Share

The Tale of Nayagi
The Tale of Nayagi
Author: TheChaserMe

Chapter 1-A Glimpse of Nayagi

[Devon Serrano]

Ang mga chismosa, hindi lang makikita sa mga kapitbahay; nakikita din sila sa mismong tahanan.

Pinaikot ko ang mga mata ko nang marinig ang malakas na boses ni Mama habang kausap ang mga kapitbahay namin sa baba.

Sa araw-araw na ginawa ng Dios, hindi pa yata ako nagising sa isang umaga na walang ka-chismisan si Mama. Palibhasa ay wala siyang magawa rito sa bahay. Naghihintay lang siya sa gracia na dala ng asawa niyang nagtatrabaho sa isang advertising company. 

Inalis ko ang comforter na nakatakip sa katawan ko at dahan-dahang bumangon. Inabot ko rin ang specs sa side table at isinuot sa mga mata ko. Nang maging malinaw ang paningin ko ay dahan-dahan akong tumayo mula sa kama. 

Isang walang kwentang araw na naman ang uubusin ko. 

Minsan talaga ay tatamarin na lang akong bumangon sa umaga kapag naririnig ko ang nakakarinding boses ni Mama.

Pumunta ako ng banyo para maghilamos. Tanghali na ako nagising kaya nakakaramdam na ako ng gutom. 

Pagbaba ko ng hagdan ay natanaw ko si Mama sa sala habang kausap si Aling Cora at Aling Maritez, mga kapitbahay namin na walang ibang ginawa kundi ang pag-usapan ang buhay ng iba. Hindi yata sila mabubuhay kapag wala silang pinag-uusapan.

"Si Piyang? Iyong anak ni Salome? Sabi ng iba buntis na raw 'yon, ah. Halata naman kasi halos hindi na lumalabas. Ang alam ko hindi naka-graduate ng high school 'yon, ah," kwento ni Aling Maritez habang may pagkumpas pa ng mga kamay. Mataba siya at kulot ang maikling buhok.

Nakakairita. Kapag nagsasalita siya ay parang tunog ng kumakain na baboy ang boses niya: halos wala akong maintindihan. 

"Mukha naman kasing nasa ilalim ang kulo ng batang 'yon. Kung manamit nga akala mo naubusan ng tela, kulang na lang maghubad!" segunda ni Aling Cora. Payat siya at kulubot na ang balat. 

Isa pa 'to si Aling Cora. Hindi ko alam kung saan siya humuhugot ng hangin kapag nagsasalita sa payat niyang 'yan. Mukha siyang naghihingalong matanda.

"Ano pa bang aasahan n'yo sa mga anak ni Salome? Mula panganay niyang anak hanggang sa bunso ay naipasa ang kalandian niya!" gatong ni Mama. Nasa harap niya ang isang babaeng nail technician at naglilinis ng mga kuko niya sa paa. "Aray ko! Ayusin mo naman!" reklamo niya sa babae.

"Sorry, Ma'am. Ang laki po kasi ng ingrown n'yo, eh," katwiran ng babae.

Pakitanggal na rin ng mga kalyo ni Mama sa utak.

Natigil lang sa karereklamo si Mama sa nail technician nang lumabas mula sa kusina si Ate Deanna, bitbit ang isang tray na may laman na tatlong baso ng fruitshake at tatlong piraso ng clubhouse sandwich.

"Kain muna po kayo," nakangiting wika ni Ate Deanna pagkalapag ng tray sa harap nila Mama.

Tumigil ako sa pinakababa ng hagdan at humawak sa handrail, pinagmamasdan sila. Hindi nila naramdaman ang presensya ko.

"Ang bait talaga nitong panganay mo, Digna, ano?" puri ni Aling Cora.

"Oo naman. Maganda pa," pagmamalaki ni Mama. Lumalaki ang ngiti niya kapag si Ate Deanna ang pinag-uusapan. "Malapit na siyang grumaduate ng Tourism. Kapag nangyari 'yon ay may anak na akong flight attendant."

"Pagbutihin mo ang pag-aaral mo, Deanna," wika ni Aling Maritez. Nilantakan niya kaagad ang clubhouse sandwich. "Malay mo, makahanap ka ng poging lalake na mayaman katulad ng nanay mo. Aba, pasalamat kayo ng kapatid mo dahil kahit iniwan kayo ng walanghiya n'yong tatay ay nakasungkit naman ng mayaman 'tong nanay n'yo! Kung hindi nangyari 'yon, mahirap pa rin sana kayo ngayon!"

Hindi nakapagsalita si Ate Deanna at isang awkward na ngiti lang ang naisagot. Halatang hindi siya komportable kapag pinag-uusapan ang tungkol sa pag-aasawa ng pogi at mayaman. 

Itong si Mama kasi ay gustong sumunod sa landas niya si Ate Deanna. Motto niya na yata ang mga salitang 'Mag-asawa ng mayaman para guminhawa ang buhay.'

Para sa akin, ang motto na 'yon ay para sa mga taong tamad at walang diskarte sa buhay; ginagamit ang itsura para gawing ticket sa instant pagyaman.

Wala naman akong pakialam sa motto na 'yon ni Mama dahil kay Ate Diana niya lang naman palaging sinasabi 'yon. Kung tutuusin, nakatulong ang pagiging malandi ni Mama—ay este—ang pagpatol niya kay Tito Arthur, dahil kung wala ang huli ay baka patay na kami ngayon dahil sa gutom. 

Maganda si Mama. Kahit nasa 40's na siya at may dalawang anak ay maganda pa rin ang katawan at mukhang bata pa. Marami siyang luho sa katawan para hindi magmukhang losyang sa paningin ni Tito Arthur.

Walang diskarte sa buhay ni Mama. Hindi siya nakapagtapos ng high school at ayaw niya rin magtrabaho sa mga mababang posisyon. 

"Ayan. Gising na pala ang prinsesa." 

Nahinto ako sa pag-iisip nang marinig ang nang-uuyam na boses ni Mama. 

Pagtingin ko sa sala ay nakatingin na silang lahat sa akin. Awtomatikong gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ni Ate Deanna nang makita ako pero umiwas lang ako ng tingin sa kaniya.

"Alas-dies na ng umaga at kakagising mo lang, Devon?" takang tanong ni Aling Maritez.

"Hindi nga 'yan sumama sa pagsimba kanina. Ginising siya ng kapatid niya pero ayaw bumangon kaya iniwan na namin," wika ni Mama habang masama ang tingin sa akin.

Inalis ko ang bara sa lalamunan ko at dahan-dahang naglakad palapit sa kanila, nakahalukipkip.

"Nag-aral po kasi ako kagabi kaya late na ako nakatulog. Mas active kasi ang isip ko kapag gabi ako nag-aaral." Binigyan ko ng pekeng ngiti si Mama at ang mga kaibigan niya matapos kong huminto sa harap nila. "Kapag ganitong oras kasi ako nag-aral, may mga naririnig akong mga bubuyog na nagbubulungan at hindi ako makapag-focus. Nakakairita nga po sa pandinig, eh."

Gusto kong matawa sa itsura ng tatlong matanda sa harap ko. Parang nalunok nila ang mga dila nila at hindi nakapagsalita. Si Mama, palihim akong binigyan ng matalim na tingin at halos umusok na ang ilong pero nagpipigil lang.

"Ah, Devon," tawag ni Ate Deanna kaya napatingin ako sa kaniya. "Nag-bake ako ng cupcake para sa 'yo. Gusto mong tikman?"

Umarko ang kilay ko sa kaniya. Halatang gusto niyang iiwas ako kay Mama. Tumango ako at naunang naglakad papunta sa kusina.

"Pinaparinggan ba tayo ni Devon?" narinig kong tanong ni Aling Cora kay Mama.

"Huwag mong pansinin ang batang 'yon. Wala talagang modo 'yon dahil mana sa tatay niyang walang kwenta. Buti na lang at sa akin nagmana si Deanna. Maganda na, mabait pa," sagot ni Mama na hindi nakaligtas pandinig ko.

Naramdaman ko ang pagtapik ni Ate Deanna sa balikat ko. Nang tingnan ko siya ay ngumiti siya na para bang humihingi siya ng pasensya sa mga sinabi ni Mama.

Bakit? Naaawa siya sa 'kin? Hanggang doon lang ang magagawa niya? Ang maawa?

Hindi niya nga ako magawang ipagtanggol, eh. Pinaninindigan niya talaga ang pagiging perfect daughter na masunurin sa magulang. 

Nakakasuka.

Umupo ako sa high chair at tiningnan ang mga cupcakes na halatang kakaahon lang mula sa oven. Mas lalo akong nagutom dahil sa amoy. 

"Isang dosena lang ang ginawa ko kasi para sa 'yo lahat 'yan. Tikman mo," nakangiting wika ni Ate Deanna at umupo pa sa tabi ko.

Tinitigan ko lang ang mga cupcakes sa harap ko, inaalala 'yong mga panahon na isang cupcake lang ay masaya na ako, na isang cupcake lang ang pumapawi sa gutom ko.

Naikuyom ko ang mga kamao ko nang maalala ang nakaraan na gusto ko nang ibaon sa limot.

"Okay ka lang, Devon? Ayaw mo ba?" tanong ni Ate Deanna nang mapansin ang pagkuyom ng mga kamao ko.

Alam kong gusto niya lang akong ipag-bake ng cupcakes pero hindi ko maiwasang makaramdam ng galit. Dahil sa kaniya, naalala ko na naman ang mga pinagdaanan ko.

Unti-unti kong naramdaman ang pagsikip ng dibdib ko na para bang gusto nitong sumabog anumang oras.

"Dev—"

Bumaba ako ng high chair at tiningnan siya. "A-Ayoko niyan, Ate. Pasensya na."

Napakurap siya sa sinabi ko. "Hindi ba paborito mo—"

"Noong bata ako, oo. Pero hindi na ngayon. Hindi na ako 'yong batang nagpapalaboy-laboy sa daan. Hindi na ako masaya kapag nakakakita ako ng ganyan."

Umawang ang bibig niya at kalaunan ay dumaan ang pagsisisi sa bilugan niyang mga mata. 

"I-I'm sorry. H-Hindi ko sinasadyang ipaalala sa 'yo."

Hindi ako nagsalita kahit marami akong gustong isumbat sa kaniya. Galit ako sa kaniya. Galit ako kay Mama. Galit ako sa lahat. 

Pero kahit anong sabihin ko, wala namang mangyayari, eh. Kahit umiyak ako o magmukmok sa kwarto, hindi mawawala ang bigat sa dibdib ko na ilang taon ko nang kinikimkim. Natutunan ko na lang kung paano patahanin ang sarili ko nang mag-isa.

"Devon, you can talk to me. Huwag mong sarilihin ang problema mo. Nandito kaming pamilya mo."

Nalasahan ko ang pait sa dila ko. "Anong sinasabi mong pamilya, Ate Deanna? Pinabayaan n'yo 'ko, 'di ba? May pamilya bang nang-iiwan?"

Kitang-kita ko kung paano siya natigilan. Tila nadagdagan ng sampung taon ang edad niya sa naging reaksyon niya sa sinabi ko.

Bago pa siya makapagsalita ay tinalikuran ko na siya at umakyat ulit ako ng kwarto ko. Dalawang patak lang siguro ng luha ang nailabas ko at gumaan na ang pakiramdam ko. Ewan ko. Natuto na lang siguro akong patuyuin ang mga luha ko sa sarili kong paraan, na kahit nasasaktan ako ay mabilis akong nakaka-recover. 

Nagdesisyon akong pumunta ng mall para bumili ng libro. Naligo ako at nagbihis ng white denim shorts at itim na tank top na pinatungan ko ng white button-down polo. Nagsuot din ako ng puting rubber shoes. 

Nang matapos ay hindi na ako nag-abalang ayusin ang buhok ko na hanggang dibdib ko ang haba. Inipit ko lang ang bangs sa noo para hindi humarang sa mga mata ko, pagkatapos ay nilagay ko na ang specs ko. 

Naglagay lang ako ng lip balm sa labi ko para hindi manuyo. Ang sabi naman ni Ate Diana ay natural na mapupula ang mga labi ko kaya iyon lang ang nilagay ko. 

Hindi na rin ako nag-abalang lagyan ng kolorete ang mukha ko dahil wala naman itong butas-butas na kailangang takpan. Hindi naman ako oily at lalong hindi ko kailangan ng contour para bawasan ang kanto-kanto ng mukha ko dahil una sa lahat, hugis puso naman ang mukha ko.

Bitbit ang puting bag na regalo ni Tito Arthur noong 19th birthday ko, bumaba ako at nakita kong wala na ang mga kaibigan ni Mama sa sala. Tapos na rin ang nail technician sa paglilinis ng mga kuko ni Mama.

Naalis na rin kaya ang kalyo sa utak ni Mama?

"Oh, saan ang punta mo?" nakataas ang kilay na tanong ni Mama nang makita akong bumaba. Busy na siya ngayon sa panonood ng N*****x series sa smart TV na nasa sala.

"Mall. Bibili ng mga kulang sa gamit ko," sagot ko sabay tingin kay Kuya Gab, ang family driver namin, na naghihintay sa may pinto. "Kuya, tara na?"

"Nagpaalam ka ba kay Arthur na gagamitin mo ang kotse?" tanong ulit ni Mama.

Muntik ko nang paikutin ang mga mata ko. 

Ikaw ang may-ari? Bakit kapag si Ate Diana ang gumagamit ng kotse ay wala kang nasasabi? Favoritism talaga.

Ngumiti ako kay Mama. "Sige. Mag-taxi na lang ako." Madali naman akong kausap.

Halatang hindi niya nagustuhan ang sinagot ko dahil parang umusok ang ilong niya. Mabuti na lang at bago siya magsalita ay dumating si Tito Arthur na nakasuot pa ng corporate attire, kakagaling niya lang sa trabaho.

"Bakit ka magta-taxi, Devon? Just use the car," nakangiting bungad niya. 

Awtomatikong gumanda ang timpla ng mukha ni Mama nang lapitan siya ni Tito Arthur at hinalikan sa pisngi.

"Hi, Hon."

"How's your work?" nakangiting tanong ni Mama.

"Tiring." Ngumiti pa rin si Tito Arthur. 

Kaya siguro hindi halata na nasa 50's na siya dahil palangiti siyang tao. Matangkad siya at walang bilbil sa katawan. Kaya siguro patay na patay sa kaniya si Mama kasi gwapo na, mayaman pa.

"Gab," tawag ni Tito Arthur sa driver. "Ihatid mo na si Devon sa pupuntahan niya."

"Yes, Sir." Tumango si Kuya Gab.

"Sigurado ka, Hon? Nakakahiya naman. Baka gamitin lang ni Devon ang kotse sa—"

"It's okay, Hon. Kaya nga bumili ako ng isa pang kotse para magamit n'yo. At saka hayaan mo naman si Devon na makagala. Linggo naman ngayon."

Oh, ano ka ngayon, Mama? Tameme ka? 

Para inisin si Mama, ngumiti ako nang matamis kay Tito Arthur. 

"Thank you, Tito. Babalik din naman po ako kaagad. Ayoko lang po kasi na mag-stay dito. Hindi ko gusto ang atmosphere at saka doon na rin ako kakain."

Palihim na umirap si Mama. Tumawa naman si Tito. 

"Just take care of yourself. Namamayat ka na."

"I will, Tito." Lumapit ako sa kaniya at b****o. "I'll go ahead." Nilampasan ko na silang dalawa, sinadyang hindi pansinin si Mama.

"Ingat, anak," pahabol ni Mama na muntik ko nang ikamura.

Ha. Plastik.

Dire-diretso akong naglakad papuntang garahe habang nakasunod sa akin si Kuya Gab. 

On our way to the nearest mall, nagsi-scroll lang ako sa phone ko at tumitingin ng mga librong gusto kong bilhin nang binasag ni Kuya Gab ang katahimikan.

"Ma'am Devon, mukhang nagkakagulo sa bahay nila Nanay Salome, oh."

Nag-angat ako ng tingin at lumingon sa bintanang katabi ko. Bumagal ang takbo ng kotse kaya nakita ko ang nagkukumpulang mga tao sa gate ng bahay nila Aling Salome. Kanina lang ay pinag-uusapan siya nila Mama at ang anak niyang si Piyang.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita si Aling Salome at ang asawa niya na lumabas habang karga-karga ang duguang katawan ni Piyang.

"Ihinto mo, Kuya Gab!" utos ko. 

Tuluyang tumigil ang kotse at ibinaba ni Kuya Gab ang bintana sa driver's seat para tanungin ang isang matandang babae na nakikiusyuso rin. 

"Ano pong nangyari sa anak ni Nanay Salome?" tanong ni Kuya Gab.

"Naglaslas. Buntis daw kasi tapos iniwan ng boyfriend. Ayon, hindi yata kinaya no'ng bata," sagot ng matanda.

Nakaramdam ako ng panlulumo sa narinig ko. Grabe na talaga ang mundo. Maraming nagpapakamatay dahil sa pag-ibig; Maraming hindi kinakaya ang mga consequences na pwedeng ibato sa kanila ng mundo kapag nagmahal sila. 

Kung ako siya, hindi ko kayang kitilin ang sarili kong buhay dahil sa iniwan ako ng isang lalake. Mataas ang pain tolerance ko. Nasasaktan ako pero panandalian lang. Kaunting patak ng luha, punas kaagad at babalik na ako sa pagiging matigas.

Pero hindi ko magawang husgahan si Piyang. Hindi kasi lahat ng tao ay pare-parehas ng pain tolerance. Pwedeng 'yong mababaw na problema para sa iba ay malaki na para kay Piyang. 

Napatingin ulit ako kay Aling Salome na panay ang sigaw ng 'tulungan n'yo ang anak ko' habang isinasakay si Piyang sa isang taxi na nasa unahan ng kotseng sinasakyan ko. 

Kung ako ang tatanungin, hindi na aabot si Piyang sa ospital. Base sa mga tuyong dugo na nakita ko sa pupulsuhan niya—na ngayon ay may nakataling panyo na puno ng dugo, mukhang kanina pa iyon. Paniguradong nagkulong siya sa kwarto kaya hindi kaagad naagapan nila Aling Salome.

"Ma'am Devon, hindi ba Nursing student kayo? Bakit hindi n'yo tulungan si Piyang?"

Pinanood ko muna na makaalis ang taxi na sinasakyan nila Piyang bago ako sumagot kay Kuya Gab.

"What can a first-year Nursing student like me do in such a situation, Kuya? Obviously, kailangang dalhin kaagad sa ospital si Piyang before it's too late." Umirap ako at alam kong nakita niya 'yon mula sa rearview mirror. 

Natawa na lang siya sa reaksyon ko. Limang taon na siyang nagtatrabaho sa amin at mukhang sanay na siya sa ugali ko. Sadyang mainitin talaga ang ulo ko kapag kinukulit ako o walang sense ang tanong sa akin. 

Tahimik akong tao pero para akong bomba kapag napuno, sumasabog. Well, depende pa rin naman sa taong kaharap ko kung paano ako mag-react.

"Pikon naman ni Ma'am Devon. Parang noon lang nagpapaturo ka pa sa 'kin ng Algebra tapos iniiyakan mo ako kapag hindi mo ma-gets," pang-aasar niya. 

"Huwag mo 'kong kausapin, Kuya. May regla ako."

Natawa na lang siya sa sinabi ko. Ayaw na ayaw ko talaga na inaasar ako kaya napairap ako at tumingin ulit sa bahay nila Aling Salome.

Unti-unting nagsialisan ang mga taong nakikiusyuso kanina. Sa dami ng mga tao, sa isang lalake lang napako ang atensyon ko.

Nakasandig siya sa isang poste sa mismong harap ng bahay nila Aling Salome, limang metro ang layo mula sa bintana ko. 

Nakasuot siya ng itim na jacket, itim na pantalon at itim na sapatos. Nasa loob ng bulsa ang mga kamay niya. Hindi ko makita ang mukha niya dahil bukod sa nakayuko siya ay nakasuot din sa ulo niya ang hood ng jacket.

Hindi ko alam kung bakit pero sa kaniya na lang nakatutok ang mga mata ko. 

Nang umandar ang kotseng sinasakyan ko ay dahan-dahang umangat ang ulo niya at nagtama ang mga mata naming dalawa.

Siya na naman.

Makapal na mga kilay, medyo singkit na mga mata, matangos na ilong, manipis na mga labi, at itim na bangs na nakaharang sa kanang mata niya.

Umangat ang sulok ng labi niya, dahilan para maramdaman ko ang kakaibang lamig sa gulugod ko. 

Bago tuluyang makaalis ang kotseng sinasakyan ko ay nakita ko pa kung paano unti-unting naging itim ang lahat ng parte ng mga mata niya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status