Share

KABANATA 8

Buong araw na nanatili si Natalie kina Nilly. Nang sumapit ang gabi ay saka niya naisipang umalis. May part-time job kasi siya ngayong gabi.

Simula tumuntong siya sa edad na labingwalo, hindi na siya binibigyan ni Janet ng pera. Kaya naman napilitan siyang suportahan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng mga part-time jobs at scholarships. At nagawa niya lang na galawin ang perang binigay sa kaniya ni Mateo para lang may maipambayad siya sa pagpapagamot ni Justin. Kung hindi lang talaga kailangan, hindi niya iyon gagastusin.

Sa Michelle’s ang part-time ni Natalie ngayon. Kilala ang Michelle’s bilang isang luxury club para sa mga mayayamang negosyante sa San Jose. Nagtatrabaho siya rito bilang massage therapist at acupuncturist.

Talagang pinag-aralan niya ang trabahong ito dahil malaki at mabilis din ang kitaan niya rito. Dahil sa abala siya sa kaniyang internship, kaya siya nag-apply bilang temporary employee lang. Binabayaran siya ng kaniyang mga kliyente sa oras na ginugugol niya sa kanila. Hindi iyon kasing laki ng sahod ng mga regular na empleyado ng club pero sapat na iyon pangtustos sa mga gastusin niya.

Sa kabila ng mga mangilan-ngilang kliyente niyang hayok sa laman, nagawa niyang panatilihing malinis ang kaniyang katawan.

Matapos niyang mag-log in, nagpalit na si Natalie. Kakatapos niya lang isuot ang kaniyang uniporme nang tawagin siya ng kaniyang client coordinator. “Natnat, may kliyente ka na!”

“Opo. Papunta na!” sagot niya at saka nagmamadaling kinuha ang kaniyang mga gamit. Nagtungo siya sa isang kwarto.

Nang matapos niya ang session na ‘yon, hinatid niya ang kliyente niya palabas suot ang kaniyang malawak na ngiti. “Ingat po kayo, sir! Sure po akong magiging masarap ang tulog niyo mamayang gabi.”

Sa kabilang banda ng pasilyo, lumabas sa elevator si Mateo kasunod ni Isaac. Patungo sila sa direksyon kung nasaan si Natalie nang biglang mapatigil si Mateo sa kaniyang paglalakad. Napakunot ang kaniyang noo sa natanaw.

Nagtaka naman si Isaac sa kaniya. “Bakit, Mateo?”

“Isaac, sino ‘yon?”

Nakatitig siya kay Natalie na nakikipagngitian sa isang lalaking nakasuot ng itim na suit.

Tama pala si Isaac. Kaya hindi nila mahanap si Natalie buong araw ay dahil wala nga ito sa San Jose.

Hindi napansin ni Natalie sina Mateo. Nang makabalik siya sa preparation room ay may inabot na sobre ang kaniyang client coordinator sa kaniya. “Maraming salamat sa serbisyo mo, Natalie.”

“Walang anuman po,” nakangiting sagot ni Natalie. Hindi siya kailanman nahirapan sa paghahanap ng pera. Ang kinakatakot niya ay kapag nawalan na siya ng pag-asa sa buhay.

Nang makapaghanda na si Natalie ay muli siyang nagtungo sa isang kwarto. Kumatok siya sa pinto.

“Come in,” ani ng baritonong boses mula sa loob ng kwarto.

Binuksan ni Natalie ang pinto at saka ipinakilala ang kaniyang sarili. “Hello po. Ako po si Natalie, ang inyong massage therapist at acupuncturist ngayong gabi–”

Ngunit nanigas siya bago niya pa matapos ang sasabihin.

Ang lalaking prenteng nakaupo sa sofa ay walang iba kundi si Mateo Garcia.

Parang lalabas ang puso ni Natalie sa mga sandaling iyon.

Kung minamalas nga naman siya!

Kay lamig ng titig na ipinukol ng lalaki sa kaniya. Inismiran pa siya nito. “Bakit ka tumigil sa pagsasalita? Ituloy mo.”

Napaatras si Natalie. Gusto niyang tumakas mula sa lalaki.

Ngunit bago niya pa magawa iyon, mabilis na nakarating si Mateo sa harapan niya. Hinablot nito ang kaniyang kamay. “Tatakbo ka?”

“Ah!” napahiyaw si Natalie dahil sa sakit ng pagkakahawak ng lalaki sa palapulsuhan niya.

Ngunit hindi nagpaawat si Mateo at hinila siyang muli papasok sa loob.

“Masakit, ano ba! Bitiwan mo nga ako!” tarantang bulyaw ni Natalie. “Hindi ko susundin ang kung ano mang iuutos mo!”

Ngunit hindi siya pinansin ni Mateo. Itinulak pa siya nito sa massage table. “Sinong nagsabing pwede kang umalis?”

Na-conscious siya sa kaniyang pwesto ngayon. Sumabay rin ang guilt niya sa ginawa niya sa lalaki.

“Huwag mo akong tingnan nang ganiyan!” sigaw ni Mateo. “Tatanungin kita ulit… bakit hindi mo ako sinipot kanina para pirmahan ang annulment papers?”

“Ayoko.”

Sa kabila ng galit na nararamdaman ni Mateo para sa kaniya ay mas nangingibabaw pa rin ang galit na nadarama niya sa kaniyang pamilya dahil sa ginawa ng mga ito sa kaniya at kay Justin. Hangga’t hindi sila opisyal na hiwalay ni Mateo, magiging habang buhay na kabit si Irene sa paningin ng mga tao. At hindi kailanman magkakaroon ng katahimikan ang pamilya niya.

“Walang annulment na magaganap.”

Napatda si Mateo sa harapang pagtanggi nito. Napagtanto niyang wala na siyang magagawa para mabago ang desisyon ng babae.

Sinong nagbigay ng karapatan sa babaeng ‘to para iparamdam sa kaniya na wala siyang kontrol sa sitwasyon?

Nanggagalaiti siya.

Nang bigla ay namutawi ang isang nang-iinsultong ngiti sa labi ni Mateo. “Natalie, ang sabi ko, sa oras na makita kita, sisiguraduhin kong magsisisi ka sa ginawa mo. Maniwala ka sa ‘kin kapag sinabi kong napakaraming paraan ang naiisip ko ngayon para lang pagbayarin ka sa ginawa mong pangtatarantado mo sa ‘kin!”

Matapos niyang pagbantaan ang babae ay binitawan niya na ito at saka itinulak. “Labas!”

Nanginginig na lumabas si Natalie ng kwarto.

Pinanood ni Mateo ang pagkakandarapa ni Natalie na makalabas ng kwarto. Napakadilim ng mukha niya sa mga sandaling ‘yon. “Isaac, may gusto akong ipagawa sa ‘yo.”

Nagmamadaling makabalik sa prep room si Natalie. Grabe pa rin ang kabog ng dibdib niya.

Nakatakas na ba talaga siya?

Pinakawalan na ba talaga siya ni Mateo?

Maya-maya pa ay dumating ang client coordinator. “Natnat, gusto ka raw makausap ni manager.”

Parang saglit na tumigil ang pag-ikot ng mundo ni Natalie. “Sinabi niya ba kung tungkol saan?”

Umiling ang client coordinator. “Hindi eh.”

Kakaibang kaba ang naramdaman ni Natalie habang papasok sa opisina ng kaniyang manager. “Manager, pinapatawag niyo raw po ako?”

Tiningnan siya ng manager saka ito bumuntong hininga. “Natnat, huling shift mo na rito ngayong gabi. Hindi ka na namin kakailanganin pa. ‘Yong sahod at benefits mo ay ide-deposit na lang ng HR sa account mo sa loob ng isang araw.”

Nabura ang ngiti sa mukha ni Natalie. “May nagawa po ba akong mali, manager? Kung may nagawa man po ako, bigyan niyo po ako ng isa pang pagkakataon. Pinapangako ko pong hindi ko na ‘yon uulitin.”

“Hindi.” Iwinagayway ng manager ang kamay niya, ipinaparating na hindi iyon dahil doon. Pero hindi na ito nagpaliwanag pa sa babae.

Hindi na bago ang mapagsamantalahan ang mga empleyado nila dahil sa kanilang trabaho. Ginagawan naman ‘yon ng paraan ng manager ng club. Pero hindi lagi ay masosolus'yonan niya ang sitwasyon. Lalo na kung isang napakalaki at napakamakapangyarihang tao ang pinag-uusapan.

Naaawa siya kay Natalie dahil napakagaling nitong empleyado.

“Si Mr. Garcia ang isa sa mga naging kliyente mo ngayong gabi, hindi ba? Hindi ba siya nasiyahan sa serbisyo mo?”

Parang nalaglag ang puso ni Natalie nang tumama ang hinala niya.

Si Mateo pala talaga ang may pakana ng lahat.

“Ganito talaga ang mundo, hija. Kayang gawin ng mga mayayamang tao ang gusto nilang mangyari gamit ang yaman nila. ‘Yon lang ang masasabi ko.”

Wala nang nagawa pa si Natalie kundi umalis.

Hindi matanggap ni Natalie ang nangyari. Kapag umalis siya ngayon, mahihirapan siyang maghanap ng part-time na sasakto sa schedule niya. At isa pa, rito siya magaling.

Kaya naman naghintay siya sa labas ng club.

Namamanhid na ang kaniyang paa dahil sa dalawang oras na pagtayo.

Sa wakas ay lumabas na si Mateo.

“Mateo!” Mabilis na lumapit si Natalie sa lalaki. Ngunit agad na humarang si Isaac sa kaniya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status