Home / Romance / Marry me, Teacher Luke / CHAPTER I: Ang Bunga ng Pagkakamali ko

Share

Marry me, Teacher Luke
Marry me, Teacher Luke
Author: MikhaelRiver

CHAPTER I: Ang Bunga ng Pagkakamali ko

Naalala ko, noong kabataan ko. Madalas akong nasasabihan noon ng aking ina, na maging maingat sa mga barkada. ‘Rachel, huwag kang basta-basta sasama sa mga barkada mong iyan, ha. Ikaw pinaaalalahana kita, hindi yan magiging mabuti para sa’yo.’ ‘Yan ang madalas kong marinig mula sa nanay ko. Kaya madalas kaming nagkakabanggaan tungkol d’yan, eh. Masyado kasing judgemental ang nanay, eh hindi naman lahat ng kinakasama ko, bad influence kung tawagin. Pero napaisip din ako, kung bakit ganito na lang yung sinasabi ng nanay ko sa akin. Hanggang sa na-realize ko na nga kung bakit.

Makwento ko lang, noong unang panahon. Ay wow, matanda yarn? Chariz lang!  Noong nagdadalaga pa lang kasi ako, teenager, kumbaga, nagkayayaan kaming magkakaibigan na pumunta sa bar. College pa lang ako noon, mga first year. Wala pang senior high noong panahon ko, kaya maaga akong nag-college. Kakatapos pa lang ng midtern, umawra agad kami sa bar pagsapit ng gabi. Todo inom kami nung time na ‘yon, at talagang sinagad namin hanggang sa malasing kami. Tandang-tanda ko pa, ala-una o alas-kwatro na ng madaling araw nang matapos kaming maginom.At itong kaklase kong si George, since hindi naman s’ya ganung uminom kasi magda-drive pa s’ya ng kotse, nag-volunteer na na ihatid ako pauwi. 

Pero pagkakatanda ko, hindi naman n’ya ‘ko inuwi sa bahay namin. Lasing na lasing ako nung time na ‘yun, pero alam ko ang nangyayari sa paligid ko. Habang nagmamaneho s’ya, nagtaka ako kung bakit parang iba yung direksyong dinadaan namin. Kinakausap ko s’ya nun, pero hindi n’ya sinasagot yung tanong ko. Ang hindi ko naisip, papunta pala kami sa bahay n’ya. Inalalayan n’ya ko paakyat sa kwarto n’ya, at hindi ko na alam ang nangyari matapos akong makatulog nang ilapag n’ya ako sa kama. Pag gising ko na lang, n*******d na ‘ko, at nandoon pa rin sa bahay n’ya.

Tapos, ilang linggo lang, nagsisimula na akong maduwal. Naisipan kong magpa-check noon sa doktor. Nanginginig nga ako noon sa kaba, dahil may kutob akong hindi maganda. Kung totoo man ang iniisip ko, lagot talaga ako sa nanay ko. At tama nga ang hinala ko. Si Rachel Assistio, ay nabuntis nga ni George Panganiban. Naglakas–loob akong sabihin ‘to kay George, pero tinakbuhan ako ng loko. Pinuntahan ko s’ya sa room n’ya, nag-drop na raw sabi ng mga kaklase n’ya. Pumunta rin ako sa bahay nila, nasa probinsya na raw. 

Iniyakan ko talaga yung araw na ‘yun. Wala nga rin sana akong balak sabihin kay mama, pero wala akong mapagsabihan kung hindi s’ya. Si papa kasi, matagal nang patay. Kami na lang ng mama sa buhay, kaya wala talaga akong masasandalan sa problema. Nung sinabi ko sa mama ko yung problema, samot-saring mura ang natanggap ko mula sa kanya. Pero tiniis ko lahat ng masasakit na salita, kasi kasama ‘yun sa consequence ng hindi ko pakikinig sa kanya. 

Pero saglit lang ‘yun. Niyakap din ako ng mama ko, at pinaliwanag sa akin ang pagkakamali ko. Hanggang ito na nga, limang taon na matapos yun. Nailuwal ko naman ang bata ng malusog at pinangalanan ko s’yang Sefira. 

Lunes na pala, at magsisimula na naman ang duty ko. Sa coffee shop ako nagtatrabaho ngayon, dahil desisyon kong dito magtrabaho. Graduate kasi ako ng HRM, at bilang pasimula ng work experience, dito ako napadpad ng paghahanap ko ng trabaho. Sa ganitong paraan ko na rin nabuhay si Sefira, habang si mama naman ay nagtitinda sa karinderya. 

Pagkagising ko pa lang, nakangiti kong inayos ang kama ko, at kumakanta pa habang tinatali ang aking buhok. Dali-dali na nga akong bumaba at agad na binuksan ang ref para kunin ang tocino at hotdog. Kinuha ko na rin ang kawaling gagamitin ko sa lalagyan, binuksan ang stove, naglagay ng mantika at tubig sa kawali, at pasayaw,sayaw pa habang nagluluto. Nagre-release rin ang bibig ko ng mga tunog na walang lyrics, at nakuha ko pang mag-twerk habang sinisinghot ang mabangong amoy ng tocino na niluluto ko.

Paano ay ngayon kasi ang unang beses na papasok si Sefira sa school. Baon n’ya kasi ito mamayang recess, kaya sinisiguro kong hindi ako papalya sa pagluluto. Ilang sandali pa, narinig ko na ang kalabog ng mga paa n’ya habang pababa ng hagdanan.

“Good morning, my dear.” Pagbati ko kay Sefira, sabay halik sa noon n’ya pagkaupo n’ya sa upuan.

“Good morning, mama.” Nakita ko na lang na nakahati sa dalawa ang buhok ni Serifa, at nakatirintas ang mga ito hanggang sa ibaba. Nakasuot na rin s’ya ng uniform, pati ang name tag n’ya, nakakabit na rin sa malaman n’yang katawan. Napangiti tuloy ako, kasi papasok na sa school ang anak ko. Ilang taon din naming pinag-usapan ni mama ang tungkol dito, ano. Join-force kaya kami ng mama ko sa pagpapalaki kay Sefira. Binibigyan-bigyan ako ni mama noon ng pera, para daw sa future ni Sefira. Si mama din ang nagbabantay sa bata kapag ginagabi ako ng uwi. Tinulungan ako ni mama na palakihin ang anak ko, kasabay ng pagpapa-aral n’ya sa akin ng apat na taon. 

“Ganda naman ng anak, ko.” Pagpuri ko kay Sefira, habang nilalapag ang pagkaing niluto ko sa harap n’ya. “Iba talaga ang laking mama at lola.”

“Mama, nasaan po pala si lola?” Tanong n’ya sa akin habang sumasandok ng ulam.

“Namalengke ang lola mo, mayamaya lang nandito na ‘yun.”

“Rachel!” Naku, nand’yan na nga ang mudra ko. 

“Mama, halika na, kumain ka na muna bago pumunta ng karinderya.” Aya ko sa kanya.

“Aba, pagkaganda-ganda naman ng apo ko, mana talaga sa lola.” Nakangiting pagbati n’ya kay Sefira nang makita ang anak ko pagpasok n’ya ng bahay.

“Hi, lola. Kain na po kayo.”

“Sige lang, Sef-Sef.”Sambit ni mama matapos umupo sa tabi ni Sefira. “Excited ka nang pumasok, ano?”

“Hay, mama,” Saad ko habang nilalagay sa lunch bag ang baong pagkain ni Sefira. “Kagabi ko pa nga yan pinapahanda ng gamit. Naku, tamad na tamad!”

“Ganun, eh bakit naman, Sefira?”

“Eh, lola, ayaw ko pong pumasok, eh.”

“Anak, hindi ba nag-usap na tayo tungkol dito? Sa ayaw at sa gusto mo, papasok ka, mag-aaral ka. Para sa’yo rin yan, Sef.”

Nakita ko na lang na napayuko si Sefira, at dahan-dahan kung sumubo ng pagkain habang papikit-pikit ang mga mata. Tapos, habang taimtim n’yang nginunguya yung pagkaing nasa bibig n’ya, nakita ko na lang na tumutulo na pala yung luha ni Sefira.

Alam ko naman ang dahilan kung bakit ayaw n’yang pumasok. Pero bilang magulang, gusto ko rin para sa anak ko ang makatapos s’ya. Wala kasi akong maibibigay na kahit ano, kung hindi ang mapagtapos s’ya ng pag-aaral. Mahirap lang kami, kaya hindi ko rin s’ya mapapamanahan ng mansyon, kotse, business, o milyong-milyong pera. Sabi nga ng mama ko, edukasyon ang pinakamahalagang pamana ng magulang sa anak n’ya.

Kaya naman nilapitan ko si Sefira at lumuhod ako sa harapan n’ya Hinawakan ko ang kanyang braso, at pilit na ihinarap ang kanyang namumulang mukha sa akin.

“Anak, kailangan mong mag-aral. Hindi naman kita ie-enroll sa school kung hindi para sa ikakabuti mo. Magtiwala ka kay mama, you will be fine, ok.” Tumango na lamang si Sefira at nagpatuloy kumain. Napatingin din ako sa wall clock, at eksaktong alas-otso na pala! Pinakiusapan ko na lang si mama na asikasuhin muna si Sefira, at habang ako naman, nagbibihis na para pumasok. Ihahatid ko muna ang anak ko, saka ako papasok sa coffee shop. Nagmamadali na nga akong isuot ang uniform ko sa balingkinitan kong pangangatawan, tapos ay sinuklay ang deretso at hanggang balikat kong buhok.

Eksaktong eight forty-five nga ay nakarating na kami sa school. Malapit lang naman sa amin, kaya nag-tricycle kami. Pwede rin namang walking-distance, kaya lang syempre, ayaw ko namang losyang na ang anak ko agad, kakapasok pa lang sa eskwela. Ang dami ring mga magulang ang naghahatid sa mga anak nila, at marami ring bata ang nagsisi-iyakan habang nakayapos pa sa mga nanay nila. Ay pambihira ay nakaharang pa sa gate ng school yang mga yan. 

Pero ang nakapagpabagabag talaga ng loob ko, ay ang makitang nakayuko lang ang anak ko at hindi nagsasalita, pagkasakay pa lang namin ng tricycle, hanggang sa makarating kami sa gate ng school. Hindi man lang ngumiti o tumingin man lang sa akin.

“Anak, ano’ng problema? Malungkot ka na naman. Ilang beses na tayong nag-usap tungkol dito.” Saad ko sa kanya habang nakaluhod.

“Mama, bakit ikaw yung naghatid sa akin? Bakit yung iba, daddy nila yung kasama nila?” Makabagbag damdaming tanong sa akin ni Sefira. Napatingin tuloy ako sa paligid. Meron nga akong nakitang lalaki sa tapat namin, na sa tingin ko ay lagpag treinta na ang edad. Nakaluhod rin s’ya kagaya ko, pero ang anak n’yang babae ay masiglang-masiglang kinakausap ang lalaki. At bago sila naghiwalay mag-ama, hinalikan pa ng bata ang tatay n’ya sa pisngi, sabay nagpaalam bago s’ya pumasok sa gate. 

Bilang single mom, masakit din sa akin ang nakita ko. Hindi ko naisip na sa kamalian kong nagawa, yung anak ko ang mas mahihirap paglaki n’ya. Oo, mahirap ang maging ina. Wala akong maasahang suporta mula sa ex-boyfriend kong tatay ni Sefira. Halos wala akong tulog noon, dahil pinagsasabay ko ang pagiging ina, part-time employee sa school, at pagiging estudyante. Pero kahit minsan, wala akong nakuhang suporta kay George, o simpleng kumusta man lang. 

Hindi ko naisip, na mahirap din para kay Sefira ang mamuhay ng walang kinikilalang tatay. Lagi s’yang nagtatanong sa akin kung nasaan ang tatay n’ya, pero hindi ko masagot ng maayos yung tanong n’ya. Kapag may napapanood s’ya sa internet na buo ang pamilya, naiiyak s’ya. Kahit pahiran ko ng damit ko yung luha n’ya, hindi pa rin s’ya matigil sa pag-iyak kapag nakakakita s’ya ng eksenang mag-ama. Ang sakit pala. Parang hinahati yung puso ko sa napakadating piraso, tapos hindi na mabuo. 

“Kaya ayaw kong pumasok sa school, mama.” Nakayukong saad ni Sefira sa akin. “Kasi makikita ko lang yung mga ibang bata na kasama nila yung daddy nila, tapos ako wala. Saka ngayon lalayo sa’yo.”

“Anak, sorry, ha.”Paghingi ko paumanhin kay Sefira. “Naging mapusok kasi si mama noon. Hindi ako nakinig sa lola mo. Kaya ayan, tinakasan ako ng daddy mo nung sinabi kong may blessing ako sa tummy.” Hindi ko namalayang tumulo na pala yung luha ko, habang nagpapaliwanang ako sa anak ko. Grabe kasing sakit, parang hinahati yung puso ko, tapos tinutusok ng paulit-ulit kapag nagtatanong si Sefira ng ganun.

“Huwag ka nang umiyak, mama. Di ba sabi nga ng lola, ang taong umiiyak, naku, pangit ang mukha.” Aba, nakuha pang mangasar nitong si Sef, ha.

“So, pangit ako?” Pabirong tanong ko kay Sefira. “Pangit si mama?”

“Ay, wala po akong sinabi, mama. Ikaw nagsabi n’yan.”

“Hay, ikaw talaga. Sige na, pumasok ka na sa loob. Baka mamaya ma-late ka pa n’yan.”

Niyakap ako nang mahigpit ni Sefira bago s’ya tuluyang pumasok sa paaralan. Grabe, parang nadudurog naman yung puso ko nito. Kailan lang, hawak-hawak ko pa yan ng isang kamay ko, hinehele at pinaiinom ng gatas sa baby bottle. Ngayon, papasok na s’ya sa eskwela. Sana lang ay gabayan s’ya ng teacher n’ya. Ngayon lang din kami magkakahiwalay ng anak ko, at bilang ina, excited rin ako sa kwento ng anak ko paguwi. Well, tignan natin, kung gaano s’ya nag-enjoy.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status