Share

The Confidence Trick
The Confidence Trick
Author: Ukiyoto Publishing

Prologue

 

"...Si Montealto pala ang nanalong presidente," ani ng isa sa mga preso na may hawak na diyaryo na ipinahiram sa kanya ng isa sa mga pulis, "Hindi nanalo 'yung manok ko... Talo na naman ako sa pustahan..."

Ngumisi lamang ang isa pang preso na nakaupo sa sahig at nakasandal ang likod sa pader. Wala itong suot na pang-itaas, at abala sa pag-ahit ng buhok niya sa kili-kili gamit ang isang maliit na labaha. "Sus... Kahit sino naman ang manalo diyan, hindi naman uunlad ang mga buhay natin. Yayaman lang lalo ang mga mayaman, at maghihirap lang lalo ang mga mahihirap na katulad natin. Hindi ba, Lucas?"

Tumango si Lucas habang inaayos ang sintas ng sapatos niya. Bagong-ligo ito at nakasuot ng isang asul na polo na kupas na ang kulay sa ibabaw ng isang manipis at lumang t-shirt. Inayos niya rin ang pagkakakuskos ng maong na pantalon niya na medyo masikip na dahil hapit na ito sa binti niya.

"Ganun ang buhay eh..." tugon ni Lucas, "Kaya nga ako nakulong eh. Dahil mahirap lang ako. Kayo rin naman, hindi ba? Hindi patas ang hustisya sa mga taong walang pera."

"Tama." Patango-tango pa ang pinakamatandang preso sa selda nila. "Totoo 'yang sinabi mo."

"Pero Lucas..." ani ng matabang preso na naupo sa tabi niya, "Bakit ka nga ba nakulong?"

"Nakalimutan mo na ba?" ani ng presong nag-aahit ng buhok niya sa kili-kili. Mula sa kaliwa ay nakalipat na siya sa kanan, "Nakulong dito si Lucas dahil ginamit siya ng mga kasamahan niya sa pagnanakaw. Nabalita nga 'yun nung nasa labas pa ako eh. Grabe 'yun..."

"Ah, parang narinig ko rin 'yun eh. Kayo ba 'yung sumubok magnakaw sa bahay nung pulitiko?"

"Hindi sila 'yun, bobo... Iba naman 'yun. Bangko ang pinunterya nina Lucas."

Manghang-mangha ang preso dahil sa napagtanto. "Grabe pala 'yun... Ibang klase. Ang astig mo pala!"

"Astig ka diyan. Ano ba ang astig dun eh nakulong nga ako." Ngumiti na lamang si Lucas habang umiiling-iling. "Pero alam mo, hindi ko pinagsisisihan na ginawa ko 'yun. Nanggaling naman sa masama ang ninakaw namin eh. Kapag ganun, hindi ka masyadong makokonsensya. Mas masayang nakawin ang maruming pera dahil hindi ka basta pwedeng isumbong nung pinagnakawan mo na magnanakaw rin katulad mo."

"Eh bakit ikaw lang ang nakulong?" tanong sa kanya ng matabang preso.

"Minalas lang talaga ako... Kahit naman magaling at matalino ka, kapag malas ka... Malas ka talaga. Mahirap kontrahin 'yun."

Napanguso na lamang ang isa sa mga presong kasama niya habang tumatango-tango. "Ang mahalaga naman, lalaya ka na ngayon. Pero 'yung totoo nga, Lucas... Bakit ba ang talino mo? Kapag kasama ka namin, nagmumukha kaming mga walang utak. Lahat ng lumalabas sa utak mo... sobrang astig."

Napangiti lamang si Lucas, at pasimpleng nagkamot ng batok. "Mahilig lang talaga akong magbasa. Nakakatulong 'yun."

Napangiwi ang pinakamatandang presong kasama nila. "Nakakatamad naman kasing magbasa. Buti sana kung komiks 'yan kagaya nung sa panahon ko. Hindi nakakabagot."

Pinagtawanan siya ng isa pang preso na kakaupo pa lamang sa tabi ni Lucas. Punong-puno ito ng tattoo sa katawan. "Kaya naman pala mapurol ang utak mo..."

Nasa kalagitnaan sila ng pagtatawanan at pag-uusap nang biglang buksan ng isang pulis ang kulungan kung saan sila naroon. Kasama nito si Chief Inspector Oscar Ramirez, na agad itinuon ang tingin kay Lucas.

"Lucas Rivera, tumayo ka na diyan," ani ng chief inspector, "Laya ka na..."

Tumayo si Lucas mula sa papag na kinauupuan, kinuha ang backpack at isinukbit ito sa likod, bago tinapik ang mga balikat ng mga kaibigan niyang preso at kinawayan ang iba pang mga nakasama niya sa loob ng seldang iyon sa loob ng limang taon. Nagpaalaman muna sila ng mga kasama na naging kasundo niya sa loob niya roon, bago tuluyang lumabas at hinarap ang chief inspector.

"Ang sweet mo naman, Inspector. Talagang andito ka sa araw ng paglaya ko." Bakas ang pang-aasar sa tinig ni Lucas.

Nanatiling seryoso ang mukha ng pulis. "Gusto lang kitang makausap bago ka tuluyang makalabas dito."

Tumango-tango na lamang si Lucas, bago nila magkasabay na dinaanan ang iba pang mga selda. Maya't mayang kinakamayan at hina-high five ni Lucas ang iba pang mga preso doon na nakasundo niya, habang kasama niyang naglalakad si Chief Inspector Ramirez.

"Magsabi ka ng totoo, Lucas..." seryosong saad ng pulis, "Kasama mo sina Ortega sa planong 'yun, tama?"

"Bakit sa akin mo tinatanong 'yan, Ramirez? Trabaho ninyong alamin ang lahat tungkol sa kasong 'yun..." Lucas sounded like he was provoking him.

"Hindi naman namin sila pwedeng habulin at ipakulong dahil hindi mo naman kinukumpirma na kasamahan ka nila. Wala kaming sapat na ebidensya para idiin sila... Ikaw lang," tugon sa kanya ni Oscar. There was an evident sincerity in his voice.

"Huwag na nating ungkatin ang nangyari, Ramirez..." kalmadong tugon ni Lucas, "Tapos na ang lahat. Nangyari na ang nangyari. At isa pa, napakulong niyo na ako. Limang taon na ang lumipas, at matagal nang nilimot ng lahat ang kaso. Ikaw na lang ata ang hindi nakaka-move on."

"Hahayaan mo na ganun-ganun na lang? Nakulong ka nang dahil sa kanila, Rivera. Alam natin pareho na ikaw lang ang ginamit nilang fall guy para makalusot sila. Nakulong ka ng limang taon dahil sa kanila..."

Umiling-iling na lamang si Lucas habang nakangisi. "Kahit pa sabihin ko sa'yo na kasamahan nila ako at ginamit lang nila ako, ikukulong niyo pa rin naman ako, hindi ba?"

The chief inspector was taken aback. "S-syempre ikukulong ka pa rin namin... Pero kung isinuplong mo sila, eh 'di sana hindi ka mag-isang nakakulong dito. At kahit papano, nabawasan ang sintensya mo."

"Ayoko silang makita. Kung makukulong din sila, posibleng magsama-sama kami sa isang selda. Baka mapatay ko silang lahat," Lucas' expression darkened, but the sly smirk remained, "Kapag nagkataon, wala na akong pag-asang lumaya nun, hindi ba? I just chose the lesser evil, Chief Inspector Ramirez."

"Pero nagsayang ka ng limang taon dito sa kulungan..."

Lucas smiled at him. "Hindi naman. Marami din naman akong natutunan sa loob ng limang taon na 'yun. Nakapag-isip din ako. Medyo hindi okay 'yung pagkain at tulugan, pero okay ang mga kasama ko. They're good people."

Umiling-iling na lamang ang chief inspector. "Hindi ka dapat sumali sa kalokohan nina Ortega, Lucas. Matalino ka. Malayo sana ang narating mo kung ginamit mo ang talino mo sa mabuti."

Lucas chuckled, before a smirk emerged on his thin, pinkish lips. "You know, I always believe that life is a game. But the game is rigged, and it definitely does not reward people who play by the rules."

"And you think you can justify your crimes by believing in that?"

"No," Lucas said in a high-pitched tone, just like a kid, while shaking his head, "But it will make me feel less bad about the crimes I did."

Umiling-iling na lamang ang pulis habang naglalakad sila papunta sa front desk kung saan pipirma si Lucas ng ilang mga papeles bago siya tuluyang makalabas.

"Kapag gumawa ka ulit ng kalokohan, sisiguraduhin ko talagang hindi ka na basta makakalabas ng kulungan, Rivera."

Isang maaliwalas na ngiti ang gumuhit sa mukha ni Lucas habang pinipirmahan ang mga papeles na iniabot sa kanya ng isa sa mga pulis. Ibinigay sa kanya ang isang kopya, at ibinalik niya naman ang ballpen na ginamit sa desk. Pagkatapos ay muli niyang ibinaling ang tingin kay Ramirez.

"At sa tingin mo, magpapahuli pa ako?"

Hindi agad nakatugon si Chief Inspector Ramirez, na tila nag-isip muna ng isasagot kay Lucas. Hindi nagtagal ay sumilay ang isang ngisi sa mukha nito.

"Sira ulo ka talaga, Rivera."

Isang masiglang tawa lamang ang isinagot ni Lucas sa pulis, bago ito tuluyang lumabas ng gate ng city jail dala ang iilang gamit na nakapaloob sa isang backpack.

Sinundan na lamang siya ng tingin ng chief inspector, at pumasok lamang muli sa loob nang hindi niya na makita ang likuran ng bagong-layang binata.

 

 

 

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status