Share

Chapter 2.2

HINDI NA NAGULAT pa si Rohi sa nalaman niya. Kilalang-kilala niya ang kapatid sa ama mula pagkabata. Basagulero at takaw-gulo talaga ang half-brother niya kahit na noon pang mga bata sila. Worst, ito ang madalas na nagsisimula ng gulo at aastang siya ang biktima ng kaguluhang iyon. Hindi niya masisi ang kapatid, pinalaki rin naman siya sa layaw at ang lahat ng naisin niya ay nakukuha. Bagay na malamang na hanggang sa pagbibinata nito ay dala-dala. Wala naman siyang say doon, ito pa rin ang lihitimong anak. Dala man niya ang apelyido ng ama, hindi maiaalis na siya pa rin ang outsider sa kanilang dalawa.

“Kung ganun ay nasaan siya? Bakit mag-isa ka lang? Huwag mong sabihin na iniwan ka niya matapos mo siyang tulungan?” alanganing tanong ni Rohi nang hindi masasaktan ang kanyang babaeng kaharap. 

“Oo, eh. Kasama ang girlfriend niya. Nag-booked sila ng hotel room malapit doon sa police station.” sagot ni Daviana sa tonong sobrang nasasaktan, hindi niya alam kung bakit ang bilis niyang mapalagay sa binatang kaharap at magbukas dito ng kanyang saloobin. Siguro dahil punong-puno na siya ng sandaling iyon at wala siyang masasabihan. “Sarado na ang gate ng dormitoryo namin kanina noong lumabas ako. Hindi na ako pwedeng bumalik doon dahil kahit umiyak ako sa labas kakatawag ay hindi iyon bubuksan ng caretaker na nakasagutan ko pa kanina para lang palabasin ako. Wala ng available na room sa kanilang hotel. Hindi naman ako pwedeng sumamang matulog sa kanila sa loob ng room. Alam mo na ang ibig kong sabihin doon kung bakit. Kaya heto, nagpunta ako dito at nagbakasakali na may bakante pa.”

“Hindi ba at ikaw ang girlfriend ni Warren?” 

Sa dami ng sinabi ni Daviana ito lang ang naging sagot ni Rohi na puno na ng pagtataka. Alam niya ang tungkol sa usap-usapang arranged marriage ng dalawa noong mga bata pa lang sila kung kaya naman nagtataka siya na may ibang girlfriend pala ang half brother niya at okay lang din iyon dito kay Daviana.

“Hindi ah…” 

Hindi alam ni Daviana kung paano magiging natural ang emosyon sa mukha niya, pero pinilit niyang ngumiti kay Rohi kahit na alam niyang mapapansin nitong peke lang iyon ay ipinagpatuloy niya. Gusto na niyang iiwas ang kanyang mga mata, ngunit mababasa nitong nasasaktan siya kaya hindi na lang. 

“Talaga? Hindi ikaw?” 

Umiwas na ng tingin sa kanya si Daviana. Hindi niya na kayang magsinungaling. Nasasaktan na naman siya sa katotohanan na paniguradong mababasa na ni Rohi oras na makipagtitigan siya sa mga mata nito.

“Hmm…”

Tinitigan na ni Rohi ang mukha ng dalaga habang nag-iisip kung paano niya ito matutulungan sa problema. Nang mapansin naman iyon ni Daviana gamit ang gilid ng mga mata ay pahapyaw niyang nilingon ang binata. Ang una niyang napansin dito ay ang mga mata nitong malalim ang pagiging kulay itim. Mahirap iyong mabasa dahil pakiramdam niya ay nagtatago ang iniisip nito sa kailaliman na walang sinumang makakakita hangga't hindi iyon pinapayagan ng binatang gawin niya.

“Biro-biro lang sa amin iyong arrange marriage.” pangunguna na ni Daviana dahil baka iyon ang sabihin ni Rohi, nahuhulaan niya na eh. “Sa panahon ngayon, hindi na rin iyon uso pa 'yun. Ano ka ba? Joke lang iyon.” 

“Kung ganun, marapat lang na ipaalam mo iyon sa inyong mga magulang. Hindi naman pwede na palaging ikaw na lang ang tatakbuhan niya sa mga ganitong panahon at maglilinis ng kalat niya. Pagkatapos na maresolba ang problema ay hahayaan ka na niya sa gilid. Ano ka pag-aari niya? Siya lang ang dapat na makinabang? Tapos wala naman siyang malasakit kung anong mangyayari sa'yo? Sabi mo nga may girlfriend siya, bakit hindi iyon ang tumulong? Alam naman niyang may curfew ang dorm.” 

Tumango si Daviana, sumasang-ayon na sa sinabi nito. 

“Kung ganito, sana man lang ay tinulungan ka niyang maghanap ng room. Hindi iyong pinabayaan ka na lang niya basta. Ano? Bahala ka na sa sarili mo? At ikaw naman, bakit nagpapagamit ka pa sa kanya?” 

Hindi na makaimik doon si Daviana. Para siyang pinapagalitan nito sa maling nagawa niya. Tama naman ang sinabing lahat ng binata. Tanga kasi siya at mabilis pasunurin. Kinagat niya na ang ibabang labi.

“Nakahanap ka na ba ng room para sa gabing ito?” tanong nito nang manahimik siya. 

Malungkot na umiling si Daviana. Totoo naman iyon. Wala pa siyang nahahanap at ewan niya kung makakahanap pa nga siya kung sa tatlong hotel na napuntahan niya ay palaging punuan iyon.

“Hindi. Wala ‘ring available na room sa hotel na ito at sa dalawa pang pinuntahan ko na.”

Panandaliang natahimik si Rohi. Naaawa na sa sitwasyon ng dalaga kahit bully niya pa ito dati.

“Nakatira ako sa top floor suite ng hotel na ito. Kung gusto mo maaari kang magpalipas doon ng gabi. May isang room na bakante. Keysa naman kung saan-saan ka pa hahanap. Lumalakas pa naman ang ulan.”

“Talaga, Rohi?” nabuhayan ang loob na tanong ni Daviana na hindi makapaniwala, sumigla na rin ang boses niya na parang hindi nalugmok kanina. “Patutuluyin mo ako doon ngayong gabi?”  

“Oo, kung gusto mo lang naman.” 

“Maraming salamat ha!”

Bago maka-graduate ng high school ay umalis na sa bahay ng mga Gonzales ang binata. Tutal wala naman siyang lugar sa bahay na iyon kung kaya minabuti na lang niyang umalis. Naging malaking scandal iyon ng pamilya Gonzales. Matanda lang kasi ng isang taon si Rohi kay Warren kung kaya naman marami ang nakisawsaw sa isyu. Kung tutuusin ay unang nakilala ng ama nila ang ina ni Rohi ngunit nang mabuntis niya ito ay bigla na lang niyang inabandona upang magpakasal lamang sa ina ni Warren. Nang mga panahong iyon ang pamilya Policarpio ay kapitbahay lang ng mga Gonzales. At naririnig na ni Daviana ang usap-usapan ng kanilang mga magulang tungkol doon noong limang taong gulang pa siya. Hindi nakatira simula’t sapul si Rohi sa pamilya ng ama, ngunit kamakailan lang ay pinilit siya ng kanyang ina. Wala siyang naging kakampi doon. Sobrang pinahirapan siya ng ina ni Warren. Hindi lang iyon. Wala siyang karapatang sumalong kumain sa kanila sa iisang lamesa kasama ng kanilang pamilya. Nang mga panahong iyon ay nakakalaro na ni Daviana si Warren dahil nga magkapitbahay lang sila. Itinanim ng kaibigan sa kanyang murang isipan na anak ng kabit si Rohi, masamang dugo ang nananalaytay dito, masama ang ugali, at marami pang iba na sinasang-ayunan lang ng batang Daviana dahil hindi niya naman ito kilala.

“Kaya huwag kang lalapit sa kanya, naiintindihan mo Viana? Ako lang dapat ang kinakalaro mo.” 

Habang naiisip ang sandaling iyon ay tahimik na sinusundan ni Daviana si Rohi. Ngayon niya naisip na tama ba ang mga pangit na salitang itinanim sa kanya ng kaibigan patungkol sa binata? Ngayong nag-offer ito ng silid na pagpapalipasan niya ng gabi kahit na masama ang nakaraan nila, habang si Warren naman ay walang pakialam, mukhang mali yata ang kaibigan niya sa mga paratang dati kay Rohi. 

“Pagpasensyahan mo na kung medyo makalat,” anang binata pagbukas ng pintuan, “Hindi ako nakapaglinis ngayong araw dahil mayroon akong inasikaso buong maghapon sa labas.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status