitbahay.  Hindi naman niya alam na hindi ako ang Mama niya. Saka, ‘yong tungkol kay Alice, wala na akong pakialam kung hindi na siya bumalik.

Parang anak na ang turin ko kay Javi. Alam niyo naman po ‘yon ‘di ba?” sagot ni Lenie pagkatapos ay umupo na para kumain din ng agahan. 

“Anak, paano kung bigla na lang bumalik ang nanay niya? Ano ang sasabihin mo sa bata? Ayaw ko rin namang malayo kay Javi, pero harapin natin ang katotohanan na hindi mo talaga siya anak,” pagpapatuloy pa ni Hasmin. 

Hindi pinansin ni Lenie ang kanyang ina dahil alam niyang mag-aaway lang sila. Hinatid niya na lang sa school si Javi pagkatapos ay pumasok na rin siya sa trabaho. Takot kasi si Lenie kay Alexis dahil ayaw nito sa mga taong late. 

Nagmamadali si Lenie dahil nang tingnan niya ang kanyang relo ay late na siya. Todo dasal na lang siya sa Diyos na sana ay good mood si Alexis para kahit late siya ay hindi siya mapagalitan nito. 

“Uy, Zyra! Nandyan na ba si Sir Alexis? Hindi pa naman siguro ako late, ‘di ba? Hinatid ko pa kasi si Javi sa school niya. Alam mo naman ang batang ‘yon. Ang bagal kumilos,” nagmamadaling sabi ni Lenie. 

“Ah, oo. Nandyan na sa opisina niya. Kanina ka pa nga hinahanap sa akin. Dalian mo na, baka ma-badtrip pa  sa ‘yo si Sir Alexis. Alam mo naman na ayaw niya sa mga taong late,” sagot ni Zyra. 

Dahil sa sinabi ni Zyra ay nagmadali na si Lenie. Kinuha niya ang mga papeles sa cubicle niya at pumanhik na sa fourth floor para puntahan ang opisina ni Sir Alexis. Nainis pa nga siya nang mapansin na hindi pala siya nakapagsuklay habang papasok sa trabaho. 

Nakaramdam siya bigla ng hiya dahil pagpasok niya sa opisina ng kanyang boss ay tiningnan pa siya nito mula ulo hanggang paa bago ito tuluyan na magsalita. 

“Good morning, Miss Santos. Sobrang nagmamadali ka yata? May problema ka ba?” tanong ni Alexis. 

“Ah, wala naman po, Sir. May urgent na gawain lang po ako sa bahay kaya nalate ako. I’m sorry po,” sagot ni Lenie pagkatapos ay yumuko para humingi ng paumanhin. 

Pagkatapos noon ay pinatong na ni Lenie ang mga papeles sa table ni Sir Alexis. Nakatayo lang siya roon dahil baka may iutos pa ang kanyang boss sa kanya. Ilang minuto pa ay nagsalita na ito. 

“Miss Santos, mukhang lagi mo nang dinadahilan sa akin iyan. Wala na bang iba? Anyway, pakibigay na lang ito kay Ms. Bermudez, tell her that I need this to be done by 12 noon. Malinaw ba iyon?” may awtoridad na sabi ni Alexis kay Lenie pagkatapos ay binigay na nito ang mga bagong papeles. 

“Copy po, Sir,” sagot naman ni Lenie. 

Aalis na sana si Lenie nang tawagin ulit siya ni Alexis. Nagtaka naman si Lenie pero nilingon pa rin niya ito. 

“Miss Santos, are you free tonight? I just want to have a date with you. Wala naman na akong gagawin by 8pm,” nakangiting sabi ni Alexis. 

“Ah, titingnan ko po sa schedule ko, Sir Alexis. Sasabihin na lang po kita kapag wala na rin akong ginagawa by that time. Salamat po,” sagot ni Lenie, tatalikod na sana siya nang biglang nagsalita ulit si Alexis. 

“I already asked Miss Bermudez to clear your schedule for me.  Lahat ng trabaho mo ngayong araw ay siya na ang gagawa,” sagot ni Alexis pagkatapos ay ngumiti. Alam niyang wala ng dahilan pa para humindi sa kanya si Lenie. 

Napaawang na lang ang kanyang labi sa narinig. Gusto na niyang tumakbo palabas at puntahan si Zyra para pagalitan ito sa pagpayag na i-clear ang schedule niya. 

“Po? Hindi naman po yata pwedeng ganoon, Sir. Ayaw ko naman pong makaabala pa kay Miss Bermudez. Kung kaya ko naman pong gawin, bakit iaasa ko pa sa kanya, ‘di ba?” sagot ni Lenie, halata pa rin ang kanyang pagkagulat sa sinabi ng kanyang boss. 

“I already told Miss Bermudez about it. You can go ahead and ask her. Basta, hihintayin kita by 8pm. Also, may hair and make-up artists  na susundo sayo rito sa office mamaya. Dala na nila ang dress na susuotin mo mamayang gabi,” pautos na sagot ni Alexis. 

Naguguluhan na si Lenie dahil sa sinabi ni Alexis. Hindi niya maiwasang hindi mainis dahil ang dali lang para kay Alexis na sabihin ang lahat ng iyon. Pero syempre, hindi naman pwedeng ipakita ni Lenie ang inis na kanyang nararamdaman. 

“Sir, may I ask kung ano pong meron mamayang gabi at kailangan ko pong sumama sa inyo?” tanong ni Lenie, gulong-gulo pa rin sa nangyayari. 

“Malalaman mo lang iyon Miss Santos once na sumama ka sa akin mamaya.  I hope you will accept it. Mahalaga sa akin ang gabing ito,” sagot naman ni Alexis. 

Tumango-tango na lang si Lenie pagkatapos ay tumalikod na para umalis sa opisina ng kanyang boss. Napailing na lang siya nang makalabas na siya mula roon.  

“Lagot ka sa akin, Zyra Bermudez!” bulong niya habang naglalakad pabalik sa kanyang cubicle. 

Galit na umupo si Lenie sa kanyang working area kaya tinanong siya ni Zyra kung ano ba ang problema niya.  

“Uy, ayos ka lang? Naku, huwag mong sabihin na nag-away kayo ni Sir Alexis? Ano ‘yan? Love quarrel?” asar ni Zyra, tumatawa pa siya sa kaibigan. 

“Love quarrel ka dyan?! Kailan mo balak sabihin sa akin na pinaka-clear ni Sir Alexis ang schedule ko para sa araw na ‘to?” ramdam ni Zyra ang inis sa boses ni Lenie. 

“Ay, alam mo na pala. Well, nauna kasi akong pumasok kaysa sa ‘yo kaya hindi ko agad nasabi. Sinabihan niya ako kanina na i-clear ‘yon dahil may mahalaga raw kayong pupuntahan. Sino naman ako para humindi, 'di ba?” paliwanag ni Zyra kay Lenie. 

“Kahit na! Dapat hindi ka pumayag. Alam mo naman na marami ng mga mata ang nakatingin sa amin dito sa opisina. Zyra naman!” sagot ni Lenie. 

Kahit alam ni Lenie na wala naman siyang magagawa ay inis na inis pa rin siya. Pang-ilang beses naman na siyang niyaya ni Alexis ng date pero kahit kailan ay hindi ito umabot sa puntong ipapa-clear ng boss niya ang schedule niya at ipapagawa sa iba. 

“Sa susunod, kung may sinabi siyang ganoon sa iyo ay sasabihin mo agad sa akin ha? Kahit pa late ako sa trabaho. Nagkakaintindihan ba tayo roon, Zyra?” mahinahon na ang boses ni Lenie nang sabihin niya iyon. 

“Yes, Ma’am. Masusunod po,” asar pa ni Zyra, hindi na lang iyon pinansin ni Lenie dahil ayaw na niyang awayin pa ang kaibigan. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status