Share

Chapter 4

Sandra's POV

MAKALIPAS ang ilang araw at nang tuluyan kong makumpirma na ang lalaking iyon nga ang ama ng aking anak. Kasama si nanay, naglakas loob akong sabihin ang bagay na ito kay tatay.

"Sigurado ka ba diyan sa sinasabi mo? Baka naman bangag ka na naman, Sandra?" natatawa-tawa pang wika ni tatay sa akin.

Kasalukuyan kaming nakaupo ngayon sa sofa at tinitingnan ang litrato ni Lucas na ngayon ay naka-flash sa screen ng laptop na nakapatong sa lamesa.

"Tay, sigurado po ako. Hindi ako pwedeng magkamali sa mukha ng lalaking 'yon," pagklaro ko sa kanya.

"E, 'di kung gano'n, puntahan na natin 'yan at singilin. Bilyonaryo pala ang tatay ng batang 'yan, e," natutuwang wika ni tatay saka tumayo.

Mabilis kong hinawakan ang kanyang braso saka siya pinigilan.

"Tay, naman," wika ko sa kanya.

"Oh, bakit? Hindi ba dapat lang singilin natin siya sa danyos na ginawa niya? 'Yan, oh! Nag-iisang tagapagmana pa 'yang bata na nasa tiyan mo."

May halong inis ang tinig ni tatay. Hindi ko naman siya masisisi dahil may parte sa kanyang sinasabi na tama. Ngunit paano kami magsisimula sa paglapit sa lalaking 'yon?

"Hindi naman kasi ganoon kadali 'yon, Mathew," pagsingit ni nanay sa usapan habang umaayos ng upo at umuubo.

"Sige! Ano na namang plano nyo mag-ina?" iritable na namang wika ni tatay, saka inis na umupo sa sofa. Hindi kami nakatugon sa kanyang tanong at sabay kaming napayuko ni nanay. "Oh, 'di ba wala?" dugtong niya sa sinabi. "Ewan ko sa inyo, bahala nga kayo." Sa pagkakataong ito, muli siyang tumayo at padabog na lumakad palayo sa aming kinaroroonan.

Narinig ko naman ang pag-ubo ni nanay, dahilan upang mapatingin ako sa kanya. Hinawakan niya ang aking balikat at hinimas ito.

"Hayaan mo na 'yang tatay mo. 'Wag mo siyang pakinggan, anak. Hindi tayo magpapakababa para sa pera," payo niya sa 'kin.

"Opo, nay," tugon ko. Napakunot ang aking noo nang mapansin na kanina pa ubo nang ubo si nanay, animoy may iniinda ito. "Nay, ayos lang ba kayo? Kanina pa kasi kayo ubo nang ubo."

Mas lumapit pa ako kay nanay upang hagurin ang kanyang likod. Hindi ko na kasi gusto ang tunog ng kanyang ubo kaya nababahala na ako.

"Wala ito, anak," aniya saka marahang tumayo at nagpaalam na kukuha lang ng tubig.

Sinundan ko siya ng tingin at habang siya ay naglalakad, patuloy pa rin ang kanyang pag-ubo. Maya-maya lang, nanlaki ang aking mga mata nang makita ang pagtumba sa sahig ni nanay.

"Nay!"

Malakas akong napasigaw. Agad akong tumayo at kinumusta si nanay, ngunit wala na itong malay.

"Nay! Gumising ka!" sunod-sunod kong sigaw, dahilan upang marinig ako ni tatay.

"Anong nangyari?" nag-aalalang wika ni tatay.

"Si nanay, bigla na lang siyang bumagsak."

Sunod-sunod ang pagpatak ng aking luha nang makita ko ang namumutlang mukha ni nanay. Agad naman siyang binuhat ni tatay at tumawag kami ng taxi upang madala siya sa ospital.

***

Nakaupo ako sa tabi ng hospital bed kung saan naroon si nanay. Hawak ko ang kanyang kamay habang napapatanong sa sarili kung ano ba talaga ang nangyari?

Marahil ay hindi lang sinasabi sa 'kin ni nanay, ngunit ang totoo ay siya ang nahihirapan sa sitwasyon ko ngayon, na dahil anak niya ako, siya ang mas nasasaktan.

Maya-maya lang, sabay kaming napalingon ni tatay nang pumasok sa loob ng ward ang doktor at lumapit sa amin.

"Mr. Montes?" pagtawag ng doktor kay tatay.

"Doc, ano po ang lagay ng asawa ko?" nag-aalalang tanong ni tatay.

"Nais ko pong sabihin sa inyo na may tubig sa baga ang inyong asawa. Kailangan nating tanggalin ang tubig na iyon sa lalong madaling panahon."

Tila gumuho ang aking mundo nang marinig ang bagay na sinabi ng doktor. Hindi ko akalain na may ganitong sakit na pala si nanay. Madalas na lang niya kaming asikasuhin ngunit wala man lang nagtatanong sa kanya kung maayos ba siya.

Nagsimulang gumapang ang luha sa aking pisngi. Mariing napasuklay naman ng buhok si tatay dahil sa kalituhan na nararamdaman.

"Sige po, Doc. Gawin nyo ang dapat," wika ni tatay sa doktor bilang pagpayag na lagyan ng tubo si nanay upang makuha ang tubig sa kanyang baga.

Ngunit hindi namin akalain na hindi sasapat ang pera namin sa pagpapagamot kay nanay. Maraming tubig ang naipon sa kanyang baga kaya ilang session pa ang gagawin bago ito tuluyang ma-drain. Hindi naman din ako regular sa trabaho at no work no pay ang aking estado, dahilan upang hindi maging ganoon kalaki ang sinasahod ko.

Sinubukan namin ni tatay na humiram ng pera sa mga kakilala, ngunit sadyang mailap ang mga ito at maging sila ay wala rin daw maiaabot. Nakalulungkot lang isipin na noong fiancé ko pa si Mico, marami kaming kamag-anak na madalas lumapit sa amin upang mangumusta, ngunit ngayon, wala kaming malapitan.

***

"Nay, 'wag po muna kayong gumalaw," pag-alalay ko kay nanay habang siya ay umuupo sa kama.

"Ilang araw na rin akong nakaupo, anak. Ilang litro na ba ng tubig itong nilalabas ng tubo rito sa tagiliran ko?" pagturo ni nanay sa kanyang gilid na may tubong nakatusok sa kanyang balat. Ito kasi ang nagsisilbing daluyan ng tubig mula sa kanyang baga.

"Kaunting tiis na lang, nay. Gagaling na kayo."

"Naku... sana nga, anak."

"Oh. Bumili ako ng pagkain, kumain na muna kayo," wika ni tatay na ngayon ay kadarating lang sa loob ng silid. Umupo siya at pinatong ang dalang lugaw sa maliit na lamesa ng ospital, saka nito sinubuan si nanay.

Napangiti naman ako dahil sa mga bagay na inaakto ni tatay. Ang totoo, hindi naman talaga masama ang kanyang ugali. Madalas lang talagang mainit ang kanyang ulo kaya siya ganito, ngunit alam ko na isa siyang mapagmahal na ama. Kahit minsan na niya akong nasampal, naiiintindihan ko iyon dahil dala iyon ng galit.

Nakatutuwa na makitang inaalagaan niya si nanay at nakikita kong mahal na mahal niya ito.

"Tama na, ha? 'Wag ka nang masiyadong gumalaw at baka lalo ka pang mapaano d'yan," paalala ni tatay kay nanay.

Tumango naman si nanay at ngumiti nang kaunti. Alam kong ramdam ni nanay ang pag-aalala ni tatay at alam kong sa loob niya ay labis ang tuwa na kanyang nararamdaman.

"Siya nga pala, saan tayo kukuha ng pangbayad sa ospital na to? Sana ay doon nyo na lang ako sa pampublikong ospital dinala," nag-aalalang wika ni nanay.

"Ito kasi ang pinakamalapit na ospital sa 'tin, nay. Saka may naipon naman kami ni tatay kaya 'wag ka nang mag-alala pa," nakangiti kong tugon sa kanya, saka hinimas ang kamay.

"Gano'n ba? Pero mukhang mamahalin kasi rito," aniya.

Umiling na lang ako at ngumiti.

"Hindi po, nay. Kaya naman natin eh."

Lingid sa kaalaman ni nanay, halos naubos na rin ang ipon namin at kakaunti na lang ang natitira. Hindi na namin alam kung saan pa kukunin ang panggastos sa mga susunod na araw. Ngunit hindi ko naman ito maaaring sabihin kay nanay, dahil alam kong labis lang siyang mag-aalala.

Makalipas ang ilang oras ng kuwentuhan, nakatulog na rin si nanay at nagpahinga.

Aksidenteng tumama ang tingin ko kay tatay na ngayon ay nakatingin din pala sa akin.

"Mag-usap tayo sa labas," wika niya.

Sabay kaming tumayo nang masiguradong mahimbing ang tulog ni nanay, saka kami lumabas ng ward kung saan kami naroroon.

***

"Nakausap mo ba ang mga tita mo? Ang mga kaibigan mo? Si Mico? Hindi ba siya makakatulong sa 'tin?" sunod-sunod na tanong ni tatay.

Kasalukuyan kaming nakatayo ngayon sa labas habang nakasandal ang likod ni tatay sa pader at nakahalukipkip.

Umiling ako at yumuko.

"Wala talaga, tay. Hindi ko rin makausap si Mico at iniiwasan pa rin niya ako."

Sabay kaming napabuntonghininga dahil sa kawalan ng pag-asa, hanggang sa maya-maya lang, tila lumiwanag ang mukha ni tatay saka diretsong tumingin sa 'kin.

"Kung sabihin mo kaya roon sa tatay ng anak mo ang sitwasyon natin?" suhesyon niya.

Nanlaki ang aking mga mata dahil sa kanyang sinabi. Tila bumilis ang tibok ng aking puso dahil iisipin ko palang, kinakabahan na ako.

"Tay, naman. Akala ko ba?–"

"Sandra, hanggang ngayon ba magmamatigas ka pa rin? Alam mo kung ano ang solusyon sa problema natin ngayon, hind ba?" pagputol niya sa aking sasabihin.

Natahimik ako sa mga bagay na iyon. Alam ko sa sarili na kahit paano ay tama si tatay, ngunit saan naman ako kukuha ng lakas ng loob para gawin 'yon? Ipapahiya ko na naman ba ang sarili ko sa harap ng maraming tao?

"Ikaw ang bahala. Basta alalahanin mo, kapag wala na tayong pera, pwedeng itigil na rin ang ginagawang paggagamot ng mga doktor sa nanay mo, mas mahirap 'yon," pagbabanta niya sa 'kin. "Diyan ka na nga."

Nagsimulang lumakad si tatay palayo sa aking kinaroroonan, saka ito pumasok sa loob ng ospital. Naiwan naman akong mag-isa habang magulo ang pag-iisip.

Huminga na lang ako nang malalim saka tumingin sa madilim na kalangitan. Mabilis kong pinahid ang luha na gumapang sa aking pisngi.

'Diyos ko, ano ba ang dapat kong gawin?'

***

Kinabukasan, maaga akong nag-ayos at umalis sa ospital. Hindi ako nagpaalam kay nanay dahil alam kong magagalit siya sa bagay na gagawin ko.

Agad akong nagtungo sa kompanya ni Lucas Montenegro. Kapal ng mukha at matinding pangangailangan na lang talaga ang pinanghahawakan ko.

Sa pagdating ko sa gusali, agad akong pumasok sa loob at lumapit sa counter kung saan naroon ang mga receptionist.

"Excuse me, nandiyan ba si Sir Lucas?" tanong ko sa receptionist na nandoon.

"May appointment po ba sila, ma'am?"

"W-Wala po," pilit ang ngiti kong tugon.

"I'm sorry, ma'am. Pinahigpit na po kasi ang security kay Sir Lucas. Pero as of the moment, wala pa po siya sa building," sunod-sunod na paliwanag ng receptionist.

"Ganoon ba?"

Bumaba ang aking ulo at nakaramdam ng lungkot. Tila nawalan ako ng pag-asa na makakausap ko pa ang lalaking iyon. Sayang naman.

Maya-maya lang, nagsimulang magkagulo ang mga empleyado sa paligid. Ang mga taong nakatambay kanina sa lobby ay nagsipagtayo at tila bumalik sa kanilang station. Napansin ko naman ang isang itim na sasakyang paparating.

"Si Sir Lucas," bulong ng dalawang receptionist saka natatarantang nag-ayos ng mga gamit na nasa harapan.

Napalingon ako sa kanila at muling bumalik ng tingin sa sasakyan na tumigil. Maya-maya lang, binuksan ng isang lalaking nakaitim na may malaking katawan ang pinto ng kotse. Dahan-dahang lumabas mula rito ang lalaking hinihintay ko.

"Lucas Montenegro," bulong ko sa hangin nang masilayan ang kanyang mukha.

Nagsimulang bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa kaba. Mariin kong hinawakan ang dala kong folder at mariing napalunok.

'Wala nang atrasan to, Sandy. Kailangan ako ni nanay. Kailangan kong sumugal ngayon kahit walang katiyakan.'

Isang buntonghininga ang aking ginawa, saka pilit na tinatagan ang loob.

Sinimulan kong ihakbang ang aking mga paa patungo sa kanyang kinaroroonan. Ngunit papalapit palang ako, agad nang humarang ang mga body guard niya.

"Ms. Sino ka? Anong kailangan mo?" saad ng isa niyang body guard na may malaking tinig.

Diretso akong tumingin kay Lucas na ngayon ay abalang nakatingin sa kanyang cellphone.

"Lucas Montenegro, pwede ba kitang makausap?" malakas kong wika dahilan upang makuha ko ang kanyang atensyon.

Tumaas ang kanyang ulo at tumingin sa aking direksyon na may nakakunot na noo...

Comments (2)
goodnovel comment avatar
RL Gervacio
Tatanggapin kaya ni lucas n anak nya ung dinadala ni sandy
goodnovel comment avatar
Dhem J Cher
ganda more update pls im too eager to know what will Lucas reaction once he will know that he have a child concieved before his accident
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status