Share

Chapter 4 Standards

Para na akong isang kriminal na palinga-linga sa paligid habang nag-aabang ng traysikel na masasakyan pauwi. Nag-iingat ako at baka makita ni Ryker at sumabay pa talaga sa akin sa pag-uwi gaya ng sinabi niya kaninang tanghali.

Kaagad kong pinara ang traysikel na dumaan sa harap ko at awtomatiko naman itong huminto. Sa pagmamadali ko na makatakas ay hindi ko na tiningnan pa ang drayber sa pagpasok ko sa loob nito.

“Sa may Robles po tayo, Kuya,” sabi ko sabay ayos ng bag sa kandungan.

“Hintayin muna natin si Ryker, ha. Maski may high standards ka,” tugon naman ng pamilyar na boses.

Madali akong napatingin sa drayber ng traysikel at nakita ang pamilyar na hitsura nito. Ito iyong sinakyan namin ni Ryker noong nakaraang araw na kaibigan niya pa yata! Kung minamalas ka nga naman—

“Nawala ka, ah.”

Napahiyaw ako sa gulat sabay hawak sa dibdib sa biglang pagsasalita ni Ryker sa labas ng traysikel. Ngumisi siya at pumasok na sa loob nito. Naupo siya sa tabi ko.

“ ‘Buti kay Caloy ka sumakay,” sabi niya.

Napapikit ako at nagsimula na namang kumulo ang dugo ko. “Hindi ko naman alam na sa kaibigan mo pala itong traysikel!”

“Now you know,” sabay tango niya. Tiningnan niya ang drayber na kaibigan. “Sa may Robles muna tayo, Loy tapos deretso na sa simbahan.”

“Ikakasal na kayo?” anang drayber.

“Tarantado,” mahinang sinabi ni Ryker. Tahimik siyang napasulyap sa akin at pagkatapos ay iniwas na ang mukha sa kabilang deriksiyon. “Puwede rin naman,” mahina niyang bulong pero dinig naman naming dalawa ng kaibigan niya.

“Rupok mo, pre,” komento ng drayber at pagkatapos ay pinaandar na ang kanyang traysikel.

Deretso lang ang tingin ko sa harapan habang pilit siyang iniignora. Nagkuwentuhan naman sila ng kaibigan niya. Hindi nakalagpas sa akin ang pagnanakaw niya ng sulyap minu-minuto. Hindi ko pa rin siya pinapansin. Manigas siya.

“ ‘Di mo pa in-a-accept friend request ko, ah,” aniya na lantaran ng nakatingin sa akin.

“Hindi ako nang-a-accept ng kung sinu-sino lang.” Sinimangutan ko siya.

“Mataas nga raw kasi standards, Ry,” sabad naman ng drayber na kaibigan niya.

Mahinang natawa si Ryker. “Kaya nga mag-aaral na lang talaga ako sa college para makapuntos man lang sa standards mong 'yan.”

“Anong course ang kukunin mo?” seryoso kong tanong.

“Oy, curious siya sa'kin, Loy!” natutuwa niyang balita sa drayber.

Mataray kong iniwas ang mukha sa kabilang deriksiyon.

“Biro lang,” pag-alu niya sa akin. “Ano bang gusto mo para sa'kin?”

Mabilis ko siyang nilingon. Nanliit ang mga mata ko habang tinititigan siya. “Bakit ako 'yong tinatanong mo?”

“Kasi nga simula ngayon, standards mo na ang susundin ko,” seryoso niyang sinabi.

Ako naman ang bumunghalit ng tawa. Nakatanga siyang nakatitig sa akin. Halatang nagulat sa reaksiyon ko.

“Bentang-benta raw joke mo, Ry,” natatawang panunudyo ng kanyang kaibigan.

“Gago. 'Di naman joke 'yon,” si Ryker sabay masungit na nag-iwas ng tingin.

Tumikhim ako at huminto na sa pagtawa. Seryoso ko siyang binalingan.

“Future mo 'yan kaya hindi mo dapat hinihingi ang approval ng iba.”

Hindi siya kumibo at masungit lang na tiningnan ang kalsada. Natahimik na kami sa loob ng traysikel buong biyahe.

“Salamat,” sambit ko sabay abot ng pamasahe nang makahinto na ang traysikel sa harap ng gate namin.

Tinanggap ito ng drayber at medyo nagulat ako dahil hindi na umangal pa si Ryker tulad noong nakaraan. Nanatili siyang tahimik. Bumaba na ako ng traysikel at umandar na rin ulit ito paalis. Dederetso na yata ng simbahan. Nainsulto ko ba siya sa sinabi ko kanina? Umiling ako at pumasok na sa loob.

Sa sumunod na mga araw ay hindi na nagparamdam pa si Ryker. Nabalitaan ko na lang mula kay Tatay na natanggap siya sa scholarship application matapos ang naging usapan nila ni Father. Masaya naman ako para sa kanya dahil at least medyo maisasaayos niya na ang buhay niya. Sana nga lang seryosohin na niya ang pag-aaral sa kolehiyo. Hindi naman ito tulad ng highschool na okay lang maski papeteks-peteks.

Napag-alaman ko rin mula kay Tatay na ang sabi raw ni Father, balak na kunin ni Ryker ang kursong Business Administration. Good for him. Naging abala na rin ako sa mga sumunod na araw dahil finals na. Maliit lang naman ang eskuwelahan kaya paminsan-minsan ay nakikita ko rin si Ryker.

“Ah! Magse-second year na talaga tayo, Gertrude!” tili ni Jandy sabay masiglang yakap sa akin. Last day na ng signing of clearance at simula bukas ay bakasyon na. Kasalukuyan na kaming nasa gilid ng kalsada habang nag-aabang ng masasakyan pauwi.

Ngumisi ako. Nakalas na ang yakapan namin kaya hinarap ko siya. “Mabuti at nakasabay ka sa'kin ngayon pauwi. Wala kayong lakad ng Sugarplum mo?”

Mabilis na nagbago ang timpla ng hitsura niya. “Nag-away kami. Huwag na muna natin siyang pag-usapan.”

Pinara ko ang traysikel na dumaan. Hindi man sinasadya ay tiningnan ko ang hitsura ng drayber kung ito ba ang kaibigan ni Ryker. Hindi naman. Pumasok na kami sa loob ng traysikel.

“Robles po, Kuya. Dalawa,” sabi ko sa drayber at binalingan na ang katabing kaibigan. “Sa bahay ka na kumain ng hapunan.”

Ngumisi siya kaagad. “Lechon paksiw ba ang ulam?”

Ngumiti ako at tumango. Tumili siya at niyakap ulit ako.

“Iyong classmate mo ba na si Cely, eh sila pa ni Ryker?”natanong ko bigla kay Jandy habang nasa daan na kami.

Kasalukuyan niyang tinatanggal ang kanyang makapal na lipstick gamit ang tissue. Lagi niya itong ginagawa sa tuwing bumibisita sa bahay dahil nakakahiya raw sa mga magulang ko. Palagi ko namang sinasabi sa kanya na hindi naman nanghuhusga ang mga magulang ko pero hindi talaga siya nakikinig.

“Hindi nga kasi sila,” tugon niya habang tinitingnan ang labi sa maliit na salamin ng traysikel na nasa harapan. “Fuckbuddies nga lang.” Humina ang boses niya sa huling sinabi sabay sulyap sa matandang drayber.

“So.  . . Fuckbuddies pa rin ba sila?” Nahawaan niya na rin ako sa mahinang boses.

Itinapon niya ang pinaggamitang tissue sa maliit na plastik na nakasabit sa gilid ng traysikel.

“Ewan ko. Baka hindi. Ang sabi-sabi kasi nila mabilis daw iyang nagsasawa si Ryker. Ang bongga, ano? Nasa senior high pa lang pero ang dami na niyang nadali na college girls. Paano pa kaya kapag nag-college na siya?”

Hindi ako nagkomento. Nanliit naman ang mga mata niya habang nakatitig sa hitsura ko. “Bakit ka ba talaga kuryoso sa kanilang dalawa?”

“Nakita ko lang kasi silang dalawa na naghahalikan pero matagal na 'yon,” sabi ko.

Napaisip naman siya. “Baka na-miss lang ang lasa ng isa't-isa.”

Naputol na ang usapan namin dahil nakarating na kami sa bahay. Nagbigay na kami ng pamasahe at pagkatapos ay bumaba na ng traysikel. Pumasok na kami sa loob ng bahay.

Masaya sina Nanay nang makitang kasama ko si Jandy. Parang parte na rin kasi siya ng pamilya namin at medyo matagal na rin siyang hindi nakakabisita sa bahay kaya naman ay natuwa ang mga magulang ko sa muli niyang pagbisita.

Pinagsaluhan namin ang hapunan habang nagkukuwentuhan. Napuno na naman ng tawanan ang hapag dahil sa mga kuwento ni Jandy. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit giliw na giliw sa kanya ang mga magulang ko. Dahil maski hirap sa buhay, palaging positibo ang mentalidad niya.

Bumalik din ang pagiging tahimik ng bahay sa pag-alis ni Jandy. Nangako siya kay Nanay na bibisita ulit at dadalasan na niya.

Natapos ang school year. Kinabukasan kaagad ay nagtungo ako sa bayan at nag-apply sa trabaho. Nagpasa ako ng resume sa isang convenience store bilang isa sa mga cashiers nila. Sa sumunod na araw ay natawagan ako para sa isang interview. Natuwa naman ako dahil matapos ang interview ay sinabihan kaagad ako ng lalaking interviewer na siyang may-ari rin ng convenience store na puwede na akong magsimula kinabukasan.

Suot ang kulay itim na t-shirt at maiksing palda ay nagsimula na akong magtrabaho. Hindi naman masyadong abala ang convenience store dahil walang gaanong nagagawing customers.

“Gertrude, ikaw na muna bahala rito, ah,” si Sir Eric na nakatayo sa bukana ng pintuan ng store. “Alis lang ako.”

Magalang akong ngumiti, “Sige po, Sir.”

Ngumiti siya pabalik at lumabas na ng store. Napangiti ako sa sarili. Ang bait nga naman talaga niya. Ang suwerte ko nga at kaagad pang natanggap sa trabaho.

Ang kuwento niya sa akin ay thirty-five years old na raw siya at hiwalay sa asawa dahil nahuli niya itong may ibang lalaki. Nabigla nga ako sa pagkuwento niya dahil kaka-hire niya pa lang sa akin sa trabaho pero naging komportable na siyang magbahagi ng tungkol sa kanyang buhay.

Nagtuloy-tuloy ang trabaho ko. Inipon ko ang unang sahod para sa pag-aaral. Isang tanghali, niyaya ako ni Ate Laura, kasama ko sa store na sa Mang Inasal na kumain ng tanghalian. Pumayag naman ako kaagad dahil nagsawa na rin sa paulit-ulit na ulam sa katapat ng store na karenderya.

Nang makapasok sa loob ay siya na ang pumila para sa aming dalawa. Naghintay naman ako sa kanya sa mesa namin.

“Grabe, ang haba ng pila,” anas niya at naupo na sa bakanteng silya na nasa tapat ko. Hinihintay na lang namin na dumating ang order.

Nagkuwentuhan na muna kami habang hinihintay ang pagdating ng pagkain.

“Anong year mo na nga ulit sa college?”tanong sa akin ni Ate Laura.

“Magse-second year na po, Ate ngayong pasukan.”

Ngumiti siya. “Mabuti 'yan. Ipagpatuloy mo.”

“Ito na po ang order niyo, mga ma'am.”

Napaigtad ako sa kinauupuan nang marinig ang pamilyar na boses sa gilid.

Tumingala ako at napaawang ang labi pagkakita kay Ryker na nakasuot ng uniporme pang-crew. Hawak niya sa magkabilang kamay ang dalawang plato ng pagkain na ni-order namin. Hindi lang naman ako ang nagulat sa aming dalawa dahil maski siya ay bahagya rin na natigilan pagkakita sa akin na nakatingin sa kanya. Nga lang, mas nauna pa siyang nakabawi sa akin. Ngumisi siya sabay kindat.

“Hi, crush,” bati niya at pagkatapos ay inilapag na ang mga pagkain namin sa mesa.

“Nagtatrabaho ka rito?”utas ko. Hindi pa rin makabwi mula sa pagkabigla.

Napasulyap muna siya sa counter bago ako binalingan ulit. “Actually, tambay lang ako rito. Naisipan ko lang tumulong.”

Inignora ko ang sarkasmo niya at hindi pa rin siya nilulubayan ng tingin.

“Ikaw? Bakit ka napagala rito?” tanong niya naman sa akin.

Sinulyapan ko si Ate Laura na tahimik lang habang pinagmamasdan kami ni Ryker.

“May trabaho ako rito.”

“Saan?” Kita ko na naman ang gulat sa mga mata niya. Luminga-linga siya sa paligid na tila ba hinahanap pa ang pinagtatrabahuhan ko.

“Sa Damjon Convenience Store,” tugon ko at tiningnan na ang pagkain sa mesa.

“Ah.” Dinig kong sabi niya. Nagsimula na kaming kumain ni Ate Laura. Akala ko ay umalis na si Ryker kaya nabigla na lang ako nang muli siyang nagsalita sa gilid ko.

“Anong oras out mo?” tanong niya.

Ngumuya ako at inilapag na muna ang hawak na kutasara at tinidor. “Alas singko,” sabi ko.

“Okay.  Sabay na tayo umuwi.”

“Hoy—” Maagap akong nagsalita ngunit hindi na rin nakapagpatuloy dahil umalis na siya at nagpatuloy sa pagtatrabaho.

Pagod akong napabuntonghininga at muli ng hinarap ang pagkain. Kinuha ko ulit ang kutsara at tinidor.

“Tisoy no'n, ah,” komento ni Ate Laura na maingat na nakatingin sa akin. “Manliligaw mo?”

“Hindi ko po 'yon type, Ate,” pahayag ko.

Naningkit ang mga mata niya. “Ayaw mo sa bad boy type?”

Umiling ako kaya umismid siya. “Sabagay. Pero mukhang magiging masugid 'yon sa'yo.”

Isinubo ko na lang ng manok ang haka-haka ni Ate Laura.

It was actually weird. Matagal kaming hindi nagpansinan ni Ryker pero kanina na nagkita kami naging normal naman ang pakikitungo namin sa isa't-isa. Hindi naman ako naasiwa nang nakausap siya.

Bumalik din kami sa trabaho ni Ate Laura. Medyo nagsidatingan na ang customers. Siguro dahil hapon na rin at naghahanda na ang mga tao para sa hapunan. Tinulungan ko rin si Ate sa pagsasara ng store dahil hindi dumating si Sir Eric.

Matapos makandado ang pintuan ay tinalikuran ko na ito. Insakto naman ang pagtawid ni Ryker sa kalsada bitbit ang kanyang backpack sa trabaho. Pansin ko rin na nagpalit na siya ng kulay itim na tshirt. Naka-faded ripped jeans naman siya.

“Sabi ko na ba at masugid talaga,” mahinang sinabi sa akin ni Ate Laura sabay simpleng sulyap sa naglalakad na si Ryker. “Osiya sige, mauna na ako sa'yo, Gertrude.”

Kinawayan ko siya at naglakad na siya patungo sa ibang deriksiyon.

“Gusto mo ba na kumain muna tayo?” bungad ni Ryker nang makalapit na sa akin.

“Akala ko ba sabay lang na pag-uwi?” sabi ko.

“Nagugutom ako, eh,” pagdadahilan niya.

Tinanaw ko ang malayo. May nakita akong maliit na stall ng kwek-kwek. Itinuro ko ito. “Doon ka na lang kumain.”

“Samahan mo na ako,” pag-aaya niya.

Umirap ako at nauna na sa kanyang naglakad papunta rito. Sumunod naman siya sa likod ko.

“Dalawa po, Manong,” sabi niya sa tindero.

Nabigla ako sa paggamit niya ng salitang “po”. Sa bad boy image niya ay hindi ko ito inaasahan mula sa kanya.

Ibinigay niya sa akin ang isa. Umiling ako. Nakitaan ko ng dismaya ang kanyang mga mata.

“Taas talaga ng standards mo,” puna niya. “Hindi ka kumakain nito?”

“Kumakain naman. At saka ikaw lang naman ang gutom sa'ting dalawa kaya ikaw lang ang kumain.”

Kumagat na siya sa hawak na stick ng kwek-kwek. “Palusot ka pa. Hindi ka lang talaga kumakain ng mga ganito, eh.”

“Kumakain nga ako,” giit ko. “Hindi naman ako mayaman para maging choosy.”

Hindi na siya nagkomento pa sa sinabi ko. Tahimik lang siyang kumain. Apat na stick ng kwekwek ang naubos niya. Gutom nga talaga siya.

Inabutan niya ng five hundred pesos ang tindero at binigyan naman siya nito ng sukli.

“Mauna na kami, Manong!” paalam niya sa tindero sabay kaway dito.

Tahimik kaming naglakad na sa gilid ng kalsada patungo sa sakayan ng jeep. Nagtaka ako nang huminto siya bigla sa harap ng maliit na Dunkin Doughnut store. Dumukot siya mula sa kanyang bulsa ng pera.

Narinig ko ang pagsabi niya sa tindera nito na bibili siya ng isang box. Napangiti ako. Siguro ipapasalubong niya sa kanyang nanay. Mabait naman pala ang gago.

Inabutan na niya ng bayad ang tindera. Binigay na rin nito ang box ng doughnuts niya pati na rin ang resibo.

Nilapitan na niya ulit ako at nagpatuloy naman kami sa paglalakad. Nahinto ako sa paglalakad ng bigla niya na lang inabot sa akin ang box.

“Sa'yo 'to,” saad niya. “Sosyalin ka kaya 'di puwede sa'yo ang kwekwek.”

“Bakit mo naman ibibigay sa'kin 'yan?”  Hindi ko ito tinanggap.

“Manliligaw nga kasi ako.”

“Hindi nga kasi kita gusto. Mataas ang standards ko.” Naging prangka na ako sa kanya kaysa naman paasahin siya.

“ 'Wala bang puntos 'tong doughnuts diyan sa standards mo?” seryoso niyang tanong.

Napakagat ako sa ibabang labi upang mapigilan lang ang paglabas ng tawa. Gusto kong humalakhak sa sobrang amo at seryoso niyang hitsura habang pilit na iniaabot sa akin ang box ng doughnuts niya. Hindi ko ma-imagine na ito iyong siga sa campus na kinatatakutan ng ibang estudyante at kinaiinisan naman ng mga teachers.

Huminga ako ng malalim para sa sasabihin. “Ryker. . .”

Sumidhi bigla ang titig niya at ngayon ay lumipat na ito sa mga labi ko. Kinagat niya ang pang-ibaba niyang labi.

“Tangina. Ulitin mo nga,” bulong niya sa paos na boses.

“Huh?” Nagtagpo ang kilay ko dahil hindi siya naintindihan.

“ 'Yong pangalan ko,” marahan niyang sinabi,” ulitin mo. “

“Ryker.  . .”

Malutong siyang nagmura at mariing napapikit. Nang dumilat siya ay tila ba mas lalo pang naging kulay green ang kanyang mga mata.

Mabigat siyang napalunok sabay titig na ngayon sa mga mata ko. ”Amputa. Wala na. Payag ka man o hindi manliligaw mo na ako.”

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Che Acala Paragas
wla nahulog na talaga si Ryker
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status