Share

Chapter 1

ABALA si Cryzel sa pagkuha ng sukli ng ibinayad sa kaniya ng isang masugid nilang Costumer nang tumunog ang ring tone ng cellphone niya. Nang matapos ibigay ang sukli, bumalik siya sa counter at napakislot nang biglang nag-ring ang kaniyang cellphone. 

Kinuha niya ang cellphone sa ilalim ng counter at tiningnan kung sino ang caller. Nang makitang ang kaniyang kapatid na si Honey ang tumatawag agad niyang sinagot iyon. 

Madalang lang kung tumawag si Honey sa kaniya. Minsan tumatawag si Honey kapag kinakailangan o may emergency. Hiniling ni Cryzel na sana may kailangan ang kapatid at hindi emergency lalo kapag ibang emergency na ang pinag-uusapan. Inilagay niya sa taenga ang cellphone. Magsasalita pa lang sana siya para batiin ang kapatid ng isang magandang tanghali ng magsalita ito.

"Ate! Si itay, naaksidente sa construction site! Kailangan ka namin dito sa FGH ate. Hintayin ka namin ate, papunta na rin dito si inay." naghihisteryang ani Honey. Nilukob si Cryzel ng nerbiyos at pangamba sa narinig mula sa kapatid.

"Okay, pupunta na ako." aniya at pinatay agad ang tawag. Kinuha ni Cryzel ang clutch bag na nakatayo sa drawer sa ilalim ng counter at inilagay ang cellphone roon.

Nagmamadali siyang lumabas ng counter at nilapitan si Priah na abala sa pagseserve at pag-aasikaso sa mga pumapasok at kumakain na costumer. Isa si Priah Angeles sa mapagkakatiwalaan niyang empleyado.

Bukod kay Priah meron pa siyang dalawang empleyado si Karl Steve Damus, na kasalukuyang nasa labas at naghahatid ng deliver ang isa naman ay si Mhelerie na kasalukuyan nasa Employee's Room at nananghalian.

"Priah." tawag niya sa dalaga nang ilang metro ang layo niya rito. Dalawamput-isang taong gulang pa lamang ito. Batang-bata pero batak na sa pagtratrabaho. Lumingon ang dalaga sa kaniya at nginitian siya.

"Good day, Ate. May kailangan po ba kayo?" tanong ni Priah.

Ang tawag sa kaniya dati ni Priah ay Ate Boss, pero ipinaggiitan niya na Ate nalang ang itawag sa kaniya dahil wala namang iba sa kanila. Masyadong pormal kapag Boss. Gusto niyang iparamdam sa kaniyang mga empleyado na pamilya ang turing niya sa mga ito at hindi isang empleyado.

"Pwede bang kayo muna ni Mhelerie ang magbantay rito sa Restaurant? I think kaya niyo naman, diba? Pasensiya na nagkaroon ng emergency, naaaksidente si itay sa construction site na pinagtratrabahuhan." aniya. Kumislap ang kalungkutan sa mukha ni Priah nang sabihin niya ang nangyari sa kaniyang ama. Tumango-tango si Priah.

"I'm sorry to hear that news ate. Naiintindihan ko po. Sige po, okay lang po. Baka patapos na si Ate mananghalian. Punta na kayo, Ate. Mag-iingat kayo." anito at bahagyang ngumiti.

Sobrang nagpapasalamat si Cryzel sa kaniyang mga empleyado na naging kaibigan at parang kapatid na rin niya. Kasama na niya ang magkapatid noong nagsisimula pa lamang siya apat na taon na ang nakakaraan.

Nagsimula lang siya sa isang maliit na karinderya hanggang sa dumami ang kaniyang costumer at nang nakapag-ipon ng sapat na halaga ay nagtayo na siya ng sariling restaurant. Ngunit, kinailangan pa rin niyang mag-loan pandagdag sa kakailanganin sa negosyo. Hinawakan niya ang kamay ni Priah at pinakatitigan.

"Gusto kong magpasalamat sa inyo ng marami, dahil hindi niyo ako iniwan. Darating ang araw na matutumbasan ko ang pagiging tapat ninyo sa akin bilang mga empleyado ko. Maswerte ako dahil ibinigay kayo ng Diyos sa akin." madamdaming pahayag ni Cryzel. Hindi tuloy niya maiwasang maluha dahil sa labis na kagalakan na nag-uumapaw sa kaniyang puso. Pinisil ni Priah ang kaniyang kamay.

"Kami dapat ang magpasalamat sa inyo, Ate Cryzel. Dahil ibinigay ka ng Diyos sa amin. Mahirap makatagpo ng Boss na kagaya mo na laging nandiyan kapag kailangan namin. Binabalik lang namin ang kabutihan na ipinapakita mo samin. Kaya salamat din ate, kasi dahil sayo natutugunan namin ang mga pangangailangan namin." ani Priah. 

Niyakap niya si Priah ng mahigpit. Nang kumalas si Cryz sa pagkakayakap, nagpaalam na siya at lumabas ng Restaurant tsaka sumakay sa kaniyang Mio patungo sa hospital.

NANG makarating si Cryzel sa Ferria General Hospital o FGH, isang pampublikong hospital sa bayan di kalayuan sa Restaurant na pag-aari ni Cryzel. Hinango ang Ferria sa anak na babae ng may-ari niyon. Ipinark niya ang kaniyang sinasakyang Mio sa parking area ng hospital at dali-daling bumaba para tinungo sa entrance ng hospital. Lakad-takbo ang ginawa niya para lang makarating sa loob ng hospital. Sobrang nag-aalala si Cryzel sa kaniyang ama. Hindi niya ata kaakyanin kapag may nangyaring masama rito.

Hindi man maganda ang trato sa kaniya ng kaniyang ina, maayos naman ang pakikitungo sa kaniya ng kaniyang ama na labis niyang ipinagpapasalamat at iyon ang nagsilbing lakas ng loob niya sa araw-araw na buhay. Syempre, kasama na rin ang kaniyang kapatid na laging nariyan para sa kaniya upang damayan siya.

Lumapit siya sa Information Desk at itinanong sa nars na naroon kung anong numero ang silid ng kaniyang ama. Agad namang tinugon iyon ng nars.

"Room 521 mam, sa kanang bahagi sa dulo po ng pasilyong ito." ani ng nurse at inilahad ang kamay sa pasilyo para mas maibigay ang tamang direksyon sackaniya. 

Tiningnan niya iyon at tumango-tango si Cryzel bilang pagsang-ayon. Tiningnan niya ang pangalan ng nars na nasa kaniyang name plate na naka-pin sa kaliwang bahagi ng unipormeng suot.

"Salamat po, Nurse Annica Salcedo." magalang na pagpapasalamat ni Cryzel sa nars.

Ngumiti sa kaniya ang nars at ipinagpatuloy ang ginagawang pagchecheck sa chart na hawak. Tumalikod na siya at tumakbo patungo sa pasilyong itinuro ni Nars Salcedo at pagdating sa dulo lumiko siya pakanan at tiningnan ang bawat painting madaraanan. 

Laking pasasalamat ni Cryzel nang makita ang silid na inuukopa ng kaniyang ama, ito'y nasa pangalawang silid sa pinakadulo. Huminga siya ng malalim at ipinihit ang seradura ng silid. Nang mabuksan niya ang pinto, tumambad sa kaniyang harapan ang kaniyang ama na nasa kama at nakahiga. 

May tubong nakakabit sa kaniyang bibig at may mga aparato sa tabi na magmonitor ng heartbeat niya at sa mga ibang kondisyon ng katawan nito. Hindi niya napigilang mapatakip sa kaniyang bibig para pigilin ang hikbing nais kumawala roon dahil sa labas na panlulumo sa nakita.

Lumapit siya sa kaniyang ama at pinakatitigan ito at marahang hinaplos ang pisngi ng ama. Pinigilan ni Cryzel ang sarili na maiyak, hindi ito ang tamang panahon para panghinaan siya ng loob kailangan siya ng kaniyang ama kaya kailangan niyang magiging matatag. Kung magiging mahina siya, paano nalang ang kaniyang kapatid at ina? Yun ang laging nasa isip ni Cryzel.

Biglang bumukas ang pinto at pumasok roon ang Doktor na lalaki na sa tantya ni Cryzel nasa trenta ang edad. Hindi maipagkakaila ang taglay nitong kagwapuhan. Ngumiti ang Doktor sa kaniya ng magtama ang kanilang mga mata. Sinuklian rin iyon ni Cryzel ng isang matamis na ngiti, ngunit bigla siyang sumeryuso nang maalala ang kondisyon ng kaniyang ama.

"Kamusta na po si itay, Doc?" nag-aalala niyang tanong niya. 

Mahihimigan sa kaniyang boses ang pag-aalala sa ama at takot sa mga posibilidad na kinahitnan ng aksidente sa katawan ng nito.

"Bago ang lahat, magpapakilala muna ako. Ako si Dr. Christian Untalan, sa ngayon maganda at maayos na ang kondisyon ng iyong ama at dahil sa nangyari, madaming nawalang dugo sa kaniyang katawan at kailangan niyang salinan ng Type O na dugo. 

Naubusan na rin ng Type O na dugo rito sa hospital. Kaya kailangan may mag-donate. Ang iyong kapatid ay nasa Blood Letting Room at kinukuhanan na ng dugo. Kailangan na maisalin mamayang alas-kwatro ng hapon kay Mr. Lorenzo ang dugo. Pwede ka ba? Kasi kailangan pa namin ng isa pang bag ng dugo." tanong ni Dr. Untalan sa kaniya. Walang pag-aalinlangang tumango si Cryzel bilang pagtugon.

"Opo, para po sa mas lalong ikabubuti at ikaaayos ng kalagayan ni itay. Gagawin ko po. Saan po pwede magbigay ng dugo?" tanong niya. Kung yun ang kailangan, gagawin iyon ni Cryzel. Hindi niya hahayaang mawala sa kaniya ang kaniyang ama.

"Halika, samahan kita sa bloodletting room." ani Dr. Untalan at tumalikod tsaka naglakad palabas ng silid habang nakasunod si Cryzel rito.

HINDI MAIWASAN ni Cryzel na kabahan habang nagmamadaling maglakad patungo sa bloodletting room kasama ang isang nars na siyang mag-eexamin ng kaniyang dugo, nagpaiwan si Dr. Untalan dahil may kailangang asikasuhin na pasyente. Pagdating nila sa bloodletting room, biglang bumukas iyon at lumabas ang kaniyang kapatid na si Honeyzel.

"Ateee!" sigaw niya.

Patakbong lumapit sa kaniya Honeyzel at niyakap siya ng mahigpit. Niyakap din niya pabalik ang kapatid, at marahang hinagod ang likod. Naramdaman niya ang pagkabasa ng suot na white t-shirt. White shirt at slacks kasi ang uniporme ni Cryzel sa kaniyang restaurant at sa harapan niyon ay may nakalagay na C. Restaurant. 

Kumalas si Cryzel sa pagkakayakap sa kapatid at pinakatitigan ito. Pinunasan niya ang luha ng kapatid na dumaloy sa kaniyang pisngi gamit ang kaniyang hinlalaki. Ngumiti siya para iparamdam sa kapatid na nasa tabi siya nito at magiging maayos ang lahat.

"Magpakatatag ka. Kaya natin ito, okay? Matapang si itay. At alam ko na kaya niyang lampasan ang pagsubok na ito sa kaniya. Si itay pa ba?! Nandito lang ako para sa'yo at hindi kita pababayaan." pampapalakas-loob ni Cryzel sa kapatid. Tumango si Honeyzel sa tinuran niya at ngumiti.

"Salamat, ate sa pagpapalakas ng loob sakin. Tama ka nga, dapat maging matatag at hindi panghihinaan ng loob." ani Honeyzel. Magsasalita na sana si Cryzel ng kunin ang atensyon niya ang nars.

"Ma'am tara na po rito si loob, para masuri na rin po ang dugo niyo at pwede kang kuhanan ng dugo." anang nars na nasa loob na ng silid at nakasilip sa labas para sabihan si Cryzel. Tinapik niya ang balikat ng kapatid.

"Mamaya na tayo mag-usap. Hintayin mo ako sa silid ni itay. Gawin mo Ang mga dapat gawin lalo at katatapos mo lang mag-donate ng dugo." paalala ni Cryzel at pumasok na sa loob.

MATAPOS kuhanan ng nars na sumama sa kaniya sa bloodletting room si Cryzel ng dugo para e-examin muna iyon ng ilang minuto. Naghintay muna si Cryzel, umupo siya sa monoblock chair na nasa sulok. Habang hinihintay ang resulta. Kinuha niya sa clutch bag ang kaniyang cellphone at tinawagan ang numero ng Restaurant. Dalawang ring ang nakalipas hanggang sagutin iyon ng kung sinuman ang taong nakasagot niyon.

"Good day, Ateee! Mhelerie po ito, kamusta na po ang iyong itay? Sobrang nag-aalala kami rito ate, okay ka lang ba diyan?" sunod-sunod na tanong ni Mhelerie.

Hindi maiwasang mapangiti at the same time, magalak si Cryzel dahil sa ipinapakitang pag-aalala ng kaniyang mga empleyado. Iba talaga ang nagagawa ng kabaitan sa isang tao, dahil susuklian iyon ng taong ginawan mo ng mabuti.

"Salamat, Mhelerie. Ayos lang si itay, kailangan lang salinan ng dugo dahil madaming nawalang dugo sa kaniya.  Kamusta kayo diyan? Ayos lang ba kayo diyan?" tanong ni Cryzel kay Mhelarie.

"Oo naman po, ayos lang po kami. Huwag niyo po kami intindihin, gagawin po namin lahat para makarami kami ngayon.— biglang tumigil sa pagsasalita si Mhelarie, marahil may kausap.—"Ate pasensiya na, may ginawa lang ako." hinging-paumanhin ni Mhelarie sa kaniya. Nakita ni Cryzel na lumabas ang nars na nag-examine sa kaniyang dugo sa silid na nasa harapan niya.

"Oh sige na, ibababa ko na ang tawag. Nandito na ang nars na nag-examine ng dugo ko." ani Cryzel kay Mhelarie.

"Okay. Ate." ani Mhelarie. 

Pagkatapos, pinatay na ni Cryzel ang tawag at tumingin sa nars. Kababakasan ng lungkot, awa at pagkalito ang mukha ng nars.

"Ano po ang resulta, nars? Ayos lang po ba na mag-donate ako?" tanong ni Cryzel.

Ibinuka na ng nars ang bibig para magsalita, pero bago pa may lumabas na kataga sa bibig niya biglang bumukas ang pinto ng bloodletting room at humahangos na dumating ang kaniyang ina. Napatayo si Cryzel sa gulat.

"Inay?"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status