Share

KABANATA 9

“Huwag kang humarang, Isaac,” utos ni Mateo sa assistant saka binalingan si Natalie. “Anong kailangan mo?”

“Pinatanggal mo ba ako sa trabaho?”

“Oo.” Binawi niya ang tingin sa babae at hinarap muli si Isaac. “Nasagot ko na ang tanong niya. Tara na.”

“Opo, sir.”

“Sandali!” Patakbong humarang si Natalie sa harapan ni Mateo. “Nagkamali ako.” Kinagat niya ang kaniyang labi at sinserong tumingin sa lalaki.

Alam niyang mali talaga siya. Gusto niyang gamitin ang pagiging kasal niya kay Mateo para makapaghiganti sa kaniyang pamilya. Pero nakalimutan niyang hindi niya kayang banggain ang isang Mateo Garcia. Iyon ang pagkakamali niya.

“Nagmamakaawa ako sa ‘yo! Bawiin mo ang sinabi mo sa kanila. Napakahalaga ng trabahong ‘to para sa ‘kin.”

Sa kaniyang taon sa medical school ay nag-iintern pa rin siya. At bilang isang intern doctor, hindi siya sumasahod. Kaya naman umaasa siya sa part-time job niya para maitawid ang araw-araw.

Namuo ang luha sa mga mata ni Natalie. “Hindi dapat ako lumihis sa napagkasunduan. Pipirmahan ko na ang annulment papers. Pero pakiusap–”

Pero bago pa makatapos si Natalie, naramdaman niya pagpisil ni Mateo sa kaniyang panga. “Sa tingin mo ba ay dadating at aalis ka lang kung kailan mo gusto?”

Umabot na sa sukdulan ang galit ni Mateo. “Ang kapal talaga ng mukha mong galitin ako nang galitin! Gusto mo na bang mamatay?!” sigaw niya saka pabalyang binitawan ang babae. “Umalis ka sa harapan ko! Hindi ko gustong makita ‘yang pagmumukha mo!”

Ngunit muli siyang pinigilan ni Natalie. “Mateo!”

Nagsalubong ang kilay ni Mateo. “Hindi ka ba nakakaintindi?! Alis sabi!”

“K-Kasalan ko. Hindi ko dapat…” Pulang-pula na ang mga mata ni Natalie nang tingalain niya si Mateo. “Pakawalan mo na ako. Mahihirapan akong mabuhay. Kailangan ko talaga ang trabahong ‘to.”

Ngunit walang emosyon na dumaan sa mukha ni Mateo, ni katiting na awa para sa babae. “Ano bang pinagsasabi mo?”

Paanong mahihirapan siyang mabuhay?

Sino bang nag-withdraw ng dalawangdaang libo sa card niya?

Para sa isang taong nagtatrabaho sa Michelle’s, may dalawang rason lang siyang naiisip para roon. Isa ay para sa malaking sahod dito. At pangalawa ay dahil pwede itong maging daan para makahanap ng mayamang lalaki na magiging sugar daddy niya.

Hindi na ito bago sa kaniya.

At malinaw naman na katulad ng pangalawa si Natalie.

Iyong laceration niya nga noon ay maaaring dahil sa isa sa mga kliyente niya.

“Kuha ko na. Tinanggalan kita ng paraan para makapanglandi ng mga mayayamang kliyente. Tama ako, ‘di ba?”

Nanlaki ang mga mata ni Natalie sa akusasyon ng asawa. “A-Ano? Hindi–”

“Syempre tama ako! At dahil hindi ako masaya ngayon, hindi rin kita hahayaang maging masaya sa buhay mo! Tara na, Isaac.”

Tuluyan nang nakaalis sina Mateo.

Pinilit na pigilan ni Natalie ang pagtulo ng luha niya. Walang magagawa ang luha niya ngayon dahil hindi na nito mababago ang lahat.

Sa loob ng Bentley Mulsanne…

Hindi pa rin humuhupa ang galit ni Mateo nang biglang mag-ring ang kaniyang cellphone.

“Mr. Garcia, sagutin mo ang tawag ko! Hahayaan mo na lang bang magkaganito si Irene? Ang kawawang Irene ko…” Si Janet ang nasa kabilang linya.

Agad naman na nagbago ang ekspresyon ni Mateo. “Bakit? Anong nangyari sa kaniya?”

May hinala na siya dahil tinawagan niya ito kanina at sinabing hindi natuloy ang annulment nila ni Natalie.

“Ayaw niya akong kausapin,” iyak ni Janet. “Hindi siya kumain o kahit uminom man lang ngayong araw. Nagkulong lang siya sa kwarto niya at umiyak buong araw!”

Natigilan naman si Mateo. “Papunta na ako.”

Ngunit nang makarating si Mateo sa bahay ng mga Natividad ay hinarang siya ni Janet sa may pintuan. Bakas pa rin ang luha sa pisngi nito. “Mr. Garcia, alam po namin kung gaano kayo makapangyarihang tao. Hindi po namin kayo kayang banggain. Pero pwede bang umalis na muna kayo? Sa tingin ko ay hindi ka pa gustong makaharap ng anak ko.”

Nairita si Mateo sa pakiusap ng matanda. Napakagulo kasi nitong kausap. Kung hindi lang ito ang ina ng babaeng mahalaga sa kaniya ay nungkang pagpapasensyahan niya ito.

“Problema po namin ‘to ni Irene. Hayaan niyong kaming dalawa ang mag-usap at umayos.”

“Ang sabi mo ay papakasalan mo ang anak ko pagkatapos ng annulment niyo ng asawa mo. Kaya naman matiyagang naghintay ang anak ko na mangyari ‘yon. Nangako ka sa kaniya na ngayong araw, opisyal na kayong maghihiwalay ng asawa mo, pero pinaasa mo lang ang anak ko!” Tumulo ang luha ni Janet. “Pakiusap, Mr. Garcia, huwag niyo nang saktan ang anak ko.”

Agad naman na nakonsensya si Mateo nang makita ang itsura ng matanda.

“Pabayaan niyo na si Irene,” muling sabi ni Janet.

“Ma…” Biglang sumulpot si Irene sa likuran ng ina. Basang-basa ng luha ang mukha nito habang nakatingin kay Mateo. “Mateo!” Tumakbo si Irene at inihagis ang kaniyang katawan kay Mateo.

Agad naman siyang sinalo ng lalaki. Mahigpit siyang niyakap ng babae.

“Irene…”

Tumingala naman si Irene kay Mateo. Magang-maga ang mga mata nito. “Dumating ka pa rin. I-Ibig sabihin ba nito, nag-aalala ka pa rin para sa ‘kin?”

Tumango si Mateo. “Oo naman. Pasensya ka na. Hindi ko kasi alam na magbabago ang isip niya no’ng mga huling sandali.”

“Naniniwala ako sa ‘yo.”

“Irene!”

“Ma!” may pagmamakaawa sa boses ni Irene.

“Maniwala naman kayo kay Mateo, ma. Inisahan siya ng napangasawa niya. Hindi naman niya kasi talaga mahal ‘yong babaeng ‘yon eh!” tanggol niya kay Mateo. “Bilang girlfriend niya, dapat nasa tabi niya ako para suportahan siya.”

“Ikaw na bata ka… Bahala ka na nga sa buhay mo!” kunsuming ani Janet bago pumasok sa loob.

“Mateo… pangako ko sayo na lagi kitang hihintayin,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Irene.

“Patawarin mo ako kung nasaktan kita. Hindi ba gusto mong mapasali sa movie na gagawin ni Direk Jed Santos? Ako na ang bahala ro’n. Ipapalakad ko kay Isaac ang lahat.”

Agad na nagliwanag ang mukha ni Irene. “Maraming salamat, Mateo!”

Gumaan ang pakiramdam ni Mateo nang makita ang ngiti sa mukha ng babae.

“Huwag kang magpasalamat. Pambawi ko ‘yon sa pagpapaasa ko sa ‘yo. May dalawang high-end brand deals ding paparating para sa ‘yo. Sasabihan ko silang i-contact ka kapag okay na ang lahat.”

Hindi na napigilan ni Irene na mapayakap sa lalaki sa sobrang tuwa. “Bakit napakabuti mo sa ‘kin, Mateo?”

Humiwalay si Mateo sa yakap para punasan ang luha sa pisngi ni Irene. “Ano ka ba? Syempre, ikaw ang mahal ko. Dapat lang na i-spoil kita sa lahat ng gusto mo.”

Muli niyang hinila at niyakap ang kaawa-awang babae. Nakangiti ito pero magang-maga ang mata mula sa pag-iyak.

Hindi niya tuloy maiwasang maalala si Natalie. Kasalanan niya lahat nang ‘to. Kung hindi dahil sa kaniya, hindi sana umiyak si Irene ngayon.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status