Share

KABANATA 7

Dahil sa lakas ng kutob niya, naglakad pabalik si Natalie. Nang makalapit siya ay agad niyang natanaw si Irene na nakabihis ng magarang bestida at heels. May kolorete rin sa mukha nito. Kakalabas lang nito ng mansyon.

Bumukas ang pinto ng sasakyan. At mula roon ay lumabas si Mateo na may hawak-hawak na pumpon ng bulaklak.

Kulay pulang mga rosas ang mga ito— simbolo ng pag-ibig.

“Ang ganda,” nakangiting ani Irene matapos niyang tanggapin ang bouquet. Ipinulupot niya ang kaniyang braso sa braso ng binata.

Inalalayan naman siya ni Mateo pababa. Pinagbuksan niya pa ito ng pinto at saka inalalayang makapasok sa loob ng sasakyan. Matapos ay sumakay na rin si Mateo at pinaharurot ang sasakyan palayo.

Nang malapit nang dumaan sa harapan ni Natalie ang sasakyan ay agad siyang tumalikod para itago ang kaniyang mukha. Mabilis na kumabog ang kaniyang dibdib.

Kaya pala pinagbihis si Irene ng kaniyang ina kanina dahil may importanteng lakad ito. At iyon ay ang pakikipag-date kay Mateo Garcia.

Naalala niya ang binanggit ni Mateo na may babae na itong dapat pakasalan. Akala niya ay nagsisinungaling ito. Ngunit totoo pala. At ang malala pa, si Irene iyon.

Paniguradong nag-uumapaw sa saya si Irene at ang ina at ama nito dahil nakabingwit siya ng napakalaking tao na katulad ni Mateo. Siguro ay pati sa panaginip ay nagdiriwang ang mga ito.

Ngunit mayroong alam si Natalie na hindi nila alam.

Biyaya ba ‘to ng Diyos sa pamilya ni Irene?

Napakuyom ng kamao si Natalie.

Bakit mamumuhay ang mga ito sa karangyaan habang sila ng nakababata niyang kapatid na si Justin ay nagdudusa sa hirap?

Hindi siya makakapayag. Sisiguraduhin niyang hindi matutuloy ang masaya at marangyang pamumuhay na inaasam ng mga ito matapos nilang mabingwit si Mateo.

**

“Umaayon ang mundo sa kagustuhan ko. Nakapag-file na ako ng annulment para sa kasal namin ng napangasawa ko. Ginagawa ko ang lahat para mapabilis ang proseso. Ang sabi ng abogado ko ay ma-aaprubahan na iyon sa loob ng dalawang linggo,” ani Mateo matapos niyang lagyan ng red wine ang wineglass ni Irene.

Kasalukuyan silang nasa isang magarbong restaurant. Pinareserba pa ni Mateo ang buong establisyemento para sa kanilang dalawa ni Irene.

Napaangat ng tingin si Irene sa sinabi ni Mateo. Kaagad na nagliwanag ang kaniyang mga mata. Namula ang mga ito dahil sa namuong luha.

Napakunot ang noo ni Mateo sa reaksyon ng babae. “Bakit ka umiiyak? Hindi ka ba masaya?”

“Hindi ‘yon…” Mabilis na umiling si Irene. Pinipigilan niya ang pagtulo ng kaniyang luha. “Sobrang saya ko nga eh,” dugtong niya saka inabot ang kamay ng lalaki. “Sayaw tayo? Dapat nating ipagdiwang ang balitang ‘yan.”

“Alright.” Hindi magagawang tanggihan Mateo ang hinihiling ng babaeng mahal niya. Kaya naman tumayo siya at inabot ang kamay niya sa babae.

Nagtungo ang dalawa sa dance floor. Ipinalibot ni Mateo ang kaniyang kamay sa baywang ni Irene. Habang si Irene naman ay ipinalibot ang kaniyang kamay sa batok ni Mateo.

Tiningala niya ang lalaki at saka nagsalita. “Mateo, kapag ba annulled ka na, pwede na tayong magpakasal?”

Bahagyang nagsalubong ang kilay ni Mateo. Hindi niya nagawang makasagot agad. Kung sakali man na matagumpay na ma-annul ang kasal nila ni Natalie sa loob ng dalawang linggo, kinakailangan pa rin nilang hintayin na tuluyang gumaling ang lolo niya. At sa tingin niya ay hindi iyon agad na mangyayari.

Nang makita ang pagdadalawang isip ni Mateo, agad na dinugtungan ni Irene ang kaniyang tanong. “Hindi naman sa pinagmamadali kita, Mateo. Ang sabi lang kasi ni mama, masyadong madaming kailangang ihanda para sa kasal. Mahabang preparasyon ‘yon kung sakali.”

Lumipas ang ilang sandali bago nakasagot si Mateo para panatagin ang loob ni Irene. “Huwag kang mag-alala. Sabihin mo sa mama mo, siya na ang bahala sa preparasyon. Kung may kailangan man siya, huwag siyang mahihiyang magsabi kay Isaac.”

Naniniwala siyang dapat na masunod ang gustong kasal ni Irene.

“Maraming salamat, Mateo,” masayang saad ni Irene. Kumikinang ang mga mata niya, tila ba iniimbitahan si Mateo. Dahan-dahan siyang tumingkayad para pumantay sa mukha ng lalaki. Ipinikit niya ang kaniyang mata at unti-unting inilapit ang mukha kay Mateo. Handa na siya para sa halik na pagsasaluhan nilang dalawa.

Kaagad naman na nakuha ni Mateo ang gustong mangyari ni Irene. Kaya naman ikinulong niya ang mukha ni Irene gamit ang kaniyang mga palad at saka bahagyang tumungo para abutin ang labi ng dalaga.

Ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan, wala siyang naramdamang ni katiting na pananabik o pagnanasa sa babae.

Dahil doon ay biglang niyang naalala iyong gabing may nangyari sa kanilang dalawa. Hindi iyon ganito.

Walang suot na makeup si Irene noong gabing ‘yon. Kahit pabango nga ay hindi ito gumamit. Tanging ang natural na bango ng katawan nito ang kaniyang naamoy. Pero hindi niya makakalimutan kung paano siya nanabik noong mga oras na ‘yon.

Biglang tumigil ang tugtog.

Binawi na ni Mateo ang kaniyang kamay. “Tapos na ‘yong kanta. Kain na tayo bago pa lumamig ‘yong pagkain.”

***

Makalipas ang dalawang linggo…

Hindi na umuwi si Natalie sa kaniyang dorm kagabi dahil kina Nilly siya nakitulog no’n. Bumangon na si Nilly pero nanatiling nakahiga si Natalie.

Nagtaka naman si Nilly sa kaniya. “Bakit nakahilata ka pa d’yan? Akala ko ba may lakad ka ngayong araw?”

“Hmm…” tamad na sagot ni Natalie. “Pero mauna ka na. Magpapahuli ako saglit.”

“Sige. Naka-24-hour shift ako ngayon eh. Una na ako ah.”

Matapos umalis ni Nilly ay muling humiga si Natalie sa kama. Hindi siya aalis ngayong araw.

Nang sumapit ang alas diyes ay biglang nag-ring ang cellphone niya.

Sa labas ng Civil Affairs Bureau ay naroon si Mateo, nakatayo habang idina-dial ang number ni Natalie. Habang ang isa niyang kamay ay hawak ang isang folder na may laman ng annulment papers nila ni Natalie. May kaakibat din itong pera bilang kabayaran sa babae.

Kahit na wala siyang pakialam sa babae, iniligtas pa rin ng ina nito ang kaniyang lolo. At isa pa, hindi naman malaking kawalan ang halagang ibibigay niya sa babae.

“Nasaan ka na? Na-traffic ka ba?” tanong niya nang sagutin ni Natalie ang tawag.

“Mateo…” Humugot ng malalim na hininga si Natalie. Nagi-guilty siya pero pinal na ang kaniyang desisyon. “Patawarin mo ako… pero ko pa magagawang pirmahan ang annulment papers.”

“Anong sabi mo?” Pakiramdam ni Mateo ay nagha-hallucinate na siya dahil sa kakulangan ng tulog.

Muling inulit ni Natalie ang kaniyang sinabi. “Sabi ko, hindi pa kita hihiwalayan.”

Daqhan-dahan niyang binanggit ang mga katagang ‘yon na tila ba dinidiin niya ang mga ito sa utak ni Mateo.

Nandilim ang mukha ni Mateo. Ngunit nanatiling kalmado at malamig ang kaniyang boses. “Naririnig mo ba ‘yang sarili mo, Natalie? Pumayag ka nang makipag-annul ‘di ba? Pinagloloko mo ba ako? Sinong nagsulsol sa ‘yong gawin ‘to ha?

“Pumunta ka rito ngayon! Kailangan nating ma-annul ngayong araw! Kung hindi, sisiguraduhin kong pagsisisihan mo ang lahat ng ‘to!”

Inaasahan na ni Natalie ang galit ni Mateo. Kahit pa nagtataka siya sa taste ng lalaki pagdating sa babae na katulad ni Irene, isang mapagpanggap at sinungaling na babae, wala siyang karapatang kwest'yonin ‘yon. Pero dahil sa pamilya niya kaya siya nasa ganitong sitwasyon ngayon.

Naging mabait sa kaniya si Mateo. Pero sa ginagawa niya ay pinipigilan niya itong makasama ang kaniyang tunay na minamahal.

“Sorry…”

“Hindi ko kailangan ng sorry mo!” Hindi na nakapagpigil si Mateo. “Pumunta ka na rito, Natalie. Huwag mong hintaying puntahan pa kita at kaladkarin para lang mapapirma ng annulment papers!”

“Pasensya na talaga, Mateo pero hindi mo ako mahahanap ngayon. Hindi ngayong araw.”

Ibinaba na ni Natalie ang tawag at mabilis na pinatay ang kaniyang cellphone. Sa ganoong paraan, hindi siya mahahanap ni Mateo.

At isa pa, hindi nito malalaman kung nasaan siya. Wala siya sa ospital o sa school niya. At higit sa lahat, wala siyang magagawa para ma-track si Natalie. Kaya pumunta siya sa bahay ni Nilly kagabi.

Nang hindi na matawagan ni Mateo si Natalie, agad niyang tinawagan at inutusan si Isaac para i-locate ang babae.

“Hindi ko siya ma-track, Mateo. Naka-off ang cellphone niya,” pag-amin ni Isaac.

“Gawan mo ng paraan.” Namumula na ang mukha niya sa galit. Hindi siya sanay na nawawalan ng kontrol sa mga bagay-bagay.

“Baka naman umalis siya sa San Jose?” tanong niya.

“Posible,” sagot ni Isaac. Ngunit kahit anong gawin niya, hindi niya mahanap ang asawa ng kaniyang amo. “Tumingin na sina Alex at Tomas sa mga ospital at eskwelahan dito sa San Jose, pero wala silang nakita kay Natalie. Hindi na nila alam kung saan pa maghahanap.”

Masyadong malawak ang San Jose. Gamit ang kakarampot na impormasyong hawak nila, para silang naghahanap ng karayom sa tambakan ng dayami.

Mapaklang napatawa si Mateo. “Ang galing mo, Natalie.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status