Share

Chapter 2.1

Agad na pumasok si Lunabella sa opisina ni propesor Macario..

Nang sandaling bumukas ang pintuan ay agad na nagliwanag ang mukha at patalong umalis ng sofa ang dalawang makukulit na bubwit.

“Mama! Lumabas na rin kayo sa wakas! Akala ko po ay roon na kayo titira sa laboratoryo!” Pambungad ni Brion.

“Mama, mukha na po kayong pagod na tinubuan ng tao. Upo ka po, Mama. Mamasahe-in kita!” Wika naman ni Levy at saka siya iginiya ng dalawa paupo sa sofa.

Agad na ekspertong nagmasahe sa kanyang mga balikat ang malilit na kamay nito. Si Brion ay nasa paanan niya at minamasahe ang kanyang mga binti.

Habang pinapanood ni Lunabella kung paano siyang asikasuhin ng mga anak ay napapasabi na lamang siya na sulit ang panenermon ng propesor.

“Ang babait ninyo ngayon, ah? Bakit hindi kayo ganyan kanina nang sirain ninyo ang computer ko?” Ang malaking boses na iyon ay galing sa propesor Macario, na kasalukuyang pinapanood ang mag-iina sa likod ng kanyang malalaking monitors.

Si Levy ang unang sumagot. “Kasalanan iyon ni master! Palagi na lang niyang pinapagod sa trabaho si Mama! Tingnan mo siya, nangangayayat na! Kulang na kulang na siya sa nutrisyon!”

Napangiwi si Luna sa sinabi ng anak. Sumunod naman ang isa pa.

“Tama! Tao lang si Mama kaya bakit mo siya pinagtatrabaho araw at gabi? Wala na siyang oras sa amin! Hindi na siya nakakatulog ng maayos! Tingnan mo ang mata, master, oh! Para na siyang eye bags na may tao at hindi na tao na may eye bags!”

Hindi malaman ni Lunabella kung pagagalitan ba niya ang dalawang makukulit o kaawaan ang sarili dahil sa mga napapansin ng mga ito sa kanya?

Sarkastikong tumawa si propesor Macario. “Masyado lang kayong protective sa Mama ninyo! Ngunit mga bata, iyon talaga ang gawain ng isang mananaliksik sa larangan ng medisina. Lalo na ang kasing kagaya ng inyong ina,” paliwanag pa nito. Pagkatapos nito ay bumaling siya kay Luna at nagtanong. “Siya nga pala, kumusta ang progreso ng research?”

Ngumiti si Lunabella at tumango. “It's going pretty well this time, Professor. It will be sent to your computer later.” Natigil si Lunabella at napangiwi, “kumusta ang system mo ngayon? Maayos na ba?”

Nagpakawala ng malalim na hininga si propesor Macario at sinuklay gamit ang mga daliri ang mahaba nitong bigote.

“Isang oras na ang nakalilipas ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin naibabalik sa dati nitong ayos.” Naniningkit ang mata nitong tiningnan ang dalawang bulilit na seryosong binibigyan ng masahe ang kanilang ina, napaka-inosente ng mga mukha nito na hindi mo aakalaing may kapilyuhang gagawin.

Ngumisi si Lunabella at marahan tinapik ang balikat ni Brion na parang walang narinig at nakatuon lang sa pagmamasahe sa binti niya. “Sige na anak, ibalik mo na sa dati ang computer ng master. Huwag ng maging pasaway, paano kung may maalagang datos ang nabura dahil sa ginawa mo?”

Sumimangot si Brion at sumagot gamit ang batang boses. “Hindi mangyayari iyon, Mama. Palagi akong may backup at nagdagdag din ng maraming proteksyon kaya hindi po iyon mawawala!” sabi nito na puno ng kumpiyansa. Ngunit tumayo rin naman at pumunta sa lamesa ng propesor at ekspertong gumalaw ang sampung maliliit nitong daliri.

Nagtipa ito ng sandamakmak na codes at ilang sandali pa ay nagliwanag na ang computer, bumalik na ito sa dating ayos.

Habang pinapanood ito ni propesor Macario Griego ay hindi niya mapigilang mas humanga pa sa kakayahan at talento ng mga anak ni Lunabella, may pagmamalaki sa kanyang puso dahil personal niyang mag-aaral ang dalawa!

Sa murang edad ay marami ng maalam na ito tungkol sa panggagamot. Interesante ito tungkol sa mga halamang gamot o iyong mga organic.

Samantalang si Brion ay interesado sa mga kumplikadong numero tungkol sa teknolohiya at ngayon ay isa na itong pinakabatang hacker.

Bukod dito, makikisig din ang mga mumunting prinsipe at ang mga ito rin ang nagbibigay buhay at kulay sa opisina niya dahil sa pagiging bibo ng dalawa!

Kaya sa tuwing gumagawa ang mga ito ng kapilyuhan ay hindi niya magawang pagalitan, bagkus ay pinatatawag niya ang Ina ng mga ito at ito na lamang ang nakatatanggap ng sermon niya.

“Propesor, pasensya na po sa kakulitan ng mga anak ko…” kagat-labing sinabi ni Lunabella nang nararamdaman na niyang papunta na sa paninermon ang propesor.

Please huwag mo akong pagalitan ngayon!

Tatlong araw na akong walang tulog!

Kapag nakabawi na ako ng tulog ay saka mo na lang ako pagalitan!

Sa nakikitang ekspresyon sa mukha ni Lunabella ay tumawa si propesor Macario. “Huwag kang mag-alala dahil hindi kita kagagalitan ngayon, bagkus ay may ipagagawa ako sa iyo.” Humalakhak muli ito.

Tumango si Lunabella.

“Binabalak kong umuwi na ng Pilipinas upang sana gawin ang malaking proyekto ng bansa, subalit magiging abala na ako sa mga susunod pang araw kaya naman ikaw ang inaatasan kong gumawa niyon. Uuwi ka ng Pilipinas kasama ang iyong mga anak.”

Napatulala si Lunabella sa narinig. Alam niyang madalas na humihingi ng pabor ang propesor sa kanya ngunit hindi niya inaasahang sa pagkakataong ito ay iyon ang ipagagawa nito!

Uuwing Pilipinas?

Nang makaalis siya sa bansa anim na taon na ang nakalipas ay, pinapangako niya sa sariling hinding-hindi na siya babalik pa kahit kailan.

Isa pa, wala na rin naman siyang bahay at pamilyang uuwian. Bukod doon ay napamahal na rin siya sa lugar kaya hindi na niya iniisip ang pinanggalingan.

“Master…”

Gusto sanang sabihin ni Lunabella na ayaw niyang umuwi.

Sumabat si propesor Macario. “Alam ko, alam kong hindi mo na gustong umuwi pa sa bansang iyon. Ngunit sana ay mapag-isipan mo pa ito ng maayos. Naging kasama-kasama na kita sa pag-aaral ng medesina sa loob ng maraming taon. Kaya malakas ang kompiyansa kong ipadala ka bilang pansalamantalang substitute ko dahil alam ko ang kakayahan mo, Lunabella.” Litanya nito. “Ang bansang Pilipinas ay kailangan ang isang kagaya mo, Luna. Lalo na ang mga mahihirap na walang kakayahang pumunta sa doctor dahil sa kawalan ng maipambabayad. Kaya ang proyektong ito ay para sa mga mahihirap, para sa mga taong walang kakayahang magpagamot.”

Humugot ng malalim na hininga si Luna at napalunok. Kilalang-kilala siya ng propesor, alam nitong kaya siya pumasok sa medisina dahil gusto niyang makatulong sa mga taong walang kakayahan. Kaya nahahati ang kanyang desisyon.

“Batid kong nahihirapan kang magdesisyong umuwi dahil may mga tao kang iniiwasan. Ngunit anak, ilang taon na ang nakalilipas. Marami ng nagbago, malaki ka na ring pinagbago. Hindi ka na iyakin sa mga maliliit na bagay, kaya alam kong hindi ka na rin madaling maapektuhan kung sakaling…” sinadya ng propesor na bitinin ang sinasabi at pinanood ang reaksyon ni Luna.

Nag-iwas ng tingin si Luna sa mapanuring mata ng propesor.

Tama ang propesor. Sa paglipas ng maraming taon ay marami na rin siyang pinagdaanan at napagtagumpayan. Hindi na siya basta-bastang mapapabagsak.

Anim na taon na ang nakalilipas, ikinasal na siguro ang lalaking iyon sa babaeng pinakamamahal nito.

Kaya bakit siya matatakot?

Humugot siya ng malalim na hininga at humarap sa propesor, sinalubong niya ang mapang-usisa nitong mga mata. “Sige po, propesor. Gagawin ko po ang sinasabi ninyo. Uuwi ako ng Pilipinas.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status