Share

Chapter 1 Righteousness

“For the eyes of the Lord are on the righteous, and his ears are open to their prayer. But the face of the Lord is against those who do evil.”

Mula sa nagsasalitang pari sa harapan ay iginala ko ang tingin sa mga taong nakikinig sa salita ng Diyos sa loob ng simbahan. Tiningnan ko ang ekspresyon nila sa mukha. Animo ay seryosong nakikinig at sinisipsip ang aral nito. Na para bang pagkatapos ng misa at pagkalabas ng simbahan ay hindi na muling gagawa pa ng kasalanan.

Nagpakawala ako ng isang malalim na buntonghininga. Kaagad akong sinipat ng tingin ni Nanay.

“Hindi ka yata nakikinig, Gertrude,” sita niya sa akin sa mahinang boses upang hindi mapansin ng iba.

“Nakikinig naman ako, Nay,” sabi ko.

Tumuwid siya nang tayo nang makita na ang paglapit ni Tatay sa podium. Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi.

Lay minster si Tatay sa simbahan at bukod pa rito ay siya rin ang head ng parokya. Minsan nga naiisip ko na baka kaya kami halos araw-araw na nagsisimba ay dahil dito. I don't have anything against religious people. Alam ko naman na mabuti sa isang tao ang may pinaniniwalaan. I believe that it is okay to lose everything as long as you have faith.

Inaamin ko sa sarili na hindi ako relihiyoso. Maski sobrang kilala bilang devout catholic ang mga magulang ko sa buong San Agustin ay magkaiba pa rin ang paniniwala namin sa buhay. Ito ang siyang dahilan ng kadalasang hindi namin pagkakaunawaan sa bahay.

Muli akong napatingin kay Nanay. I could see the naked pride in her eyes while looking at my father. Napabuntonghininga ako ulit at nag-iwas ng tingin sa kabilang deriksiyon. I quickly regretted what I did. Dahil nakita ko sa kabilang aisle ang lalaking may kakambal ko yata ng paniniwala. Nakaupo rin sa tabi ng kanyang ina si Ryker Artemis Gamba, the notorius playboy and basagulero in my campus.

Awtomatikong umangat ang sulok ng mga labi ko nang makita ang lantad na inip at bagot sa kanyang hitsura. Dumapo ang tingin ko sa ibabang bahagi ng kanyang katawan nang makita ko ang pagngiwi niya. Inilipat ko ang tingin sa kanyang ina na taas-noong nakapokus ang atensiyon sa harapan ngunit ang isang kamay naman ay nakalapat sa tagiliran ng anak.

Hindi ko na kailangan pang kompirmahin dahil alam kong palihim niyang kinukurot ang basagulero niyang anak. Alam ko dahil nakakarelate naman ako.

Bago ko pa man maiwas ang tingin sa ibang deriksiyon ay nagtama ang mga mata namin ni Ryker Gamba. Tuso siyang ngumisi sabay kindat sa akin. Umirap naman ako at tumingin na sa harapan. Halos mapahiyaw ako sa sakit nang kurutin ni Nanay sa hita. Hindi ko na muling inilihis pa ang atensiyon sa ibang deriksiyon buong misa.

“Hindi ka nakinig sa salita ng Diyos kanina, Gertrude ha,” si Nanay. Nakauwi na kami ng bahay matapos ang misa. Nasa kusina kami at kasalukuyang naghahanda na ng agahan.

“Nakinig nga po, Nay. Pahapyaw lang,” depensa ko at nagpatuloy na sa paghihiwa ng repolyo sa chopping board.

Pinatay niya na ang gripo at isinalang na ang kaldero sa ibabaw ng stove.

“Classmate ba kayo noong anak ni Daniella Gamba?”bigla niyang tanong na tinutukoy ang ina ni Ryker.

“Isang taon po ang tanda ko ro'n. Nasa senior high pa lang po 'yon.” Inilagay ko ang mga nahiwang repolyo sa loob ng bowl at nag-angat na ng tingin kay Nanay. “Bakit niyo po naitanong?”

“Nasabi kasi ng tatay mo na kinausap daw siya ni Daniella. Nagtatanong kung may bakante pa para sa scholarship ng simbahan.” Lumapit siya sa mesa at kinuha ang bowl ng repolyo.

“Basagulero po 'yon sa campus, Nay,” awtomatikong saad ko. “Sikat maski sa mga teacher sa college department.”

Inilagay na niya ang repolyo sa loob ng kaldero. “Malay mo naman at magbago pa.”

Mahina akong natawa sabay iling. “Next month na po ang graduation. Tingin niyo po ba talaga na magbabago ang tao sa loob ng isang buwan lang?”

Nilingon ako ni Nanay at banayad na tiningnan. “May awa ang Diyos, Gertrude.”

Pinigilan ko ang sarili na umirap sa sinabi niya. Hanggang ngayon ay hindi ko lubos maunawaan kung bakit sa tuwing may mga imposibleng bagay na dulot ng tao ay kaagad na ipinapaako ito sa Diyos. Hindi ba nila naisip na hindi na ito saklaw ng responsibilidad ng Diyos? Tao pa rin naman ang gumagawa ng kanyang kapalaran. Siya pa rin ang nagdedesisyon sa landas na kanyang tatahakin.

“Ayusin mo na iyang mesa at pagkatapos ay tawagin mo na ang Tatay mo roon sa taas at kakain na tayo,” untag ni Nanay.

Tumayo na ako at sinunod ang utos niya.

Maaga akong gumising kinabukasan para maabutan pa ang jeepney. Mas mahal ang magiging pamasahe ko kung magta-taxi ako papunta sa eskuwelahan. Natalsikan pa ng putik ang suot kong makintab na black school shoes dahil sa matubig na daan. Umulan kagabi kaya basa tuloy ang kalsada kinabukasan.

Nang makaupo na sa loob ng jeep ay binuksan ko ang zipper ng bag at kumuha ng wipes mula rito. Gamit ito ay tinanggal ko ang putik na dumikit sa sapatos. Inilagay ko ang ginamit na wipes sa loob ng basurahan na nakalagay sa likod ng upuan ng drayber.

Matapos maipasa ang pamasahe sa nakaupo sa unahang pasahero ay bumaba na ako kasabay ng iba pang mga pasahero. Pumasok na ako sa gate ng campus at napuna nga na sadyang maaga dahil wala pang masyadong mga estudyante.

Naupo na muna ako sa bench na nasa ilalim ng malaking puno. Binuksan ko ang zipper ng bag at kinuha mula rito ang notebook. Nag-review na muna ako sa naging discussion namin sa subject na Anatomy noong Biyernes. Habang nasa kalagitnaan ng pagbabasa ay napaangat ako ng tingin dahil nakita ko ang Dean namin sa Nursing na si Ma'am Gorospe na naglalakad sa gawi ko.

“Good morning, Dean,” bati ko nang huminto siya sa harap ko. Isa siya sa mga guro na hinahangaan ko dahil sa kalidad at galing nito sa pagtuturo.

“Morning din, Miss Clementino,” bati niya pabalik sabay gawad ng ngiti. “Vacant time mo mamayang hapon sa 03:30, 'di ba?”

Mas napahanga niya ako sa kanyang sinabi dahil naalala pa talaga niya ang schedule ko. Dalawang buwan na naman ang dumaan simula noong matanong niya ako nito dahil nakiusap siya sa akin na ibigay iyong activity niya sa isa niyang subject sa highschool department dahil may urgent meeting siya.

“Yes po, Dean,” sagot ko.

“Makikisuyo sana ako,” saad niya. “May test ako na ibibigay doon sa isa kong klase sa isang section sa senior highschool. Ipamahagi mo lang iyong test papers at bantayan sila. May index card din akong ipapakopya sa'yo sa blackboard.”

“Sige po, Dean.”

“Sige. Punta ka lang sa office ko mamaya, ha,” aniya at muli akong nginitian. “Anyway, tumakbo kang chairman ng Nursing next school year ha. You have the potential to be a good leader.”

Mas lumapad lang ang ngiti ko dahil sa kanyang sinabi. Masigla akong tumango. “Tatakbo po ako, Dean!”

“Good! Sige, mauna na ako sa'yo.” Naglakad na siya paalis at tumayo naman ako para pumasok na sa unang klase.

Achiever ako sa school. Hindi naman sa pagmamayabang pero katalinuhan ko lang ang puhunan ko sa buhay dahil hindi naman kami mayaman. Umaasa lang ang pamilya ko sa tulong na ibinibigay ng simbahan kay Tatay. Iskolar din ako nito kaya naman ay maski malaki ang tuition, nakakapag-aral pa rin ako ng Nursing. May allowance din naman kasi na ibinibigay kaya wala ng masyadong pinoproblemang pinansiyal ang mga magulang ko sa pagpapaaral sa akin. Maliban na lamang sa mga projects o iba pang miscellaneous na hindi na kargo ng simbahan.

Matapos ang pang-umagang klase ay nagtungo na ako sa canteen. Sinunod ko ang text sa akin ni Jandy na dumeretso na sa mesa na parati naming inuupuan at hindi na pumila para um-order pa ng pagkain. Nakita ko kaagad siya na nakaupo na sa mesa at nang makita ako ay kumaway siya.

Naglakad na ako papalapit sa deriksyon niya. Nang makahinto na sa tapat niya ay naupo na ako. Dumapo kaagad ang tingin ko sa maraming pagkain na nakalapag sa mesa. Sa nakalagay na pangalan ng isang sikat na restaurant sa packaging nito ay napagtanto ko na galing ang mga ito sa labas at hindi rito sa canteen.

“Libre kita ngayon!” masigla niyang bungad.

Umawang ang labi ko sa pagkamangha dahil sa dami nito.

“May pera ka? Ang dami nito, ah,” hindi ko maiwasang tanungin dahil kong mahirap ako, sa totoo lang eh mas mahirap pa sa akin itong matalik kong kaibigan.

Inirapan niya ako. “Siyempre meron! Manlilibre ba ako kung wala? Tangek!”

Nagtagpo ang kilay ko at mapagduda siyang pinagmamasdan. Napatingin na rin ako sa suot niyang bagong gold bracelet. Ngayon ko lang ito nakita sa kanya.

“Saan ka kumuha ng pera?”usisa ko.

Nag-iwas siya ng tingin at inabot ang kanyang milktea. Sumipsip siya sa straw nito sabay ayos sa kuwelyo ng kanyang puting blouse na school uniform.

“May nakilala lang akong isang Good Salamander.”

“Samaritan,” awtomatikong pagtatama ko. Hindi ko siya nilubayan ng mapagdudang tingin. Sa sampong taon na naming pagiging magkaibigan ay kilalang-kilala ko na siya. “Mamaya, Jandy may asawa 'yan, ah.”

Nagkibit siya ng kanyang balikat. “Ewan ko. Wala namang lalaking umaamin na may asawa sila sa babae nila.”

Napasulyap na muna ako sa paligid na para bang naghihinala na baka may nakikinig sa usapan bago muling tiningnan ang kaibigan.

Tumikhim ako at naaasiwang napaayos na rin sa kuwelyo ng blouse na uniporme.

“Iyan ba 'yong.  . . s-sugar daddy na sinasabi nila?” Hininaan ko ang boses at nakaramdam ng pagkabalisa dahil sa paksang ito.

“Oo,” nakangising pag-amin niya. Wala man lang kahiya-hiya sa katawan. “First sugar daddy ko 'to. Nitry ko lang naman kasi nga sabi nila makakatulong daw.” Binuksan niya ang zipper ng bag na hindi pamilyar sa akin at halatang bago pa dahil sa matingkad na kulay nito.

Napasinghap ako nang makita ang higit sampong tig-iisang libong papel na kinuha niya mula sa loob nito.

“Bigay din niya sa'kin,” bungisngis niya. Kumuha siya ng isang libo at iniabot ito sa akin. “O, sa'yo na 'to. Balato ko.”

Ilang minuto ko lang itong tinititigan mula sa kamay niya. Pinilitik niya ang kanyang dila at kinuha ang kamay ko. Sapilitan niyang inilagay sa palad ko ang isang libo.

“Sabihin mo sa Nanay at Tatay mo na hindi 'to makakabawas ng tsansa niyo sa langit,” panunudyo niya.

Muli akong napatingin sa isang libo na nasa palad. Ngayon lang ako nakatanggap ng ganito kalaking pera na sobrang bilis lang.

“Mas marami pa riyan ang mahahawakan mo kapag naging sugar baby ka rin,” bulong niya. “Lalo na sa ganda at kinis mo na 'yan.”

Ngumuso ako at isinuksok na sa bulsa ng palda ang pera. Mukhang ibubugaw pa yata ako nitong kaibigan ko. 

“Ayaw ko nga,” pagtanggi ko. “Mamaya mahuli pa ako.”

Bumunghalit sa tawa si Jandy sa tapat ko. “So hindi ka takot magkasala. Takot ka lang mabisto! Kaya talaga tayo best friends, eh! May tinatago ka rin talaga na kasamaan. May maitim na budhi ka rin.”

Napangisi na rin ako sabay iling. Ibinaba ko ang tingin sa mga masasarap na pagkain na nasa mesa. Wala sa sarili kong ipinalandas na ang dila sa ibabang labi dahil sa pagkatakam.

“Kumain na nga tayo,” saad ko.

Tulad na lamang ng naging usapan namin ni Dean Gorospe, pinuntahan ko nga siya sa kanyang opisina kinahapunan. Nang nasa loob na ay nakita kong naghihintay na rin pala siya sa akin. Dumeretso ako malapit sa kanyang mesa at iniabot niya sa akin ang isang kulay dilaw na expanded envelope.

“Summative test papers ang nasa loob niyan,” sabi niya. “Para iyan sa last section na klase ko sa senior high. Bantayan mo lang sila at may card na rin diyan na kokopyahin mo lang sa board.”

Sinilip ko ang loob nito. “Sige po, Dean.” Nagpaalam na ako sa kanya at tinalikuran siya pero muli rin na lumingon nang tawagin niya.

“Medyo.  . .” Bahagya siyang natigilan na tila ba iniisip pa ang susunod na sasabihin. Napahilot siya sa sentido at nagpatuloy, “pasaway ang nasa last section kaya.  . .ilista mo na lang ang mga pangalan nila at sabihan mo na may deduction of scores kung magbibigay ng sakit ng ulo, okay?”

“Noted po, Dean,” tugon ko at tumalikod na ulit. Lumabas na ako ng kanyang opisina.

Dumaan na muna ako sa sirang bakod na barb wire upang makarating sa kabilang gusali kung nasaan ang highschool department. Sa dulo ng lumang gusali ay ang mga talahiban kung saan kadalasang nakikita ang mga estudyanteng pasaway na naninigarilyo o nag-iinuman.

Hinanda ko ang sarili dahil alam kong kailangan ko itong daanan dahil na rin nasa dulo ang silid ng last section ng senior high.

Lumiko na ako at awtomatikong pinisil ang ilong upang hindi maamoy ang mapanghing pader na kadalasang iniihian ng mga lalaking estudyante. Umakyat na ako sa hagdan at halos mapatalon pa nang makita ang babae at lalaking estudyante na mainit na naghahalikan sa may sulok.

Humigpit ang pagkakasapo ko sa expanded envelope ni Dean. Hindi ko naman ito first time sa gusali dahil dito rin naman ako nag-aral noong highschool. Dahil sa pamilyar na rin sa akin ang mga silid dahil wala namang masyadong nagbago rito simula noong grumaduate ako, mabilis kong natunton ang last section.

Hindi pa man nakakapasok sa silid ay binungad na ako ng ingay ng mga estudyanteng nasa loob nito.

Huminga ako ng malalim at tinatagan ang loob. Naging class president kaya ako rito noong highschool. Humakbang na ako papasok sa loob ng silid.

Awtomatikong naging tahimik ang lahat. Dere-deretso ang paglalakad ko palapit sa mesa na nasa harapan. Unti-unti kong inilapag ang expanded envelope sa ibabaw nito at nag-angat ng tingin. Nakita kong nakatayo pa rin ang karamihan sa kanila habang nakatingin lang sa akin. Ang iba naman ay nakaupo nga pero hindi naman maayos dahil sa mismong armrest ng upuan nakaupo ang mga ito.

Iniwasan ko ang pagngiwi sa nakikitang parang dinaanan ng bagyong mga upuan nila.

I held my head up and regarded them with a look of superiority.

“Good afternoon!” bati ko. “Dean Gorospe has an important meeting so she won't be—”

“Letse!”

“Tangina!”

“Hayop!”

Naputol ako dahil sa sunud-sunod na pagmumura nila.

Kung gaano sila naging tahimik kanina sa pagdating ko ay ngayon ay kabaligtaran naman ang nangyayari.

“Sabi ko nga ba dapat nag-cutting class na lang tayo!”

“Oh ano? Tuloy ang inuman?” Maski babae ay nang-aalok na rin.

“Labas na tayo! Sa talahiban.”

Mariin kong naitikom ang bibig dahil sa lantaran na nilang pag-ignora sa akin.

Nagtagis ang bagang ko at tumalim ang tingin ko sa kanila.  “You will have your summative test this afternoon—”

“Bili tayo yosi sa tapat!' pagpapatuloy ng iba. Naging hangin lang yata ang mga sinabi ko.

“Pre, summative daw!” sita naman ng isa na nagpabuhay sa pag-asa ko. Bumalik siya sa upuan.

“Gago, summative lang 'yan!”

Muli na namang uminit ang dugo ko. Kaya ayaw ko talagang maging teacher at Nursing ang kinuha kong kurso dahil sa mga estudyanteng ganito. Mga bakal-ulo!

“Ang sabi ni Dean Gorospe, ililista ko raw ang hindi makikinig!” Halos sumigaw na ako.

Nilamon ng nagpapatuloy na ingay nila ang boses ko. Nagsitayuan na ang iba at kinukuha na ang kani-kanilang mga bag.

Pumikit ako nang mariin at pati tainga ko ay parang uusok na dahil sa inis. “Ano ba?!” sigaw ko. “Hindi ba kayo titigil—”

Biglang natahimik ang lahat marahil na siguro sa sigaw ko. Tumaas-baba ang dibdib ko dahil sa paghahabol ko ng hininga matapos ang silakbong ginawa. Unti-unti akong dumilat at nagtaka nang makitang hindi naman sila sa akin nakatingin kundi sa may gilid ko. Dahan-dahan akong bumaling dito at nakita si Ryker Artemis Gamba. Nakabukas ang unang tatlong butones ng suot niyang pang-ibabaw na uniporme. Nakita ko rito na may suot na tshirt na kulay itim siyang panloob.

Dumapo ang tingin ko sa hawak niyang isang plastic stool. Bigla niya itong hinagis sa harapan.

“Upo,” utos niya sa malamig na boses.

Namangha ako dahil sa isang iglap ay nagkandarapa na ang mga kaklase niya sa pag-upo. Lahat ay nakatuon na ang atensiyon sa harapan.

Dahil sa nakabibinging katahimikan ay pati bawat paghakbang ni Ryker papunta sa upuan ay dinig na naming lahat. Kalmante siyang naupo ng naka-dekuwarto sa bakanteng silya na nasa pinakauna.

Tiningnan niya ako at kinindatan.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Che Acala Paragas
yes matutuloy na kitang basahin
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status